SAMANTALA sa mundo ng mga tao, naging mabilis rin ang naging takbo ng buhay ni Margaret. Kasama na ang mga taong naging bahagi ng kanilang buhay ni Haru.
Sa bawat araw na lumilipas ay hindi siya nagsasawa sa paghihintay rito. Kahit gaano pa katagal ay handa siyang maghintay sa muli nitong pagbabalik sa mundo nila.
Hawak niya ang pangako nito na tutuparin nilang magkasama ang mga pangarap nila. Inaabala na lamang niya ang kaniyang sarili sa maraming bagay upang kahit papaano ay hindi niya masyadong isipin ang pag-alis nito.
Madalas din siyang bumisita sa bahay nito sa San Martin. Tuwing summer ay lagi silang naroon ng kaniyang buong pamilya. Inaabot minsan ng ilang linggo ang pananatili nila roon na mag-anak.
Si Selene naman,simula ng magpakasal sila ni Dondon ay nanatili na rin sa San Martin. Hindi siya makapaniwala na tatalikdan ng kaibigan ang buhay sa siyudad alang-alang sa lalaking minamahal.
Ang babaylan naman ay nanatili na rin sa bahay ni Haru sa San Martin. Mas panatag daw ito kapag naroon lang. Hindi daw ito sanay sa ingay ng siyudad. Para na rin daw siyang nasa Arectia dahil sa lugar.
Ang bayan ng San Martin ay bumalik na sa dati nitong katahimikan. Hindi na muling naungkat ang halimaw na minsan kinatakutan sa bayan na iyon.
Hindi lang sila ng kaniyang pamilya ang nawili sa lugar. Maging ang pamilya ni Adrian ay ilang beses rin nagpabalik-balik sa bahay ni Haru sa tabing dagat. May pagkakataon pa ngang sabay sila ng pamilya nitong nakakapagbakasyon sa lugar.
Lagi nitong binabanggit si Haru. Namimis na rin daw nito ang lalaking tinuring na nitong kuya. At nasasabik na rin itong makitang muli ang binata.
Nasa limang taon na rin pala ang lumipas simula ng lisanin nito ang mundo ng mga tao. Parang kailan lang ang lahat. Sariwa pa sa kaniya ang bawat detalye bago ito nagpaalam sa kaniya.
May mga gabing umiiyak siya dahil sa pangungulila niya sa lalaki. Mabuti na lamang ay naroon ang pamilya niya at mga malalapit na kaibigan.Handa siyang damayan kahit anumang oras.
Madalas siyang kasama ng kaniyang mga magulang. Abala na kasi ang mga kapatid niya sa kani-kanilang sariling pamilya. Ang kambal naman ay abala sa pinatayong negosyo ng mga ito. Matapos kasing makatapos ng pag-aaral ay naisipan na lamang ng mga ito magpatayo ng negosyo kaysa magtrabaho sa isang kompanya.
MAAGANG nagising ng araw na iyon si Margaret. Gusto niya kasi siya ang naghahanda ng kanilang agahan. Malapit na niya matapos ang pag-aayos ng lamesa ng pumasok sa kusina si Urah. Pupungas-pungas pa itong lumapit sa kaniya.
"Oh! ang aga naman ng gising ng baby ko?" kinarga niya ito at umupo sa stool na kalong ang apat na taon gulang na batang babae.
"Excited na po ako pumasok sa school eh," matatas nitong sabi.
Napangiti naman siya rito. "Ganoon ba,lagi ka naman excited kapag araw ng klase eh."
"Siyempre naman mommy,saka one week na lang graduation na namin. Hindi ko na sila ulit makakalaro."
Ginulo niya ang buhok nito." Mabuti pang mag-almusal ka na,nagluto ako ng favorite pancakes mo."
Napapalakpak naman ito sa saya ng malaman na pancake ang agahan nito. Hinawakan na niya ito sa kamay at iginiya sa harap ng hapag kainan. Maya-maya lamang ay pumasok na rin sa kusina ang kaniyang mga magulang. Maging mga ito ay nagulat ng makita ang apo na maagang nagising.
"Aba, naunahan ata kami ng bulilit diyan ah,"anang kaniyang Daddy.
"Good morning,Papi. Good morning,Mamita!" bati nito.
"Good morning too apo!" tugon ng kaniyang Mommy sa apo.
"Maupo na po kayo,ready na naman po ang breakfast," alok niya sa mga ito.
Limang taon ng nakakalipas nang magbunga ang sa kanila ni Haru. Ang anak niyang si Urah, maliban sa kulot ang buhok nito na nakuha sa kaniya ay wala ng ibang nakuha sa kaniya. Itsura,mga mata,ilong at labi ay nakuha lahat sa ama.
Maliban pa doon, madalas na rin itong magtanong tungkol sa daddy nito. Lagi niyang sinasabi na nasa malayong lugar ang ama nito. At kapag natapos na nito ang dapat gawin ay babalik na ito sa kanila.
Ngunit tila sa paglipas ng mga panahon,mas nagiging mapaghanap ang kaniyang anak ng kalinga ng isang ama. May pagkakataon na nauubusan na siya ng mga dahilan dito.
May mga pagkakataon na iniiwasan niya na dumalo ito sa mga kids party kung saan kompleto ang mga magulang na dumadalo. Para maiwasan na rin ang mga pag-uusisa nito. Isa kasi sa mga nagti-trigger sa kaniya upang magtanong tungkol sa ama nito ay makita ang isang pamilya na buong magkakasama.
Matapos ang almusal nila,pinaliguan at binihisan na niya ito para sa pagpasok sa eskwelahan. Ini-enrol niya ito sa isang nursery school malapit sa kanila.
Excited itong bumaba ng kotse ng makarating sila sa gate ng nursery school na pinapasukan nito.
Sinalubong agad ito ng mga ka-schoolmate. May ilang minuto pa bago mag-umpisa ang klase kaya naman may oras pa para maglaro sa playground ng school.
Masaya niyang pinapanuod ang paglalaro ng anak kasama ang ilang bata nang lumapit ang tiyuhin ng batang lalaki na classmate ni Urah.
"Maaga kayo ngayon,"anito.
Sinagot niya ito ng hindi lumilingon."Excited ni Urah na pumasok dahil isang linggo na lang ay bakasyon na. Gusto lang niya matagal na makalaro ang mga classmate niya."
Tumatango-tango ito. Sa gilid ng mga mata ni Margaret,alam niyang nakatingin sa kaniya ang lalaki. Nahiling niya na sana ay umalis na lamang ito at huwag na siyang abalahin.
Sa kabilang subdivision lamang ito nakatira. May isang taon na rin simula ng magpahiwatig ito na nais siyang ligawan. Wala itong pakialam kung may anak man siya.
Pinaliwanag niya rito na may asawa na siya. Ngunit hindi ito naniniwala sa sinabi. Lingid sa kaniya ay inalam nito ang tungkol sa kaniya at sa pamilya niya. Nakaramdam man ng inis dahil sa ginawa nito ay pinangibabaw na lamang niya ang diplomasya.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito sumusuko sa panliligaw sa kaniya. Kahit ilang beses na niyang sinupalpal na wala itong aasahan sa kaniya. Ang isa pa sa kinaiinisan niya rito ang pag-gamit sa anak niya. Inilalapit nito ang husto ang sarili Kay Urah.
Isang buntong hininga ang pinakawalan niya dahil sa mga isipin.
"Next week nga pala ay birthday ni Zanti. Sana makapunta kayo,I'm sure matutuwa si Urah."
"Hindi ako sigurado kung makakapunta," noon lang niya sinulyapan ito.
Kumunot naman ang noo nito sa sinagot niya. "May lakad ba kayo next week? Linggo naman gaganapin ang party eh."
Nagbilang siya hanggang sampu sa kaniyang isip. Ewan ba niya bakit ang bigat ng loob niya rito. Siguro dahil pinipilit nito ang sarili sa kaniya.
"May lakad nga kami."
"Saan naman?" tanong nito na matiim ang pagkakatitig sa kaniya. Parang binabasa nito kung nagsasabi ba siya ng totoo.
"Family matter," matipid na sagot niya.
"I see…" napapatango pa ito.
Konti lang ang alam niya sa lalaki. Ayon lang sa kwento ni Urah sa kaniya. Sabi ng classmate nito na si Zanti,ang tiyuhin na niya ang nagpalaki rito kasama ang lola nito. Nasa ibang bansa raw nagtatrabaho ang mommy nito.
Biglang tumunog ang bell ng school, hudyat na mag-uumpisa na ang klase. Napahinga naman siya ng maluwag. Agad na niyang nilapitan ang anak at iginiya na sa loob ng room nila.
Halos mandilat ang mga mata niya nang biglang lumapit ang lalaki sa kanila.
"Hello Urah!"
"Hello din po Tito Benny!" ganting bati ng anak niya.
"May party sa linggo sa bahay namin, birthday ni Zanti. Sana makadalo kayo ng mommy mo."
Bigla naman nangislap ang mga mata ni Urah na tumingin sa kaniya. "Mommy,maari ba tayong pumunta?"
"Hindi ako makakapangako,baby. May lakad kasi tayo next week eh."
Bigla naman lumungkot ang mukha nito. Bumawi naman agad siya." Kasi diba pupunta tayo next week sa San Martin. At titingin tayo ng puppy."
Mas naging mas masaya ang naging ekspresiyon ng mukha nito dahil sa sinabi niya.
Nauna na siyang lumabas kay Benny na hindi sumusulyap rito. Umupo siya sa mahabang upuan habang inaabala ang sarili sa pag-seselpon. Naramdaman naman niya ang pagtabi sa kaniya ng lalaki.
"Nararamdaman ko na parang naiinis kana sa akin. Wala naman akong masamang intensiyon kanina," pagbubukas nito ng topic.
"Nauna ko ng sinabi na hindi maari. Pero sinabi mo pa rin kay Urah. Akala mo siguro kung sasabihin mo sa bata ay mapapahinuhod na naman ako katulad ng mga naunang pangyayari." Hindi niya naiwasan nang malakangkapan ng sarcasmo ang tono ng boses.
Napabuntong hininga naman ito. "Gusto ko lang naman mag-enjoy ang bata. Alam ko kasi ang mga ganyan edad ay sabik sa mga party dahil marami ang nakakalaro."
"Sa tingin mo hindi ko alam ang bagay na iyan?"
Bigla naman tumiim ang anyo ng lalaki dahil sa pagsusuplada niya rito. "Look,ang gusto ko lang naman ay makita mo iyong other side ng pagkatao namin. Hindi ako masamang tao,hindi katulad ng lalaking nang-iwan sa inyo."
"How dare you para sabihin sa akin iyan?" hindi na naiwasan ni Margaret na magtaas ng boses. Buti na lamang ay sila lang ang naroon. Ang ibang mga magulang kasi ay mas pinili na sa labas maghintay. Ang iba naman na yaya ang kasama ay gumagala muna at mamaya pa susundo sa mga alaga.
"Wala kang alam sa amin ng anak ko at wala ka rin alam tungkol sa pagkatao ng ama ni Urah. Para sabihin ko sa'yo, mabuting ama ang lalaking tinutukoy mo. Balang araw ay babalikan niya kami ng anak ko!"
"Siya nga? Maybe in your dreams! Kilala ko ang mga katulad mo, Margaret. Nabubuhay sa puro pangarap lamang. Nandito ako sa harap mo,handa kong ibigay ang pangalan ko. Handa kong gampanan ang tungkulin ng isang ama para sa anak mo na tinakasan ng lalaking iyon."
Akmang tatayo siya nang pigilan nito ang braso niya. "Sa lahat ng ayaw ko ang tinatalikuran ako lalo't babae."
Ipiniksi niya ang brasong hawak nito. "Nasabi mo na ang lahat ng gusto mong sabihin,Mr. Samaniego."
Saka siya nagmamadaling umalis sa lugar. Pagdating sa bahay ay kinausap niya ang isa sa mga katulong nila na pumunta ng school ni Urah at hintayin ang labasan ng mga bata.
Sa loob ng isang linggo ay ganoon ang routine na ginawa niya. Ihahatid niya ang anak at katulong nila at ito ang pinagbabantay niya. Nagbilin din siya rito na huwag hayaan makalapit ang lalaking iyon sa anak.
Naikuwento na rin niya sa mga magulang ang naging paghahanap nila ng lalaki. Maging ang mga ito man ay hindi nagustuhan ang mga binitiwang salita ng lalaki sa kaniya.
"Masyadong hambog ang lalaking iyon!" naibulalas ng kaniyang ina.
"Masyadong mababa ang tingin sa'yo ng lalaking iyon! Basta kana lang niya hinusgahan kahit hindi naman niya alam ang totoong istorya ng buhay mo,"litanya naman ng kaniyang ama.
"Kahit kailan hindi magaan ang loob ko sa kaniya. Ginagamit pa niya si Urah para mapalapit sa akin."
"Mabuti na lamang at ilang araw na lamang ang klase ni Urah." Dagdag na sambit ng kaniyang ina.
Kahit papaano ay nakaramdam ng kapanatagan si Margaret. Alam niya na tama lamang ang kaniyang ginawa sa lalaking iyon. Parang insulto na rin sa kaniya ang mga sinabi nito. Tila minamaliit nito ang kaniyang pagkatao dahil sa pagkakaroon ng anak na hindi kasal.
Dumating ang araw ng pagtatapos ni Urah sa nursery school. Kasama ang kaniyang mga magulang ang magkapatid na kambal ay um-attend sa seremonya ng pagtatapos ng kaniyang anak. Ginanap ang graduation ceremony sa mismong paaralan.
Sa buong okasyon hindi siya hinihiwalayan ng mga magulang. Disimulado nila siyang binabakuran upang hindi makalapit ang lalaki sa kanilang mag-ina. Nahalata rin ng lalaki na malamig ang naging pagbati ng kaniyang pamilya rito.
Walang nagawa ang lalaki kundi sulyapan na lamang siya mula sa malayo. Tapos na ang graduation ng mga bata,papunta na sila sa kanilang sasakyan ng humarang si Benny sa kanilang daraanan.
"Nais ko po sana kayong makausap," anito sa mga magulang ni Margaret.
Nagkatinginan naman sila. Pinauna na ng kaniyang mga magulang ang kambal at si Urah sa kanilang sasakyan. Naiwan silang tatlo na kaharap ang lalaki.
"Tungkol ba saan?" malamig na tanong ng kaniyang ama rito.
"Tungkol po kay Margaret at sa akin."
Nanlalaki naman ang mga mata niya sa pagkakatitig rito. Akmang magsasalita siya ng maunahan ng ama.
"Anong tungkol sa inyo?"
"Nais ko po sanang hingin ng pormal ang kamay niya sa inyo," kumpiyansa nitong saad. "Kaya ko pong ibigay ang pangangailangan ng anak niyo at magagampanan ko din sa apo niyo ang hinahanap nitong father image. Titiyakin ko po na maaalagaan ko sila."
"Kahit mabuti ang intensiyon mo sa aming anak,siya pa rin ang masusunod sa bagay na iyan. At nabanggit nga niya sa amin ang naging pag-uusap niyo. Siguro naman ay malinaw na sa iyo na walang gusto sa'yo si Margaret," turan ng kaniyang ama sa lalaki.
Bigla naman nagbago ang awra ng lalaki. " Kaya nga po kayo ang kinakausap ko, dahil sa tingin ko walang kakayanan mag desisyon ng makakabuti para sa kanila si Margaret. Kita niyo nga po sa ama ni Urah. Maling lalaki ang minahal niya kaya siya naging single mother." Tila nangangaral na saad nito.
"Sino naman ang nagsabi sa iyo na walang kakayanan ang anak ko mag desisyon ng para sa ikabubuti nila?" matigas na sabi ng kaniyang ama. "Makinig ka sa akin, lalaki. Hindi single mother ang anak ko. Ang ama ni Urah ay isang responsable at mapagmahal na lalaki. At proud kami na siya ang lalaking minahal ng aking anak at naging manugang namin."
Sumabat naman ang kaniyang ina." Tigilan mo na ang aming anak. Hindi ka niya magugustuhan sa ugali mo pa lang hijo."
Matapos masabi lahat ng gustong sabihin ng kaniyang mga magulang, niyakad na siyang umalis ng mga ito. Naiwan naman na nakatiim bagang ang lalaki habang nasundan na lamang sila ng tingin.