Nakailag si Haru sa ginawang pag-atake sa kaniya ni Argus. Muli itong sumugod sa kaniya at nakaiwas na naman siya.
Hindi siya tinigilan nito,at wala siyang magawa kundi ang umilag at umatras dahil sa walang tigil na atake na ginagawa nito.
Nang makakuha ng tiyempo ay siya naman ang gumanti ng atake rito. Nagtagumpay siyang masugatan ito sa tagiliran bahagi ng tiyan nito.
Sandali itong napatigil at napasulyap sa sugat na tinamo. At muli rin siya nitong tiningnan ng masama.
"Magbabayad ka sa lahat ng mga ginawa mo!"
Muli na naman itong sumugod sa kaniya. Ramdam na niya ang panghihina nito,may edad na ito kaya alam niyang hindi na nito matatagalan ang mahabang oras ng laban.
Nang makakuha ng pagkakataon muli,isang sugod na manggagaling sa itaas nito ang ginawa ni Haru. Hindi nito inaasahan ang ganoon pag-atake sa kaniya kaya hindi nito nailagan ang ginawa niya.
Nanlalaki ang mga mata nito sa pagkakatitig sa kaniya. Hindi makapaniwla na sa ganoon lamang matatapos ang lahat. Humakbang ito palapit sa kaniya bago bumagsak ang katawan sa lupa.
Sumisirit ang dugo mula sa leeg nito,dilat ang mga mata na nanatiling nakatitig sa kaniya ang mga mata nito.
Isang alulong ang ginawa ni Haru,lahat ay napalingon sa kaniyang direksiyon. Ang mga itim na lobo ay nabaghan nang makita ang kanilang pinuno na nakahandusay sa lupa.
Ang mga buntot nila ay biglang nabahag,hindi malaman kung ano ang gagawin ng ilan sa kanila. Ang kanang kamay ni Argus ang nagkalakas loob na lapitan ang pinuno.
Kahit mas marami pa rin bilang ng mga itim na lobo,nang makita ng mga kawal nito ang kanilang pinuno na natalo ni Haru,para na rin sila natalo sa laban. Ang ilan sa kanila ay walang nagawa kundi ang yumukod na lamang,tanda ng pagkatalo.
Nag sisunuran ang iba,napalingon ang kanang kamay ni Argus kay Haru ng lumapit siya rito. Ilang beses napalunok bago,iniyukod ang ulo na tanda ng pagsuko.
Ang mga kasamahan ni Haru ay isinigaw ang kaniyang pangalan. Batid nila na tapos na ang laban.
"Tapusin niyo na kami, kamahalan," wika ni Argus sa mahinang boses habang nakahandusay pa rin sa lupa. " Wala na rin naman saysay kung mabubuhay pa kami."
Matagal na tinitigan ni Haru si Argus bago nagsalita. " Hindi ko gagawin iyon. Mas gusto kong habang buhay na kaparusahan ang ipataw sa inyo kaysa kamatayan. Masyadong madali iyon para sa inyo. Gusto ko rin kayong bigyan ng pagkakataon na magbago pa."
Nagkatinginan naman ang lahat ng naroon dahil sa kaniyang sinabi. Ang ilan ay hindi makapaniwala na ganoon lang ang magiging hatol sa kanila.
Lumapit si Sardox kay Haru. " Sa tingin ko nararapat lamang na kamatayan ang ihatol sa mga taksil na ito ng Arectia. Wala ng puwang ang mga katulad nila sa mundo natin,lalo na sa mundong ito."
Hinarap ni Haru ito. " Babalik sila sa Arectia at doon nila ang haharapin ang kanilang kaparusahan."
Hindi na muling nagsalita pa si Sardox. Nahihimigan niya sa tono ng kanilang hari ang determinasyon na panindigan ang sinabi. Yumukod na lamang siya tanda ng pag galang rito. Kahit sa mundo na ng mga tao nito napili na manirahan,ito pa rin ang hari ng Arectia.
Hinanap ng mga mata ni Haru si Dondon,nakita niya itong nakasandal sa puno habang ginagamot ito ni Maru na bumalik na sa anyong tao.
Mabilis na humakbang siya rito. Nanlumo siya nang makita na may mga sugat ito. Hawak ng kanang kamay nito ang balikat na may malalim na sugat. Kita rin sa mga mata nito ang sakit na iniinda ngunit nagawa parin nitong ngumiti nang makita siyang papalapit.
Bumalik si Haru sa pagiging anyong tao,umuklo siya sa harap ni Dondon. "Tapos na,makakauwi na tayo pare."
Tumango lamang ito sa kaniya at nag thumbs up. Nag-alala siya ng unti-unti nitong ipinikit ang mga mata. Napasulyap siya kay Maru na nakatingin din sa kaniya.
"Huwag kang mag-alala, kamahalan,nawalan lang siya ng malay," anito.
Napahinga naman ng maluwag si Haru sa sinabi nito.
"Kailangan niya ng mahabang pahinga,tao lang siya. Hanga ako sa pinakita niyang tapang kanina," nangingiti na dagdag pa ni Maru.
Sang-ayon si Haru sa mga sinabi nito. Hindi nga siya nagkamali sa taong ito.
MULING hinarap ni Haru ang mga rebeldeng itim na lobo na nagmula sa Arectia. Inilibot niya ang kaniyang paningin sa mga ito,at huminto ang kaniyang mga mata kay Argus. Nakayuko lang ito,tanda ng pagkatalo sa labanan.
"Tinuturing ko pa rin kayong mamamayan ng Arectia,sa kabila ng inyong ginawa. Hindi ako naniniwala na kailangan padanakin muli ang dugo para makamtan ang pagkakaisa natin. Kaya naman hindi ko kayo paparusahan ng kamatayan, maging ang inyong pinuno na si Argus."
Napatingin si Argus kay Haru at nagkaroon din ng bulung-bulungan sa panig ng mga itim na lobo.
"Ngunit hindi ibig sabihin noon ay wala na akong ibibigay na parusa sa inyo. May karampatan pa rin na parusa ang naghihintay sa inyo sa pagbabalik niyo ng Arectia. Titiyakin kong maisasakatuparan iyon."
Matapos sabihin ang mga katagang iyon ay tumalikod na si Haru sa mga ito. Tinungo niya kung nasaan ang babaylan.
"Magaling kamahalan,binabati kita sa inyong tagumpay," salubong nito sa kaniya.
"Salamat, ngunit hindi ko ito magagawa mag-isa kung wala ang mga tulong niyo. Kaya tanggapin mo ang aking lubos na pasasalamat," yumukod si Haru sa harapan niyo bilang tanda ng kaniyang pasasalamat at paggalang.
Bahagya naman napangiti ang babaylan. "May kailangan pa kong gawin,bago tayo magsaya dahil sa tagumpay. Kailangan ko munang maibalik ang mga tampalasan na iyon sa Arectia." Matigas na turan nito sa huling sinabi.
"Sasama ako sa pagbabalik sa Arectia."
Namimilog ang mga mata na napatitig ang babaylan sa kamahalan. Hindi makapaniwala ito sa narinig mula rito.
"Kamahalan...pero bakit?"
Tumingin muna sa kawalan si Haru bago ibinalik ang tingin sa babaylan. "Kailangan kong masiguro na mapaparusahan ang lahat ng nagtaksil."
"Pero mangyayari naman iyon kahit hindi kayo bumalik sa mundo ng Arectia."
"Alam ko, ngunit may kailangan akong gawin sa sarili nating mundo. Alam kong naging makasarili ako ng piliin kong tawirin ang mundo ng mga tao. Hindi ko inisip na ako ang hari ng Arectia,may tungkulin ako sa aking mamamayan. Hindi ko maiwasan isipin na kasalanan ko kung bakit naisip ni Argus,at ng iba na sakupin ang mundong ito. Kailangan ako mismo ang lumutas sa suliraning ito." Litanya ni Haru sa babaylan.
Hindi naman nakaimik ito dahil batid din nitong may punto ang kamahalan. May suliranin nga ang Arectia ngayon kaya nagkaroon ng pag-aaklas sa panig ni Argus.
"Kung ganoon kailangan mo nang magpaalam kay Margaret,sa lalong madaling panahon," saad niya rito at saka naglakad na palayo. Mabigat ang bawat hakbang na ginagawa ng babaylan. May lungkot itong nararamdaman dahil muling magkakalayo ang magkasintahan. Tumingala siya sa buwan na nananatili sa kulay dugo. Hayaan nawa na ang buwan ang maging gabay ng dalawang nagmamahalan.
MATAGAL ng tulog si Selene sa sofa,dito na ito inabot ng antok dahil sa dami ng nainum. Samantala siya nananatili parin gising ng mga oras na iyon.
Sunud-sunod na katok ang kaniyang narinig, biglang bumilis ang tibok ng kaniyang puso. Mabilis niyang tinungo ang pinto at walang pag-aalinlangan na binuksan ito.
Si Haru ang kaniyang nabungaran. Sinugod niya ito mahigpit na yakap, naramdaman niyang gumanti rin ito. May ilang sandali sila sa ganoon ayos bago naghiwalay.
Nangingilid sa luha ang mga mata ng dalaga na tumitig sa mukha ng lalaking pinakamamahal. " Alam kong magtatagumpay ka."
Ngumiti ito sa kaniya. " Ang laki talaga ng bilib mo sa akin noh," biro nito.
Tuluyan na siyang natawa. "Oo naman,alam kong magtatagumpay kayo. Kumusta ang iba pa?"
Biglang sumeryuso si Haru. " Si Selene? "
Doon lang naalala ni Margaret na nasa may pintuan lang sila nag-uusap. " Ay pumasok ka muna. Nakatulog na siya sa sofa."
Nang makapasok nga ng bahay ay nakita ng binata na natutulog ang babae sa sofa.
"Mabuti pa maglakad-lakad muna tayo sa labas ng bahay," ani ni Haru sa dalaga. Tumango naman ito bilang pagsang-ayon.
Ang alam ni Margaret ay pareho silang nakatingin ng binata sa buwan. Kaya nagulat siya ng malingunan itong sa kaniya nakatingin. Mababanaag sa mga ito ang sari-saring emosyon. Isa na rito ang pag-ibig sa kaniya at may nagdaan din na kalungkutan sa mga mata nio. Kaya naman bigla siyang kinabahan.
"Hindi mo sinabi kung kumusta ang naging laban niyo? Ayos lang ba sila?" mahinang tanong niya rito.
"Ayos ang lahat,maliban kay Dondon,na nasugatan. Pero maayos na ang lagay niya ngayon."
Nakahinga naman ng maluwag ang dalaga dahil sa mga narinig dito.
"Mayroon akong kailangan sabihin sa'yo, Margaret."
Napatitig na siya ng husto sa binata, ngunit umiwas lang ito ng tingin. May kakaibang kaba ang unti-unting umaahon sa kaibuturan ng puso niya. Parang nais niyang maiyak hindi pa man niya naririnig ang nais nitong sabihin. Nag lakas loob pa rin siyang tanungin ito.
"Tungkol ba saan ang sasabihin mo?"
Nakatitig lang sa kaniya ang binata,may kung anong emosyon siyang nababasa sa mga mata nito.
Biglang umihip ang hangin, nakaramdam siya ng ginaw kaya naman wala sa loob na napayakap na lang si Margaret sa sarili. Ngunit mas ramdam niya ang lamig ng mga titig sa kaniya ng lalaking kaharap.
"Margaret…" halos bulong nalang ang pagbigkas ni Haru sa pangalan ng dalaga. Hindi niya malaman kung paano mag-uumpisa. Kahit siya nahihirapan ang kalooban dahil sa naging kapasyahan.
Isipin pa lang na iiwan niya ang babaeng pinakamamahal,parang may libu-libong patalim na ang tumutusok sa kaniyang dibdib.
Makakaya niya bang muli na naman sila magkakalayong dalawa, katulad dati? Mas matimbang ang pag-ibig niya sa dalaga, ngunit tinatawag siya ng Arectia,sa kaniyang tungkulin.
Nang iwan niya ang Arectia upang tawirin ang mundong ito,alam niya na naging makasarili siya. Iniwan niya ang mamamayan ng Arectia,na umaasa sa kaniyang pamumuno.
Sariling kaligayahan lang niya ang kaniyang inisip. Hindi man lang niya hinintay na muling makabangon ang mundo nila bago niya lisanin.
Hindi man lang niya hinintay na maisaayos ang lahat. Hindi man lang niya inalam ang kalagayan ng bawat panig.
Kaya siguro nag aklas at ninais ng mga itim na lobo na sakupin ang mundo ng mga tao, dahil pakiramdam nila ay wala silang puwang sa mundo ng Arectia.
Hindi maiwasan na sisihin niya ang kaniyang sarili dahil sa nangyari. Muntik ng masira ang balanse ng dalawang mundo dahil sa kaniya. Dahil naging pabaya siya bilang hari.
Iyon ang nais niyang punan kaya gusto niyang bumalik ng Arectia. Gusto niyang maging karapat dapat na hari. Gusto niyang punan ang kaniyang pagkukulang bilang hari ng mundong iyon.
Alam niyang mauunawaan siya ni Margaret, ngunit paano ba simulan ang pamamaalam sa taong pinaghahandugan mo ng lahat sa'yo?
Ilang beses munang lumunok si Haru bago sinimulan ang nais sabihin sa dalaga. " Ka-kailangan kong bumalik ng Arectia."
Mahina lang naman ang pagkakasabi ng binata ngunit para iyong bomba sa pandinig ni Margaret. Bigla niyang nahiling na sana ay nagkamali lang siya ng narinig. Nakaramdam din siya ng panlalamig sa buong katawan.
Matagal lang na nakatitig siya rito. Umaasa na susundan nito ang sasabihin ngunit hindi ang pag-alis nito.
"Margaret… mahirap na desisyon ito para sa akin. Pero kailangan kung gawin alang-alang sa dalawang mundo. Kasalanan ko kung bakit muntik ng masakop ang mundo niyo ng mga itim na lobo na galing Arectia."
"P-pero bakit kailangan mong umalis? A-akala ko ba tapos na ang laban?" nagugulumihan na tanong ng dalaga rito.
Lumapit sa kaniya si Haru,isang dangkal na lang ang layo nito sa kaniya. " Tapos na nga. Ngunit ang pagiging hari ko ng Arectia,ay hindi kailan man matatapos," sandali itong huminto sa pagsasalita,bago bumuntong hininga. Nababanaag ni Margaret ang paghihirap ng kalooban nito ng mga sandaling iyon.
"Mahal kita, Margaret. Wala akong ibang mamahalin maliban sa'yo. Kung muli akong mabibigyan ng pagkakataon,kahit sa susunod nating buhay ay ikaw pa rin ang nanaisin kong mahalin at pag-alayan ng buhay ko." Madamdamin nitong saad sa kaniya.
Sa mga sinabi nito, parang may nagbara sa lalamunan ng dalaga sa pinipigil na emosyon na huwag mapasibi sa harapan nito.
Tumitig na lang siya rito,para ipagpatuloy nito ang nais sabihin. Nagsisikip lang ang dibdib niya kaya mas gusto na lang niya manahimik.
"Ngunit may tungkulin akong dapat gampanan sa Arectia. Naging makasarili ako ng piliin kong iwan ang aking nasasakupan. Kaya heto ang naging bunga ng aking pagiging makasarili."
Napayuko nalang si Margaret, upang hindi makita nito ang pangingilid ng luha sa kaniyang mga mata. Naramdaman niya ang paglapit nito,at itinaas nito ng kamay ang kaniyang mukha. Nang magtama ang kanilang mga mata, sunud-sunod na luha na ang dumaloy sa kaniyang pisngi. Kahit nanlalabo na ang mga mata dahil sa mga luha niya,hindi siya nag-abalang pahiran ito. Tila sa Ilang sandali ay nawalan siya ng lakas.