"Maaari ko bang malaman kung ano ang nasa inyong isipan, kamahalan?"
Nakatalikod siya kay Ginoong Markis, nakatayo siya sa tapat ng malaking bintana ng kaniyang silid. Simula ng maging hari siya ng Arectia,ito na ang silid na kaniyang pinili. Nais niya kasi tuwing gigising ay matanaw ang malawak na lupain nito. Ang mga dating silid na inokupa ng mga nagdaang hari ng Arectia ay tuluyan na niyang pinasara.
Nilingon niya ito pagdaka. "Marami akong pagkukulang na dapat kung pagbayaran. Kasama na roon ang tungkol kay Zari. Kasalanan ko kung bakit niya dinadanas ang ganoon bagay. Hindi ako naging mabuti sa kaniya. Nang nasa mundo siya ng mga tao,hindi ko man lang nagawang pahalagahan ang ginagawa niyang sakripisyo. Ang pag-ibig niya sa akin ang nagdala sa kaniya sa kapahamakan," sandaling huminto sa pagsasalita ang hari. Si Ginoong Markis naman ay nagsasalimbayan ang iba't ibang emosyon sa mukha.
"Ano ngayon ang inyong nais kamahalan?"
"Pumili ka ng ilang kawal. Gusto kong maging ligtas si Zari sa muling pagbabalik niya sa kaniyang bayan."
"Masusunod po kamahalan."
NANG mapag-isa sa kaniyang silid. Kinuha ni Haru ang nakatagong larawan nila ni Margaret. Isang malawak na ngiti ang gumuhit sa kaniyang mga labi. Muling binalikan sa isip ang masasayang sandali nila ng dalaga. Sobrang nasasabik na siyang muli na mayakap at mahagkan ito. Kung alam lang nito ang labis na pangungulila niya rito. Batid niyang parehas lamang sila ng nararamdaman ng dalaga.
KAKAIBANG kaba ang naramdaman ni Zari nang matanaw na papalapit sa kaniya ang ang tatlong kawal ng palasyo kasama ng mga ito si Ginoong Markis.
Nang makalapit ang mga ito ay bahagya siyang yumukod bilang pagbibigay ng galang. Tumatahip ang kaniyang dibdib habang hinihintay ang sasabihin ng ginoo.
"Pumayag na ang kamahalan sa iyong hinihiling," panimula nito."Isa ka ng malayang mamamayan ng Arectia. Narito ang ilang kawal upang maihatid ka ng ligtas sa iyong paroroonan."
Napaangat siya ng tingin rito na bigla ring binawi dahil sa matiim na pagkakatitig ng ginoo sa kaniya.
"M-maraming salamat po sa pagpapala," tanging nasabi niya. Sobrang galak ang nararamdaman ng puso niya sa mga sandaling iyon.
Inayos lang ni Zari ang ilan sa mga gamit niya. Hindi na rin siya nagpaalam sa mga naging kasama sa lugar na iyon. Wala naman kasi siyang naging kaibigan sa mga ito. Ngunit sa kaniyang puso hangad niya ang kapayapaan at kaligayahan ng mga ito.
Tatlong kawal ang maghahatid sa kaniya. Sakay ng karwahe,aabutin din ng ilang araw ang magiging paglalakbay niya pauwi sa kanilang nayon. Sa huling sandali ay tinanaw niya ang bawat dinadaanan nila.
Masaya siya na alam niya na ang buong Arectia ay ligtas na laban sa masasamang itim na lobo na nais sakupin ito. At siya ay tuluyan ng mananahimik. Tapos na ang kaniyang mga kahibangan sa kaniyang kamahalan. Tanggap na niya na hanggang panaginip na lamang niya ito.
Isang buntong hininga ang kaniyang pinakawalan. Sumandal na lamang siya at itinigil na ang pagtanaw sa kanilang dinadaanan. Mariing ipinikit ang kaniyang mga mata. Biglang lumitaw sa kaniyang balintataw ang anyo ni Margaret. At noong panahon na kaibigan pa ang turing niya rito. Hindi niya namalayan ang pagsilay ng ngiti sa mga labi. Sa kaniyang isipan alam niyang napatawad na siya ng dalagang itinakda. Ganoon kabuti ang puso nito.
Katulad ng inaasahan, inabot ng ilang araw ang pag-uwi niya sa kaniyang nayon. Naabutan niya ang ilang kanayon na inakala niya noon ay namatay sa pag-atake ng mga itim na lobo. Masayang sinalubong siya ng mga ito. Noon lang niya napagtanto sa sarili na talagang nakauwi na siya sa kaniyang tahanan.
Hindi nag-aksaya ng panahon si Zari,gusto niyang makabayad sa malaking kasalanan na nagawa. Para kahit papaano ay makabawi man lang. Tinuruan niya ang ilan sa mga bata sa nayon nila kung paano magbasa at sumulat. Tinuruan din niya ang ilang kababaihan kung paano maghabi ng mga damit at ilang puwedeng gawing produkto na maari nilang ibenta sa ilang bayan ng Arectia.
Isang araw ay nagulat ang lahat ng biglang may dumating na mga kawal ng palasyo. Nagpadala ng mga kakailanganin ng kanilang nayon ang hari na maari nilang magamit sa pangkabuhayan nila. Maging mga regalo para sa mga bata.
Sa panggigilalas ng lahat ay nagpagawa ng tila isang parkeng palaruan para sa mga bata ang hari. Bawat nayon ay iniutos niyang maglagay ng palaruan. Marami ang natuwa sa naging proyektong nito.
Walang pagsidlan ang nararamdaman ni Zari dahil sa kabila ng lahat ng kaniyang nagawa ay kabutihan pa rin ang isinukli ng hari sa kanila. Hindi tuloy maiwasan na hindi muling mabuhay ang pag-ibig niya para rito.
Ilang gabing laman lagi ng isipan niya na maaring wala ng balak pang bumalik sa mundo ng mga tao ang kanilang hari. Biglang may nabuhay muli na pag-asa na baka mabaling na sa kaniya ang pagtingin nito. Ngunit iwinaksi din niya sa isipan iyon. Ilang beses na siyang nabigo rito. Kahit pa sabihin nasa iisang mundo sila,ang puso't isipan nito ay nasa mundo kung saan naroon si Margaret.
Mabilis na lumipas ang mga araw,nabalitaan ni Zari na ginawang mga sundalo na magbabantay sa katahimikan sa bawat nayon ang mga itim na lobong nagtangkang sakupin ang mundo ng mga tao noon.
Natutuwa siya dahil hindi naparusahan ng kamatayan ang kaniyang ama. Kahit papaano ay nasasabik din siyang makita itong muli.
Ibang klase talaga ang paraan ng pamumuno ng kanilang hari. Alam niya na malaking impluwensiya ni Margaret sa paraan ng pamumuno nito. Naisip niya na talagang hindi kailanman mawawala sa sistema ang babae. Nakaukit na ang buong pangalan nito sa buong Arectia at pagkatao ng kanilang hari.
Katatapos lang niya sa pagtuturo sa mga bata. Naglalakad na siya pauwi ng madaanan ang tatlong ale na may pinag-uusapan. Napukaw ang atensiyon niya ng marinig ang pangalan ng kanilang hari.
Tumigil siya sandali upang mapakinggan ang pinag-uusapan nila.
"Tama lang naman na mag-asawa na ang hari. Kailangan niya ng magmamana ng kaniyang trono balang araw," saad ng pinaka may-edad sa kanila.
"Kung hindi manggagaling sa kaniya ang magmamana ng trono,isang sigalot na naman ang magaganap dahil sa agawan sa trono," turan naman ng isa pa.
"Suwerte naman ng mapipili ng hari. Tingin ko sa bago nating hari ay tapat sa iisang babae, kaya kung sino man ang babaeng iyon,tiyak na wala siyang magiging kaagaw."
Bago pa mahalata ng tatlo na nakikinig siya ay agad narin siyang umalis. Nang makauwi sa bahay ay napaisip ng malalim si Zari. Hindi na naman maiwasan na makaramdam ng pag-asa sa kaniyang puso.
Ngunit naiisip ang binitiwang salita sa sarili na kapalit ng kaniyang paglaya ay titigilan na niya ang hari. Paano kung dahil na naman sa kaniyang pag-ibig ay mapahamak na naman siya.
Buong kaisipan niya at puso ay nalilito. Tila napakalakas na naman ng tukso sa kaniya. Pero kailangan niyang paglabanan ito,ayaw na niyang bumalik sa pinanggalingan. Pero may bahagi ng puso niya ang tila tuksong bumubulong na sundin niya ang tinitibok nito.
BALITA sa buong Arectia ang ginawang pagtatalaga sa mga taksil na mga itim na lobo, bilang mga sundalong magbabantay sa katahimikan ng bawat nayon.
May ilan na natuwa dahil mas magiging panatag ang lahat. Ngunit may iba naman na napapataas ang kilay at ang iba ay nagpapakita ng kawalang tiwala.
Madalas makarinig ang grupo ni Argus ng hindi magandang salita sa ibang mga tao. Pinapawalang bahala na lamang nila ito. Ang mahalaga sa kanila ay binigyan pa sila ng pagkakataon na mabuhay at maituwid ang kanilang kamalian na nagawa.
Si Ginoong Markis lamang ang humarap sa kanila noong binasa ang kanilang sakdal. Inakala nilang lahat na kamatayan ang naghihintay na kaparusahan sa kanila. Laking gulat nila ng marinig ang utos ng kanilang hari.
Ayon pa kay Ginoong Markis,mababalik sa kanilang teritoryo ang mga kabundukan at mga kagubatan pagkatapos ng kanilang sentensiya na magsilbi sa mga taga nayon.
Dinagdag pa nito,nais ng kanilang hari na alisin ang masamang impresiyon sa mga itim na lobo ng mga mamamayan ng Arectia. Ito ang paraan niya upang magkaisa ang mga tao at taong lobo.
Lahat ay nais niyang maging pantay-pantay dahil lahat ay mamamayan ng Arectia. Dahil sa naging desisyon ng kanilang hari ay nakuha nito ang respeto niya na kahit sa kapwa itim na lobo ay hindi niya naibigay. Sa lahat ng naging hari ng Arectia,ito ang may totoong puso para sa kaniyang nasasakupan.
Matapos malaman ang plano ng hari sa kanila. Kinausap niya ang kaniyang mga taga sunod. Iminungkahi niya na ibigay ang buong katapatan sa kanilang hari. Dahil sa wakas mararamdaman na rin nila na sila ay mamamayan ng Arectia.
Isa sa mga dahilan ng kanilang pagrerebelde at naisipan na sakupin ang mundo ng mga tao,dahil na rin sa kawalan ng matitirahan sa Arectia. Pakiwari ba nila ay ang gubat at mga kabundukan na minana pa nila sa kanununuan ay kinamkam pa ng mga tao.
Pero dahil sa magandang hangarin ng kanilang hari ay nabigyan ng daan na magkasundo ang mga tao at itim na lobo. Binigyan pa sila ng isa pang pagkakataong. Naisip niya ang dalagang itinakda,alam niyang may kinalaman ito sa mga kakaibang desisyon ng kanilang hari.
Isang araw ay naisipan niyang dalawin ang anak na si Zari. Malaki ang naging pagkukulang niya rito. Muntik pa itong mapahamak dahil sa pagiging makasarili niya. Nais niya itong makausap upang makahinge na rin ng kapatawaran. Nais niyang iparamdam muli rito na kahit sila na lang dalawa ang magkadugo ay pamilya pa rin sila.
Madilim na ng marating ni Argus ang nayon kung saan nakatira ang babae. Tila naramdaman ni Zari ang pagdating niya kaya nagbukas ito ng pinto ng bahay.
Nagulat man ito ng makita siyang nasa harap ng bahay nito ay maaaninag pa rin ang kasiyahan dito pagkakita sa kaniya. Patakbo itong yumakap sa kaniya. Sa maraming taon ng buhay niya,ngayon lang niya naramdaman ang tunay na kahulugan ng pagiging ama. Napakasarap pala sa pakiramdam.
May ilang sandali sila sa ganoon ayos bago siya niyaya ng anak na pumasok sa loob ng bahay nito.
"Natutuwa ako ama,dahil hindi kayo pinarusahan ng kamatayan ng kamahalan."
"Napakabuti ng ating hari,sana noon pa tayo sa kaniya nakipagkasundo."
Napangiti naman si Zari. Mukhang nakuha ng kanilang hari ang malaking respeto ng kaniyang ama. Kita sa awra ng ama ang malaking pagbabago rito. Nawala ang kabangisan sa anyo nito na kinatatakutan ng kalahi nila at maging ng mga tao.
"Buong suporta ng ating angkan ang ibibigay natin sa kaniya."
Biglang tumahimik si Zari, iniisip kung tama bang sabihin sa ama ang kaniyang nasa isipan ngayon. Bandang huli ay sinabi na rin niya ang bumabagabag sa kaniya.
"Ama,ano ang balita sa palasyo ngayon? May kumakalat kasing balita sa buong nayon tungkol sa kamahalan."
Kunot noo na tiningnan siya ng kaniyang ama." Tungkol ba sa pag-aasawa ng kamahalan?"
"Opo ama," tugon niya rito na hindi makatingin ng diretso sa mga mata ng ama. Pakiramdam ba niya ay bigla siyang nakaramdam ng hiya rito.
"Wala pa naman kumpirmasyon tungkol sa bagay na iyan. Ngunit usap-usapan sa palasyo na pinipilit na ng konseho na humanap na ng mapapangasawa ang hari upang matiyak na mayroon magmamana sa kaniyang trono."
Hindi namalayan ni Zari na may imbing ngiti ang sumilay sa kaniyang mga labi. Hindi naman nakaligtas sa kaniyang ama ang ngiting iyon.
Seryuso itong muling nagsalita." Kung anuman iyang naglalaro sa isip mo anak ay huwag mo ng ituloy pa. Huwag natin sayangin ang ibinigay na pagkakataon sa'tin. At isa pa alam mong ang babaeng itinakda lamang ang iniibig ng kamahalan."
Bigla naman nakaramdam ng pagkapahiya sa harap ng ama si Zari. Tila isang sampal sa kaniya ang mga sinabi nito. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig at biglang nagising.
Nang hindi siya tumugon ay muling nagsalita ang kaniyan ama." Ikaw lang ang inaalala ko anak. Nais ko rin magkaroon ka ng sarili mong pamilya. Pero sana ay huwag mo ng pangarapin ang kamahalan."
Mas pinili na lamang manahimik ni Zari. Lalo kasing naging magulo ang utak niya. Maaring dahil sa kaibuturan ng puso niya ay umaasa parin siya na balang araw ay papansinin din siya ng hari.
Hindi na rin nagtagal ang kaniyang ama. Matapos ang ilang tagubilin sa kaniya ay umalis na ito. Nangako pa ito na kapag hindi abala ay muling dadalawin siya.
Nang gabing iyon ay naging mailap ang antok kay Zari. Laman ng isip niya ang hari at mga sinabi ng ama. Muling binalikan ang paghihirap niya. Ayaw na niyang maranasan ulit ang bagay na iyon. Aaminin niya na may kulang sa kaniya ngunit may kapayapaan naman.