DON’T forget to bring this, princess.
Natulala si Lexie habang nakatitig sa gintong suklay na bigay sa kanya ni Yasmina noong nasa Balabac siya. Nasa kay Aiden pala iyon at ipinadala sa kanya kasama ng isang kahong bagahe na puno ng iba’t ibang Filipino food na mami-miss daw niya kapag umalis siya sa isang linggo gaya ng pancit canton.
“Ang dami naman nito. Magtatayo ka ba ng tindahan ng mga Filipino merchandise sa Singapore?” tanong ni Nylanna nang makita ang package na dumating para sa kanya at nakiusyoso.
“Pipili lang ako ng kailangan ko. Iiwan ko na sa iyo ang iba,” sabi niya. Parang ‘yung kahon lang na maliit na may lamang gintong suklay ang maiiwan sa kanya.
“Tch! Si Sir Aiden kunwari pa iyon pero nag-aalala din iyon sa iyo.”
“Sana nga hindi na lang. Ang hirap lang umalis kapag inaalagaan niya ako. I mean, it doesn’t make sense. Parang sinabi niya na maging komportable na lang ako kung saan ako pupunta at huwag nang babalik.”
“Naiintindihan ko na ‘yang ka-bitter-an mo. Pero tanggapin natin na importante ka pa rin sa kanya.”
“Shhh! Shut up!” saway niya sa kaibigan. Ginagawa niya ang lahat para patigasin ang puso pagdating kay Aiden. Normal lang sila kapag nasa opisina. Sweet ito sa mga tauhan. He was not treating her differently. While she was back to her old cold self. A robot doing her job.
Umingay naman ang usap-usapan na ililipat siya ng branch dahil iniiwas daw na magkasama sila ng babaeng pakakasalan ni Aiden at para daw di siya manggulo. May iba naman na nagsasabi na pinili niyang lumayo dahil bitter siya. But nobody would even dare say it to her face. Nakangiti lang ang mga ito kapag nakikita siya. Wala na siyang pakialam sa opinyon ng mga ito. She would start a new life anyway.
Nakita nito ang gintong suklay. “Ang ganda naman niyan. Akin na lang.”
“No. Ipapamana ko pa ito sa magiging anak ko,” pabiro niyang sabi pero itinago ang suklay. Marami siyang alaala sa suklay na iyon. Magagandang alaala.
“Pag may pogi doon ipasa mo sa akin.”
“Mga Pinoy din naman daw ang karamihan ng guwapo doon.”
Ilang araw na lang ay pupunta na siya sa Singapore kaya nag-eempake na siya ng mga gamit. Hindi pala ganoon kadali na umalis di gaya nang umalis siya ng Cebu para mag-aral sa Maynila o nang lumipat siya ng trabaho. Her heart was heavy. Dahil kahit anong bura niya kay Aiden sa puso niya, di ito madaling iwan.
Inilagay niya ang payneta sa ulo. “His princess.”
He was his princess when they were in Balabac. He was her prince who defended her. Pero ibang prinsesa ang ihaharap nito sa publiko para sa gabing iyon para sa party na ihinanda ni Amadeus- si Esmeralda. Kailangan na niyang masanay na hindi na siya ang babaeng nasa tabi nito.
Huling araw na niya sa opisina kinabukasan. She still didn’t know how to say goodbye to Aiden and walk away. It was not easy. Pero gaya nang nagdaang mga araw, nagawa niyang magpanggap na ayos lang ang lahat. Na hindi niya ito mahal.
Naalimpungatan siya nang mag-ring ang cellphone niya. Nang tingnan niya ay alas diyes pa lang ng gabi. “Hello,” groggy na sagot niya.
“Lexie, si Esmeralda ito. Ano…” Tiningnan niya ang relo. Mag-aalas onse na ng gabi. Tapos na ba ang party? “Umalis na lang basta kanina basta sa party si Aiden.”
“Iniwan ka na lang basta?” tanong niya.
“H-Hindi kami nagkaintindihan... Maliit na pagtatalo lang naman.” Kumunot ang noo ng dalaga. Wala naman sanang kinalaman sa kanya. “Hindi niya sinasagot ang cellphone niya. Nag-aalala lang naman ako kung ano na ang nangyari sa kanya. Baka alam mo kung saan siya pumunta.”
Parang di naman ganoon si Aiden. Di nito basta-basta iiwan si Esmeralda. Hindi ito nang-iiwan ng babae sa alanganin. Maliban na lang kung may di magandang nangyari o kaya ay may emergency.
“Susubukan kong puntahan siya sa hang out niya.”
“Saan?” tanong ni Esmeralda.
“Ako na lang ang bahala. I will call the owner.” Makalipas ang ilang minuto ay kinumpirma ni Lexie na nasa isang bar sa Makati si Aiden. Muli niyang tinawagan si Esmeralda. “Ako na ang susundo sa kanya. Magpahinga ka na.”
“Pero gusto ko sana na ako mismo ang sumundo sa kanya.”
“Ano ba ang pinagtalunan ninyo at basta na lang siya umalis?” tanong niya.
“Ano… mahabang kwento kasi.”
“Hindi ka niya kakausapin kung masama ang loob niya. Di ko alam kung anong pinag-awayan ninyo pero hindi ka niya gugustuhing makita sa ngayon kung masama ang loob niya. Hayaan mo munang lumipas ang sama ng loob niya. Ako na ang kakausap sa kanya at ako mismo ang maghahatid sa condo.”
“Salamat. Alam ko na ikaw lang ang makakatulong sa akin.”
Dali-daling nagbihis si Lexie. Di niya maiwasan na mag-alala kay Aiden. Paano kung malaki ang problemang hinaharap nito?
“O! Gabi na a! Saan ka pa pupunta?" tanong ni Nylanna na nanonood ng bagong Korean drama ni Lee Min Ho.
“Susunduin ko si Sir Aiden sa bar. Basta na lang daw iniwan si Esmeralda sa party. Mukhang may gulong nangyari," sabi niya at ipinusod ang buhok. Simpleng peach lacy blouse at pantalon lang ang suot niya. Ni hindi na siya nag-make up sa kamamadali.
“Iyon nga ang ichichika ko sa iyo kaso natutulog ka na. Kumakalat na sa internet ang pictures nina Sir Amadeus at si Esmeralda. Lumalabas na may relasyon sila at walang kamalay-malay si Sir Aiden."
“What? Paanong nangyari iyon? Hindi pa naman sila magkakilala o nagkikita." Lalo lang naguluhan si Lexie. Ang alam lang niya ay nagkausap ang dalawa sa cellphone ang mga ito kung saan binantaan ni Amadeus ang dalaga at sinabihang gold digger.
Isang video ng speech ni Amadeus ang ipinakita nito sa kanya. “Little did you know that I almost lost my life to Typhoon Amihan a few weeks ago. Di ko inaasahan na mapuputol ang tulay na tinatawiran ng kotse ko, inanod iyon at akala ko katapusan ko na. Then we fell in love. Yes, you heard it right. A certified bachelor like me fell in love with a barrio lass. And I want you to meet the woman who owns my heart - Esmeralda Solomon.”
Nagtatagis ang bagang ni Lexie habang nagmamaneho papunta sa bar. She could imagine Aiden’s pain and humiliation during the party. Nagbilin siya kay Walker na huwag paaalisin si Aiden sa bar hangga’t di siya dumadating.
“Walker, nasaan si Sir Aiden?” tanong niya sa may-ari na abala sa pakikipag-usap sa dalawang babaeng chinita.
“Nasa isa sa kuwarto sa taas.” It was a Japanese restaurant and bar. May mga private room sa taas na may rice paper division.
Naabutan niya si Aiden na nakalugmok sa low table habang pitong basyo ng Japanese rice wine o sake ang nasa harap nito. Nakahandusay lang sa tabi ng kuwarto ang coat nito habang kalas naman ang necktie. He looked miserable.
“*Mou ichida onegaii!” sigaw ng binata at pinindot ang buton na nasa tabi nito kung oorder muli.
“Sir Aiden, tama na. Ginawa mo nang tubig ang sake,” aniya at pinigilan ang kamay nito na may nakapindot sa buton.
Tiningnan siya nito sa namumungay na mga mata. “Anong ginagawa mo dito? You are not invited to this party.”
Bumukas ang pinto ng kuwarto at pumasok ang waitress na naka-kimono. “Your order, Sir, Ma’am?”
“One huge bottle of Pocari Sweat.”
Umungol si Aiden. Ibig sabihin ay tapos na ang inuman kapag umorder siya ng Pocari Sweat. Oras na para hugasan ang pagkalasing nito. Akala niya ay makikipagtalo pa ang binata sa kanya pero yumukyok lang ito. Hinayaan din nito ang waitress na alisin ang mga basyo ng pinag-inuman nito.