Chapter 38

Nagtipon-tipon ang mga itim na lobo sa kalagitnaan ng gubat ng San Martin. Lahat sila ay mababanaag ang kahandaan sa nalalapit na sandali ng paglusob.

"Pinuno,handa na po ang lahat. Tanging hudyat niyo na lamang po ang hinihintay," saad ng isang kawal sa ama ni Zari na tumatayo bilang pinuno.

"Pagpula ng buwan saka tayo sasalakay." Tumingala ang itim na lobo sa buwan na halos kalahati lang ang makikita dahil sa pagtatakip ng maitim na ulap.

Napangsi ito na tila pati ang buwan ay natatakot sa maaring maganap ngayon gabi,kaya ito nagtatago sa maitim na ulap.Tumayo sa mataas na malaking bato ang ama ni Zari. Isang malakas na alulong ang kanyang ginawa. Pagkatapos nito ay isa pang alulong muli na sinabayan ng mga kasapi ng pangkat nito. Ilang minuto pa ay biglang pumula ang buwan na tila isang dugo. Hudyat para umpisahan na ang laban.

Sabay-sabay na tumatakbo ang isang lupon ng mga itim na lobo. Iisa ang kanilang tinutugpa,ang kabisera ng bayan ng San Martin. Naririnig sa buong kagubatan na iyon ang mga nagmamadaling yabag ng mga ito,na tila may paligsahan sa pagtakbo.

Hindi pa man nakakalampas sa bungad ng gubat,ang isang lupon ng mga itim na lobo ay bigla nalang napahinto sa pagtakbo. Ang ilan sa kanila ay malakas na tumilapon sa malayo na tila bumangga sa sa pader. Ang Ilan sa mga lobo ay natigilan. Nag-angilan ang iba at naging alerto sa paligid. Papaling-paling din ang ulo ng ilan sa paligid.

"Anong nangyari?" dumadagundong na tanong ng pinuno nila na pinukol ang Ilang sa kanila ng nagtatanong na tingin.

"Mukhang may harang,pinuno," saad ng isang kawal. " May iba akong kutob sa nangyayari. Iba ang ihip ng hangin na tila may ibinabadya."

Sumingasing ang pinuno ng mga itim na lobo. Nag-iba ang awra nito, pinakiramdaman ang paligid. Tama ang kanyang kanang alagad. May iba nga,hindi lang niya matukoy kung ano ba.

"Magsipag-handa kayo!" dumadagundong ang boses ng pinuno na nagbigay babala sa lahat.

Makalipas lamang ang ilang sandali ay mula sa kung saan-saan bahagi ay umulan ng hindi mabilang na palaso na ang dulo ay may apoy. Ang ilang itim na lobo natamaan ay mga nagpagulong-gulong sa lupa sa pag-apula ng apoy sa kanilang katawan.

Nag tumining sa isip ng pinuno ang nangyaring eksena noon sa Arectia. Kung saan pinaulanan din ng mga palasong may apoy ang paglusob ng hari sa kuta ng mga kalaban. Isang kutob ang namuo,nag ngangalit ang panga na sinulyapan ang pagkalagas ng hukbo.

Nang huminto ang pag-ulan ng mga palaso,nagkaipon-ipon sa isang tabi ang ilan sa mga lobo. Pinakiramdaman ang buong paligid.

Ilang sandali pa ay lumabas sa pinagkukublihan sina Haru at ang iba pa na nasa anyong lobo. Napaatras ang mga kalaban ng makita sila.

"Sa tingin niyo ganoon kadali niyo masasakop ang mundo ng mga tao?" tanong ni Haru sa mga ito. Tila naman napipilan ang pinuno ng mga ito. Nanlilisik ang mga mata nito sa pagkakatingin sa kanila.

"Wala ka nang magagawa pa kamahalan. Anumang oras magagawa na namin masakop ang lugar na ito. Wala kayong laban sa bilang namin." Mayabang pa rin na sagot ng pinuno ng mga itim na lobo. Ngunit sa likod ng isip nito nagtatanong kung bakit nagkaganito at bakit wala si Zari,ang kanyang anak.

"Kung magagawa niyong makalampas man lang sa harang na ginawa namin?"

Maririnig ang mga bulungan sa hanay ng mga itim na lobo. Nagngangalit naman ang mga ngipin ng pinuno nila.

"Bibigyan kita ng pagkakataon Argus,na sumuko ng matiwasay. Tinuturing ko pa kayong mamamayan ng Arectia. Ang sinimulan kung kapayapaan sa mundo natin ay huwag mong sayangin dahil lang sa pansariling interes," pangungumbinsi ni Haru sa kanilang pinuno. Dahan-dahan ang kanyang paglapit,nakababa ang mga tenga. Mahinahon ang bawat galaw,nais niyang mapanatag ang loob ng mga ito at makita ang sinseridad sa kanyang sinasabi.

Ngunit ang pinunong itim na lobo ay nababalutan na ng pagkamuhi. Ang pagkahaman nito sa kapangyarihan ay siyang nangingibabaw.

"Kayo lang ang nakikinabang sa sinasabi mong kapayapaan sa Arectia. Pabayaan mo na kaming masakop ang mundong ito."

"Hindi ako makakapayag sa nais mong mangyari. Ipaglalaban ko ang mundong ito laban sa mga tulad mo."

Nag girian ang dalawang malakas na lobo. Maririnig ang angilan ng bawat isa sa paligid. Ang mga kasamahan na hukbo ng itim na lobo ay nagsipaghanda rin.

Ilang sandali pa ay nag-umpisa na ang labanan ng dalawang panig. Maririnig ang lagabugan ng mga katawan na naglalaban-laban. Walang gustong magpatalo sa magkabilang panig.

SAMANTALA, nakatingin naman si Margaret sa direksiyon ng kagubatan kung saan naroon ang ginaganap na paglalaban ng grupo ni Haru, at mga itim na lobo na nagmula pa sa Arectia.

Magkasalikop ang kanyang mga kamay habang nakatapat sa kanyang dibdib. Ang kabang kanina pa niya nadarama ay lalong tumitindi habang nagtatagal.

Naramdaman niya ang paglapit ni Selene at tumabi sa kanya, ngunit hindi siya lumingon.

"Kumusta na kaya ang nangyayaring laban ngayon?" bakas sa tono nito ang pag-aalala.

"Alam kong magtatagumpay sila," saad niya rito na patuloy sa pagtanaw sa direksiyon ng kagubatan.

Tumango lang si Selene kahit hindi lumilingon sa kanya ang kaibigan. Katulad nito naiisip din niya ang kalagayan ni Dondon. Normal na tao lamang ito laban sa mga lobong galing pa ng ibang mundo. Pero may tiwala siya rito na babalik ito ng ligtas kagaya ng pangako sa kaniya.

Hindi pumayag ang lalaki na sumama sila rito kahit ang bumalik sa bahay ni Haru. Mas ligtas daw sila sa bahay nito,kung saan sila naroon ni Margaret. Sinang ayunan din ito ni Haru,pero alam niya kahit ang kaibigan ay inip na inip na sa paghihintay.

Biglang may pumasok sa isip ni Selene, nakangiting tiningnan nito ang kaibigan. "Mabuti pang uminum nalang tayo, friend. Habang naghihintay sa pagbabalik nila."

Nakangiwi naman si Margaret rito. "Parang hindi ata tama na iinum tayo ngayon sa ganitong sitwasyon," dinagdag nalang niya sa isip na kakaiba talaga ito kahit kailan.

"Ano ka ba? Ayos lang iyan. Advance celebration na rin para sa tagumpay nila Haru." Tumalikod na ito sa kanya at tinungo ang kusina.

Napapailing nalang na sinundan niya ito ng tingin hanggang lumiko papuntang kusina.

Sandali lang nawala si Selene, pagbalik nito ay may dala ng isang bote ng wine at dalawang baso.

"Makakatulong ito sa'yo," anito. "Halatang tense ka eh."

Wala siyang nagawa kundi abutin ang basong may laman ng alak na iniaabot nito sa kanya. Napilitan na rin siya makipag cheers dito nang itaas nito sa kanya at ipagpingkian ang baso nito sa kaniyang baso.

Bahagya na niyang sinimsim ang laman ng kaniyang baso. Samantalang ito ay isang lagukan lang ang ginawa sa alak nito at muling nagsalin sa baso.

"Ang hina mo naman uminum," saad nito sa kaniya habang nakatingin sa kaniyang baso na konti palang ang nababawas.

"Alam mo naman na hindi ako sanay uminum ng alak," aniya rito.

"Mabuti pang kukuha ako ng mapupulutan natin para may panlaban na rin sa pait ng alak," pagkasabi nito ay muling bumalik si Selene sa kusina.

Pagbalik ng babae ay may dala na itong mga supot ng mga iba't ibang kutkutin. Pinilit nalang iwaksi ni Margaret kahit sandali ang nararamdaman. May tiwala siya kay Haru,alam niyang magtatagumpay ito katulad sa Arectia noon.

Inisang lagok niya ang laman ng baso at saka huminge pa ulit kay Selene. Napapangisi naman na nakatingin sa kanya ang kaibigan habang sinasalinan ang kaniyang baso.

SA KABILANG dako naman, ilang beses nang nakaramdam ng pagyanig ng lupa ang mga nakatira sa bayan. Ang iba sa kanila na noon lang nakaranas ng ganoon ay hindi maiwasan ang hindi matakot. Lalo't inaalala ang mga maliliit na mga anak.

Ang mga matatanda naman sa bayan na iyon ay nananatiling kalmado lamang. Para bang inaasahan na nilang mangyayari iyon sa bayan ng San Martin.

May ilan sa kanila ang lumabas ng bahay at sa direksiyon ng gubat tumanaw. Katulad na lamang ni Lola Consuelo,na nakilala ni Margaret sa bayan nang minsan bumili sila ni Haru ng paninda nito.

"Lola,ano po ang ginagawa niyo rito?" tanong ng apo nito na si Nimfa,sandali itong nilingon ng matandang babae bago muling ibinalik ang paningin sa kagubatan.

"Pinapakiramdam ko apo ang nangyayari."

"Ang paglindol po ba? Hindi po ba kayo natatakot baka biglang mabiyak ang lupa at lamunin tayo. Mabuti pa lola sa loob nalang tayo ng bahay."

"Kahit nasa loob pa tayo ng bahay,hindi rin tayo makakaligtas kung oras na talaga natin," sagot niya sa apo,at saka humarap dito ng tuluyan. " Pagkatapos ng lahat ng ito ay muling magbabalik ang katahimikan ng bayan ng San Martin, katulad ng dati."

Napakunot noo naman si Nimfa sa tinugon ng kaniyang lola. "Ano po ang ibig niyong sabihin lola?"

Hindi na nagawa pang makasagot ng matanda nang biglang yumanig ang lupa,sa pagkakataong ito ay mas higit na malakas ang pagyanig.

Nahintakutan naman na kumapit si Nimfa sa kaniyang Lola Consuelo.

Nang humupa na ang pagyanig ay niyaya na ni Nimfa ang kaniyang Lola Consuelo na pumasok na sa loob ng kanilang bahay.

Bago sumunod sa apo muling sinulyapan ng matandang babae ang direksiyon ng kagubatan kung saan nababatid niya may nagaganap,hindi lang niya mabatid kung ano pero nakasisiguro siyang iyon ang dahilan ng panaka-nakang pagyanig ng lupa.

Napaantada pa silang mag lola bago tuluyan pumasok ng bahay.

NARARAMDAMAN na ng babaylan ang pagbigat ng kaniyang mga balikat,ang bigat na pasanin na kaniyang dinadala ng mga oras na iyon.

Ngunit kailangan niya maging matatag hangga't hindi natatapos ang nangyayaring labanan.

Ang tungkulin niya ay protektahan ang mamamayan ng San Martin. Naglagay siya ng napakalaking harang na katulad sa isang balute upang hindi makalabas ang mga itim na lobo sa hangganan na kaniyang ginawa.

Nakatayo siya sa bungad ng kagubatan, habang nasa loob sina Haru at iba pa. Handa niya ibigay ang lahat ng kaniyang kapangyarihan at kahuli-hulihang lakas para sa laban na ito. Kung ito man ang kikitil ng buhay niya ay malugod niyang tatanggapin. Matagal na rin na panahon ang pinamalagi niya sa dalawang mundo. Masaya siyang lilisan kung sakali man.

May isang oras na rin ang lumipas simula nang mag-umpisa ang laban. Pinakamatagal na, higit na nasa Arectia pa ang kamahalan.

Tumingala siya sa kulay dugo na buwan na natatakpan ng maiitim na ulap kanina-kanina lamang. Habang minamasdan niya ito ay unti-unti nang naaalis ang maiitim na ulap na tumatakip dito.

Muli siyang tumanaw sa gubat kung saan ramdam pa niya ang bigat ng awra sa gawing iyon. Hindi pa natatapos ang labanan.

Isang buntong hininga ang pinakawalan ng babaylan,bago nagpakawala ng malakas na enerhiya ng liwanag. Lalong kumapal ang balute na nagpoprotekta sa hangganan.

Ang liwanag na nanggaling sa babaylan ay nakita nila Haru,habang nakikipaglaban. Dahil sa liwanag na iyon lalong sumidhi kanilang mithiin na ipanalo ang laban.

Iisa ang nasa isip nilang lahat,ang ipagtanggol ang mundo ng dating itinakda ng Arectia,laban sa mga itim na lobo.

Nilinga ni Haru ang kaniyang paningin sa paligid, halos mga nakahandusay na ang lahat ng mga kalaban sa lupa. Sa dako roon natanaw niya ang mga kasama na patuloy na nakikipaglaban.

Bakas sa mukha ng mga ito ang pagod ngunit nakikita rin niya ang kakaibang sigla sa mga ito dahil lumalaban sila para protektahan ang mundong ito.

Napatingin siya sa kaniyang harap nang makitang humahakbang palapit sa kaniya ang pinuno ng mga itim na lobo.

Nagliliyab sa galit ang mga mata nito sa pagkakakatitig sa kaniya.

"Tapusin na natin ito, kamahalan," saad nito sa nagngangalit na tono.

"Isang malaking pagkakamali ang ginawa mong ito! Masdan mo ang pagkalagas ng iyong mga tauhan. Ganyan ba ang dapat sa isang pinuno? Ang hayaan na mamatay ang kaniyang nasasakupan?"

Pinaningkitan naman ng mga mata ni Argus ang kaharap. Hindi matanggap na mas nakababata rito ang tila nangangaral sa pagiging pinuno niya.

Isang alulong ang ginawa nito bago sinalakay si Haru. Nakahanda naman ang binata sa anyong lobo nito sa gagawin ng kalaban.

Alam ni Haru na tanging kamatayan ng isa sa kanila ang makakapagpatapos ng labanang iyon sa mundo ng mga tao. At handa siya sa anumang maaring mangyari.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.