Natagpuan ni Haru ang babae na nasa balcony ng bahay. Nakatayo ito na parang may tinatanaw sa malayo. Naalala niya si Margaret tuwing nakatayo doon, laging nakatanaw sa may bangin na malapit sa kagubatan. Agad niyang ipinilig ang ulo, pilit iwinaksi ang alaalang biglang nagsulputan sa kanyang isip. Baka magbago pa ang isip niya kung si Margaret na naman ang iisipin niya.
Sadya siyang tumikhim para makuha ang pansin nito. Agad ngang lumingon ito,biglang may sumilay na ngiti sa mga labi nito nang makita siya. Parang hindi ito makapaniwala na siya mismo ang nakikita nito.
"Kailan mo gustong pumunta ng bayan?"
"Ano?"
"Kailan mo gustong samahan kita sa pagpunta sa bayan?" ulit niyang tanong sa malamig na tono.
"Maari bang ngayon na?" hindi maitatanggi ang saya dito. Abot tenga ang pagkakangiti nito.
"Hihintayin kita sa labas." Saka na siya tumalikod dito.
Wala pa atang limang minuto ng lumabas ang babae. Hindi man lang niya ito pinag-ukulan ng tingin. Nauna na siyang pumasok sa loob ng sasakyan. Sumunod narin naman ito agad.
"Natutuwa ako kamahalan at sinamahan mo ko ngayon."
Hindi siya tumugon. Hinayaan niya lang itong magsalita.
"Matagal ko ng gustong pumunta ng bayan para makapamili ng mga damit. Gusto ko kasi makapagsuot ng mga damit ng tao katulad niyo."
Tumigil ito sandali para huminga ng malalim.
"Natutuwa ako kamahalan at nagawa mo na rin akong pag-ukulan ng pansin. Papatunayan ko sa'yo na mas karapat dapat ako kesa kay Margaret."
Biglang tumigil ang sasakyan. Kung hindi naka seat belt ang babae malamang napunta na siya sa dashboard ng sasakyan. Nagtataka naman na napasulyap siya sa binata para matigilan lang din. Madilim ang anyo nito at parang apoy ang lumalabas sa mga mata nito habang nakatunghay sa kanya.
"Kamahalan…"
"Huwag mong ikokompara ang sarili mo kay Margaret. Kailanman hindi mo siya mahihigitan kahit kailan. Binabalaan kitang huwag kang magsasalita ng kahit anu laban sa kanya. Maliwanag ba?"
"Oo kamahalan," napayuko nalang ang babae para maitago ang poot sa mga mata nito.
Ilang sandali muna na nakatingin lang sa harap ang binata. Tumataas baba ang dibdib nito dahil sa pinipigilan huwag umalpas ang galit. Nang makalma ang sarili,saka muling pinaandar ang sasakyan. Hanggang makarating ng bayan hindi na muling nagsalita ang babae.
Sinamahan niya ito kung saan maaring mamili ng mga damit na gusto nito. Kahit saan siya tumingin naaalala niya ang pamamasyal nila ni Margaret. May ilang oras din sila nag libot kung saan-saan dahil iyon ang gusto ng babae. Para itong bata na ngayon lang nakalabas.
Kahit papaano may kasiyahan din siyang naramdaman na napasaya niya ito. Sana makita nito ang ganda ng San Martin at huwag ng ituloy ang plano ng mga itong sakupin ang bayan.
"Kamahalan,saan kaya tayo maaring kumain? Nagugutom na kasi ako."
Naputol ang kanyang pag-iisip ng biglang magsalita ito. Nagpalinga-linga siya sa paligid,may nakita siyang maliit na kainan.
"Halika doon tayo." Nagpauna na siya sa paglakad sa nakitang kainan. Ang pinili niyang lamesa ay nasa dulo na at wala masyadong mga katabi.
Isang babae naman ang lumapit at hiningi ang order nila. Binigay niya ang kanyang gustong kainin.
Nakatingin naman sa kanya ang babae, "maari bang ikaw nalang ang umorder ng pagkain para sa akin?" kimi nitong sabi sa kanya.
Sinabi niya sa naghihintay na babae na kung ano ang inorder niya ganoon narin sa babae. Habang naghihintay, nakatingin sa labas na salamin na dingding si Haru. Nang bigla siyang matigilan,nakikita niya kasi ang kanyang repleksyon sa salamin ngunit ang babae ay walang repleksyon.
Tumingin siya sa babaeng kaharap,papaling-paling ito sa paligid ng kainan. Makikita ang pagkamangha sa mukha nito sa bagong karanasan na iyon. Nang bigla itong tumingin sa kanya. Ngumiti ito sa kanya ng nakakaakit. Umiwas naman siya ng tingin,muli niyang tiningnan ang repleksyon nito sa salamin dingding ngunit talagang wala.
Hanggang dumating ang kanilang order,bahagya na siyang makakain. Samantala ang babae ay sarap na sarap sa pagkain nito. May biglang naisip ang binata. Pasimple niyang inilabas ang cellphone sa bulsa ng pantalon. Habang kumakain ang babae, pasimple niya ito kinuhanan ng picture. Kahit nakita nito ang kanyang cellphone,patuloy lang ito sa pagkain.
Hindi niya pinahalata ang pagkagulat sa kanyang mukha. Hindi nakunan ang babae ng camera niya. Para siyang nawalan ng ganang kumain. Uminum na lang siya ng tubig dahil pakiramdam niya tuyong-tuyo ang kanyang lalamunan.
" Pagkatapos mong kumain,uuwi na tayo."
Napatingin naman ito sa kanya,bumalatay sa mukha nito ang pagtutol. " Gusto ko pa sana mamasyal kamahalan."
"Saka na lang. Sasamahan ulit kita sa susunod. May kailangan lang akong gawin."
"Pangako ba iyan na pupunta ulit tayo dito?"
Tumango lang siya dito. Nang makatapos ngang kumain kagyat na silang umalis. Nauuna sa kanya ang babae,may nadaanan silang malaking salamin ngunit hindi na naman nakita doon ang repleksyon nito.
Habang daan laman ng isipan ng binata ang kakatwang pangyayari kanina. Hanggang makarating ng bahay ay wala siyang imik. Nang makababa ng sasakyan,nagpasalamat pa ang babae kay Haru na tinanguan lang ng huli.
Agad hinanap ng binata ang babaylan,natagpuan niya ito na kausap si Dondon sa kusina. Sabay pang napalingon sa kanya ang dalawa.
"Kumusta ang lakad niyo?" tanong ni Dondon.
"Ayos lang."
"May problema ba?" tanong ng babaylan.
"Kasi si Zari…"
"Bakit may ginawa na naman bang kamalditahan ang babaeng iyon?"
"Wala," sagot niya kay Dondon na biglang umalsa ang inis. "Kasi si Zari,walang repleksyon sa salamin at hindi rin siya makuhanan ng camera ng cellphone ko."
"Anong ibig mong sabihin pare?" napapakunot ang noo na tanong ni Dondon. Ang babaylan naman ay tahimik lamang.
Kinuwento ni Haru ang nangyari kanina sa kainan.
"Kakaiba nga iyon. Mayroon ba na walang repleksyon? Kahit mga bagay meron eh."
"Alam ko na kung bakit wala siyang repleksyon. Katunayan lang na hindi na siya maaring magtagal pa sa mundong ito. Maaring hindi din niya alam ang panganib ng pagkakapunta niya sa mundong ito. Ginamit lang siya ng mga itim na lobo para makapasok sila sa mundo ng mga tao."
"Anong ibig niyong sabihin?" halos magkapanabay pang tanong ng dalawa.
Pinaglipat-lipat ng babaylan ang tingin sa kanilang dalawa. Bago tumingin sa bintana kung saan makikita ang pagtatakip silim saka ibinalik ang mga mata sa kanilang dalawa. Sinabi ng babaylan ang detalye na nagpamulagat ng mga mata sa dalawa.At pagkatapos nahalinhinan din iyon ng pag-aalala.
"Kahit ganoon ang ugali ng babaeng iyon,ayuko naman mangyari sa kanya ang bagay na iyon," nawika nalang ni Dondon.
Hindi naman naimik si Haru, pero alam ng babaylan ang saloobin nito.
"Kaya kailangan natin siyang makumbinsi na bumalik na ng Arectia,"
Natapos na lamang ang pag-uusap nilang tatlo ng hindi man lang nagsasalita si Haru. Malalim ang iniisip nito. Nakakaramdam din siya ng awa sa babae at maging pangongonsensya dahil hindi naging maganda ang trato niya dito simula ng dumating ng San Martin.
Nasa kanyang silid na siya ngunit si Zari parin ang laman ng isip niya ng mga sandaling iyon. Laman ng isip niya ang mga pahayag nito tungkol sa pag-ibig sa kanya. Ganoon ba talaga kalalim ang pag-ibig nito sa kanya para suungin ang panganib ng pagpunta sa mundo ng mga tao? Baka hindi nito alam ang panganib, maaring inakala nito na katulad lang ng ginawa niyang pagtawid sa mundo ng mga tao. Sinamantala lamang ng mga itim na lobo na may masamang plano ang kanyang damdamin sa kanya. Nakaramdam siya ng poot sa mga itim na lobo na nagsamantala sa kahinaan ng babae.
Isang tawag ang pumutol sa kanyang pagninilay-nilay niya sa mga pangyayari. Si Margaret ang tumatawag. Panandalian niyang nakalimutan ang tungkol sa dalaga dahil sa kakatwang pangyayari kanina. Agad sumilay ang mga ngiti sa mga labi niya nang sagutin ang tawag nito.
"Hello… pasensya kana kung ako na ang tumawag. Mis ko na kasi ang boses mo. Marami ka bang ginawa ngayon araw?"
Napapikit ang binata sa lambing ng boses nito. Nahiling niya na sana nasa harap niya ito habang sinasabi ang mga katagang iyon sa kanya.
"Ako dapat ang humingi ng pasensya dahil hindi ako nakatawag sa'yo. Sobrang mis na rin kita kung alam mo lang. Sana nandito ka lang sa tabi ko ngayon. " Naisatinig niya ang nasa isip.
"Ganyan din ang hiling ko pero kailangan muna natin magtiis. Kumusta nga pala ang lahat diyan? Si Zari?"
Natigilan naman siyang ng banggitin nito ang pangalan ng babae. Nagdadalawang isip siya kung sasabihin ba dito ang tungkol sa natuklasan sa babae. Sa huli nanaig ang kagustuhan ipaalam dito ang kakatwang pangyayari.
Hindi agad nakapagsalita ang nasa kabilang linya ng sabihin niya dito ang tungkol kay Zari. At sa puwedeng mangyari dito kung hindi ito makakabalik sa Arectia.
"Margaret…"
"Nagulat lang ako...at naaawa din ako sa kanya. Para tuloy na-guilty ako sa Ilang beses namin pagkakasagutan."
"Ako din naman naaawa sa kanya. Hindi mo kailangan ma-guilty dahil wala ka naman ginagawang masama sa kanya."
"Haru,may hihilingin sana ako sa'yo."
"Ano 'yon?"
"Sana maging mabait ka kay Zari. S-sana habang nandito pa siya sa mundo natin kahit anu pang hilingin niya ay mapagbigyan mo. Gusto ko lang siyang maging masaya kahit papaano."
"Oo naman. Pero iyon lang ang maibibigay ko. Hindi ang anumang kahilingan na gusto niya."
Matagal ng tapos ang usapan nila ng dalaga ay nakatingin parin siya sa kawalan. Bumalik lang siya sa huwisyo ng may kumatok sa pinto ng kanyang silid. Ang nakangiting si Zari ang nabungaran niya.
"Nagluto ako ng hapunan natin. Katulad ng luto sa Arectia. Baka namis mo na ang pagkain sa mundo natin kaya iyon ang niluto ko."
"Wala kasi akong…" natigil siya sa pagsasalita ng maalala ang pag-uusap nila ni Margaret kanina. " Sige,susunod nalang ako."
"Puwede bang sabay na tayong bumaba? hiling ng babae na hindi nawawala ang ngiti sa labi.
Tumango na lamang siya. Sabay na napatingin sa kanila ang babaylan at si Dondon ng pumasok sila sa kusina na magkasama. Parehas blanko ang ekspresyon sa mukha ng mga ito.
Habang nasa hapag kainan, tahimik lang ang binata habang kumakain. Panaka-nakang nakikisali ang dalawa sa sinasabi ng babae. Ayaw man niya ay naparami parin ang kain niya. Tama nga si Zari,na mis na niya ang pagkain sa Arectia. Nang matapos ang hapunan, nagyakad si Zari na maglakad-lakad muna sa tabing dagat. Pinagbigyan naman niya ang hiling nito.
Habang naglalakad sila,hinahayaan lang niya na magsalita ito ng magsalita kahit naririndi na siya. Nang huminto sandali ang babae saka niya ito hinarap.
"Zari, kailangan mo ng bumalik ng Arectia. Hindi ka nararapat dito, masyadong mapanganib para sa'yo."
Nawala naman ang ngiti nito. At biglang nananalim ang mga mata sa pagkakatingin sa kanya.
"Ginagamit kalang ng mga itim na lobo na para sa pansarili nilang kapakanan. Makinig ka sa akin."
"Wala akong pakialam! Ang gusto ko lang ay makasama ka kamahalan!"
"Kung ipagpapatuloy mo ang nararamdaman mo, mapapahamak kalang. Kaya pakiusap bumalik ka na ng Arectia habang may panahon pa."
"Hindi ako aalis sa mundong ito ng hindi ka kasama. Mas nanaisin ko pang mamatay kaysa hindi makuha ang pag-ibig mo!"
Nasundan nalang ng tingin ni Haru ang babae habang tumatakbong umiiyak pabalik ng bahay. Lalo siyang naawa dito pero ano ang gagawin niya. Si Margaret lang ang babaeng mahal niya at wala ng iba.