Natawa na lang siya sa kaibigan. “Masaya ako para sa iyo. Kilala mo na si Topher. Alam ko na kahit parang sira ulo siya minsan ay mabuti siyang tao.”
“Ikaw din. Sana kung hindi man maging kayo ni Aiden sa huli, makahanap ka rin ng lalaking magmamahal sa iyo ng totoo. ‘Yung hindi matapobre.”
“Hindi ko muna iniisip iyon ngayon. Gusto ko lang maging maayos ang kalagayan ng kapatid ko.”
Sana lang ay makalimutan na ni Amadeus ang interes nito sa kanya. Marahil ay nang-aasar lang ito nang isama iyon sa kondisyon nito. Gusto lang nitong mapatunayan na mahina siya pagdating dito at di namamatay ang atraksyon niya dito. Sigurado siya na may ibang babaeng pag-iinteresan ang binata. Ang mahalaga lang dito ay ilayo siya kay Aiden.
Narinig ni Esmeralda ang pagkakaingay sa labas. Malayo pa lang ay naririnig na niyang tinatawag siya ni Jeremy. “Ate! Ate!”
Hangos na lumabas ng pinto ang dalaga sa pag-aalala. Baka kung ano na ang nangyari sa kapatid niya. Umaga pa lang ay sinundo na ito ni Topher para ipasyal sa kay Nana Ising at sa tabing-ilog. Mahigpit ang bilin niya na huwag itong papagurin. Delikado ang kondisyon nito.
“Bakit? Anong nangyari?” tanong ni Esmeralda.
“May dumating tayong bisita,” nakangising sagot ng bata habang sa likuran ay hila-hila nito ang isang lalaki.
Napapatda sa kinatatayuan ang dalaga nang makita si Amadeus na karay-karay ng kapatid niya. Kanina lang ay inakala niya na nakalimutan na siya nito at naghanap na ng ibang babae. Pero heto ito ngayon sa San Luis. Anong ibig sabihin nito? Gusto nitong makatiyak na iniwan na niya si Aiden o maniningil ito sa kanya?
“Hello, Esmeralda,” bati ng lalaki sa suwabeng boses.
Muntik nang isara ng dalaga ang pinto pero tinabig siya ni Cynthia Lyn at patakbong sinalubong ng yakap si Amadeus. “Richard! Richard, my love. Bumalik ka rin sa wakas.”
Nagsalubong ang kilay ni Esmeralda at humalukipkip. “Akala ko ba kay Topher ka na?”
Nakakahiya pa dahil nakita niya na papasok na sa tarangkahan sina Topher at ang ibang kabaranggay nila. Pero nakakunyapit pa rin si Cynthia Lyn kay Amadeus. “Dalawa ang puso ko, friend. Okay lang iyan.”
Ngumuso siya. “Ayan na si Topher.”
Sa pagtataka niya ay kampante lang na ngumiti si Topher. “Ayos lang iyan. Mas nauna ko naman nayakap si Pareng Richard.”
Napamaang sa Cynthia Lyn at kumalas sa pagkakakunyapit kay Richard. “At mahadera ka. Inunahan mo pa pala ako.” At saka sinugod si Topher.
“Selos ka lang,” kantiyaw naman ni Topher dito at tumakbo palayo. Parang bata pa ring nag-iinisan ang dalawa kahit na matatanda na.
“Pumasok kayo sa loob para makapagmiryenda kayo,” yaya niya sa ibang kababaryo na sumama kay Richard.
Hinila naman ni Jeremy papasok ang binata. Kung ano ang napanood nito sa TV at mga lugar na gusto nitong puntahan. Inabala naman ni Esmeralda ang sarili sa paghahanda ng miryenda. Ngayong nakumpirma na nito na aalis siya, anong oras naman kaya ito babalik ng Manila?
“Bakit ka nga pala napadalaw?” tanong ni Esmeralda nang bumalik sa sala.
“Gusto kong mapag-usapan ang planong pagpapagawa sa mga bahay na nasira dito. Nalaman ko kay Topher na di naman kayo naaabot ng tulong ng gobyerno at kayo-kayo lang ang nagtutulong-tulong dito,” paliwanag ni Amadeus.
“At gusto din daw niyang magpatayo ng shelter para may masisilungan tayo tuwing may bagyo,” anang si Mang Kadyo.
“Pati din sana ang tulay namin magawan ng paraan. Di na ‘yung kailangan pa namin makipagsapalaran sa ilog o umikot pa sa kabilang bayan para lang makatawid,” anang si Nana Ising at humigop ng kape. “Masyado na akong matanda para umikot pa sa kabila kung isang tawid lang sana ako ng ilog.”
“Kausap ko na si Governor Angeles para po mabigyan ng pansin ang tulay ninyo dito,” sabi naman ng binata at nagpalakpakan ang mga kababaryo niya. “Kailangan ang ipalit nilang tulay hindi na basta masisira o matatangay.”
Tumango-tango si Esmeralda. “Salamat sa malasakit mo sa mga tao dito sa San Luis.”
Bibigyan niya ito ng benefit of the doubt. Maaring masama ng ugali nito sa kanya pero baka naman mabuti ito sa ibang tao.
“Nandito si Kuya Richard dahil tutuparin daw niya ang pangako niya na turuan kaming mag-surfing ng mga kaibigan ko,” deklara ni Jeremy. “Kailan tayo aalis, Kuya?”
“Bukas din. Wala kayong aalalahanin sa pagkain at tutuluyan. All you have to do is bring yourself,” sabi ni Amadeus.
“Maiiwan na lang ako dito,” nausal agad ng dalaga. “Saka hindi pwede na mapagod si Jeremy dahil sa...”
“I asked his doctor if he can go surfing. Pwede naman daw basta alalay lang at di siya gaanong susugurin. May mga nurse sa resort na pwedeng mag-check up sa kanya pwede siya o hindi. Makakabuti rin sa puso niya ang hangin sa tabing-dagat,” maagap na salo ni Amadeus. “You can call his doctor if you want to confirm.”
Naglabanan ang mga mata nila ng lalaki. Naiinis si Esmeralda dahil pinangungunahan siya nito sa desisyon sa kapatid niya. Pati doktor ni Jeremy ay pinakikialaman na rin nito. Mag-a-outing lang naman sila pero kung makialam ito ay wagas.
Yumakap sa baywang niya si Jeremy. “Ate, sige na. Pangarap kong matuto ng surfing. Hindi naman ako gaanong magpapagod. At sasama ka sa amin dahil gusto ko rin na maging masaya ka.”
“Bakit di ka muna makipaglaro kina Jenny para makapag-usap kaming matatanda dito?” tanong niya sa kapatid. Nakakaunawa naman ang kapatid niya na sumunod pero nakita niya ang nagpapaawang tingin nito sa ibang kabaranggay niya at ang humihingi ng saklolo nitong tingin kay Amadeus. Hindi talaga titigilan ng lalaki ang kapatid niya kahit na binalayaan na niyang lumayo ito.
“Pagbigyan mo na si Jeremy. Sa mga kaibigan niya, siya lang ang maiiwan dito. Siya talaga ang pinangakuan ni Richard na mag-surfing. Walang ibang kwento ang batang ito sa amin kung hindi ang mag-surfing kasama si Richard,” anang si Mang Tonyo kay Esmeralda. “Naiinggit na nga ako at gusto ko na rin magpaturo.”
Tumawa si Amadeus. “Lahat kayo tuturuan ko kung gusto ninyo. Gusto ko lahat tayo mag-e-enjoy sa beach.” Bumaling ang lalaki sa kanya. “Sasama ka na?”
“Sasama na iyan. Nag-break na sila ng boyfriend niya at mukhang di na matutuloy ang kasal nila,” singit naman ni Cynthia Lyn. Parang gustong dagukan ni Esmeralda ang kaibigan. Kailangan pa talaga nitong i-announce sa buong baranggay ang di na matutuloy niyang kasal nang walang permiso sa kanya?
“Break na pala kayo. Di ka man lang nagsabi. Kaya ka ba napauwi agad?” nag-aalalang tanong ni Topher. “Bakit kayo nag-break?”
“Kasi may kapatid na pakialamero daw si Aiden na ayaw silang magpakasal dahil mahirap lang si Esmeralda. Guwapo daw pero masama ang ugali,” walang gatol na sabi ni Cynthia Lyn.
Nasamid si Amadeus habang umiinom ng kape. Pasimple niyang kinabog ang likod nito. “O! Dahan-dahan kasi.”
Napansin niya ang pagkaasiwa sa anyo nito. Buti nga. May kabutihan din pala ang pagka-taklesa ni Cynthia Lyn dahil sapul na sapul si Amadeus.
“Mas dapat kang sumama sa amin sa beach. Mas madali kang makakalimot kapag nagsaya ka kasama namin,” anang si Aling Desta.
“Di ka namin hahayaan na magmukmok dito. Kailangan mo nang maka-move on. Sasama ka sa amin sa beach! Kasehodang kidnapin ka namin para lang makasama sa outing,” banta ni Cynthia Lyn.
Napilitang tumango si Esmeralda dahil naipit na siya. “Sige na. Sasama na ako.”