"Maari ba tayong mag-usap?" bungad na tanong ni Margaret kay Zari ng magkaharap sila.
Katulad ng lagi nilang paghaharap matalim ang mga mata nito sa pagkakatingin sa kanya.
"Kung iyong tungkol na naman sa halimaw,nag-aaksaya kalang ng panahon mo."
"Lahat gagawin ko pagbigyan mo lang ako sa kahilingan namin."
Biglang sumilay sa mga labi ng babae ang mapanuksong ngiti. Hindi rin nakaligtas sa paningin ni Margaret ang kakaibang kislap sa mga mata nito.
" Talaga? Gagawin mo ang lahat ng gusto ko?"
Tumango lang siya. Lalong lumapad ang pagkakangiti nito sa kanya.
"Hindi ko alam kung anong meron sa halimaw na iyon. Bakit kailangan niyong pag-aksayahan ng panahon."
" Dahil ito lang ang naiisip namin paraan para hindi na makapaminsala pa ang halimaw sa bayan na'to."
"Bakit hindi niyo nalang kasi patayin para matapos na ang problema. Tama lang naman sa kanya ang mamatay." Walang pakundangan na sabi ng babae na parang maliit na bagay lang ang kanilang pinag-uusapan.
"Kahit ano pa man ang ginawa ng halimaw, wala kaming karapatan para hatulan siya ng kamatayan."
"Sobrang maawain niyo naman,"tila nang-uuyam na sabi nito. " Paano kung hingin kong kapalit ay umalis ka dito sa bayan na'to. " Naghahamon nitong tanong.
Inaasahan na ni Margaret na iyon ang hihingin ng babae ngunit hindi pa rin maiwasan hindi kumabog ang dibdib niya dahil sa kaba. At iba pang umahon na damdamin sa kaisipan na maari silang maghiwalay na magkasintahan.
"Ano? Naghihintay ako sa sagot, Margaret."
Lumunok muna siya bago sumagot,para kasing may bikig ang kanyang lalamunan.
"Oo,gagawin ko ang nais mo."
Isang ngiti ng tagumpay ang namutawi sa mga labi ni Zari. Kitang-kita sa mga mata nito ang galak.
"Sigurado ka ba sa desisyon mo, friend?" tanong ni Selene habang nag-eempake ng mga damit si Margaret.
"Oo." Hindi niya magawang salubungin ang mga mata ng kaibigan baka bigla nalang siyang mapabulalas ng iyak.
"Anong sabi ni Haru?"
"Wala siyang alam sa desisyon ko. Hindi naman kami maghihiwalay na dalawa. Aalis lang ako dito dahil iyon ang gusto ni Zari."
"Alam mo naman na iyon lang ang hinihintay ng babaeng iyon,ang mawala ka sa eksena para maagaw niya sa'yo ang fiancee mo. Makakalbo ko talaga ang babaeng iyon!"
"Hindi mangyayari ang iniisip mo. May tiwala ako kay Haru." Humarap siya kay Selene at bahagyang ngumiti.
"Sabagay nga. Alam kong mahal na mahal ka ni Haru. Kaya lang hindi ko lang maisip na maiiwan sila dito."
"May mga kasama naman sila. May tiwala ako sa kanila. Sa ngayon ito lang tanging paraan. Para sa bayan,at sa mga magulang ng halimaw. Walang magulang ang nais mawalan ng anak."
Napangiti narin si Selene," kaya ka mahal na mahal ni Haru. At isa iyan sa mga katangian kung bakit ikaw ang nahirang na tinakda ng Arectia noon."
Habang wala si Haru at Dondon, sinamantala ng dalawa na umalis ng hindi nagpapaalam sa mga ito. Nagpatawag lang sila ng bukyo para may maghatid sa kanila sa bayan kung saan naroon ang terminal ng bus.
Labis man nalulungkot ang babaylan pero hindi siya pinigilan nito sa kanyang desisyon. Habang nasa bayan naisip niyang bumili muna ng pasalubong para sa kanyang pamilya. Naalala niya ang matandang nagtitinda ng masarap na pagkain,kaya naisipan niyang magpaalam narin dito.
Tamang-tama wala masyadong nabili kaya lumapit siya at nagpaalam na.
"Tapos na ba ang bakasyon niyo ng nobyo mo?" tanong nito.
"Hindi po Lola Consuelo,kami lang ng kaibigan kong si Selene ang aalis." Sabay lingon sa katabi niyang babae.
Ngumiti naman si Selene sa matandang tindera.
"Mayroon po pala akong sasabihin lola,huwag niyo na pong alalahanin ang gumagalang halimaw. Hindi na po siya makakapamisala muli sa bayan niyo. Babalik na pong muli ang katahimikan ng San Martin."
Nagliwanag naman ang mukha ng matandang babae dahil sa sinabi niya.
"Talaga? Napaslang naba ni Haru ang halimaw?"
Natigilan naman sandali ang dalaga, "hindi po ganoon lola pero natitiyak ko sa inyo na hindi na papaslang muli ang halimaw."
Napatango-tango nalang ang matanda kahit hindi nito naiintindihan ang ibig niyang sabihin. Ang mahalaga ay wala na ang halimaw sa San Martin.
"Bibili po pala ako ng mga paninda niyo para may maipasalubong sa amin." Agad naman siyang namili ng mga pagkain na nasa harapan. Maging si Selene ay dumampot narin.
Dinagdagan pa ni Lola Consuelo,ang mga pinamili nila. Agad narin siyang nagpaalam dito.
Habang nasa bus,hindi maiwasan ni Margaret ang hindi malungkot. Sobrang bigat ng dibdib niya. Huminga na lang siya ng malalim para kahit papaano mabawasan ang paninikip ng dibdib niya. Tinuon nalang sa labas ng bintana ang mga mata. Pero parang tukso naman na naalala niya ang mga sandaling kasama niya ang binata. Lalo na ang iyong nasa gubat sila. Parang daloy ng tubig na unti-unting nagbalik sa isip niya ang mga naganap.
"Bakit hinayaan niyo siyang umalis?! " Dumadagundong ang boses ni Haru sa buong kabahayan ng malaman na umalis si Margaret. Tahimik naman nakamasid si Dondon sa isang tabi.
"Buo na ang naging desisyon niya. Ginawa niya ito para sa lahat."
"Susundan ko siya." Akma ng tatalikod ang binata ng magsalitang muli ang babaylan.
"Bakit hindi mo samantalahin na harapin ang problema habang wala si Margaret."
Humarap si Haru dito," magagawa kong harapin ang lahat kahit nandito si Margaret. Hindi ko maunawaan bakit hinayaan niyo siyang umalis."
"Dahil iyon din ang kagustuhan ko."
"Ikaw…" napatiimbagang na lang ang binata.
"May tiwala sa'yo si Margaret, huwag mo sanang sayangin iyon. Naghiwalay na kayo dati noon,pero nagawa niyong lampasan ang mga naging balakid. Naniniwala ako na kaya niyo muling lampasan ang pagsubok na ito."
Hindi makapagsalita si Haru, parang may nakabara sa kanyang lalamunan. Naikuyom nalang niya ang mga kamao sa magkatagiliran.
Nakasalubong ni Haru si Zari sa hallway. Bigla siyang tumalikod upang makaiwas sana dito. Ngunit nagmadali itong malapitan siya at kumapit pa sa kanyang braso.
"Kamahalan maari ba tayong mag-usap?"
"Tungkol saan?" hindi tumitingin ditong tanong niya.
"T-tungkol sa atin."
Marahas na lumingon dito ang binata, " makinig kang mabuti Zari,dahil hindi ko na ulit uulitin ito sa'yo. Kahit kailan hindi kita magagawang mahalin. Tanging si Margaret lang ang magiging laman ng puso ko. Mamamatay ako at muling mabubuhay na si Margaret lang ang mamahalin ko."
Tinanggal ng binata ang kamay ng babae sa pagkakahawak sa braso niya. Saka humakbang palayo, ngunit huminto din.
"Tuparin mo ang napag-usapan niyo ni Margaret. Tumupad siya sa kahilingan mo," dagdag na saad ng binata ng hindi lumilingon dito. Saka pinagpatuloy ang paglalakad palayo.
Nag-uunahan naman sa pagragasa ang mga luha sa pisngi ni Zari. Parang bulkan na gustong sumabog ng dibdib niya. Ang pagkapoot na nararamdaman ay tila apoy sa buong pagkatao niya.
Nasa gitna ng kagubatan ang lahat, maging ang mag-asawang Scott at anak na si Ravin. Isang seremonyas ang magaganap ilang sandali mula ngayon.
Mag-isang nakatayo si Zari sa isang tabi. Habang ang babaylan at ang dalawang lalaki ay kaharap ang pamilya Scott.
"Maraming salamat sa inyo. Tatanawin ko tong malaking utang na loob." Bahagyang yumukod si Mr. Scott sa kanila, ganoon din ang asawa nito.
Tahimik naman sa tabi ng mga ito si Ravin, habang nakayuko.
Sinimulan na ang seremonyas kung paano makakabalik ang mag-anak sa mundo ng Arectia. Isang liwanag ang bumalot sa pamilya Scott bago maglaho ang mga ito.
"Ang bilis naman!" sabi ni Dondon, "pero masaya narin ako at wala na ang halimaw sa San Martin.
Napalingon ang lahat ng biglang tumalikod si Haru at humakbang paalis. Sinundan naman ito ni Dondon. Naiwan ang babaylan at si Zari.
"Gumawa ka ng paraan kung paano mababaling sa akin ang pansin ni Haru." Tila nag-uutos na sabi ni Zari.
Napataas naman ng kilay ang babaylan sa pangungusap nito.
"Hindi ko maaaring saklawan ang damdamin ng isang tao,Zari. Ikaw ang gumawa ng paraan kung gusto mong mabaling sa'yo ang atensyon ng kamahalan. Total naman binigyan ka ng pagkakataon ni Margaret. Pero sa totoo lang,kahit habang buhay kapang bigyan ng pagkakataon ni Margaret na makasama si Haru,hindi ka kailanman pag-uukulan nito ng pansin." Pagkasabi nito,agad ng umalis ang babaylan.
Nagpupuyos naman sa galit ang babae. Halos maglabasan ang mga apoy sa kanyang mga mata.
"Sisiguraduhin kong pagbabayaran niyo ang ginagawa niyong pambabalewala sa akin!"
"Pare, hintayin mo naman ako. Ba't ba nagmamadali ka ata. Kahit iwasan mo si Zari ay magkikita pa rin kayo sa bahay. Hindi habang buhay maiiwasan mo siya. "
"Alam ko," sagot niyang hindi lumilingon dito," kaya nga aalis na ko dito. Susundan ko si Margaret."
Hindi sumagot si Dondon. Lalo pa niyang binilisan ang paglalakad. Pagbukas ng pinto, nagulat sila dahil naroon na ang babaylan.
"P-paano nangyari na nandito na agad kayo? Naunahan niyo pa kami." Namamangha na sabi ni Dondon
"Hanggang ngayon ba naman ay nagugulat ka pa din sa mga kaya kong gawin?" nakataas pa ang kilay na balik tanong ng babaylan.
"Hindi pa po kasi ako nasasanay." Napapakamot pa sa ulong saad nito.
"Kamahalan,hindi ka maaaring basta na lang umalis sa bayan na'to." Baling naman niya kay Haru.
"Walang sino man ang makakapigil sa akin." madiin na turan niya. Nakipag sukatan pa siya ng tingin sa babaylan.
"Hindi ako ang pipigil sa'yo. Kundi ang mga kampon ni Zari. Hindi ako makapaniwalang hindi mo sila naramdaman. Nasa paligid lang sila. Naghihintay na sirain ang buong bayan ng San Martin at maging ang buong mundo. Kaya sana huwag kang mag padalos-dalos ng desisyon. Huwag mong sayangin ang sakripisyo ni Margaret. Batid niya ang magaganap kaya pikit mata niyang tinanggap ang pakikipagkasundo kay Zari."
Napatungo nalang ang binata habang laylay ang balikat.
"Ang ibig sabihin nawala nga ang halimaw ang pumalit naman ay mas matindi pa? Ano bang meron sa bayan namin at ayaw tantanan ng mga halimaw." turan naman ni Dondon.
"Hindi ko inaasahan ang ganitong pangyayari. Magka ganoon man huwag tayong mawalan ng pag-asa. Wala man dito ang itinakda,alam kong siya pa rin ang magbibigay liwanag sa bayan na'to katulad sa Arectia noon."
Doon natapos ang usapan. Laylay parin ang balikat ni Haru ng tunguhin niya ang kanyang silid. Laman ng isip ang dalaga. Makailang ulit niya itong tinawagan ngunit hindi nito sinasagot ang mga tawag niya. Nagdaramdam parin siya dito dahil sa hindi pagpapaalam ng desisyon nito. Pero hindi niya matiis na hindi man lang marinig ang boses nito.