IHINILERA ni Esmeralda ang mga damit na natahi na niya. Si Jeremy mismo ang namili ng isusuot niya sa pagpunta sa beach bukas. Gusto daw nitong matiyak na maganda siya at hindi pangit ang isusuot niya. Nagustuhan kasi nito ang mga damit na siya mismo ang tumahi at nagdisenyo. Pero nag-aalangan siya na isuot iyon dahil baka isipin ni Amadeus ay gusto niyang magpaganda para dito.
Sinapo ng dalaga ang pisngi at tiningnan ang sarili sa salamin ng tokador habang nakaupo sa kama. Nasa kabilang kuwarto lang ang lalaki at nakikipagkwentuhan kay Jeremy. Maghapon ang binata at ang mga kababaryo nila sa kanila dahil pinagplanuhan ang pagtatayuan ng shelter at ang pagtulong ng lalaki sa pagpapagawa sa bahay na nasalanta ng bagyo. Matapos iyon ay di na ito pinakialaman ng kapatid niya na sabik sa atensyon.
Hindi niya alam kung paano pakikiharapan si Amadeus. Kung kailan inakala niya na baka ibaling nito ang atensyon sa ibang babae ay saka naman siya nito sinundan sa San Luis para i-torture. Wala kasi itong ibang ipinapakita kundi kabutihan sa lahat. Parang kapag may sinabi siyang di maganda kay Amadeus ay walang maniniwala dahil isang anghel ang tingin dito ng mga kababaryo.
Anong gagawin ko sa kanya? Anong sasabihin ko? Paano kapag hinalikan na lang niya ako basta? Kaya niyang tumutol pero di niya alam kung hanggang kailan niya kayang tanggihan si Amadeus. Kahit na may kasunduan sila, kailangan pa rin ni Esmeralda na buuin ang sarili kapag iniwan nito. Sa tindi ng galit ni Amadeus sa kanya, wala itong ititira ni katiting sa kanya.
Bandang alas nuwebe ng gabi nang katukin ni Esmeralda ang kuwarto ni Jeremy. Pinagbuksan siya ni Amadeus na pupungas-pungas pa. “Sorry. Nakatulog din ako matapos kong basahan ng libro si Jeremy.”
Pumasok siya sa kuwarto ng kapatid at tiniyak na maayos ang kumot nito. Mahimbing ang tulog ni Jeremy na may ngiti sa labi. Siguro dahil alam nitong magagawa na nito ang mga bagay na nababasa lang nito sa libro noon.
“Bakit wala na ang private nurse niya?” tanong ni Jeremy.
“Kaya ko siyang alagaan,” sagot ni Esmeralda sa malamig na boses.
“Sana isinama mo siya dito para mas maalagaan siya. Kailangan pa rin niya ng private nurse. Ako ang magbabayad. Kung hindi mo man gusto na magtaka ang dating nurse niya, kukuha ako ng bago.”
“B-Bahala ka na.” Di naman siya mananalo dito. “Tatawagan ko na si Topher para sabihing pabalik ka na sa kanila.” Doon ito makikituloy.
Hinawakan ni Amadeus ang balikat niya. “May gusto pa sana akong sabihin sa iyo.”
Tumaas ang kilay niya. “Ano iyon? Maniningil ka na ba?” tanong niya at hinila ito papasok sa kuwarto niya.
“W-What do you mean?”
“Huwag kang umaktong inosente. Ngayon na ba?”
Hinubad niya ang bestida at ihinagis sa may tokador. Underwear na lang ang suot niya. Mas hahaba pa ang usapan kung makikipagpilitan pa siya. Tanggap na niya ang tadhana niya. Alipin siya ni Amadeus at hindi niya ito matatakasan. Kailangan niyang sundin ang kasunduan nila. Pag-aari na siya nito.
“Sabihin mo lang kung anong gusto mong gawin ko. Alam ko naman adventurous ang mga tulad mo pagdating sa ganito. Alipin mo ako, di ba?” kaswal niyang tanong na parang ipagluluto lang niya ito o ipaglalaba at hindi sila magniniig.
Sa pagtataka niya ay dinampot nito ang blouse at palda niya at inabot sa kanya. “Isuot mo.”
Naestatwa ang dalaga. “Ano?”
Isinaklob nito ang bestida sa kanyang ulo at parang bata siyang binihisan. “Hindi ako nagpunta dito para diyan.”
“Anong ipinunta mo dito?”
“I just want to tell you goodnight and I am glad you are joining the tour tomorrow. Alam ko na marami kayong pinagdaanan ni Jeremy nitong nagdaang mga buwan. You deserve a break.” Hinawakan nito ang balikat niya at kinintalan ng halik sa noo niya. “Take a rest. See you tomorrow. Ikandado mo ang pinto paglabas ko.”
Naiwang nakatigagal si Esmeralda. Anong nangyari? Mukha siyang tanga na inalok ang sarili dito tapos ay tinanggihan nito. Hindi daw iyon ang habol sa kanya. Sinong niloko nito? O baka gusto nito na mapahiya talaga siya.
Pero hindi naman niya naramdaman na ipinamukha sa kanya ni Amadeus ang pag-aalok niya ng sarili dito. Hindi siya nito pinagtawanan. Naramdaman niya na nirespeto siya nito. Ibang-iba sa trato nito sa kanya noon.
Nagmamadali siyang bumaba matapos ayusin ang damit. Kailangan nitong linawin sa kanya kung ano ang kailangan nito sa kanya.
Pagbaba sa hagdan ay sarado na ang pinto. Nang sumilip siya sa bintana ay nakalabas na rin si Amadeus at in-start na ang kotse nito.
Nagngitngit ang dalaga. Ano ba talaga ang plano nito sa pagbalik sa San Luis? Ano ang pakay nito sa kanya?
Panggulo talaga si Amadeus dela Merced sa buhay niya.
MULA sa balkonahe ng kuwarto ni Esmeralda ay naririnig niya ang halakhak ni Jeremy. Nakaharap sa beach ang kuwarto niya kaya kitang-kita niya kung paano masayang nakipaglaro sa alon ang kapatid niya kasama ang mga kaibigan.
Isang mamahaling resort ang Costa Aurora. Hindi mo iisiping nasa Pilipinas ka dahil ang gusali at mga cottage na makukulay ay kagaya ng mga village sa Italy. Nakaharap iyon sa Pacific Ocean at magandang lugar para mag-surfing.
Hindi siya masasanay kahit na kailan sa ganitong uri ng karangyaan na ibinibigay ni Amadeus. Pakiramdam niya ay may posas siya sa kamay at kadena sa leeg.
Nagulat pa siya nang katukin ni Amadeus ang pinto niya. “Esmeralda, oras na para sa surfing lesson mo.”
Nakasimangot niyang binuksan ang pinto. “Hindi ako sasali sa surfing na iyan,” tanggi niya. “Magluluto pa ako ng barbeque.”
Ayos na sa kanya ang magsungit-sungitan kaysa naman pagpantasyahan ang lalaki sa suot nitong cream sando at black boardwalk shorts. Nakabakat ang muscles nito sa manipis na sando. Hindi siya makakapag-concentrate sa surfing lesson kung nakabalandra ang katawan nito.
“Huwag mo nang alalahanin iyon. Ipinadala ko na sa kusina para sila na ang magluto.”
Nagdilim ang mukha ng dalaga. “Bakit mo pinakialaman ang barbeque ko?”
“Wala kang lulutuan sa beach. Lahat dapat sa kusina. At kailangan sa restaurant ka mismo ng resort oorder. Iyon ang policy ng resort.”
“Bakit sa ibang resort pwede?”
“This is Costa Aurora,” kaswal lang na sagot ng lalaki.
“Oo na. Resort ng mayayaman,” bulong niya nang kunin ang bag na naglalaman ng gamit nila.
“Ako na ang magbibitbit ng bag mo,” alok ng binata.
Hinapit niya ang bag sa sarili. “Hindi na, senyorito. Hindi naman bagay sa iyo na pagbitbitin lang ng bag ng hamak na katulad ko.”
Bumuntong-hininga ito. “Look. Pwede mo bang kalimutan na ako si Amadeus habang nandito tayo? Pwede mo bang tratuhin mo ako bilang Richard?”
“Ano? Gusto mo magtanga-tangahan ako para sa iyo?” tanong niya at tumigil sa paglalakad. “Bakit kaya di mo na lang ihampas ang ulo ko sa pader para makalimutan ko ang lahat ng ginawa mo sa akin?”
“Gusto ko lang maging masaya ang mga kababaryo mo. Ang kapatid mo. Kung makikita nila na hindi ka masaya kasama ako, di rin sila magiging masaya. Minsan lang naman ito. Huwag sanang madamay sa pagsasaya natin ang isyu nating dalawa. You can hate me again afterwards.”
Muli niyang narinig ang halakhak ni Jeremy. Tumatakbo ito palapit sa kanya at hinawakan ang kamay niya. “Ate, halika na! Samahan mo na kami. Gusto ko nang mag-surfing.” Hinawakan nito ang kamay ni Amadeus sa kabila. “Ayan! Maituturo mo na sa akin ang bottom turn.”
“O! Basic lang muna tayo. Hindi dapat magmadali,” sabi ni Amadeus.
Ibang klase ang sigla at saya ni Jeremy. Ngayon lang ito nakita ni Esmeralda na hindi gaanong maputla at mamula-mula ang kutis. Alam niya na masaya ang kapatid niya. Buhay na buhay ito at parang walang iniindang sakit. Ito naman talaga ang Jeremy na gusto niyang makita.
Para sa kapatid ay titiisin niya ang presensiya ni Amadeus.