Hindi makapaniwala na ang nagsasalita sa kaniyang harapan ay ang batang sinanay niya noon. Ang laki ng pinagbago nito simula ng magbalik. Dahil kaya kay Margaret ang pagbabago nito ng kanilang hari?
Naalala pa ni Ginoong Markis,nang bumalik ang dalaga sa kanilang mundo. Naging malulungkutin ang kanilang hari. Lahat ginawa nila upang mapasaya ito, ngunit lahat sila ay bigo.
Mabuti na lamang ay pumayag ang taga pangalaga ng Arectia na ito'y makatawid sa mundo ng babaeng pinakakamahal. Nabatid ng tagapangalaga na tunay ang pag-ibig ng dalawang nilalang na mula sa magkabilang mundo.
Ngunit nagtataka lamang siya kung bakit kailangan bumalik sa mundo nila ang kanilang hari? Alam niyang may malalim pang dahilan ito.
"Nakikinig ka ba sa akin Ginoong Markis?"
Muling nagbalik sa kasalukuyan ang isip ng ginoo. " Pasensya na kamahalan. Nakikinig po ako sa inyo."
"Nais kong samahan mo ko maglibot sa buong lupain. Gusto ko rin puntahan ang puntod ng aking ina." Biglang nagkalambong ang mga mata ng hari ng maalala ang pinakakamahal na ina.
"Anumang oras ay nakahanda ako sa ating pag-alis."
HABANG sakay ng dalawang kabayo,banayad lamang ang ginagawa nilang pagpapatakbo sa mga ito.
Huminto sila sa isang batis, upang makainum na rin at makapagpahinga kahit sandali.
"Kamahalan,natutuwa ako sa inyong pagbabalik sa mundo natin, ngunit bakit ninyo iniwan si Margaret?"
Isang buntong hininga muna ang pinakawalan ng hari bago sumagot. "Babalikan ko rin siya. Sa ngayon gusto ko munang gampanan ang tungkulin ko rito."
Nasisiyahan naman si Ginoong Markis. Noon pa man ay tutol na siyang umalis ito ng Arectia, ngunit hindi rin kaya ng kalooban niyang makitang nahihirapan ito.
"Siya nga pala,ang mag-anak na inyong pinadala ay kasalukuyan naninirahan sa bundok ng Nab. Doon nila pinili na manirahan ng tahimik."
Napatango na lang siya. Saka inaya na itong muli silang magpatuloy sa paglalakabay.
Pagkatapos ng ilang oras ay sa wakas narating na rin nila ang puntod ng kaniyang ina. Nagbigay galang siya rito at tahimik na nagdasal.
Tahimik lamang na nakamasid si Ginoong Markis sa kaniya. May ilang sandali bago umalis ang dalawa.
Marami pa silang pinuntahan na mga nayon at inalam ang mga kalagayan ng mga taong nakatira doon.
Inabot din ng Ilang araw ang paglilibot ng kamahalan kasama si Ginoong Markis. Huli niyang tinungo ang pamilya ng halimaw na kaniyang pinadala sa mundong ito.
"Muli tayong nagkita kamahalan, maraming salamat sa pagpapalang inyong ginawa sa amin," anang Mr. Scott.
Nakatayo sa tabi nito ang asawa nito. Iginala ng kamahalan ang kaniyang paningin sa paligid.
"Wala ata ang inyong anak na si Ravin?" tanong niya sa mga ito.
Si Mrs. Scott ang sumagot. " Kasalukuyan siyang nasa gubat ngayon. Simula ng dumating kami rito,pangangaso na ang naging libangan niya."
"Nais sana namin kayong anyayahan na dumito muna sa aming tahanan. Mamaya ay narito na si Ravin." Paanyaya ni Mr. Scott.
Pinaunlakan naman ng dalawa ang paanyaya ng mag-asawa. Nais din malaman ng kamahalan ang sitwasyon ng pamilya sa Arectia.
Ilang sandali rin ang lumipas ng dumating si Ravin,pasan ang isang baboy ramo sa balikat nito. Namangha ito nang makita ang dating katunggali sa mundo ng mga tao.
"A-akala ko po nasa mundo kayo ng mga tao," bulalas nito. Bahagya itong yumukod bilang paggalang. " Salamat po sa pagpapapunta sa lugar na ito sa amin."
.
Hinagod ng kamahalan ang kabuoan nito. " Natutuwa ako sa naging pagbabago mo, Ravin."
Isang tipid na ngiti ang isinagot nito. Naging masagana ang kanilang pinagsaluhang hapunan. Maraming kuwento ang mag-asawa sa naging buhay nila sa Arectia. Kinuwento rin ng mga ito na simula ng dumating sila,hindi na naging halimaw si Ravin. Naging normal na tao na ito.
Sa lahat ng ito ay tahimik lamang ang kanilang anak.
Sa labas ng bahay ang kamahalan at nakatingin sa buwan sa langit.
"Iniisip mo siya?"
Lumingon siya sa nagsalita sa kaniyang likod at muli rin ibinalik ang paningin sa buwan. " Oo,hindi ko itinatanggi iyan. Walang oras ng buhay ko ang hindi siya ang laman ng aking isipan."
"Kung ganoon bakit mo siya iniwan?"
Natigilan siya sa tanong nito, napatitig siya ng matagal rito, ngunit umiwas din bandang huli. "May dahilan ako."
"Hindi sa nangingialam ako sa'yo kamahalan. Pero kung iyong papahintulutan,nais kong magbigay ng konting payo,baka sakaling makatulong balang araw sa'yo."
"Sige lang. Magpatulo ka nais mong sabihin."
At muling nagsalita si Ravin, habang nakatingin sa maliwanag na buwan. "Ang tunay na pag-ibig,kahit wala kang gawin,kusa itong maghahanap ng daan upang ang dalawang taong nagmamahalan ay muling magtagpo. Kahit pilitin man itong hadlangan ng mga hindi natin inaasahan pangyayari,balang araw ay para itong agos ng ilog,maghahanap ng dadaanan. Katulad sa isang ilog, ito'y buhay sa mga nakararami. Ganoon din ang pag-ibig,ito ang nagsisilbing buhay upang magpatuloy pa rin ang dalawang taong nagmamahalan sa kabila ng pagkakalayo."
Matagal ng wala si Ravin, ngunit nananatili pa rin sa labas ng bahay ang kamahalan. Lumabas na si Ginoong Markis,upang sunduin ito. Lumalalim na ang gabi at kailangan din ng pahinga nito.
"Maaga ang alis natin bukas kamahalan."
Ngunit hindi tumitinag ang kamahalan. Nakatingin lamang ito sa kawalan. Iniisip ang babaeng pinakakamahal.
Ilang sandali munang hinayaan lamang ni Ginoong Markis ito bago muling nagsalita.
"Alam kong pagod kayo sa ilang araw nating paglalakbay. Makakabuti kung ipapahinga niyo na ang pagal niyong katawan."
Saka lang niya ito sinulyapan, bahagyang tumango at pumasok na sa loob ng tahanan ng pamilyang Scott.
KINABUKASAN, kinausap ni Haring Haru si Ravin at mga magulang nito. Kung papayag na magtrabaho sa palasyo ang lalaki bilang kawal. Mababakas ang kasiyahan sa mukha ng mag-asawa.
"Isang karangalan kamahalan na maging kawal ng inyong kaharian," tugon naman ni Ravin.
Nang araw na iyon ay kasama na nila ang lalaki sa pagbabalik sa palasyo. Isang tagapagsanay ng mga kawal ang binilinan ng hari na sanayin si Ravin, upang maging karapat dapat na mandirigma ng palasyo.
Pagkatapos magbigay pugay sa hari,umalis na ang dalawang lalaki upang simulan na ang pagsasanay ng mga ito.
"Alam kong magiging mahusay siyang kawal," anang Ginoong Markis habang nakasunod ang tingin. " Kung malakas palang sana ako katulad dati,nais ko sanang ako mismo ang magsanay sa kaniya, katulad ng ginawa ko sa'yo at sa iba pa."
"Maari niyo pa naman gawin,kung iyan ang gusto niyo."
Umiling naman si Ginoong Markis,sa naging tugon ng hari. "Ipapaubaya ko na lang sa mga mas bata sa akin. Tiwala ako sa kanila dahil dumaan din sila sa ilalim ng aking pagsasanay. Kontento na ako na nasa tabi mo."
Mababanaag sa mga mata ng lalaki ang katotohanan sa mga sinabi nito.
"Gusto kong i-enjoy mo nalang ang buhay mo, Ginoong Markis. Sobra na ang pagsisilbi mo sa akin at sa buong kaharian. Utang namin sa'yo ang kapayapaan na tinatamasa ng mundong ito."
"I-enjoy? Ang ibig niyo po bang sabihin ay magpakasaya nalang ako?" isang malutong na tawa ang pinakawalan ng lalaki. "Matagal na akong nag-i-enjoy kamahalan. Kasiyahan na sa akin ang paglingkuran ang dating hari at kayo naman. Masaya na akong i-alay ang natitira ko pang buhay sa kaharian natin."
Ilang ngiti ang pinakawalan ng hari rito,isang ama na ang turing niya rito. Ayaw niyang isipin na may hangganan ang buhay nito.
Marami pa silang napag-usapan bago nagtapos ang kanilang pag-uusap.
SA KABILANG dako naman ng kaharian,hindi magkandaugaga si Zari sa pag-iigib ng tubig sa isang balon. Tagaktak na ng pawis ang buong mukha.
Tumigil siya sandali upang punasan ng likod ng palad ang pawis sa mukha.
"Anong ginagawa mo, babae? Bawal ang magpahinga rito!" asik ng isang babaeng kawal na namamahala sa lugar na iyon. Malaking babae ito at may matapang na bukas ng mukha.
Agad siyang yumuko. " Pasensiya na po," muli na niyang binuhat ang timba at halos magkadatalisod na sa pagmamadali na makalayo rito.
Pagod sa maghapon na gawain bilang alipin. Hindi na nagawa ni Zari ang kumain ng hapunan. Sa kuwadra kung saan siya itinalaga na magpahinga ay agad niyang inilatag ang pagal na katawan.
Habang nakahiga sa dayami ay naisip niya ang kamahalan. Noong una sobrang namuhi siya rito ngunit sa huli ay napag-isip-isip niyang kasalanan naman niya ang sinapit niyang ito.
Kung hindi siya nagpadala sa sariling damdamin at sulsol ng ama ay wala siya sa ganoong sitwasyon ngayon. Hindi niya namamalayan na may mga luha na palang dumadaloy sa kaniyang mga mata.
Naaawa siya sa sarili. Sa sobrang tayog heto ang napala niya. Sobrang nagsisisi na siya ngayon. Nais na niyang magbalik sa dati. Iyong dati na hindi pa niya nakikilala ang kamahalan. At maging ang itinakda noon.
Marahan niyang pinahid ang mga luhang nag-uunahan paring mamalisbis sa kaniyang pisngi. Bukas isang mahirap na naman na maghapon. Parang hindi na niya kakayanin pa ang bigat ng trabaho sa maghapon. Pinilit nalang niyang pinikit ang mga mata.
"KAMAHALAN,nagpupumilit si Zari na kayo ay makausap."
Sandaling huminto sa kaniyang ginagawa ang kamahalan. "Anong kailangan niya, Ginoong Markis?"
"May mahalaga daw siyang pakay. Hinihiling niya na sana ay mapagbigyan niyo siya alang-alang sa inyong napagsamahan noon."
"Pagbibigyan ko ang kaniyang hiling."
Pagkarinig sa sinabi nito ay agad na iniutos ni Ginoong Markis sa isang kawal na papasukin sa palasyo ang babae.
Hindi naglipas sandali ay kasama na ng kawal si Zari.
Labis na nabigla ang kamahalan nang makita ito sa kalunos-lunos nitong kalagayan. Sobrang payat nito,nanlalalim ang mga mata. Ang dating maniningning na mga mata ay tila patay na nakatitig sa kaniya.
"Salamat kamahalan dahil pinagbigyan niyo ako na makaharap kayong muli."
Nag-alis ng bara ang hari bago nagsalita." Ano ang nais mo at gusto mong akong makausap?"
Nagulat siya ng biglang lumuhod ang babae. Wala din tigil ang pag-agos ng mga luha nito habang inilalahad ang nais nitong sabihin. " Kamahalan, ako'y kahabagan niyo kahit sa huling sandaling ito. Sana po inyo akong pahintulutan na makauwi na lamang sa aming lugar. Pangako ko hinding hindi na akong muling tatapak malapit sa kaharian niyo. Pahintulutan niyo na po ako kamahalan!"
"Paano mo nagagawang hilingin ang bagay na iyan? Hindi mo pa napagbabayaran ang iyong nagawang kasalanan," si Ginoong Markis ang tumugon dito.
Kahit may awang humaplos sa puso niya ay mas nangingibabaw pa rin ang pagsunod sa batas ng palasyo. Kung maaawa ka sa isa ay kailangan maawa ka sa lahat.
Bigla naman napayuko si Zari dahil sa tigas ng pananalita ni Ginoong Markis. Hindi na ito ang dating kilalang guro na nakilala niya noon. Hindi naman niya masisi ito ngayon. Walang dapat sisihin kundi siya lamang.
"Huwag mong samantalahin ang kabaitan ng kamahalan. Batid mong kamatayan sana ang parusa sa'yo. Ngayon ano itong hinihiling mo sa ating kamahalan?"
"Pa-patawarin niyo po ako... ngunit ako'y pagod na at nahihirapan na sa akin kalagayan."
Muli sanang magsasalita si Ginoong Markis ngunit inunahan na ito ng hari. "Paano ako nakatitiyak na kapag hinayaan kitang makauwi sa inyo ay hindi mo na ulit gagawin ang ginawa mong kalapastanganan?"
Ilang beses napalunok si Zari sa matitiim na titig ng hari sa kaniya. Sa ilang sandali ay tila siya walang maapuhap na sasabihin dito. Hindi mahagilap sa isip kung ano ba ang itutugon dito.
"Huwag mong paghintayin ang hari. Sumagot ka babae!" untag ni Ginoong Markis. Kunot na kunot ang noo nito habang nakatingin sa kaniya.
"Patawarin niyo po ako sa mga nagawa kong pagkakamali noon. Pangakong hindi na mauulit pa ang ginawa ko. Sobrang nagsisisi na ako." Sa wakas nagawa niyang sabihin sa mahinang tinig.
Ngunit hanggang sa palabasin siyang muli sa palasyo ay hind niya narinig ang tugon ng hari. Blanko ang mukha nito habang nakatitig lamang sa kaniya. Nang nasa labas na siya ng palasyo,hindi maiwasan na hindi muling tumulo ang kaniyang mga luha. Sobrang kabiguan ang kaniyang nadarama ng mga oras na iyon. Pakiramdam niya kalahati ng pagkatao niya ay namamatay ng unti-unti.