NASA labas ng palasyo si Haru habang nag-eensayo sa kaniyang pag pana. Matagal-tagal na rin ng huling makahawak siya ng pana. May dalawang oras din siyang nagsanay bago tumigil.
Naisipan niyang maglakad-lakad muna sa hardin. Nais niya munang makasagap ng sariwang hangin bago magbalik sa loob ng palasyo.
Habang naglalakad ang kaniyang kanang kamay ay ini-uulat ang mga kaganapan sa buong Arectia.
"Sa lahat ng nayon hanggang kadulu-duluhan ay walang balita na may sinasalakay ng mga bandidong grupo. Walang binabalita na may nagugutom na mga residente ng Arectia." Pagtatapos nito sa ulat.
"Magaling Dama. Iyan talaga ang nais ko sa buong Arectia." Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang huminto siya sa isang malawak na hardin ng mga iba't ibang bulaklak. Nawili siyang masdan ang mga ito dahil naaalala niya sa mga ito ang itinakda.
Isang tikhim ang nagpanumbalik sa kaniya sa kasalukuyan." May nais ka pa bang i-ulat, Dama?"
"Kasi po kamahalan usap-usapan sa buong palasyo ang tungkol sa iyong magiging tagapagmana."
Kunot ang noo na tinitigan niya ito." Ano ang nais mong sabihin?"
"Nag-aalala lamang po ang buong konseho na baka hindi niyo na maisipan maghanap ng mapapangasawa. Paano po ang susunod na tagapagmana ng trono?"
Natigilan naman si Haru sa sinabi nito. Sa Arectia ay naging tradisyon na ang maraming asawa upang masiguro na may susunod na tagapagmana. Simula ng bumalik siya sa mundong ito,hindi niya naisip man lang tumingin sa ibang babae.
"MALALIM ata ang inyong iniisip, kamahalan?"
Hindi niya namalayan na nakalapit na pala si Ginoong Markis. Bahagya niya itong nginitian ito.
"Iniisip ko ang suliranin ng kaharian. Nabalitaan mo na ba ang kumakalat na balita? Nag-aalala sila sa susunod na magiging hari ng Arectia. Sino daw ang magmamana ng aking trono? Sa tingin ko masyado pang maaga para alalahanin ang bagay na iyan."
Nag-alis muna ng bara sa lalamunan si Ginoong Markis at mataman ang pagtitig sa kaniya. "Kinausap ako ng konseho. Payuhan daw kita na pumili ng mga kadalagahan sa kaharian upang maging iyong asawa."
Napatayo ang hari mula sa kaniyang kinauupuan na trono. Biglang nag ngalit ang kaniyang mga ngipin,at sumiklab din ang galit sa kaniyang puso. Pakiramdam niya kasi ng mga oras na iyon ay pinapakialaman ng konseho ang usaping puso niya.
Napatingin naman si Ginoong Markis sa nakakuyom niyang kamao." Huminahon kayo kamahalan. Wala silang masamang intensiyon sa nais nilang mangyari. Pinaliwanag nila sa akin ang kanilang pinangangambahan,kung sakaling mabigo kang magkaroon ng tagapagmana."
"Ang panghimasukan ang personal kong buhay ay kalapastanganan ng maituturing!"
"Maari nga kamahalan. Ngunit sumasang-ayon din ako sa nais nilang mangyari."
Napamulagat naman si Haru sa sinabi nito. Bakas sa kaniyang mukha ang hindi pagkapaniwala. Bakit pati ang kaniyang guro at tinuturing na pangalawang ama. "Alam niyong kahit kailan hindi ko magagawang tumingin sa ibang babae."
"Alam ko kamahalan. Pero nais ko sanang pakinggan niyo muna ako."
Huminahon naman si Haru. Nais din niyang marinig ng buo ang sasabihin nito. Kaya naman tumahimik muna siya at naghintay sa ilalahad nito.
"Alam ko po na tanging ang itinakda lamang ang inyong iniibig. Ang inaalala lamang ng buong konseho ay matulad sa mga nakaraan na mga hari. Alam niyo kung gaano kagulo ang naging kasaysayan ng Arectia."
"Ang nais lamang namin ay masiguro na hindi na ulit pagdadaanan natin ang ganoon pangyayari na naging dahilan ng pagkakawatak-watak ng mamamayan ng Arectia."
"Sa tingin mo ang pag-aasawa ko ang solusyon?"
Hindi sumagot si Ginoong Markis.
Bigla naman sumulpot ang kaniyang mga pinsan na sina Maru,Sardox,Clad,Rio at Eschavez. Pawang mga nakangisi ito sa kaniya.
Nagtaka silang pareho ni Ginoong Markis sa biglaang pagsulpot ng mga ito. Alam kasi nila na sa malayo nagpadestino ang mga ito upang lalong makapagsanay.
"Mukhang seryuso ang inyong pinag-uusapan?" anang Clad.
Kapag sila-sila lang ang magkakaharap ay hindi na sila masyadong pormal sa pakikipagharap sa isa't isa. Nais niyang maging normal pa rin at hindi iyong titingnan siya bilang hari.
"May problema ba ang Arectia?" tanong naman ni Sardox. Pinaglipat-lipat pa ang tingin sa dalawa.
"Sa itsura ni Haru, mukhang pasan niya ang bigat ng mundo natin," saad naman ni Eschavez.
"Pasan niya talaga ang bigat ng mundo, huwag niyong kakalimutan, siya ang hari natin,natural pasan niya ang problema ng buong Arectia," sabi naman ni Rio.
"Ano ang maari naming maitulong?" tanong ni Maru.
Si Ginoong Markis ang sumagot.
Pare-pareho silang natahimik. Iisa ang laman ng isipan nila. Kahit sila ay hindi sumasang-ayon sa nais ng konseho. Hindi maaring mag-asawa ang kanilang hari dahil iisang babae lamang ang nais nitong pag-alayan ng pangalan at kasal.
"Hindi nila maaring pilitin si Haru na pumili ng babaeng pakakasalan. Pero paano ang Arectia?" napapabuga na lamang ng hangin si Rio.
"Kung kumuha ka na lamang ng isang alipin na maaring magdala ng iyong anak. Pero may kasunduan na hindi mo siya maaring pakasalan at maging reyna ng Arectia," mungkahi naman ni Clad.
"Sa tingin ko ayos iyang mungkahi mo," natutuwang turan dito ni Eschavez. Makikipag-apir pa sana ito sa lalaki nang tumikhim si Ginoong Markis.
Lahat ng mga mata nila ay natuon sa ginoo.
"Hindi niyo nauunawaan," anito. "Kahit hindi pakasalan ng hari ang babaeng napili niya,oras na ito ay magluwal ng lalaking sanggol,idedeklara siya bilang reyna ng Arectia."
"Eh paano iyan,si Margaret lamang ang nais maging reyna ni Haru sa puso niya at maging dito sa Arectia?" tila hindi nagustuhan ni Maru ang naging paliwanag ni Ginoong Markis.
"Paano kung hindi magpakasal si Haru?" naninimbang na tanong ni Rio.
"Kapag nangialam ang konseho,wala nang magagawa ang hari. Sila ang pipili ng mapapangasawa ng ating kamahalan sa ayaw at sa gusto niya. Kung magmamatigas ang hari, maaring dumanak muli ang dugo sa palasyo." Litanya pa ni Ginoong Markis.
Nanahimik muli silang lahat. Ang kanina pang tahimik na si Haru ay napapaisip din sa kinasasadlakan na sitwasyon ngayon. Kahit ano pa ang mangyari ay hindi siya pipili ng mapapangasawa sa Arectia. Hinding-hindi niya magagawa na ibigay sa ibang babae ang kaniyang pangalan at puso.
Isang bagay na lang ang naiisip niya,at iyon ay isinatinig niya sa mga ito. "Hindi nila ko puwedeng pilitin kung hindi na ako ang hari ng Arectia."
Lahat ng mga mata ay natuon sa kaniya. Mga nagtatanong kung ano ang ibig niyang ipahiwatig sa binitiwang salita. Nanlalaki naman ang mga mata ni Ginoong Markis sa pagkakakatitig sa kaniya,tila nahuhulaan ang balak niyang gawin.
"Tama ba ang aking hula?"
Kay Ginoong Markis naman ang natuon ang mga mata nila.
Muling nagsalita si Haru. "Isa sa inyo ang karapat dapat maging susunod na hari ng Arectia. Alam ko kahit sino sa inyo ay magiging karapat dapat na maging kapalit ko sa trono."
Nanggigilalas naman ang lima sa ibig niyang ipahiwatig.
"Pasensiya kana pinsan. Masaya na ako sa kalagayan ko ngayon. Mas masarap maging malaya," kontra agad ni Eschavez.
"Ayuko din ng iniisip mo,mas gusto ko ang tahimik na buhay kasama ng mahal ko sa buhay," sabi naman ni Rio.
"Ayuko din. Wala akong balak mag-asawa kaya malamang pagdaanan ko din ang nangyayari sa'yo ngayon. Wala akong balak patali sa trono o sa babae," saad naman ni Clad na nakangiwi pa.
"Ako din. Mahal ko ang aking kabiyak. Alam niyo na wala siyang kakayanan na mag-anak. Ayukong saktan ang damdamin niya kung mapipilitan akong humanap ng babae para lamang magkaroon ng tagapagmana," seryuso naman na saad ni Sardox.
"Isang mabigat na tungkulin ang pagiging hari. Minsan may kailangan kang isakripisyo,hindi sa lahat ng oras ay makukuha mo pareho ang nais mo," wika naman Maru. Magsasalita pa sana siya nang mapansin na lahat ng mga mata ay sa kaniya nakatuon. Bigla tuloy siyang nakaramdam ng pagkailang.
"Hindi ba lalaki ang magiging anak niyo ng iyong kabiyak na si Melady,ayon sa hula?" biglang tanong ni Eschavez rito.
"Oo," napapakamot pa sa ulo na sagot niya.
"Kung gayon ay wala na tayong magiging problema," sabi naman ni Rio.
Nagugulumihan parin si Maru at kinakabahan sa nais ipahiwatig ng mga ito. Lumapit si Haru sa kaniya.
"Ikaw ang karapat dapat na pumalit sa trono ko."
Nanlalaki naman ang mga mata ni Maru sa sinabi nito.
"P-pero kamahalan…"
"Alam kong magiging mabuti kang hari ng Arectia."
Ilang beses napalunok si Maru,hindi malaman kung ano ang mararamdaman ng mga sandaling iyon. Bago pa makaisip ng sasabihin ay lumapit na si Ginoong Markis sa kaniya at binati siya.
"Binabati kita. Isang karangalan na mapaglingkuran ko ang bagong hari."
Bago pa siya may maitugon rito. Nagsisunuran na ang iba at binati rin siya. Naguguluhan pa din siya sa bilis ng pangyayari. Kaya isa man na salita ay wala siyang naitugon sa mga ito.
"I-aanunsiyo ko sa lalong madaling panahon ang iyong pagluklok sa trono bilang kapalit ko."
NASA saradong silid silang dalawa ni Haru,nais niya itong makausap ng sarilinan bago pa nito ma-i-anunsiyo sa lahat ang balak pagbaba sa trono.
"Ganoon mo nalang ba kadaling isusuko ang trono na pinaghirapan mo?"
"Oo." Walang gatol niyang sagot.
"Baliw ka nga sa pag-ibig mo sa kaniya."
"Walang halaga ang lahat ng ito kung hindi rin lang naman siya ang magiging reyna ko. At isa pa alam niyong muli ko rin lilisanin ang mundo na ito."
Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Maru bago muling nagsalita." Hindi ko man mapantayan ang pagiging hari mo,nais kong malaman mo na magiging mabuti akong pinuno ng Arectia."
"Alam kong magagawa mo iyan. Sigurado ako na mahihigitan mo lahat ng naging hari ng mundong ito."
Isang tapik sa balikat ang ginawad niya sa lalaki. Natutunan niya ang ganitong gawi nang nasa mundo siya ng mga tao.
"Kailan ang balak mo na bumalik sa mundo ng mga tao?"
"Malapit na." Lumingon siya sa labas ng bintana ng kaniyang silid. Mula roon ay kita niya ang maliwanag na buwan.
NAGING mainit ang pagtanggap ng konseho at ng mamamayan sa bagong hari. May ilan na nalungkot dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay may isang hari na tinalikuran ang trono dahil sa pag-ibig.
Tinanggap narin nila ng maluwag ang naging desisyon nito. Dahil batid nila na ang dalagang hinirang noon upang maging itinakda ng Arectia ang tunay na pag-ibig nito.
Batid ng konseho na magiging mabuting hari si Maru kaya naman lahat ay nagbunyi at nagdiwang. Ilang araw nagdiwang ang buong kaharian sa pagkakaluklok ng bagong hari.
Nalalapit na ang muling paglisan ni Haru sa Arectia. Bago dumating ang araw na iyon ay isang panauhin ang nakipagkita sa kaniya.
"Zari…"
"Hangal kang talaga," pagak pa itong tumawa. "Ang lahat ng ito ay iyong tatalikdan para kay Margaret. Halos magpatayan na ang mga taong lobo noon upang makamit lamang ang posisyon na nasa iyo. Pero ikaw ay napakadali mo lang binitawan ito.
"Mas matimbang ang pag-ibig ko kay Margaret kaysa sa lahat ng ito."
Isang luha ang pumatak sa mata nito. "Napakasuwerte talaga ni Margaret."
"Patawarin mo ako, Zari. Alam kong malaki ang naging pagkakasala ko sa'yo. Hindi ako naging mabuti sa'yo noon."
Marahan niyang pinunasan ng kaniyang kamay ang mga luha sa pisngi. Kapagdaka ay isang pilit na ngiti ang namutawi sa kaniyang mga labi. "Wala kang kasalanan. Iniisip ko lang paano kaya kung tayo ang unang nagkakilala? Ako kaya ang mamahalin mo at hindi siya?"
Tinitigan siya sa mga mata ng lalaki. "Kahit ikaw pa ang una kong nakilala,si Margaret pa rin ang mamahalin ko. Naniniwala akong itinakda kami para sa isa't isa. Kahit saan pa kaming mapunta na mundo. Mahahanap at mahahanap pa rin namin ang bawat isa."
Lalong naging mapait ang naging pakiramdam ni Zari. Makikita sa mga mata niya ang kapaitan. Samantala ang mga mata ng lalaki ay nangniningning sa pag-ibig sa itinakda.
"Hangad ko ang kaligayahan mo,aking kamahalan." Tumalikod na siya at naglakad palayo rito. Hindi na rin siya lumingon kahit ng tawagin nito ang pangalan niya.
Habang naglalakad palayo ay ipinangako niya sa sarili na iyon na ang huling pagluha niya rito. Gusto na rin niyang palayain ang sarili rito. Maaring hindi na niya ito malimot, pero tamang tanggapin na niya na hindi siya nito mamahalin kahit magkita pa sila sa ibang panahon at sa ibang mundo.