“Akala ko hindi na kita makikita,” sabi ni Lerome habang nakaupo sila sa beach. Umalis sila sa marine park at tumuloy sa pinakamalapit na resort.
Wala siyang pakialam sa nasa paligid niya. Nakalimutan na niya kung ano ang mga dapat niyang gawin. Nang mga oras na iyon, walang ibang importante sa kanya kundi si Lerome lang. Ito lang ang mundo niya.
“Ako rin. Baka kung magkikita tayo ulit, hindi mo na ako makilala o hindi mo na ako pansinin.” Ganoon naman ang karamihan sa mga lalaki sa mundo ng tao.
“How can I forget you? Nang hindi ka dumating sa usapan natin, akala ko ayaw mo na akong makita. Hinintay kita. Matagal akong naghintay. I even had a dream that I was about to die if only you didn’t save me. Mula noon, tuluyan ka nang hindi nawala sa isip ko. Pinapahanap na kita kung saan-saan pero hindi kita makita. If you only know what you do to me.”
Kahit pala nang mawala siya ay hindi ito basta-basta nakalimot. Hindi ito tumingin sa iba. Hinanap pa rin siya nito. Naghirap ito dahil sa kanya. At kung alam lang din nito, tinangka rin sana niya itong hanapin. “Pasensiya na kung hindi ako nakarating sa usapan natin. Kasi…”
“You don’t have to explain anything. Ang importante nandito ka na. Hindi na kita hahanapin. We already found each other.”
Ginagap nito ang kamay niya at dahan-dahang lumapit ang mukha sa kanya. Kusang bumuka ang labi niya nang hagkan siya nito. Iba iyon sa halik na ibinigay niya noong halos wala itong malay. Mas mainit. Mas puno ng damdamin. At ibinuhos niya ang lahat ng nararamdaman sa halik na iyon.
“At least I know that I am kissing a real one. Not a dream. Nang yakapin mo ako kanina, ayoko na lang magtanong. Basta yakap na kita. And I know that I won’t let you go this time.”
“Sa palagay ko nga hindi na ako makakawala sa iyo. Hindi ka na kasi bumibitiw sa kamay ko,” natatawa niyang sabi. He was just a dream for her as well. And she had to cross two different worlds just to be with him.
“Baka kasi mawala ka na naman.”
“Sa paghawak mo sa akin ngayon, daig mo pa ang nanay na takot mawalan ng anak habang namamasyal sa mall.”
“Siyempre. Kasi baka hindi ko na naman alam kung saang lupalop ka hahanapin.” Tumayo ito at inalalayan din siyang tumayo. “Halika! Kain na tayo.”
Hinila ulit niya ito paupo sa buhanginan. “Pwedeng dito muna tayo? Tingnan mo. Magandang panoorin ang sunset.”
“Iyon na nga. Inabutan na tayo ng paglubog ng araw dito, di ba? Nag-aalala lang naman ako dahil hindi ka pa kumakain.”
Humilig siya sa balikat nito at pinagmasdan ang dagat. “Alam mo ba na isa ito sa mga bagay na gustong-gusto kong gawin kasama ka? I want to watch the sunset with you.” Sa kanya ay iyon ang simple pero napaka-romantic na date.
“Oo nga. Lagi ka na lang kasing nagmamadaling umalis dati.”
Tuwing magkikita sila noon ni Lerome ay di siya dapat na abutin ng paglubog ng araw dahil iyon din ang paglipas ng mahikang iniwan niya sa Tarragon. Limitado tuloy ang oras na magkasama sila ni Lerome. Pero ngayon, kahit anong oras ay maari na silang magkasama.
Ipinikit niya ang mata at nag-hum ng kanta. Naramdaman na lang niya na nakatitig sa kanya si Lerome. Dahan-dahan niyang idinilat ang mga mata. “Iyan na naman. Nakatitig ka na naman sa akin.”
“You don’t only have an enchanting beauty. You also have an enchanting voice. Minsan parang gusto kong isipin na isa kang sea nymph na umahon sa dagat para lang akitin ako,” sabi nito.
“Excuse me! Hindi na kita kailangang gamitin ng powers ko para ma-hypnotize. Maganda na talaga ako. Natural iyan,” pabiro niyang sabi.
Bahagya nitong ikinurap ang mga mata. “Noong una, masaya na akong mag-dive. Sabi ko, ang dagat ang girlfriend ko. But since I met you, the isn’t that appealing anymore if you are not there.”
“At ikaw naman ang pinakaguwapong siyokoy sa dagat na nakita ko,” natatawa niyang sabi at patakbong lumayo dito.
Hinabol siya nito. “That’s not fair, Parisse! Hindi ako siyokoy! Humanda ka sa akin kapag naabutan kita.”
Tumigil siya sa pagtakbo nang maaabutan na siya nito. “Time out muna! Gutom na ako, Lerome. Gusto ko nang kumain.”
Huminga muna ito nang malalim bago siya tuluyang nilapitan. “Magpasalamat ka dahil ngayon lang ulit tayo nagkita. Palalagpasin ko na tinawag mo akong siyokoy. Sa susunod, lagot ka na sa akin.”
“Kahit pa tawagin kitang siyokoy, mahal naman kita,” mahina niyang usal.
Kumunot ang noo nito. “May sinasabi ka ba?”
“Wala. Gutom na ako.” Hindi na niya kailangang sabihin dito kung ano ang nararamdaman niya. Nakikita niya sa mga mata nito na alam na nitong mahal na niya ito. Sana ay di siya nagkakamaling pareho lang sila ng nararamdaman nila.
“GUSTO mo bang bumalik sa island namin?” tanong ni Lerome kay Parisse habang nasa isang café sila. Katatapos lang nilang manood ng isang ballet show sa PICC. Kahit na hectic pa ang schedule nito ay lagi siya nitong magkasama pag-alis nito ng opisina. Bumabawi sila sa mga panahon na hindi sila nagkasama.