PLAKDA sa sarong na nakalatag sa ibabaw ng buhangin si Esmeralda. Mas nakakapagod pala ang surfing kaysa sa inaakala niya. Daig pa niya ang naglaba nang santambak o naglinis ng bahay maghapon. Ilang minuto lang siyang nakipagbuno sa malaking alon pero naubos na ang lakas niya.
Nakailang beses siyang nagbalanse sa surfboard para subukang tumayo at maglakbay sa alon pero sa huli ay bumagsak lang siya sa tubig. Matapos ang maraming pagtatangka ay puro siya palpak. Bumabagsak na siya agad sa tubig bago pa siya makatayo sa surfboard para magbalanse. Kaya matapos lumaklak ng ilang galong tubig at sumakit ang sinus sa dami ng na singhot na tubig-alat ay umahon din siya sa tubig na isang talunan.
Hindi niya alam kung siya lang ang inaayawan ng surfing dahil daig pa siya ng kapatid na si Jeremy. Hindi ito tumitigil hangga’t hindi nito nagagawang tumayo sa surfboard. Mas matapang pa ito kaysa sa kanya. Malaking bagay marahil ang sakit na pinagdaanan nito. Natuto itong lumaban. Natuto itong di sumuko.
Ibig bang sabihin ay basta na lang din siyang sumusuko sa buhay? Hindi. Sa surfing at kay Amadeus lang siya sumuko. Hindi para sa kanya ang mga ito.
Nagulat pa siya nang mag-ring ang cellphone sa loob ng bag niya. Dinampot niya iyon at kinabahan nang makitang si Aiden ang tumatawag.
Pumikit siya at pinalipas ang ilang ring bago sinagot. “Hello, Aiden. Kumusta?”
Nagi-guilty siya. Heto siya at nag-e-enjoy sa isang resort kasama si Amadeus habang walang kamalay-malay si Aiden na di na tuloy ang kasal nila.
“I am great. Really great. Hindi ka maniniwala sa ikukwento ko sa iyo. Parang may himalang nangyari.”
“Ano iyon?” tanong niya at bahagyang bumangon para mapanood pa rin si Jeremy. Katabi nito si Amadeus at chini-cheer si Topher na nagpa-paddle sa tubig habang nakasakay sa surfboard.
“I received checks from my brother and a contract. Pumapayag na daw siya na pahiramin ako ng pera para makapagsimula ng cut-flower farm. Hindi niya papatungan ng interes. According to the contract, I can pay him whenever I want.”
Nahigit niya ang hininga. “Himala nga iyan.”
“Not only that. Sobra-sobra ang pinahiram niyang pera. Pag-aaralan daw ang promotion ko sabi ni Tita Florida. I just can’t believe this is all happening. Hindi ko alam kung anong nakain ni Kuya Amadeus.”
“Masaya ako para sa iyo,” aniya at matipid na ngumiti. Tinupad na ni Amadeus ang kondisyon nito. Naramdaman niya ang kaligayahan ni Aiden. Na parang isang tulay ang tinawid nito, na sa wakas ay magkakasundo na ito at ang kapatid. “Nagkausap na ba kayo?”
“Hindi pa nga. Umalis daw si Kuya at nagbakasyon sa kung
“Ate, subukan mo ulit mag-surfing! Tutulungan ka ni Kuya Richard,” sigaw ni Jeremy at biglang yumakap sa kanya.
“Surfing? Nasa beach kayo?” tanong ni Aiden.
“Oo. M-May nagyaya kasing kaibigan. Kasama namin ang mga kababaryo namin,” sagot niya at nag-aalangang tiningnan si Amadeus na kasunod ng kapatid niya.
Hinawakan nito ang baywang ni Jeremy at hinatak palayo sa kanya. “Mamaya mo na kulitin ang ate mo. May kausap pa siya sa cellphone.”
Narinig niya ang pagsinghap ni Aiden. “Richard?” usal nito. “Kasama mo ba si Kuya Amadeus diyan? Boses niya ang narinig ko.”
Mariin siyang pumikit. “Aiden, magpapaliwanag ako...”
“May kinalaman ba dito kung bakit basta ka na lang umalis? May kasunduan ba kayo? Ibig bang sabihin hindi na matutuloy ang kasal natin?”
“Wala kaming relasyon,” maagap niyang sabi.
“Pero may kasunduan kayo na lumayo ka sa akin? Hindi ka na babalik para pakasalan ako,” may halong galit na sabi nito.
Bumuntong-hininga si Esmeralda. “Kailangan kong gawin iyon dahil hindi rin naman titigil si Amadeus hangga’t di tayo nasisira. Ayaw lang naman niya na pakasalan kita. Magsisiraan lang kayo nang magsisiraan. Ang mahalaga nakuha mo na ang gusto mo. At umaasa ako na magkakasundo din kayong magkapatid.”
“Bukod sa pag-urong sa kasal natin, ano pa ang hiningi niyang kapalit. Does he want you to have an affair with him? Iyon ba ang kapalit?” tanong nito sa maigting na tinig. Hindi nakasagot si Esmeralda. Hindi niya kayang magsinungaling kay Aiden. Naging mabuti ito sa kanya. “Ibabalik ko sa kanya ang pera...”
“Aiden, hindi na kailangan. Gamitin mo na iyan. Pangarap mo ang cut-flower farm na iyan. Iyan naman ang dahilan kung bakit gusto mong pakasalan ako, di ba? Matutupad mo na ang pangarap ninyo ng nanay mo. Malay mo magkasundo na rin kayo ng kapatid mo.”
“Pero paano ka? Paano kayo ni Jeremy?” nag-aalalang tanong nito.
“Si Amadeus na ang bahala sa kapatid ko. Sigurado ako na tutuparin niya ang pangako niya dahil tinupad niya ang kondisyon ko para sa iyo.”
“I am still worried about you. Gusto kong pumunta diyan. Mag-uusap kami ni Kuya...”
“Aiden, hindi na kailangan. Huwag mo akong alalahanin. Kaya ko ang sarili ko,” pigil niya dito. “Baka mag-away pa kayo ni Amadeus. Ayokong... Ayokong makita pa iyon ni Jeremy at ng mga tao dito. Please. Okay na ang lahat.”
“Umaasa ka ba na mamahalin ka ni Kuya Amadeus?” mahinang tanong nito. “Alam mo na wala siyang sineryosong babae. Wala siyang minahal. Wala siyanng balak na magbago. Sarili lang niya ang mahal niya. Masasaktan ka lang.”
Pagak siya tumawa. “Aiden, wala akong ilusyon na mamahalin ako ng kapatid mo. Hindi na ako ganoon katanga sa kanya ngayong alam ko na ang totoo niyang kulay. Gagawin ko lang ang kailangan kong gawin para sa kapatid ko.”
Makuha man ni Amadeus ang katawan niya pero hindi ang puso niya. Sa pagkakataong ito ay alam niya ang pinapasukan niya. Isa lang itong kasunduan. Kailangan lang niya ito para maisalba ang buhay ng kapatid niya. Hindi na siya hihiling ng para sa sarili niya.
“Hahayaan na kita sa desisyon mo pero hindi ako masaya na nagpapaipit ka kay Kuya Amadeus. Sabihin mo lang kung may maitutulong ako sa iyo. Lagi akong nandito bilang kaibigan mo.”
“Salamat, Aiden,” aniya at nagpaalam dito.
Ibinagsak ulit ni Esmeralda ang sarili sa reclined chair at tiningnan ang nagliliparang ibon sa asul na langit. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakadama siya ng kalayaan. Siguro dahil wala na siyang itinatago kay Aiden. Alam niya na magiging maayos ang buhay nito nang di nito kailangang pakasalan ang babaeng hindi nito mahal. Matutupad na ang pangarap nito.
Isang kamay ang lumahad sa harap nito. “Ate, surfing na tayo,” nakangiting yaya ni Jeremy.
Hinawakan niya ito. “Hilahin mo ako.”
Napangiwi ito nang hilahin siya. “Hindi kita kaya.”
Nagulat siya nang may isang kamay pa lumahad sa kanya. “Here. Take my hand,” sabi ni Amadeus.
Hinayaan niyang hilahin nito para makabangon at magkahawak-kamay sila na bumalik sa dalampasigan. Habang hawak ni Amadeus ang kamay niya ay magaan pa rin ng pakiramdam niya. Dapat ay mainis siya dito o mairita. Pero nakadama siya ng kalayaan. Masaya siya. Pumitlag ang puso niya nang ngumiti ito sa kanya.
Iniwas niya ang tingin dito. Hindi siya masaya dahil kasama niya si Amadeus. Di siya hibang. Kaya kung may ibang mensahe sa kanya ay tumigil na ito. Hindi niya mamahalin ang isang lalaking gaya ni Amadeus.