Chapter LTMWAH 38

“KAILANGAN kong makabili ng tela pagluwas ko ng Divisoria para sa uniform ng mga bata at nang magsimula na ring manahi. Walang magandang tela dito,” sabi ni Esmeralda habang sinisipat ang mga tela sa palengke. Wala doon ang tela para sa mga tatahiin niya. Mahal pa ang presyo.

Madaling-araw pa lang ay pumunta na silang magkaibigan sa palengke sa bayan dahil minsan sa isang linggo lang ang market day doon. Di gaya sa malalaking lungsod o bayan na araw-araw may palengke, sa maliliit na bayan ay minsan sa isang linggo lang dumadayo ang mga tindero mula sa ibang bayan. Kubol-kubol lang ang itinayo ng mga ito para magsilbing tindahan.

“Bakit ka pa mananahi? Pwede namang asenso na ang buhay mo,” tanong ni Cynthia Lyn na hinatak siya tindahan ng Avon products.

“Anong asenso ang sinasabi mo?”

“Akala mo di ko napapansin ang mga pasimpleng tingin sa iyo ni Richard?” Siniko siya nito. “May gusto siya sa iyo.”

“Wala akong napapansin,” kunyari ay patay-malisya niyang wika.

“Ang hina mo naman. Kung iniisip mo na babalikan ka pa ng Aiden na iyon, huwag ka nang umasa. Halata ko naman na hindi ka masaya sa kanya. Iba ang bukas ng mukha mo kapag kasama mo si Richard. Parang kinikilig ako na ewan lalo na kapag pasimple lang tumitingin sa kanya at di siya nakatingin. Kapag nag-move on ka na, may Richard ka na agad na naghihintay sa iyo. Prinsesa na naman ang buhay mo.”

“Una, di ako naghahanap ng bagong boyfriend. Di dahil di na tuloy ang kasal namin ni Aiden, nagmamadali na akong maghanap ng kapalit. Pangalawa, ayoko kay Richard. Naalala ko lang sa kanya ang kapatid ni Aiden na antipatiko at masungit.”

“Hoy! Di naman ganoon si Richard. Noong una lang siguro pero nakita mo naman kung paano niya pagmalasakitan ang mga kababaryo natin. Nakita ko rin kung gaano siya kabuti kay Jeremy. Di naman niya kailangang gawin iyon lahat sa atin pero ginagawa pa rin niya. Saka gentleman din siya sa iyo kahit pa nga nararamdaman ko na gusto ka niya.”

Nakalimutan ni Esmeralda na isang bayani sa tingin ng lahat kay Amadeus. Na parang wala itong gagawing mali. At si Cynthia Lyn ang number one fan nito. Wala siyang kapana-panalo.

“Alam mo ‘yung feeling mo na hindi mo gusto ang isang tao kahit maganda naman ang ipinapakita niya sa iyo? Ganoon,” palusot na lang niya.

“Baka naman naging manhater ka lang o sadyang galit ka lang ngayon sa guwapong mayaman dahil di natuloy ang kasal mo. Hindi mo kailangang idamay ang lahat ng guwapo at mayaman katulad ni Richard,” sermon nito.

Wala siyang problema sa mga guwapo at mayayaman. Kay Amadeus lang. Hindi naman niya pwedeng ibulgar ang tunay nitong pagkatao sa mga kababaryo nila. Personal na nilang isyu iyon ng lalaki at di na kailangang madamay ang ibang tao. Dahil wala na itong pagnanasa sa kanya, siguro naman ay aalis na ito ng San Luis. Pwede na nitong ipamahala sa mga tauhan nito ang pagpapaayos ng mga bahay at pagpapatayo ng mga shelter. Hindi ito tatagal sa baranggay nila na walang maayos na hotel. Sa papag na may manipis na kutson lang ito nakitulog sa bahay nila Topher noong isang araw. Di ito tatagal doon. Baka nga kanina pang madaling-araw ay bumiyahe na ito pabalik ng Manila. Matatahimik na ang buhay niya.

Pagdating sa bahay sakay ng tricycle ay nagulat siya nang delivery van sa harap ng bahay niya. Nakababa na rin sa harap ng bahay niya ang isang malaking kahon at nag-aabang sina Nana Ising at Jeremy. “Ate, may package ka daw po!”

“Galing ba iyan kay Aiden? Baka ibinabalik na ang mga gamit mo,” malungkot na hula ni Cynthia Lyn.

“Nakabalot pa ng panregalo?” tanong niya.

“Baka di masyadong ampalaya.”

Nagkibit-balikat lang siya at nilapitan ang delivery crew para pirmahan ang resibo. Nang tingnan niya ay isang babae ang sender. Mayjayrie Sison. Hindi si Lexie o sinuman sa tauhan ni Aiden ang nagpadala sa kanya. Sino ito?

Nang buksan ang kahon ay nakita agad niya ang tatak na SINGER. Nanginginig ang kamay niya nang buksan iyon. High-tech na sewing machine.

“Bakit ganyan ang itsura? Ang dami-daming nangyayari sa makina,” sabi ni Cynthia Lyn habang sinisipat ang makina.

“Hindi ko nga alam.”

“Ma’am, bukod sa panahi ay pwede din itong pamburda. Pwede din pong isaksak sa computer,” paliwanag ng delivery crew at tinesting pa ang makina para makita kung gumagana nga.

“Ate, matatahian mo na ako ng uniform pagpasok ko sa school,” sabi ni Jeremy na namamangha din sa makina niya.

“Aba! Gusto ko naman ng bestida na may burda-burda. Di na kailangang kamayin,” sabi naman ni Nana Ising. “Mapapabilis na pananahi mo diyan.”

“Mahal siguro iyan. Parang nangangain ng tanga,” anang si Cynthia Lyn at pinagkiskis ang palad. “Ang sweet naman ni Aiden. Naalala ka pa niya.”

Hindi magawang ngumiti ni Esmeralda. Natitiyak niya na hindi galing ang makina kay Aiden. Isang tao lang ang nakausap niya tungkol sa pananahi niya.

Pagkaalis ng mga delivery crew ay dumating si Amadeus na may dalang ilang piling na saging. “Good morning. Padala ni Topher galing sa bukid nila. Ako na ang nagdala dito.” Inilapag nito ang saging sa kusina at pagbalik ay tumayo ito sa harap ng makina. “Bagong makina ni Esmeralda? Looks good. Dapat siguro sa iyo na rin ako magpatahi ng damit habang nandito ako.”

“Ako na ang sukat mo,” prisinta ni Cynthia Lyn at pinisil-pisil ang braso ni Amadeus. “Pero sa akin okay naman kahit wala kang damit.”

“Sa susunod mo na ako sukatan. Kailangan ko na rin umalis dahil gagawin namin ang bahay ni Nana Ising. Parating na kasi ang mga materyales,” anang lalaki.

“Ako na ang maghahatid sa iyo sa gate,” prisinta ni Esmeralda. Paglabas ng bahay ay sinabi agad niya ang hinala dito. “Ikaw ang nagpadala ng makina, di ba?”

“Yes. Do you like it? I told them to get you their latest model.”

“Maganda, pero hindi ko matatanggap.”

“Akala ko ba gusto mong manahi?” tanong nito at tumigil bago makalabas sa gate. “Hindi ka makakapanahi kung sira ang makina mo.”

Tumaas ang kilay niya. “Ano naman ang kapalit?”

“Wala,” tanggi nito.

“Hindi ako naniniwala sa iyo. Negosyante ka. Di ka nagbibigay ng walang kapalit.. Ano pang kailangan mo sa akin?”

“Seriously?” Pinisil nito ang baba at inilapit ang mukha niya. “Madali lang naman akong kausap at simple lang ang kaligayahan ko. Kayang-kaya mong ibigay.”

“A-Ano?” nanginginig niyang tanong. Amoy mint ito at bahagyang kape. Binasa niya ang labi. Hahalikan na ba siya nito sa mismong gate ng bahay nila? O baka naman higit pa doon ang hingin nito sa kanya?

Napakapit siya sa harap ng T-shirt nito. Nakadama siya ng pagkasabik na maranasan muli ang haplos at halik nito. Gusto niyang kamuhian ang sarili dahil mali ang nararamdaman niya.

“Magturo ka sa pananahi sa mga tao dito,” bulong nito sa ibabaw ng labi niya.

Nahigit niya ang hininga. “A-Ano?”

Bahagya itong lumayo sa kanya at nagsalubong sila ng nakangiti niyang mga mata. “I am planning to put up a livelihood program here. Marunong ka naman manahi at mag-design. Maganda kung matutulungan mo ang mga kababayan mo. Nalaman ko na minsan di maganda ang ani sa bukid at nasasalanta pa ng tagtuyot o kaya ay bagyo. You need an alternative livelihood. RTWs would be great. Ano sa palagay mo?”

Tumango na lang nang tumango si Esmeralda dahil di niya maintidihan ang mga sinasabi nito. Nakaka-strike two na ang lalaking ito. Binilhan siya nito ng makina pero walang hihingin na kahit anong pisikal sa kanya. Kahit halik?

Naguguluhan na siya kay Amadeus. Nagkamali ba siya ng pagkakakilala dito? Baka naman may puso ito. O baka naman nilalaro lang siya.

Sino ka ba talaga, Amadeus dela Merced?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.