HINDI mapakali si Esmeralda habang nakahiga at nakatitig sa kisame. Panatag na ang paghinga ni Jeremy sa tabi niya at naghihilik naman si Cynthia Lyn sa kabilang kama. Napagod ang mga ito sa pagsu-surfing at paglulunoy sa dagat. Kundi pa niya ipatawag ang nurse para i-check ang kondisyon ni Jeremy ay di pa ito aahon sa tubig. Pinangakuan lang ito ni Amadeus na mamamangka bukas ng umaga kaya ito pumayag na magbanlaw at bago pa makakain ng hapunan ay nakatulog na sa pagod.
Pagod din naman si Esmeralda pero di pa rin siya pinapatulog ng utak niya. Bumabaha ang idea ng disenyo ng mga damit at nangangati na ang mga daliri niya na iguhit iyon. Sa huli ay bumangon siya at kinuha ang drawing pad niya na naglalaman ng mga sketch niya ng mga damit. Dahil ayaw niyang buksan ang ilaw at bulabugin ang tulog ng dalawa na parehong ayaw na nakabukas ang ilaw ay lumabas na lang siya ng silid. Pwede na siguro siya sa lobby ng resort dahil may ilaw doon.
Walang tao sa lobby maliban sa receptionist. Umupo siya sa couch na tanaw ang dagat. Isinampa niya ang paa at saka ipinatong ang sketch pad sa hita. Mabilis ang kamay niya sa pagguhit. Inuna niya ang wrap-around skirt na may ruffles sa gilid na gawa sa cotton. Na-imagine niya na alon iyon ng dagat at ang malamig na hangin. Pwede iyong may kapares na halter blouse. Bagay sa beach.
Malapit na siyang matapos nang bigla niyang napansin na may anino sa sketch pad niya at parang may matang nakatingin sa likuran niya. Nang tumingala siya ay nagulat siya nang makita si Amadeus na nakatayo sa likuran niya at nakatingin sa ini-sketch niya.
“Ano ka ba? Bakit di ka man lang nagsasalita na nandiyan ka pala?” angil niya at nasapo ang didbib. Muntik na siyang atakihin sa puso.
“Engrossed na engrossed ka sa ginagawa mo. Ano ‘yang ini-sketch mo?” tanong nito.
“Wala,” sabi niya at kinipit ang drawing pad sa dibdib.
“Anong wala? Patingin.” Inilahad ni Amadeus ang palad. Umiling naman siya. Dumukwang ito sa couch hanggang magtapat ang mukha nila. “Kapag hindi mo ipinakita sa akin iyan...” Sadyang ibinitin nito ang sasabihin at saka tinitigan ang mga labi niya.
Animo’y prinsipe ito ng kadiliman na may kislap ng kapilyuhan sa mga mata. Napalunok si Esmeralda. Binabantaan siya nitong hahalikan. At wala itong pakialam kung sinuman ang makakita. Hindi ako pwedeng magpahalik sa kanya.
“Heto na. Di mo na ako kailangang pagbantaan na hahalikan,” aniya at isinalya sa dibdib nito ang drawing pad niya.
Tumaas ang kilay nito. “I was about to say I want to treat you for a cup of coffee as a bribe so you will show me this. But thanks anyway.”
Mariin siyang pumikit at parang gustong batukan ang sarili. Bakit ba niya sinabi iyon? Siya pa ngayon ang lumalabas na madumi ang utak.
Pasipol-sipol itong naglakad palayo. “Hoy! Saan mo dadalhin ang drawing ko?”
“Sa cafe. Mas maganda ang lighting doon. A cup of coffee or tea would be perfect while we discuss your work. Let’s go.”
Sumunod siya dito. Wala naman siyang magagawa dahil hostage nito ang drawing pad niya at di niya basta mababawi. Matapos umorder ng steamed milk at chocolate chip cookies para sa kanya at para sa binata ay hot Morrocan mint tea naman at pinasadahan nito ng tingin ang drawings niya.
“So, hindi ka lang pala nananahi. Nagde-design ka rin,” puno ng interes na wika ng binata.
“Drawing lang. Wala namang kakaiba sa mga ginagawa ko. Hindi naman iyan gaya ng gawa ng mga sikat na fashion designer.” Para namang may alam ito pagdating sa disenyo ng damit na pambabae. Mas alam yata nito ang magtanggal ng damit ng babae.
“Ikaw din ba ang nag-design ng wedding dress mo?”
Umismid siya. “Hindi. Sabi ni Lexie mas maganda daw kung sikat na fashion designer ang gumawa ng pangkasal ko. Di naman kasi bagay sa mayayaman ang istilo ko. Saka wala na rin naman ang gown na iyon dahil di na tuloy ang kasal ko. Salamat sa iyo.”
“You’re welcome,” nakangiti pang sabi ng lalaki at ibinalik ang drawing pad sa kanya.
At talagang nang-aasar pa ito. Nilunod na lang niya ang sarili sa mainit na gatas at sa cookies. Gusto na lang niyang ubusin iyon para makaalis na siya.
“Bakit hindi ka manahi ulit? O magtayo ng sarili mong shop. Simple ang designs mo pero wearable,” suhestiyon ni Amadeus at humigop ng kape.
“Wala akong puhunan. Luma na nga ang makina ko, sira pa.” Tinungga niya ang gatas. “Babalik na ako sa kuwarto ko. Goodnight.”
“Ihahatid na kita,” sabi ng lalaki at inalalayan siya sa siko.
“Salamat pala dahil masaya ang kapatid ko ngayon. Nag-enjoy siya sa surfing. Pero sana lang huwag mo na siyang pangakuan ng kung anu-ano. Ayokong masanay siya sa mararangyang bagay na di ko kayang ibigay.”
“Jeremy is an intelligent kid. Hindi siya mapaghanap. Pero kung magagawa ko siyang pasayahin, ibibigay ko sa kanya. And I also want to see you happy.”
Nagsalubong ang kilay niya. “Gusto mo akong makitang masaya?”
“Yes. Ano ang gusto mo na walang kinalaman sa kaligayahan ni Jeremy?”
“Wala. Dahil huling beses na sinagot ko ang tanong na iyan, doon lalong nagkagulo ang buhay ko. Maingat na ako sa mga hihilingin ko.”
Bumuntong-hininga si Amadeus. “Hanggang kailan mo ako tatratuhing kaaway?”
“Hangga’t nasa buhay kita,” sagot niya. “Kaya kung maniningil ka sa akin, bilis-bilisan mo na sana.”
“Don’t be so excited, Esmeralda. Hindi pa tayo nagsisimula.” Kinuha nito ang keycard mula sa kanya at tinapik sa electronic knob. Saka nito ibinalik sa kanya at magaang hinaplos ang pisngi niya. “Goodnight.”
Nagtataka si Esmeralda. Hindi ipinipilit ni Amadeus ang sarili sa kanya. Kahit nang ialok niya ang sarili dito ay di rin nito tinanggap. Mabait din ito sa kanya at gentleman. Di kaya may iba na itong babaeng pinag-iinteresan kaya parang wala na itong pakialam sa kanya?
Nagngingitngit siyang pumikit. Kung may iba na itong babae na gusto, bakit pa siya nito tino-torture? Bakit parang inaakit pa siya nito sa kabaitan nito?
Kahit ano pang istratehiya ang gawin nito huwag na itong umasa na mahuhulog pa ang loob niya dito.