Walang maaring mag larawan ng sakit ng kalooban ni Margaret ng mga oras na iyon. Nahiling niya na sana isang panaginip lang ang lahat ng iyon.
Hindi niya na namalayan na nakayakap na sa kaniya ang binata. Hinayaan lang siya nitong umiyak sa dibdib niya. Noon lang nangyari sa kaniya na bumuhos ang lahat ng emosyon niya.
Sa loob ng ilang taon,inakala niya na mas tumatag na siya dahil sa mga pinagdaanan na hirap. At dahil kailangan niya maging matatag para sa pamilya. Pero ng mga oras na ito,pakiwari ng dalaga ay siya ang pinakamahinang nilalang.
Pilit siyang kumawala sa mga bisig nito,saka ito tinalikuran. Kahit papaano gusto pa rin niya magtira ng kaunting dignidad sa harap nito.
"Pa-paano ang mga plano natin?" nagawa pa rin niyang itanong dito.
Matagal bago sumagot ang binata,gusto na nga niyang lingunin ito ngunit nagpigil siyang gawin.
"Ituloy natin ang ating mga plano na magkasama sa pagbabalik ko."
Biglang napalingon si Margaret sa binata. Ngunit mga labi na nito ang sumalubong sa kaniyang mga nakaawang na labi. Maalab ang naging pag-angkin nito sa mga labi niya. Parang isang manlalakbay sa gitna ng disyerto na nakahanap ng balon ng tubig. Naging marubdob naman ang kaniyang naging pagtugon dito. Pinagsaluhan nila ang isang mainit at matamis na halik na tila wala ng bukas.
"Pangako ko sa'yo Margaret, babalik ako para tuparin ang mga pangarap natin dito sa mundo niyo. Bigyan mo lang ako ng pagkakataon na maisaayos ko ang Arectia."
Ngumiti ng tipid at sabay tango ang itinugon ng dalaga rito. Lubos na niyang mauunawaan ito. Maging siya ay naging makasarili rin. Lahat sila may kaniya-kaniyang tungkulin sa buhay, lalo na si Haru bilang hari.
Hindi rin siya magiging masaya kung pababayaan nito ang pamumuno sa Arectia. Kung ang isip nito ay laging nasa mundo nila.
"Maghihintay ako sa iyong pagbabalik."
"Salamat sa malawak mong pang-unawa. Kahit saan man ako naroon, hangga't nakikita ko ang buwan sa langit,lagi mong tatandaan lagi kang nasa puso't isipan ko."
Muli na naman bumalong ang luha sa kaniyang mga mata. Siya na ang yumakap rito, gusto niyang namnamin ang init ng mga yakap nito habang kapiling pa niya.
"Mahal na mahal kita…" bulong ni Haru sa tenga ng dalaga.
"Ikaw lang ang mamahalin ko habang ako ay nabubuhay," tugon naman niya rito.
Muli magiging saksi ang buwan sa paghihiwalay ng dalawang magkasintahan. Hindi namalayan ng dalawang magkayakap ang pagpula lalo ng buwan,tila pati ito'y nakikidalamhati sa pighating kanilang nadarama ng mga sandaling iyon.
BUMUKAS ang lagusan na nagdurugtong sa mundo ng Arectia. Nakapasok na ang lahat maliban kay Haru. Nakatingin ito sa direksiyon kung saan naroon ang bahay ni Dondon. Hindi na niya hinayaan na sumama pa ang dalaga para maihatid siya.
Gusto niyang baunin ang masasayang sandali na kasama niya ito. Baka kapag makita niya ito ay manghina ang kaniyang loob at piliin na huwag nang ituloy ang planong bumalik sa mundo nila.
"Sigurado ka na ba pare sa desisyon mo?" muling tanong ni Dondon dito.
Nalulungkot din ito sa paglisan ng itinuring ng kaibigan.
"Oo. Ikaw na ang bahala kay Margaret at sa babaylan."
"Huwag mo silang intindihin,ako ang bahala sa kanila. Pamilya na ang turing ko sa kanila. Handa kong ibigay ang buhay ko kung sakaling dumating man ang panganib."
"Pagpalain nawa ng dakilang lumikha ang iyong pagbabalik sa Arectia. Binabasbasan ko ang mabuting intensyon mo sa pagbabalik sa Arectia. Alam kong magtatagumpay ka dahil sa iyong mabuting puso." Litanya ng babaylan.
"Hihintayin namin ang pagbabalik mo," isang tapik sa balikat ang ginawa ni Dondon sa binata.
"Salamat sa inyo."
Pumasok na sa lagusan ang binata. Hindi na niya ginawang lumingon dahil parang mabibiyak ang puso niya ng mga sandaling iyon.
Nang mga oras na iyon,lingid sa kaalaman ni Haru, kanina pa nakatanaw si Margaret mula sa malayo. Gusto niyang masilayan ang binata bago ito bumalik sa Arectia. Kahit parang hinihiwa sa sakit ang puso niya.
Hilam sa luha nang makitang pumasok na sa lagusan ang binata,wala siyang nagawa kundi yumakap kay Selene na nasa tabi niya. Hinaplos-haplos naman nito ang kaniyang likod.
Pati ang babae ay nalulungkot sa naging kapalaran ng dalawa. Kahit may pangako si Haru na magbabalik,marami pa rin what if sa utak niya. Ayaw lang niyang dagdagdan pa ang pait sa puso ng kaibigan.
Sa kabilang banda naniniwala pa rin siyang makakagawa ng paraan ang lalaki kung paano muling makakatawid sa mundo nila.
"Magkikita pa naman kayo ni Haru,makita mo mabilis lang ang panahon," konsola niya sa kaibigan.
Walang tugon mula rito, hinayaan nalang muna niya ito.
NAGING magarbo ang naging pagsalubong sa pagbabalik ni Haru sa kanilang mundo. Parang isang piyesta,lahat ay masaya.
Mula ng bumalik siya walang tigil ang mga pagtugtog ng mga tambol at mga kasiyahan na ginanap sa loob man at labas ng palasyo.
Ang mga itim na lobo ay mga nasa piitan kasama ng mga ito si Zari. Labis ang paghihinagpis ng babae sa sinapit.
"Kasalanan mo ang lahat ng ito, Margaret!"
"May kasalanan ka rin anak," anang kaniyang ama. " Pasalamat nalang tayo ay binigyan pa tayo ng pagkakataon ng mahal na hari.
Matalim na sinulyapan ng babae ang ama. "Kung hindi sana pumalpak ang mga plano niyo! Sana ako ang reyna ng Arectia ngayon!"
Hindi naman na umimik si Argus. Inunawa nalang niya ang nararamdaman ng anak. Masama man ang loob dahil sa pagkabigo na maangkin ang mundo ng mga tao. Malaking bagay na rin na hindi sila pinarusahan ng kamatayan.
Pero nag-iisip siya kung ano ang pinaplano ng hari. Mukhang lumambot ang puso nito simula ng mapunta sa mundo ng mga tao. Malaking bagay talaga ang nagagawa ng pag-ibig. Sinulyapan niya ang anak na nasa sulok. Hindi maipinta ang mukha nito sa galit na nararamdaman.
Napukaw ang pansin nila sa pagpasok ng dalawang kawal, kasunod ng mga ito si Maru. Matiim ang pagkakatitig nito sa kanila. Batid nila na hindi ito sang-ayon na hindi kamatayan ang naging hatol sa kanila.
"Ilabas na siya," agad naman tumalima ang dalawang kawal at pumasok sa kulungan kung nasaan si Zari.
Hinawakan sa magkabilang braso ang babae at pilit inilabas sa kulungan sa kabila ng pagwawala nito. Napasunod nalang ng tingin ang iba sa kanila.
Napatuon ang tingin ni Argus sa lalaki. "Saan niyo siya dadalhin?"
"Wala ka sa posisyon para magtanong!" asik niya rito. Napayuko naman ito habang nakatiim bagang.
Tumalikod na si Maru at lumabas ng piitan. Nasundan na lang ni Argus ng tingin ang paglabas nito.
NASA mataas na tore ng palasyo si Haru, habang nakatanaw sa luntiang lupain na kaniyang natatanaw.
Nakarinig siya ng mga yabag na parating at galit na boses ng babae.
"Bitiwan niyo sabi ako! Bakit niyo ba ako dinala rito? Nasaan ang kamahalan? Nais ko siyang makita at makausap!" hiyaw ng babae.
Natigilan lamang ito ng makita siyang nakatayo sa may bulwagan. Walang emosyon ang mga mata nito sa pagkakakatitig sa kaniya.
Agad na yumukod ang dalawang kawal. Hindi naman tumitinag ang babae sa pagkakatayo nito.
"Magbigay pugay ka sa kamahalan!" mariing utos ni Maru rito.
Dahan-dahan naman ang ginawang pagyukod ng babae. Tila noon lang natauhan.
"Pinatawag kita upang ipataw sa'yo ang kaukulan parusa," panimula ni Haru.
Napaangat naman bigla ang mukha ng babae. "A-anong kaparusahan kamahalan? Maawa po kayo,k-kaya ko lang nagawa ang bagay na iyon dahil---."
"Tama na. Ayuko ng marinig ang mga paliwanag mo." Putol ng hari sa mga sinasabi nito.
"Makinig ka sa akin,Zari. Madali sa akin na iwan ka sa mundo ng mga tao. Alam mo bang maari kang maglaho sa mundong iyon na parang bula. Alam iyan ng ama mo pero hinayaan lang niya. Ginamit ka lang niya dahil sa pansariling interes."
"Hindi totoo iyan!" hiyaw niya. Hindi siya makapaniwala na gagawin iyon ng ama.
"Iyon ang totoo. Tanging ang taga pangalaga lamang ang may karapatan magpahintulot na makatawid sa kabilang mundo. Ang pagtawid mo ay labag sa ating batas, ngunit ginawa mo pa rin. Hinayaan mo rin gamitin ka ng mga itim na lobo para matawid nila ang kabilang mundo. Hinayaan mong sila makapaghasik ng lagim sa mundong iyon."
"P-patawad kamahalan…"
"Utang mo ang pangalawang buhay mo kay Margaret."
Nanlalaki ang mga matang napatitig siya rito. Hindi maunawaan ang nais nitong sabihin. Paano mangyayari na utang niya ang pangalawang buhay niya sa babaeng iyon?
"Hiniling niya na i-uwi kita ng ligtas sa mundong ito. Sa kabila ng mga ginawa mo sa kaniya,hindi nagbago ang pagtingin niya sa'yo. Kaibigan pa rin ang turing niya sa'yo. Inaalala pa rin niya ang kaligtasan mo."
Hindi makaapuhap ng sasabihin si Zari. Halo-halo ang kaniyang nararamdaman ng mga sandaling iyon. Hanggang makaalis sa silid na iyon ay wala na siyang naging imik. Nakinig na lamang siya rito. Maging ng i-utos nito na ipatapon siya lugar ng Agat,kung saan naroon ang mga mababang uri ng alipin.
Isa na lamang siyang mababang uri ng alipin. Ang pinangarap niyang maging reyna ng Arectia,ay naglahong parang bula. Habang patungo sa kaniyang destinasyon ay hinayaan niyang tumulo ang kaniyang mga luha. Mas masahol pa sa kamatayan ang naging kaparusahan niya.
Marahil mas magandang kamatayan na lang ang naging hatol sa kaniya. Dahil sa pakikialam ni Margaret, muling nabago ang kaniyang kapalaran. Hindi niya malaman kung dapat ba siyang matuwa sa nalaman na itinuturing parin siya nitong kaibigan sa kabila ng kaniyang ginawa.
Isang tawa ang kumawala sa kaniya habang patuloy sa pag-agos ang kaniyang mga luha. Napapatingin tuloy sa kaniya ang mga alipin sa paligid.
Ang iba ay napapailing nalang. Ang iba ay awa ang binabatong sulyap sa kaniya.
Tumigil siya sa pagtawa, hinayaan na lamang niyang umagos ang mga luha niya habang nakaupo sa lupa. Ang dami niyang sinayang.
"HINDI ba masyado naman magaan ang naging parusang ipinataw mo sa babaeng iyon?"
Napalingon si Haru sa nagsalita, bahagya siyang napangiti ng makita ang guro na si Ginoong Markis. "Sa tingin ko tama lang iyon. May naiisip pa ba kayong parusa na nababagay sa kaniya?"
Kunwa'y nag-isip ang ginoo bago sumagot. " Paano kung ikulong na lang siya habang buhay sa tore na malapit sa dalampasigan?"
"Naisip kong mas pakikinabangan siya kung magiging alipin siya sa Agat."
Napatango-tango naman ang kaniyang guro. " Sa Agat pala siya magiging alipin. Suhestyon lang naman sa akin,ikaw pa rin kamahalan ang nakakaalam ng mabuti."
Nang hindi siya tumugon ay muling nagtanong ang kaniyang guro. " Ano ang plano mo sa mga itim na lobo? At kay Argus? Magiging mabait ka rin ba sa kanila?"
Isang misteryusong ngiti ang sumilay sa hari. Napataas naman ang kilay ni Ginoong Markis.
"Gusto ko silang gawin sundalo na mangangasiwa sa katahimikan ng bawat nayon. Sila din ang magpoprotekta laban sa gustong sakupin ang bayan natin."
Bumadha ang pag-alala sa mukha ni Ginoong Markis sa nais mangyari ng hari. " Walang duda na maganda ang inyong plano na magkaroon ng mga sundalo na mangangasiwa sa katahimikan ng bawat nayon. Ngunit bakit sila? Wala akong tiwala sa mga iyon. Nagawa nga nilang sakupin ang mundo ng itinakda. Baka gumawa lang sila ng panibagong kaguluhan sa mundong ito."
"Isa sa mga naging suliranin natin ay ang pag konti ng mga sundalo. Kung sila ang gagawin kong tagapagbantay,mas magiging kapaki-pakinabang sila sa Arectia. Batid ko na kaya sila nag-aklas dahil hindi pa rin naibabalik sa kanila ang teritoryo ang mga bundok at kagubatan."
"Patawad kamahalan,isa sa mga suliranin na hindi ko na solusyonan habang wala kayo."
Lumapit si Haru sa kaniyang guro at tinapik ito sa balikat. "Wala kayong pagkukulang. Ako ang responsable sa mga pangyayari rito. Naging makasarili ako at pabaya sa aking nasasakupan. Ngayon narito na ako,lahat ng hinaing ng mga Arectia ay aking pakikinggan."