“ANG GANDA-GANDA nitong bestida ko. Salamat, Esmie. Sa wakas naman natahi mo na. Isang taon na itong nakatambak sa iyo.”
Nangiti na lang si Esmeralda habang pinagmamasdan ang kaibigang si Cynthia Lyn na iwinawasiwas ang palda ng bulaklaking dress nito. May bitbit pa itong basket sa isang kamay na naglalaman ng mga turon na pangmiryenda nila sa mga tumutulong sa pag-aayos sa bahay ni Nana Ising.
“Ni hindi mo man lang nilabhan muna bago mo isinuot,” sabi niya.
“Dapat nga kahapon ko pa ito isinuot kung natapos mo agad. Natalo lang talaga ako ni Jeremy dahil inuna mo ang damit niya.”
Ganadong manahi ang dalaga dahil sa bagong makina. Lahat ng tinabas niyang tela na patahi sa kanya nang nakaraang buwan ay pwede na niyang tahiin sa wakas. Kakaibang sigla ang naramdaman niya nang makapanahi ulit. Kahit na pagod siya sa pananahi hanggang hatinggabi ay masigla pa rin siyang bumangon kaninang umaga para magluto at maglinis ng bahay.
Malaking bagay din na may nakahandang livelihood program para sa mga kababayan niya at makakapagturo siya na manahi. Pakiramdam niya ay nagkaroon din ulit siya ng silbi. Mula nang magkasakit si Jeremy, umikot na lang ang mundo niya dito. Nakalimutan na niya ang sarili niya. Sa simpleng pananahi, sa pakiwari niya ay nabawi niya ang sarili.
Makalipas ang ilang minutong paglalakad ay nakarating din sila malapit sa ilog kung saan nakatira si Nana Ising. Marami sa kalalakihan sa sitio nila ang naroon para tumulong. Wala kasing pera para kumuha ng trabahador ang matandang babae kaya nagtulong-tulong na lang ang mga kababaryo nila sa pagtatayo ng bahay. Alam niyang malaking tulong din ang donasyon na materyales ni Amadeus. Uso pa rin ang bayanihan sa baryo nila. At pagkain naman ang kontribusyon nila ni Cynthia Lyn.
“Miryenda time!” deklara ni Cynthia Lyn at inilapag sa kawayang upuan ang basket ng turon. “Tama na po ang trabaho. Kain na.”
Nilapitan niya si Mang Kadyo. “Uhmmm.. Si Richard po ba bumalik na ng Maynila?”
“Hindi. Nandoon sa taas,” anito at itinuro ang lalaki na abala pa rin sa pagpupukpok ng bubong. “Sir Richard, kain na tayo. Mamaya na iyan. Hindi naman tayo nagmamadali. Nandito na si Esmeralda.”
“Uuyyyy!” tuksuhan ng mga tao sa kanila.
Sinipat niya ang lalaki ang nag-iisang lalaki sa bubong na naka-cap. Nang iangat nito ang mukha at saka nila nakilala si Amadeus. Ngumiti ito nang makita siya. Saka lang ito tumigil sa pagpupukpok at bumaba.
Kumuha siya ng miryenda nito na turon na may langka at lemongrass tea at hinintay itong matapos na maghilamos. “Miryenda mo.”
“Thank you,” sabi nito at umupo sa ilalim ng puno ng mangga.
“Bakit pati ikaw kasama sa gumagawa dito? Paano kung mapukpok ka ng martilyo o mahulog? Malayo ang ospital dito.” Baka sa huli ay sa kanya na naman isisi ni Amadeus pag nadisgrasya ito.
“Huwag kang masyadong mag-alala sa akin. Okay lang ako. Saka gusto ko lang mas mapabilis ang trabaho dito.”
“Hindi ba dapat nasa Maynila ka na o kung saan man parte ng mundo na kailangan ka ng kompanya mo?” tanong niya at humalukipkip.
Kumagat ito ng turon. “Nakabakasyon ako ngayon. Hindi mo ba alam na kahit ang mga mayayaman nagvo-volunteer work?”
“Alam mo ba kung ano ang ginagawa mo?”
“I am learning. Don’t worry. Matagal-tagal mo pa akong makikita dito kaya hindi mo ako mami-miss.”
Maasim siyang ngumiti. “Pwede ka nang windmill. Ang hangin mo kasi.”
Saka niya ito tinalikuran. Tingnan lang niya kung makatagal ito sa San Luis.
“GRABE! Nasa Pilipinas pa ba tayo?” nanlalaki ang mga matang tanong ni Luverlyn, ang private nurse ni Jeremy nang magising mula sa pakakahimbing.
“Mga kalahating oras pa. Pasensiya ka na. Maraming tulay ang nasira mula nang bumagyo dito,” nahihiya na usal ni Esmeralda. Walong na oras na silang bumibiyahe mula Maynila pero wala pa rin sila sa San Luis. “Salamat dahil tinanggap mo pa rin maging nurse ni Jeremy kahit na malayo.”
Sinundo niya ang nurse nang pumayag ito na magpatuloy bilang nurse ng kapatid. Sakay sila ng private van na si Florida, ang personal assistant ni Amadeus mismo ang nag-arrange para sa kanya. Hindi pumayag ang lalaki na mag-commute lang siya lalo na’t nalaman nitong gusto niyang mamili ng tela sa Divisoria. Mistulang personal assistant din niya si Florida na kasa-kasama niya sa Maynila. Pati mga pasalubong kay Jeremy at supplies ni Amadeus ay ipinadala nito sa kanya. Ang tinanggihan lang niya ay ang alok nito na tumuloy siya sa isa sa mga hotel ni Amadeus at ang alok nito na shopping. Kahit kailan ay di siya komportable sa ganoong karangyaan. Mas gusto niyang mamuhay ng simple dahil ayaw na niyang madagdagan ang utang na loob kay Amadeus. Kung tatanggap man siya ng pabor mula dito, para lang iyon kay Jeremy at di para sa kanya.
“Hindi naman ako nagrereklamo. I need change. Para makalayo na rin ako sa manliligaw kong ubod ng kulit. Siguro naman di na niya ako masusundan sa San Luis.” Pumihit ito sa pagkakaupo. “Madam, ano ba ang nangyari sa inyo ni Sir Aiden? Excited na sana akong maka-attend sa kasal ninyo sabay di na tuloy. May third party ba?”
“Wala,” kaila niya.
“Para ka namang others. Tingin ko sila ng Lexie na iyon ang may relasyon. Inakit niya si Sir Aiden palayo si Aiden. Ganoon naman role ng mga sekretarya kahit sa nobela at teleserye. Mga kontrabida sa love life.”
Umiling siya. “Hindi. Hindi pa handa si Aiden na magpakasal. Ganoon din ako. Masyadong mabilis. Hindi naman teleserye ang buhay namin. Mabuti sa akin si Miss Lexie. Pero kung gusto nilang mag-date ngayong hiwalay na kami ni Aiden, bakit naman hindi?”
“Ganoon lang? Walang ampalaya moment?”
“Ganoon lang. Mahalaga sa akin ngayon ang kapatid ko. Iyon lang.”
Di nagtagal ay humimpil na ang sasakyan sa harap ng bahay nila. Sinalubong siya nina Cynthia Lyn at Nana Ising. Ipinakilala niya sina Luvelyn at ang driver na si Mang Epong sa dalawa at inasikaso naman ang mga ito.
“Nasaan si Jeremy?” tanong niya at luminga.
“Sa hardin yata naglalaro.”
“Baka nag-aakyat iyon sa puno at malaglag. Di dapat pabayaang mag-isa.”
Pinigilan ni Cynthia Lyn ang kamay niya. “Hayaan mo na si Jeremy. Kumain ka muna. Ako na lang ang tatawag sa kanya...”
“Ako na.” At kumawala siya sa kaibigan. Gusto niyang makita mismo ang kalagayan ng kapatid. Apat araw din niya itong hindi nakita.
Naabutan niya ito sa garden na abala na may binubungkal sa gilid ng bakod. Hindi ito nag-iisa. Kasama nito si Amadeus. “Kuya, bilisan mo. Narinig ko dumating na ang sasakyan.”
“Sandali na lang ito. Huwag kang maingay,” saway ni Amadeus dito.
Namaywang siya sa likuran ng mga ito. “Ano ‘yang kinakalkal ninyo sa garden ko?”
Dahan-dahang pumihit ang dalawa sa kanya. Bakas agad ang guilt sa mukha ni Jeremy. “Ate, nandiyan ka na pala. K-Kumusta ang biyahe?”
Pinanlakihan niya ng mata si Amadeus. “Ano iyan? Alam mo ba na ayokong basta-basta pinakikialaman ang mga halaman dito?”
“Huwag kang magalit. Tinulungan ko lang naman si Jeremy na magtanim dito. Sorpresa daw niya ito sa iyo. Di mo na kasi naharap na palitan ang mga nagkamatay na tanim mo mula nang bumaha dito,” paliwanag ng binata at inakbayan si Jeremy. “Kaya huwag ka na sanang magalit. Gusto ka lang pasayahin ng kapatid mo.”
Saka niya napansin na maayos namang nakatanim ang mga sanga ng rosal na itinusok nito sa lupa. Hindi niya magawang magalit dahil nag-effort ang kapatid niya para lang paligayahin siya.