Nagulat ang pamilya ni Margaret ng bigla siyang umuwi ng hindi kasama si Haru. Sinabi na lang niya na hindi pa maaaring umuwi ang binata dahil may kailangan pa itong gawin na mahalagang bagay sa San Martin.
Kanina pa niya gustong umakyat ng kuwarto kaya lang ayaw naman niyang maputol ang masayang kwentuhan nilang mag-anak. Excited ang mga ito na mag kwento siya ng mga kaganapan ng bakasyon niya.
Matapos ang ilang mga sagot sa kanilang katanungan at maibigay lahat ng mga pasalubong,nagpaalam na siyang aakyat muna ng kuwarto niya. Buti nalang pumayag ang mga itong pakawalan siya. Naiintindihan naman ng kanyang pamilya na maaring pagod siya sa biyahe.
Pagkapasok sa loob ng kanyang silid. Agad siyang nahiga ng padapa. Ibinuhos niya sa kanyang unan ang lahat ng kanyang nararamdaman. Hinayaan niyang dumaloy ang masaganang luha sa mga mata niya.
Walang pwedeng makapag larawan sa sakit na kanyang nararamdaman. Mga pinagsama-samang damdamin kasama na ang pangamba para sa relasyon nila ng binata.
Hindi namalayan ng dalaga na nakatulog na pala siya sa kakaiyak. Mahimbing na ang kanyang tulog nang pumasok ang kanyang mommy at kumutan siya. Agad na rin itong lumabas pagkatapos.
Kinabukasan maagang nagising si Margaret. Alas singko pa lang ay bumaba na siya. Naabutan niyang nasa kusina na ang kanyang ina.
"Hindi na kita ginising kagabi dahil ang himbing na ng tulog mo. Gutom kana ba?"
"Hindi pa po Mommy. Magkakape nalang po muna ako." Agad siyang kumuha ng tasa para sa kape.
Habang humihigop ng kape,pinapanood niya ang ginagawang paghahanda ng almusal nito. Kahit may katulong na sila mas gusto pa rin nitong personal na ipagluto silang pamilya niya. Isa sa mga katangian ng kanyang ina na gusto niyang tularan balang araw. Naalala na naman niya ang binata at ang pangarap nila sa pagbuo ng pamilya.
"Namimis mo na siya noh?" untag ng kanyang Mommy.
Bahagya lang siyang ngumiti.
"Bakit kasi kailangan mo siyang iwan doon?"
"May kailangan po siyang asikasuhin. Kung naroon po ako mahahati lang ang atensyon niya."
Hindi sumagot ang kanyang Mommy, nakatitig lang ito sa kanya. Umiwas siya ng tingin dito,baka mabasa lang nito ang nasa kalooban niya. Hindi pa siya handa magsalita sa mga oras na iyon.
"Ahm… maglalakad lang po muna ako sa garden, Mommy." aniya
Hindi na hinintay ni Margaret makasagot ang ina. Agad na siyang naglakad palayo. Nasundan na lang siya nito ng nagtatakang tingin. Kahit Hindi magsalita ang kanyang panganay,alam niyang may problema ito.
Habang nasa garden at nakaupo sa bench. Nakatingin siya sa papasikat na araw. Nasaksihan niya ang pagbubukang liwayway. May kapayapaan itong dala sa kanya. Naalala na naman niya ang San Martin,sa wakas magkakaroon na rin ng kapayapaan ang bayan na iyon.
Pagkatapos nilang mag-agahan, dumating si Selene sa kanila. Nagyakad na kung maari niyang samahan ito. Agad naman siyang pumayag,para makaiwas sa mga tanong ng kanyang pamilya. Hindi habangbuhay makakaiwas siya sa mga suspetsa ng mga ito sa totoong dahilan. Lalo na't nang tumawag ang binata sa kanilang landline ay hindi siya nakipag-usap. Nagdahilan siya sa kanyang ina na pakisabi may importante siyang ginagawa.
May dalawang oras din nag-ikot-ikot sa mall ang magkaibigan bago magyaya na kumain ni Selene. Sa isang Chinese restaurant sila kumain. Habang naghihintay ng kanilang order, nagtanong si Selene.
"May alam ba friend ang pamilya mo kung bakit hindi mo kasama si Haru na umuwi?"
"Ang sabi ko lang may kailangan itong asikasuhin pa kaya hindi ko kasama. Pero alam kong nagdududa narin sila lalo't hindi ko kinausap ito ng minsan tumawag sa bahay. Si Mommy ang nakasagot."
"Sana sinagot mo! Sa telepono lang naman kayo mag-uusap eh. Pati ba pakikipag-usap sa telepono ipinagbawal ng bruhang si Zari? Aba...aba naman,sobra naman ata iyon. Ang usapan niyo lang ay ang umalis ka ng San Martin."halata sa tono ng boses ni Selene ang biglang umahon na inis.
"Hayaan nalang natin muna sa ngayon. Iyon ang sa tingin kong tama kong gawin alang-alang sa lahat." Nakatingin si Margaret sa parating na waiter na may dala ng kanilang pagkain.
Nang mailapag ang mga order nila, pansamantala nilang nakalimutan ang kanilang pinag-uusapan. Agad nilang nilantakan ang pagkain na inorder nila. Nang makatapos kumain,sandali silang nagpahinga bago muling namasyal.
Gabi na ng makauwi siya ng bahay,ang Mommy niya ang nagbukas sa kanya. Agad siyang humalik dito at nagpaliwanag.
"Sorry Mommy, nalibang kami masyado ni Selene sa pamamasyal."
"Ok lang iyon hija. Tiwala naman kami kay Selene. Siya ba naghatid sa'yo? Kumain kana ba?"
"Opo sa dalawang tanong niyo. Sige po aakyat na ako sa kwarto ko." Akma na sana siyang tatalikod ng tawagin siya nito.
"Tumawag kasi si Haru kanina at hinahanap ka. Ang sabi ko magkasama kayo ni Selene."
"Ok po," tanging naitugon niya. Muli na sana siyang tatalikod ng muling magsalita ang Mommy niya.
"Meron nga palang pinapasabi si Haru sa'yo." Sadyang ibinitin ng ginang ang sasabihin.
"Ano po iyon?"
"Hindi ka daw niya isusuko kahit anuman ang mangyari."
Hindi makaapuhap ng sasabihin ang dalaga. Nag-uunahan ang maraming damdamin sa kanya. Umiwas siya ng tingin sa kanyang ina at nagpaalam na aakyat ng kanyang kwarto. Hindi naman na siya nito pinigilan. Sa loob ng kanyang silid hinayaan niyang dumaloy muli ang masaganang luha sa mga mata niya.
Kinabukasan,hindi na nakatiis ang kanyang ina na hindi siya kausapin. Pinuntahan siya nito sa kanyang silid para makapag-usap sila ng sarilinan.
"Nararamdaman namin ng iyong ama ang bigat ng iyong dinadala. Kahit hindi mo sabihin alam namin may pinagdadaanan kayong problema ni Haru. Hinihintay lang namin na magkusa ka ngunit parang wala ka naman balak magsabi."
Nahimigan niya sa tono nito ang tila pagtatampo.
"Hindi ko rin po kasi alam kung paano sasabihin."
"May pinag-awayan ba kayo ni Haru?"
"Wala po,"sabay iling. Sa pautal-utal na salita ay pinagtapat niya ang lahat.
Hindi naman makapaniwala ang kanyang ina. Niyakap siya nito ng mahigpit.
" Napakadakila ng iyong desisyon. Sinakripisyo mo ang sariling damdamin para sa kaligtasan ng lahat. Huwag kang mawawalan ng pag-asa, katulad ni Haru kahit kailan hindi siya bibitaw sa'yo,dapat ganoon din ang mindset mo. Hindi mahalaga kung hindi kayo magkasama ngayon. Darating ang panahon na malalampasan niyo din ang panibagong pagsubok na ito."
Kahit papaano nabawasan ang bigat na nasa puso niya dahil sa mga sinabi ng ina. Pangako niya sa sarili hindi siya bibitaw sa pagmamahalan nila ng binata. Kaya ng sumunod na araw na tumawag ito hindi na siya nag-atubiling kausapin ito. Bakas naman sa boses nito ang galak.
"Akala ko hindi mo pa rin ako kakausapin."
"Patawad kung nagawa kitang tiisin. Masyado lang magulo ang isip ko. Saka naisip ko na ang iwasan ka ay pinakambuting gawin pero ako lang ang nahihirapan."
"Kahit ako hirap na hirap sa sitwasyon natin. Bakit umalis ka ng hindi nagpapaalam?"
"Alam ko kasing hindi mo ko papayagan. Kumusta na sila diyan?" pag-iiba niya ng usapan.
"Ayos lang,kahit hindi nila sabihin alam kong mis kana nila."
"E-eh si Zari?"
Matagal bago sumagot ang binata,dinig pa niya ang pag buntong hininga nito. " Huwag natin siyang pag-usapan. Iyong sa'tin lang sana."
"Hindi maaari Haru, kailangan maging mabuti ka sana sa kanya. Baka mamaya pag tuluyan siyang nagalit bigla nalang salakayin ang bayan ng San Martin at pagkatapos ang buong mundo. Huwag natin hayaan mangyari iyon."
"Hindi mangyayari iyon mahal, maniwala at magtiwala ka lang. Gumagawa kami ng paraan lalo na ang babaylan. Hindi niya hahayaan na masira ang itinuturing na niyang pangalawang tahanan."
"Kaya dapat habang wala pa tayong naiisip na solusyon sa problema. Pakisamahan mo muna ng maayos si Zari, malay mo biglang bumait."
" Ok lang ba talaga sa'yo na makipaglapit ako sa kanya?" tila nananantiyang tanong ng binata sa kanya.
"O-oo n-naman noh," nauutal niyang sagot, parang biglang may bumara sa kanyang lalamunan.
"Hindi ka magseselos kahit konti?" tudyo pa nito.
Napasimangot naman siya kahit hindi siya nakikita nito.
"Magseselos syempre!"
Natawa naman ang binata sa kabilang linya, parang musika ang tawa nito sa kaniyang pandinig.
"Huwag kang mag-alala kahit ano pang gawin niya hindi niya ako maaagaw sa'yo. Ikaw lang ang nagmamay-ari ng puso ko at kaluluwa magpakailanman."
"Pangako ko naman sa'yo na kahit kailan hindi ako mawawalan ng tiwala at paniniwala sa'yo."
Sa mga pangako sa isa't isa nagtapos ang kanilang pag-uusap.
Kahit magkalayo ang magkasintahan,dahil sa wagas ng kanilang pag-iibigan ay para narin nilang kasama ang isa't isa. Walang araw na hindi tumatawag ang binata sa dalaga na kahit man lang sa telepono ay marinig niya ang boses ng pinakamamahal.
Isang umaga nasa dalampasigan sina Haru at Dondon.
"Mukhang lagi kang masaya,pare. Hindi tulad noong bago palang umalis si Margaret, para kang laging pinagsasakluban ng langit at lupa sa itsura mo."
"Si Margaret lang ang nagpapasaya sa akin at alam mo iyan."
Nagtatanong ang tingin na ipinukol sa kanya ni Dondon. Kaya sinabi niya ang malimit niyang pagtawag sa telepono sa dalaga para makausap niya. Natatawa at naiiling na lang si Dondon saka nagwika.
"Ang nagagawa nga naman ng pag-ibig."
"Mukhang wala naman ata kayong ginagawa na mahalaga ngayon. Magpapasama sana ako sa'yo kamahalan sa bayan," sabi ng tinig sa kanilang likuran. Bigla naman nawala ang ngiti ni Haru at napalitan ng pagkunot ng noo nang bumaling sa babae.
"Ano naman ang gagawin mo doon?" tanong ni Dondon.
"Naiinip na kasi ako kaya gusto ko sanang pumasyal sa bayan." Kay Haru lang nakatingin ang babae kahit si Dondon ang nagtanong.
"Hindi kita maaring samahan marami akong gagawin ngayon." Pormal na sagot ng binata.
"Ako nalang ang sasama sa'yo, wala naman akong gagawin ngayong araw na'to. " Alok naman ni Dondon.
Nakasimangot na tiningnan ito ng babae, " hindi ikaw ang gusto kong makasama. Kaya huwag kang sumabat."
Napatungo naman si Dondon na tila napahiya sa inasal ng babae.
"Ah Haru,uuna nako sa iyo."
"Sasabay na'ko."
Pinigilan naman siya ni Zari sa pamamagitan ng paghawak sa kanyang braso.
"Huwag ka munang umalis,mag-usap muna tayo kamahalan." Tila maamong tupa na saad nito.
Marahan niyang inalis ang braso nito,saka malamig sa yelong tinitigan," kahit sino hindi matatagalan ang ugali mo."
Nakakailang hakbang na sila ng biglang magsalita ang babae.
"Huwag mong ubusin ang pasensya ko kamahalan. Baka pagsisihan mo ang pambabalewala mo sa akin!"
Hindi sumagot ang lalaki, nagpatuloy lang siya sa paghakbang palayo dito.
Nang malayo na sila saka nagsalita si Dondon.
"Para talagang tigre ang babaeng iyon. Sa'yo lang siyang parang kuting."
Hindi sumagot ang binata kaya muling nagsalita si Dondon. " Huwag mo sanang mamasamain ang sasabihin ko sa'yo pare. Bakit hindi mo subukan na pakitunguhan ng maayos si Zari kahit nakakainis pa ang ugali. Katulad ni Margaret,ayuko rin may masamang mangyari sa bayan na'to at lalo na sa buong mundo pa."
Hindi nakasagot si Haru, naalala ang sinabi ni Margaret ng huli silang nagkausap.
"Hanggang makaisip lang tayo ng solusyon. Kinakabahan kasi ako sa babaeng iyon tuwing nagbabanta." muling turan ni Dondon ng hindi siya umimik.
Naiwan naman na nag-iisip si Haru, parehas ang dalawa ng sinabi. Mukhang nagiging makasarili nga ata siya. Hindi naman siguro kabawasan sa kanya kung makikipagkasundo siya kay Zari. Para naman sa pakanan ng bayan na'to. Huminga siya ng malalim bago hinanap ang babae.