Chapter Sea Enchantress: 13

Dahan-dahang naglakad palapit sa kanya si Haring Andros. Sa gulat niya ay nakangiti ito sa kanya. “Pumapayag na akong mamuhay ka sa mundo ng tao.”

“Ama!” Niyakap niya ito nang mahigpit. Nawala ang harang sa pagitan nila bilang hari at prinsesa. Sa halip ay natira lang ang pagiging mag-ama nila. “Salamat po! Pagbubutihan ko ang pagkumbinsi kay Kuya Cid na bumalik dito.”

Bigla siyang kumalas sa pagkakayakap dito nang maramdamang nakatingin na sa kanila ang lahat. May nalabag siya sa mga batas ng palasyo tungkol sa tamang pakikitungo kapag nasa bulwagan ng hari. Bawal na basta-basta yakapin ang hari o ang reyna. Kahit pa siya ang prinsesa. Di rin maaring tawagin na ama lang ang hari. Dapat ay Amang Hari. At di rin pwedeng kuya ang itawag niya sa kapatid. Dapat ay prinsipe. “Ang ibig kong sabihin ay si Prinsipe Cid po,” pagtatama niya.

Tumawa lang si Haring Andros. “Hindi mo dapat pilitin ang kapatid mo na bumalik dito kung ayaw niya. Maari mo lang siyang kumbinsihin pero gusto ko na kusa siyang babalik sa Tarragon. Isa pa, hindi iyon ang dahilan kung bakit pinayagan kitang mamuhay sa mundo ng mga tao.”

“Ano po?” tanong niya.

“Bilang ama mo, natutuwa ako dahil nalalaman mo na kung ano ang tunay mong responsilidad at kung paano mo gagamitin nang tama ang kapangyarihan mo. Hindi ako nagkamali ng pagpapalaki sa iyo.”

Sa pagkakataong ito ay si Haring Andros na ang yumakap sa kanya. Naramdaman din niya ang pagyakap sa kanya ni Reyna Yelena. Nakita niya ang pagluluha ng mga mata nito. Matagal na nila iyong di nagagawa mula nang maging hari at reyna ang mga ito ng Tarragon. Ngayon ay simpleng pamilya lang sila na sinusuportahan ang isa’t isa. “Maraming salamat po!” wika niya.

“Parisse, may batas ang kalikasan na dapat kang sundin sa pagpunta mo sa mundo ng mga tao,” wika ni Reyna Yelena. “Wala kang karapatan na baguhin ang natural na sistema ng kalikasan.”

“Ano pong ibig ninyong sabihin, Ina?”

“Sa mundo ng mga hayop, may malakas at mahina. May sistema sila sa paghahanap ng pagkain para mabuhay. Magkakaroon ka ng mga kaibigan na maaring nais mong protektahan mula sa mga kaaway nila. Hindi mo iyon maaring gawin. Hindi ka maaring manghimasok sa paraan ng kalikasan. Maari mo lamang sagipin ang mga hayop mula sa panganib na dala ng mga tao.”

Tumango siya. “Naiintindihan ko po, Ina.”

“Pangalawa, kailangan kang bumalik sa Tarragon bago ang bagong buwan. Mahina ang kapangyarihan mo sa mga panahong iyon. At hindi natin alam ang epekto sa iyo ng bagong buwan kapag nasa mundo ka ng tao. Malaki ang posibilidad na tuluyan kang mapahamak. Tandaan mo iyan.”

Di tulad ng kapatid niyang si Cid na walang epekto ang pagsikat ng bagong buwan maliban sa pagkawala ng kapangyarihan nito, pinangangambahan ng mga magulang niya na di lang kapangyarihan niya ang maaring mawala sa kanya. Maaring may iba pang masamang epekto iyon sa kanya. Lalo na’t higit na nakadepende ang kapangyarihan niya sa elemento ng tubig na naapektuhan sa pagbabago ng buwan.

“Tatandaan ko po iyon, Ina.” Ngayon ay malaya na siya. Magagawa na niya ang nakatalagang tungkulin bilang tao at makakasama na niya si Lerome.

“WALA akong planong bumalik sa Tarragon!” mariing wika ng kapatid ni Parisse na si Cid. Nakatira ito sa isang condo sa Makati at nagtatrabaho bilang isang architect. Kung titingnan ay maganda na ang buhay nito bilang simpleng tao.

“Sige na, Kuya. Bumalik na,” pangungulit niya dito. “Tutulungan kita para pumayag na silang pakasalan mo si Iris.” Si Iris ang diwata na naging nobya nito subalit di naman piniling maging reyna ng Luha ng mga Hari.

“Hindi ako babalik dahil lang doon.”

Mataman niya itong tinitigan. “Siguro may ibang babae ka na!”

Dinuro siya nito. “Tumigil ka! Papapangitin kita!”

Humalakhak siya sa pagkapikon nito. Parang normal lang silang magkapatid ni Cid. Noong bata kasi sila ay namuhay sila sa mundo ng mga tao. Madali rin para sa kanila na mag-adapt sa mga bagong kaalaman ng mga tao. Gamit ang kapangyarihan nila, kaya nilang magmanipula. Nagawa niyang magkaroon ng records bilang estudyante sa isang unibersidad sa pamamagitan ng mahika. At kung kinakailangan, kaya nilang manipulahin maging ang utak ng mga tao.

“Ganyan ba talaga ang mga lalaki? Hindi lang makita ang babaeng mahal nila, hahanap na agad ng kapalit.”

“Nandito ka ba para guluhin ang mundo ko? Bumalik ka na sa Tarragon!”

“I am here to save the world, brother! Gusto kong sumali sa isang nature conservation group. Saka kailangan kong matagpuan ang lalaking pakakasalan ko.”

Dumukot ito sa wallet at may ibinigay na calling card sa kanya. “Director ang kaibigan ko sa Philippine Nature Conservation Organization. Sa palagay ko naman tatanggapin ka niya basta sabihin mo lang ang pangalan ko.”

“Pupuntahan ko bukas na bukas din, Kuya.” Nami-miss na niyang makipag-interact sa mga hayop at makita ang mga dati nang kaibigan.

“At tungkol naman sa lalaking pakakasalan mo, hahanapin ko siya para sa iyo. At ibabaon ko siya nang buhay.” Niyakap siya nito sa leeg. “Mas matanda pa rin ako sa iyo. Di ako papayag na mauna kang mag-asawa sa akin. Bata ka pa!”

“Hindi na ako bata, Kuya! In love na nga ako.”

Kinuha nito ang calling card sa kanya at idinikit sa noo niya. “Unahin mo muna ang pagsagip sa mundo bago ang boyfriend. Iniwan mo ang Tarragon dahil gusto mong magkaroon ng silbi. Iyan ang tandaan mo.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.