“Wala ka bang napupusuan sa mga prinsipe na ihinarap ko sa iyo, Prinsesa Parisse?” tanong ni Haring Andros habang kaharap ito sa bulwagan.
“Wala po, Amang Hari.” Kaaalis lang ni Prinsipe Alegre at bumalik na sa Kaharian nito. Bagamat maganda ang naging pagtanggap niya dito, nilinaw niya na wala siyang intensiyon na pakasalan ito. Nasa kay Lerome pa rin ang puso niya.
“Napakapihikan naman ng mahal na prinsesa,” wika ng Punong Ministro ng Tarragon. “Ihinarap na namin ang karamihan ng matitipuno at makikisig na prinsipe mula sa mga makapangyarihang kaharian. Pero wala ka pa ring nagustuhan.”
“Sabihin mo sa akin, anong uri ng prinsipe ang hinahanap mo? Marami pang nais na pumunta ng Tarragon para hingin ang kamay mo,” sabi ni Haring Andros.
Taas-noo niyang sinalubong ang tingin ng ama. “Gusto ko pong mamuhay sa mundo ng mga tao, Amang Hari.”
Napasinghap ang lahat. Maliban kay Reyna Yelena na inaasahan na ang sasabihin niya. “Pero ano ang gagawin mo sa mundo ng mga tao, Parisse?” nahihindik na tanong ni Haring Andros. “Prinsesa ka sa kahariang ito. Isa ka sa makapangyarihan. Ano pa ang mahihiling mo? Mas gusto mo bang matulad sa suwail mong kapatid?”
“Hindi pagsuway ang pagtira sa mundo ng mga tao, Ama,” wika niya. Prinsesa nga siya sa Tarragon pero parang nasasakal naman siya.
Itinuktok ng Punong Ministro ang hawak na mahabang baston sa sahig at lumabas ang mga imahe sa pagitan nila at ng trono ng hari at reyna. Parang isa iyong telebisyon na palipat-lipat ng istasyon. Naroon ang lahat ng masasamang nangyayari sa mundo ng mga tao. “Ito ba ang gusto mong pamuhayan, mahal na prinsesa? Magulo ang mundo ng mga tao. Sinasaktan nila ang kapwa niya. Sinisira nila ang sarili nilang mundo. Sa paglipas ng panahon ay walang nagbago sa kanila. Patuloy lang sila sa pagsira sa sarili nila.”
Muli nitong itinuktok ang baston at napalitan ang mga imahe. Naging imahe ng magandang mundo ng Tarragon. “Hindi katulad sa ating mundo. Napanganga-lagaan natin ang paligid natin. Bawat isa ay nagtutulungan at nagdadamayan. Lahat ay malayang namumuhay. At lalong umunlad ang Tarragon sa pamamahala ng iyong Amang Hari. Ito ang pamana niya sa iyo. Bakit gusto mo pa ring lisanin ang mundong ito, mahal na prinsesa? Dito ka nababagay.”
“Mas kailangan ako sa mundo ng mga tao,” matapang niyang wika. “Gusto kong turuan ng leksiyon ang mga tao. Ituwid ang mga gawi nila na inaakala nilang tama. Gusto kong sagipin ang mundo. Gusto kong sagipin ang mga hayop na inosenteng namamatay dahil sa pagkasira ng kalikasan.”
Tumikhim ang Punong Ministro. “Pero ikaw ang prinsesa namin. Kailangan ka rin ng mga hayop na namumuhay dito. Hindi ba’t mga kaibigan mo sila?”
Ngumiti siya. “Mga kaibigan ko nga sila. Pero hindi naman sila nanganganib dahil napangangalagaan sila dito sa Tarragon. Di tulad sa mundo ng mga tao. Mas may silbi ang kapangyarihan ko sa mundo nila kaysa dito.” Pakiramdam niya bilang isang prinsesa ay palamuti lang siya sa palasyo.
“Wala akong nakikitang masama kung magmalasakit man ang anak ko sa mundo ng mga tao,” mariing wika ni Reyna Yelena. “Ang mundo ng mga tao ay ang mundo kung saan ako nagmula. Hindi lang ang Tarragon ang mundo ng anak kong si Parisse. Mundo rin niya ang mundo ng mga tao. Kung sa palagay natin ay doon siya higit na makakatulong, hayaan natin siya.”
Pasimple niyang itinaas ang hinlalaki bilang pasasalamat sa nanay niya. Hindi pa rin nito nakakalimutan ang pagiging isang tao kahit reyna na ito ng Tarragon.
Tumayo si Haring Andros. “Kailangan ka nga sa mundo ng tao, Parisse. Pero alalahanin mo na prinsesa ka pa rin ng Tarragon. May mga responsibilidad ka pa rin na dapat harapin dito. May tungkulin ka sa mamamayan ng Tarragon.”
“Nais kong makipagkasundo, Ama!”
Kumunot ang noo ni Haring Andros at umugong ang bulungan sa bulwagan. “Anong nais mong ipagkasundo?”
“Payagan ninyo akong mamuhay sa mundo ng mga tao at ibabalik ko sa inyo ang tagapagmana ng trono ng Tarragon. Ibabalik ko si Prinsipe Cid.”
“Bakit iyan ang naisip mong solusyon, Prinsesa Parisse?” tanong ng ama niya.
“Siya ang higit na kailangan ng Tarragon. Higit siyang makapangyarihan sa kahit sino sa atin. Bilang susunod na hari ng Tarragon, wala siyang dahilan para manatili sa mundo ng mga tao. At nararamdaman ko na wala rin akong silbi dito sa kahariang ito. Kung maibabalik ko siya, magagampanan na niya ang tungkulin niya at higit niyang mapapaunlad ang Tarragon. Habang ako naman ay makakapamuhay sa mundo ng mga tao at makakatulong sa kanila.”
Nagkaroon ng pagtatalo sa paligid ng bulwagan. Mataman siyang tinitigan ni Haring Andros. Parang nililimi ang lahat ng sinabi niya. Itinaas nito ang kamay. Ibig sabihin ay handa na itong magbigay ng hatol. Natahimik ang lahat, naghihintay kung ano ang magiging desisyon ng hari.