Malapad na ngumiti si Amadeus. Animo’y iyon lang ang salitang hinihintay nito mula sa bibib ni Esmeralda. "Alam mo kung ano ang gusto ko."
Tumayo siya at hinarap ito. "Ang umurong ako sa kasal namin ni Aiden? Sige. Pumapayag ako sa gusto mo,” matapang at walang gatol niyang wika.
Namamangha siya nitong pinagmasdan. "As simple as that? No arguments? No complains? This is not so you, Esmeralda."
"Ganoon din naman ang mangyayari sa huli, hindi ba? Gagawin mo pa rin ang lahat para makuha ang gusto mo. Bakit magpapakahirap pa akong labanan ka?” Habang tumatagal ang laban ay mas dumadami ang nasasaktan at nadadamay. Ngayon niya higit na kailangang protektahan sina Jeremy at maging si Aiden. Isasalba niya ang kaya pa niyang isalba mula sa pagiging mapanira ni Amadeus.
Isang matagumpay na ngiti ang sumilay sa labi ng lalaki at nagpunta sa bar para kumuha ng alak. “Smart girl. I like that about you. This calls for a celebration then.”
“Pero may mga kondisyon ako."
Saglit lang itong natigilan pero nagsalin pa rin ng alak para sa sarili. Umupo ulit ito sa binakanteng seatee kanina. "I am willing to hear it."
Walang ekspresyon sa mukha niya nang isa-isahin ang mga kondisyon. "Ikaw ang bahala sa gastos sa pagpapagamot sa kapatid ko hanggang gumaling siya. Ginagawa ko lang ito para kay Jeremy."
"Dati ko pang sinabi na tutulungan kita sa kapatid mo,” anang lalaki sa malumanay na boses. Na parang totoong may malasakit ito sa kapatid niya.
"Ibalik mo kay Aiden ang lahat ng nagastos niya sa akin." Nilunok na niya ang pride niya sa pagsuko kay Amadeus kaya itotodo na niya ang kondisyon niya. Gagawin sana niya iyon mismo para makabawi sa kay Aiden pero wala siyang pera. Bahala na silang mag-usap sa kondisyon ni Amadeus kalaunan.
"Kasama na iyan sa plano ko,” kaswal na sabi ng lalaki.
Isa sana iyong patibong kung tututol man si Amadeus. Ang totoo ay humahanap siya ng paraan para makawala dito pero di siya nagtagumpay.
Lumunok siya. "Gusto kong suportahan mo si Aiden sa lahat ng plano niyang negosyo. Hindi mo siya kokontrahin. Pahiramin mo siya ng pera kung kinakailangan para sa plano niyang cut-flower farm..."
Biglang ibinagsak ni Amadeus sa salaming center table ang baso ng brandy. Madilim ang anyo nito. "For someone being blackmailed, you are asking too much."
"Pwede ka namang patuloy na makipagsiraan sa kapatid mo kung gusto mo,” anang dalaga at nagkibit-balikat. “Basta itutuloy namin ang kasal.”
Tumayo siya at naghanda nang umalis nang yakapin nito ang baywang niya at isandig sa matipuno nitong katawan. "Fine.” Inilapit nito ang labi sa tainga niya. “Susuportahan ko ang lahat ng business plans ni Aiden. Pero may isa akong kondisyon."
Nahigit ni Esmeralda ang hininga. “Ano iyon?"
Ihinarap siya nito at muling pinagdikit ang katawan nila. "Sa akin ka na, Esmeralda. You will follow my every whims and wants. Mine.”
Nayanig ang buong pagkatao ng dalaga. Gusto pa rin siya nito Amadeus? Para pa saan? Hindi pa ba sapat na uurong na siya sa kasal nila ni Aiden? "Ano pa ba ang kailangan mong patunayan? Kailangan mo pa bang ipamukha kay Aiden na nanalo ka? Lalayo na lang ako sa kapatid mo... At sa iyo.”
“No. I want you. Plain and simple. You are not just a spoil of war, if that is what you are worried about.”
Matapang niya itong tiningnan sa mga mata. “Ayoko sa iyo."
Magaan nitong hinaplos ang pisngi niya, na parang isa siyang kuting na pinapaamo nito. Hindi niya magawang pumiksi dahil kahit sabihin ng bibig niya ay nanghihina siya sa haplos ni Amadeus."Your body says otherwise."
Gumapang ang kilabot sa katawan ng dalaga. Napapikit siya habang pinipigilan ang sarili na humilig sa katawan ni Amadeus. Mas kilala ng lalaki ang katawan niya kaysa sa kanya. Hanggang saan ba ang kailangan niyang isuko para lang makuha ang lahat ng kondisyon niya? Wala na bang ititira si Amadeus sa kanya?
Naggiyagis ang ngipin ni Esmeralda. "Hindi ko na gustong makasama ang lalaking halos isuka ko."
Sa halip na madismaya o magalit ay lalo lang naging mapang-akit ang ngiti nito. "Then consider it as part of your blackmail. Anything to soothe your conscience or your bruised ego. Dahil kahit na anong pagsisinungaling mo na hindi mo na ako gusto, alam natin ang totoo."
Tinalunton ng daliri nito ang gilid ng neckline ng damit niya. Nagtayuan ang mumunting balahibo niya sa katawan nang sundan niya ang pagtalunton ng daliri nito sa balat niya. Natakpan ng anino ang mga mata niya nang dahan-dahang lumapi ang mukha ng lalaki sa kanya. Nakita niya ang intensiyon sa mga mata nito na angkinin ang mga labi niya.
Napapikit siya at pinigilan ang pagkawala ng ungol sa labi. Traidor ang katawan niya. Kahit ano pang iutos ng isipan niya na wala siyang pakialam kay Amadeus, na kinamumuhian niya ito at di na niya gustong maging bahagi ng buhay niya ang isang gaya ni Amadeus ay naghuhumiyaw naman ang katawan niya na nananabik dito. Naghihintay sa bawat haplos, sa bawat halik at muli nitong pag-angkin sa kanya.
“Do you want to put everything in writing?” tanong nito.
Dumilat si Esmeralda. “Ha?”
Hindi ba siya nito hahalikan? Anong writing-writing ang sinasabi nito?
“Baka gusto mong magpagawa tayo ng dokumento na pipirmahan ko. Parang kontrata. I can have it notarized if you want. Idemanda mo ako kung hindi ako susunod sa usapan. I can ask my lawyer to draft it...”
Kumurap siya. “Bahala ka. Babalik na ako sa kapatid ko,” aniya para makabawi sa pagkakapahiya. Ayaw na niyang magtagal doon dahil baka kung ano na naman ang maisip niyang pwede nitong gawin sa kanya.
"Do we have a deal?" tanong nito.
"Sige. Deal."
“Time to seal the deal then.”
Bago pa niya maitanong kung anong ibig nitong sabihin ay hinapit nito ang baywang niya at inangkin ang labi niya. Nanlambot ang dalaga. Ito ang huling bagay na kailangan niya pero kusang sumuko ang katawan niya. Dahil kahit anong pagkakaila niya ay si Amadeus ang may-ari sa kanya. Para siyang nalulusaw sa isang halik lang nito. At parang ayaw na niyang pakawalan pa siya ng lalaki.
"You have three days to leave my brother. A deal is a deal.”
“GAANO kayo katagal ni Jeremy dito?”
Nilingon ni Esmeralda ang kaibigang si Cynthia Lyn na abala sa pagpangas ng bagong lagang mais na inani sa bukid. Kadarating lang nila ni Jeremy mula sa Maynila at nagpaalam kay Aiden para makaiwas muna kay Amadeus.
“Hangga’t hindi pa niya schedule para sa check up. Mas makakabuti sa kanya ang hangin dito kaysa sa Maynila,” paliwanag niya sa kaibigan at nagtimpla ng mais kape para dito. Mahilo-hilo pa siya sa antok dahil di rin naman siya mapagkatulog nang nagdadaang mga araw.
“Paano na ang kasal ninyo ni Aiden?” tanong nito.
“Na-cancel muna dahil may inaayos siyang problema sa kapatid niya,” sabi niya at tipid na ngumiti.
Ang totoo ay hindi pa niya alam kung paano sasabihin sa lalaki na hindi na tuloy ang kasal nila. Kung mas simple sana na iwan na lang niya ang lahat pati ang lupain nila at tumira sa isang malayong lugar kung saan walang nakakakilala sa kanila ni Jeremy. Pero ayon kay Amadeus ay ito na daw ang bahala. Wala naman daw magagawa si Aiden kapag ayaw na niyang magpakasal. Wala man siyang tiwala sa pamamaraan ng lalaki, wala siyang magagawa sa ngayon.
“Break na kayo?” nag-aalalang tanong nito at tumigil sa pagkain ng mais.
“Nanggulo ang kapatid niya. Ayaw niyang pati ako madamay sa gulo nila.”
“Ayaw siguro sa iyo ng kapatid niya dahil mahirap ka lang. May pagka-matapobre talaga ‘yang mayayaman na iyan. Gusto nila mga sila lang makakasolo sa pera nila. Para namang nabibili ng pagmamahal ang pera. Pero guwapo ba ang kapatid niya?”
Umikot ang mga mata ni Esmeralda. “Oo pero masama ang ugali. Hindi ko nga alam kung paanong nagkaroon ng kapatid na gaya niya si Aiden.”
“Okay lang basta masarap.”
Pinanlakihan niya ng mata ang kaibigan. “Cynthia Lyn!”
“Ito naman hindi na mabiro. Kung ganyan ang mayayaman na matapobre, okay na ako kay Topher. Kahit naman mahirap ang gunggong na iyon at lagi akong inaasar, alam ko naman na wala siyang kapatid o pamilyang matapobre.”
“Kayo na ni Topher?” tanong niya.
Isang pilyang ngiti ang sumilay sa labi nito. “Hindi pa. Nanliligaw pa lang siya. Pero nag-kiss na kami,” kinikilig nitong sabi at niyakap ang sarili. “Ganoon pala kapag gusto mo ang lalaki. Parang nasa heaven ako nang halikan niya.”
“Hindi mo pa sinasagot pero nagpahalik ka na.”
Inipit nito ang buhok sa tainga. “Siyempre magpapakipot muna ako. Pero plus points na masarap pala siyang humalik.”