ALANG-ALALA si Esmeralda kahit na tiniyak ng doktor na kailangan lang magpahinga ni Jeremy. Nagcollapse ang kapatid dahil sa init sa labas. Namasyal sila sa Fantasy World at naglakad-lakad doon kasama ang mga kaibigan mula sa Childhaus. Hindi mabuti para dito ang magpainit sa araw dahil manghihina ito. Bukas daw ay maari na itong umuwi.
Nang tumapat sa pinto ng hospital suite ng kapatid ay narinig niya ang halakhak nito mula sa loob. Akala niya ay kakwentuhan nito ang private nurse na si Luvelyn. Subalit napapatda si Esmeralda nang si Amadeus ang naabutan niya doon na kakwentuhan ng kapatid niya.
Kumaway si Jeremy. “Ate, may bisita ako. Si Kuya Richard. Dinalhan niya ako ng books tungkol sa surfing at iba’t ibang klase ng adventure sports. Astig!”
"Mas mabuti iyan kaysa gadgets. Radiation is not good for you,” sabi ng lalaki at kinudlitan ang dulo ng ilong ni Jeremy. Sumilakbo ang apoy sa dibdib ng dalaga. Matapos niyang matuklasan ang kasinungalingan ni Amadeus, di niya masikmura na pati sa kapatid niya ay kailangan pa itong magpanggap na mabait.
Bumukas ang pinto at pumasok ang nurse na si Luvelyn. “Ma’am, nagmiryenda lang po ako at nakiusap si Sir na bantayan si Jeremy.” Isang matamis na ngiti ang ibinigay nito sa lalaki bago inabot ang dalang papercup. “Coffee for you, Sir.”
Isang matamis na ngiti ang ibinigay nito sa babae. “You are so sweet, Luvelyn. Thank you.”
Gustong maduwal ni Esmeralda sa pagpapa-cute ng nurse. Di niya alam kung alam nito na si Amadeus ay kapatid ni Aiden. Pero kailangan niyang makausap ang babae tungkol sa pagpapatuloy ng kung sinu-sino sa kuwarto ng kapatid o pagpapalapit sa ibang tao dito. Gusto niyang idistansiya si Amadeus kay Jeremy. Hindi siya papayag na pati si Jeremy ay saktan ng lalaki.
Kinintalan niya ng halik ang noo ng kapatid. “Sandali lang ha? May pag-uusapan lang kami ni Kuya Richard mo."
“Salamat sa pagdalaw, Kuya. ‘Yung pangako mo sa akin, ha?” anang bata.
“Basta magpagaling ka,” sabi ni Amadeus bago lumabas kasunod ni Esmeralda.
"Anong ginagawa mo dito?" tanong ng dalaga pagsara niya ng pinto.
"Just checking on your brother. Nalaman ko na isinugod siya sa ospital. Ano ang prognosis ng doktor sa kanya?” nag-aalalang tanong nito.
“Hindi ka na masayang ipahiya ako sa mga tao at magsinungaling. Pati ba naman kapatid ko na may sakit idadamay mo pa? Tigilan mo na siya," angil niya dito.
Itinaas nito ang dalawang kamay. "Chill. I am just checking if he is okay.”
Dinuro niya ang didbib nito. “Mas magiging okay ang kapatid ko kung lalayo ka sa kanya, sa amin. Dahil kahit anong gawin mo...”
Naputol ang sasabihin ni Esmeralda nang dumaan ang dalawang nurse at binigyan sila ng naiintrigang tingin ni Amadeus.
“Mukhang marami tayong kailangang pag-usapan. Do you really want to discuss it here or we go somewhere private?” nakataas ang kilay na tanong ng lalaki.
“Siyempre hindi dito.” Nadala siya ng emosyon kaya nawala sa isip niya kung nasaan sila ng lalaki. Wala siyang planong ianunsyo sa maraming tao ang pribado niyang buhay. Sapat nang ginawa iyon ni Amadeus.
NATIGILAN si Esmeralda nang pumasok ang sinasakyan ni Amadeus sa Wild Orchid Boutique Hotel. “Anong ginagawa natin dito?” naalarmang tanong ng babae.
“This is the latest addition to Brava Hotel. Ito ang pinakamalapit sa ospital. We have a grand opening next month but the penthouse room is occupational. I am staying there at the moment to check the progress of the project.”
Sunud-sunuran siya dito kanina sa palabas ng ospital dahil gusto niyang matapos agad ang anumang pag-uusapan nila. Pero wala siyang plano na makipag-usap dito sa teritoryo nito. “Di ako sasama sa iyo sa loob...”
“Akala ko ba gusto mo ng privacy?”
“Akala ko sa restaurant lang tayo o sa coffee shop malapit sa ospital. Madami naman doon.”
“Pero wala tayong privacy. Anybody can hear about us. Gusto mo ba iyon?”
Umiling siya. Hindi na niya kailangan ng panibagong sakit ng ulo. Hindi lang niya gusto ang ideya na nasa teritoryo sila ng lalaki at silang dalawa lang. Kinuyom ni Esmeralda ang palad. Wala siyang tiwala sa lalaki.
“Mag-uusap lang tayo,” paniniyak niya dito. Huwag lang siya nitong subukang akitin dahil magkakasubukan sila.
“Ako ba ang kinukumbinsi mo o ang sarili mo?” nanunuksong tanong ng lalaki.
Inirapan niya ito at bumaba ng kotse. Di na niya hinintay na ipagbukas siya ng pinto ng driver. Hindi siya dumikit sa lalaki mula nang sumakay sila ng elevator hanggang makarating sa penthouse suite. Inalok siya ng pagkain ng lalaki pero tumanggi siya.
Umupo siya sa seatee. “Gusto ko na lang matapos ang usapang ito.”
“Esmeralda, alam ko na hindi maganda ang reputasyon ko sa iyo,” anito sa magaang boses nang umupo sa tapat niya. “Pero gusto kong malaman mo na concern talaga ako kay Jeremy. Gusto ko lang malaman kung may maitutulong ako."
"Hindi namin kailangan ng tulong mo. Hindi namin kailangan ng concern mo.”
Nakahanda na ang litanya ni Esmeralda nang mapatitig siya sa mukha nito at napansin ang pangingitim ng balat sa ilalim ng balbas nito. Hindi niya iyon napansin kanina dahil hangga’t maari ay iniiwasan niyang titigan ang mukha nito. Tumayo siya at dumukwang sa mesa para hawakan ang mukha nito bago pa niya mapigilan ang sarili. “Anong nangyari sa mukha mo?” nag-aalala niyang tanong.
"My brother did it. He went to my office, terrorized my secretary and punched me to defend your honor.” Ngumisi si Amadeus at di nakaligtas ang sarkasmo sa tinig nito. Parang sinasabi nito na wala naman siyang dangal na kailangang protektahan.
Binawi niya ang pagkakahawak sa mukha nito. "Dapat lang sa iyo ang ginawa niya." Kung pwede nga lang ay suntukin din niya ito para makabawi man lang sa lahat ng kahihiyan at sama ng loob na binigay nito sa kanya.
"Pero labag pa rin sa batas na manakit ng tao kaya nagpa-medico legal. I am planning to file a case against him."
Napamaang ang dalaga. "Idedemanda mo ang kapatid mo sa ganito kaliit na bagay? Nababaliw ka na ba? Para sa kapritso mo, gusto mong kaladkarin sa kahihiyan ang pangalan niyong magkapatid. Nag-iisip ka ba?”
Tumayo ito at ibinuka ang mga kamay. May kislap sa mga mata nito nagsasabing napakagandang ideya ang naisip nito. "Ah! It would be scandalous. Ngayon pa lang nagtatanong na sila kung bakit basta na lang siyang umalis sa party matapos kong ipakilala ang babaeng ka-date niya bilang babaeng mahal ko. Siguro nga ay simpleng suntok lang iyon. Napakababaw. But people will dig deeper. Malalaman nila na ang babaeng pakakasalan ni Aiden at ang babaeng mahal ko ay iisa. And people won’t ask much. Iisipin nila na sinadya mong makipagrelasyon sa aming magkapatid nang sabay dahil makasarili ka.
Nanginig ang labi niya sa sobrang galit. “Hindi totoo iyan.”
Pinisil nito ang baba niya. “Too bad, that’s how it usually works. The society can be cruel to women."
"Wala akong pakialam sa sasabihin ng society. Hindi ko naman sila kilala. Hindi mahalaga sa akin ang opinyon nila.”
Pumalatak ang lalaki. “While I admire your spunk, you seem to be forgetting something. Hindi lang reputasyon naming magkapatid ang nakasalalay dito kundi pati ang negosyo namin. Maraming empleyado ang maaapektuhan. Kung wala ka mang pakialam sa kabuhayan ng ibang tao o sa negosyo na pinaghirapan naming magkapatid, isipin mo na lang si Jeremy. Pati siya ay madadamay dito. Do you think your brother can handle all the stress? Masyadong unfair para sa bata. He is innocent in all this mess.”
Naggiyagis ang ngipin ng dalaga. “Ikaw ang may gusto na mangyari ito...”
“Wrong. Iyan ang consequences ng lahat ng kilos ng bawat isa sa atin. In my defense, I am only protecting myself and exercising my rights.”
Nanlulumong umupo si Esmeralda. Tama. Narito ang lahat ng karapatan para magsampa ng kaso. At sasamantalahin nito ang pagkakataon para gipitin na naman siya. Ito mismo ang gusto ni Amadeus. Hawak nito ang lahat ng alas sa labanan nila. At walang kahihiyan nitong gagamitin si Jeremy na siyang kahinaan ng dalaga.
Naglakad si Amadeus at tumigil sa likuran niya. Hinawakan nito ang sandalan ng upuan at bumulong sa kanya. "Pwede ko namang di ituloy ang pagsasampa ng kaso. I can tell everyone that slipped and banged my face at the edge of the table. 'Yung lamesa na lang ang idedemanda ko."
Binigyan niya ito ng matalim na tingin nang lingunin. "Anong gusto mong gawin ko para di mo na idemanda ang kapatid mo?"