Chapter LTMWAH 41

NAG-INAT si Esmeralda dahil masakit pa ang likod niya matapos ang halos magdamag na papanahi pero may ngiti sa labi niya. Marami kasi siyang natapos na tahiin at ide-deliver na lang. Maluwag na ang oras niya ngayon.

Hindi lang sina Cynthia Lyn at Luvelyn ang nakakatulong niya sa pag-aalaga kay Jeremy. Gabi-gabi ay pumupunta si Amadeus sa bahay para lang turuan si Jeremy. Mas tumaas na rin ang kompiyansa ng kapatid niya dahil dito. Hindi niya maramdaman na may sakit si Jeremy. Masigla ito at puno ng pangarap.

Dumungaw siya sa bintana ng kuwarto niya. Di lang rosal ang tanim doon kundi may rosas na rin at mga cosmos. Namumulaklak na ang cosmos. Tanim iyon ni Amadeus para daw mapangiti siya paggising niya sa umaga.

Mag-iisang buwan na si Amadeus sa San Luis pero parang wala pa rin itong balak na bumalik sa Maynila. Katwiran nito ay competent ang mga tauhan nito.

Maraming babae ang nagkakagusto dito kasama na si Luvelyn pero bigo ang baba dahil na-friendzone daw ito. Siya daw ang gusto ni Amadeus. Hindi niya alam kung ano ang paniniwalaan. Kahit siguro sabihin ni Amadeus na gusto siya nito ay hindi pa rin siya maniniwala. Kahit na hindi pa siya ang babaeng muntik nang pakasalan ng kapatid nito, hindi ito magkaka-interes sa kagaya niya na ordinaryong babae lang. At kung may gusto man ito sa kanya, pihadong magpapatingin ito sa psychologist para i-check kung matino pa ito o hindi na.

Bakit nga ba ayaw pa niyang umalis sa San Luis? Nakokonsensiya ba siya sa ginawa sa akin? Gusto ba niyang makuha ang kapatawaran ko? Kapag ba pinatawad ko na siya ay babalik na ito sa normal nitong buhay?

Paglabas ng kuwarto niya ay nasalubong niya si Luvelyn na bagong ligo pa lang. “Magandang umaga. Si Jeremy?” tanong niya.

“Iniwan ko lang na nagbabasa ng libro sa garden kanina, Madam.”

Nang sumilip siya sa bintana ay wala naman doon ang kapatid. Ang tanging nakita lang niya ay ang naiwan nitong libro. “Wala rin siya doon.”

“Naku, Esmie. Baka nayaya ng mga kalaro niya na magpunta sa ilog,” hula ni Cynthia Lyn. “Alam mo naman ang mga batang iyan kapag bakasyon mahilig maglaboy lalo na kapag kasama ang crush.”

Kumabog ang dibdib ng dalaga. “Sa ilog? Bakit di siya nagpaalam?”

“Para namang papayagan mo siya. Praning na praning ka kapag nababanggit ang ilog,” sabi ng kaibigan na umiikot pa ang mga mata.

“Pupuntahan ko siya. Lagot sa akin ang batang iyan,” aniya sa naggigiyagis na ngipin. Sino ba ang hindi mag-aalala? Walang pinipiling panahon ang ilog kapag kumuha ng buhay. Si Jeremy na lang ang nag-iisang pamilya niya. Problema pa nga niya ang pagkakasakit nito. Pati ba ang pagpunta niya sa ilog ay aalalahanin pa niya?

Pumara siya ng tricycle para ihatid siya sa tabing ilog. Mula sa binabaan niya malapit sa nasirang tulay ay nakita niya ang mga batang nakatayo sa tabing-ilog. “Jeremy! Jeremy!” tawag agad niya sa kapatid. “Sino ang may sabi sa iyo na pumunta sa ilog nang hindi nagpapaalam?”

Dali-dali siyang nilapitan nito, bakas sa mukha nito ang pagkabalisa. “Ate, si Kuya Richard po hindi pa po bumabalik.”

“Anong hindi pa bumabalik?”

Isang batang babae na kulot ang buhok ang lumapit sa kanya. “Kasi po tinangay ng agos ang tsinelas ko. Sabi niya kukunin niya para sa akin. Regalo po kasi iyon ng nanay ko noong birthday ko...” anito at humikbi.

Sumikdo ang kaba sa dibdib ng babae. Walang ulan sa araw na iyon pero malalim pa rin ang ilog. Mabilis din ang pagragasa ng alon. Bumalik sa alaala ni Esmeralda ang unang beses na nakita niya si Amadeus - habang tinatangay ang binata at ang sasakyan nito sa rumaragasang tubig sa kasagsagan ng bagyo. Bumalik din sa alaala niya ang pagkawala ng nanay niya.

Lumusong agad siya sa tubig. Pilit niyang tinanaw ang ilog, baka sakaling makita niya kung saan banda tinangay ang binata. Subalit wala siyang matanaw. “Amadeus! Amadeus! Nasaan ka?” Gusto niyang lumangoy pero di niya alam kung saan ito hahanapin. Nilingon niya ang mga bata. “Tumawag kayo ng tulong! Si Amadeus...”

Nanlalambot ang tuhod niya at napaluhod na lang siya sa batuhan. Parang wala siyang kalaban-laban. Gusto niyang iligtas si Amadeus. Ayaw niyang mapahamak ito. Ni hindi pa niya nasasabi dito na pinatawad na niya ito. Na hindi na siya galit.

“Oy! Tinatawag mo ba ako?” narinig niyang sigaw ng binata mula sa taas ng malaking bato. Pagtingala niya ay nakita niyang nakatayo ito sa bato, basa ang suot nitong T-shirt at khaki shorts. May ngiti ng tagumpay sa labi nito habang sa isang kamay ay hamak nito ang isang pares ng fuschia pink na tsinelas. Buhay ito! “Hoy, mga bata! Saan kayo pupunta? Nandito na ang tsinelas ni Aimee!”

“Kuya Richard!” sabay-sabay na tawag ng mga bata dito at nagtakbuhan pabalik. Pagbaba ng lalaki sa malaking bato ay pinagkulumpunan itong yakapin ng mga bata.

“Akala namin hindi ka na babalik,” sabi ni Jeremy na mangiyak-ngiyak na rin.

“Pwede ba naman iyon? Nangako ako sa iyo na kukunin ko ang tsinelas ng crush mo,” anang si Amadeus at ginulo ang buhok ng kapatid niya. Ibinigay nito ang tsinelas kay Jeremy. “Isuot mo na kay Aimee.”

“Uyyyy!” tuksuhan ng mga kalaro nito.

Hindi makapaniwala si Esmeralda. Ibinuwis ni Amadeus ang buhay nito para sa isang pares ng fuschia na tsinelas. Alalang-alala siya dito para lang sa wala. Muntik na nga siyang atakihin sa puso.

“Mga bata, umuwi na kayo!” utos ng dalaga habang umaahon sa ilog. At dali-daling nagpulasan ang mga bata. Nakikinita na niya ang itsura niya. Gulo-gulo ang buhok niya, basa ang Tshirt at jogging pants na suot habang nanlilisik ang mga mata. Para siyang kontrabida sa kwentong pambata na nangangain ng makukulit na bata na mahilig pumunta sa ilog nang walang permiso mula sa nakatatanda. Naestatwa si Jeremy at nahihintatakutan ang anyo. “Mag-uusap tayong mabuti. Uwi!”

Saka lang ito pumulas ng takbo. Naiiling siyang nilapitan ni Amadeus. “Ikaw talaga. Tinakot mo naman ‘yung mga bata. Nagkakatuwaan lang sila.” Inilahad nito ang kamay para alalayan siyang umahon. “Huwag ka nang magalit.”

Tinampal nito ang kamay niya saka naglakad palayo. “Hindi ako natutuwa sa katuwaan nila. Umalis si Jeremy sa bahay nang hindi nagpapaalam. Dapat ba akong matuwa?” Halos mamatay ako sa pag-aalala sa iyo. Tapos katuwaan lang?

“Huwag pati sa akin magalit ka. Pagdating ko dito naliligo na sila at tinangay na ang tsinelas ni Aimee. Tumulong lang ako...”

Hinarap niya ang lalaki. “Gusto mo pa palakpakan kita dahil nagpakabayani ka sa isang pares ng tsinelas? E kung namatay ka?” Nanginig ang labi niya at impit na lang siyang humikbi. “Kahit kailan di ka nag-iisip. Nag-alala ako sa iyo.”

Niyakap siya nito. “I am sorry. Hindi ko naman sinasadya na pag-alalahanin ka. Hindi mangyayari sa akin ang nangyari sa mga magulang mo. I am fine. I am alive.”

Hinampas niya ang dibdib nito. “Ayokong maramdaman ito. Ayokong mag-alala sa iyo. Hindi ka importante sa akin. Bakit ginaganito mo ako? Bakit di ka na lang lumayo sa akin? Bakit mo ako ginugulo?”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.