“ELLA, okay ka lang ba?” tanong kay Ella ni Syrene na kapwa niya café crew sa Bettina’s Café.
Ilang araw nang iyon ang palaging tanong ng mga kasamahan niya sa kanya dahil ilang araw na siyang parang wala sa sarili niya. Iniisip pa rin niya ang mga nangyari at kung ano ang isinakripisyo niya. Hindi rin siya kinakausap ng Ate Jeya niya simula nang sabihin niya rito ang tungkol sa naging pag-uusap nila ng Tita Bettina niya.
“Ella, matalino ka. Mag-isip ka ng maayos. Gamitin mo ‘yang utak mo. Hindi ‘yong palaging nagpapadala ka na lang sa sasabihin nila. Stand up with your dignity.”
Iyon ang huling sinabi sa kanya ng Ate Jeya niya nang huli siya nitong kausapin. Alam niyang naiinis na ito sa mga drama niya pero kung ito ang nasa kalagayan niya’y ganoon din siguro ang gagawin nito.
Nagiging pusong mamon siya tuwing tungkol sa mommy’t daddy niya ang pinag-uusapan. Mahalaga sa kanya ang mga alaala ng mga ito. Nasabi na niya noon na nangako siya sa kanyang sarili at sa kanyang ina na ibabalik niya sa pangalan nito ang café. Ngayong nandito na ang pagkakataon ay sasamantalahin niya iyon. Kailangan nga lang niyang isakripisyo ang “happily ever after” nila ni Thunder.
“Okay lang ako, Sy. Thank you sa concern ha. At pakisabi na rin sa iba na ‘wag na akong alalahanin dahil okay lang ako,” sabi niya rito.
“Hindi ka kasi mukhang okay kaya palagi kang napapansin. You know, dati-rati palagi kang nakangiti kahit na masama ang araw mo o dahil nag-away na naman kayo ni Selena, pero ngayon, iba na eh,” ani Syrene. Nginitian niya ito. Maybe these people cared too much about her to know her that much. Nao-overwhelm siya sa pag-aalalang ibinibigay ng mga ito sa kanya.
“Alam mo, frustrated lang ako kasi hindi ako makapag-drawing ng maayos. Wala akong pambili ng mga gusto kong bilhin kaya ako ganito,” katwiran niya rito.
“Bakit kasi hindi ka nakipagkita kay Thunder noon,” anito sa kanya. Naroon kasi ito nang kausapin siya ng Ate Jeya niya kaya narinig nito ang lahat.
“Alam mo, makikita ko pa rin naman si Thunder eh.”
“Ella, hindi sa nangingialam ako ha. Pero ito kasi ang logic ko. Kung si Thunder ang pinili mo, baka pakasalan ka niya agad. Ang tagal na kaya niyang hinahanap ‘yong ‘Miss Right’ at ‘The One’ niya. Kapag ikinasal kayo, mababawi mo rin itong coffee shop sa mag-inang bruha ‘no. Hindi mo naisip ‘yon?” prangkang sabi nito sa kanya na ikinatawa niya.
“Hindi ko naisip ‘yon dahil hindi naman pera ni Thunder ang habol ko sa kanya,” nakangiting sabi niya rito.
“Wala lang. Nasabi ko lang ‘yon. Pero, solusyon din ‘yon ah,” nakangising sabi nito.
“Oo na. May punto ka na,” sabi na lang niya rito ng magtigil na ito. Naisip niyang gumawa ng mocha caramel frappe para kay Ate Jeya dahil iyon ang paborito nito. Binayaran na lang niya iyon sa counter. Nami-miss na niya itong kausapin. Kaya naman ng matapos niya itong gawan ng frappe ay agad niya iyong ibinigay dito. May post-it note din na nakalagay doon na nagsasabing, “I miss you” at “I’m sorry”. Ngunit hindi agad nito iyon tinanggap kaya ipinatong na lang niya iyon sa tabi nito saka siya bumalik sa counter.
Pagbalik niya sa counter ay nagulat pa siya nang makitang nakikipag-usap si Syrene kay Thunder. Katulad ng dati’y bigla na namang bumilis ng tibok ang puso niya na tila ba sabik na sabik itong makita si Thunder. Her hand was itching to touch Thunder’s hand too. Pagkakita niya rito’y tila tuksong bumabalik sa isipan niya ang nangyaring “moment” nila under the rain noon. At pinipiga naman ng pagsisisi ang kanyang puso dahil hindi siya nakipagkita dito dati.
“Ella!” tawag nito sa kanya.
“Hi, Thunder,” kiming bati niya rito. Nakaramdam siya ng ilang dito dahil sa tingin na ipinupukol sa kanya ni Syrene.
“Ella, ikaw na ang kumuha ng order ni Sir Thunder,” sabi sa kanya ni Syrene saka siya hinila palapit sa counter. Nag-atubili pa siyang kunin ang order nito noong una pero pinilit siya ni Syrene.
“Okay. So, ano’ng order mo?” kaswal na tanong niya kay Thunder.
“Surprise me,” nakangiting sabi nito.
“Coffee jelly and blueberry cheesecake. Would that be okay?” tanong niya rito saka nag-angat ng mukha dito mula sa pagpipindot sa POS.
Nakita niyang nakakunot-noo ito habang nakatingin sa kanya. “Had a bad day?” tanong nito sa kanya.
“O-oo. Ahm, nai-stress lang ako. Pero okay lang,” aniya rito.
“Stress is not okay,” anito saka tinawag si Syrene. Agad namang lumapit si Syrene. “Hi again, Syrene. Pwedeng ikaw na lang ang gumawa ng order ko? ‘Yong mga p-in-unch ni Ella, ‘yon na ‘yon. I’ll just talk to her,” sabi ni Thunder dito na ikinagulat niya.
Pumasok ito sa loob ng counter at hinila siya palabas doon. Sa ikalawang pagkakataon ay naging magkahugpong ang kamay nilang dalawa. Sa ikalawang pagkakataon din ay parang tumigil sa pag-inog ang mundo niya at hindi niya inintindi kung nasaan man sila ngayon ni Thunder. Ang tanging mahalaga sa kanya ay ang sandaling iyon na magkahawak-kamay silang dalawa ni Thunder.
Muli ay napatanga siya rito habang hila-hila siya nito patungo sa dulong sulok sa may bintana na dating pinwestuhan ni Thunder noon para doon sila umupong dalawa. Nakita pa niya ang biglang pagsilay ng ngiti sa mga labi nito na hindi niya alam kung may nginingitian ba ito na customer o ngumingiti lang ito para sa sarili.
“So, Ella, what’s stressing you out?” tanong ni Thunder nang makaupo na silang dalawa. Nanatiling magkahawak-kamay silang dalawa kaya naman pakiramdam niya’y napaka-warm ng buong paligid.
“Huh? Ahm, wala naman,” aniya rito. Shit! Nakaka-distract!
Ngumiti ito sa kanya at saka pinisil-pisil ang kanyang kamay. “Sabi mo kanina, nai-stress ka. So, tell me what’s stressing you out.”
Ikaw! “Frustrated ako. Hindi kasi ako makapag-drawing ng maayos. Freelance illustrator kasi ako sa isang publishing house for children’s book. Eh, may binigay na bagong project sa’kin pero hanggang ngayon ay wala pa akong nagagawa ni isang cover,” kwento niya rito. Kalahati naman sa sinabi niya’y pawang katotohanan. Ang hindi lang totoo ay iyong hindi siya makapag-drawing ng maayos dahil wala naman siyang bagong project ngayon kaya hindi sa illustration ang focus niya ngayon.
“Ganoon ba? Ano bang ginagawa mo kapag hindi ka nakakapag-drawing ng maayos?”
“Pumupunta sa tahimik na lugar. Doon sa makakapag-isip ako ng maayos. O ‘di kaya’y sa Manila Bay o sa lugar na maraming puno. Nakakalma ako at nakakapag-isip ako ng maayos. Thus, nakakapag-drawing ako ng maayos,” paliwanag niya rito. Habang nagpapaliwanag siya rito’y tumitingin siya sa ibang direksyon dahil naiilang na naman siya sa mga titig nito. His stares plus the feel of his hands were a killer distraction.
Nang may tumikhim sa tabi nilang dalawa ay binawi niya ang kamay niya rito. Nang tumingala siya kay Syrene ay nanunudyo itong ngumiti sa kanya.
“Sagarin mo na ang pagkakataon dahil wala naman dito si Monster B lalo na si Monster A,” bulong nito sa kanya bago ibaba ang mga order ni Thunder sa mesa. Sa bokabularyo ni Syrene, si Monster A ay ang Tita Bettina niya at ang Monster B naman ay si Selena. Wala roon si Selena dahil may day out ito kasama ang ilang kaibigan.
Nang maalala niya ang Tita Bettina niya ay muli niyang naalala ang kasunduan nilang dalawa. Hindi naman siya nakipagkita kay Thunder, hindi ba? Si Thunder ang mismong pumunta roon sa café. Ngunit kailangan pa rin niyang mag-ingat dahil baka iurong ng Tita Bettina niya ang pagpapapalit nito sa pangalan ng Bettina’s. Inaayos na daw nito ang pagpapalit ng pangalan niyon ngayon.
“Enjoy your order, Sir Thunder!” sabi ni Syrene kay Thunder pagkatapos ay umalis na ito. Mabuti na lang at sa kanya lahat kampi ang mga kasama niya sa trabaho kaya walang magsusumbong sa mga ito sa kanyang Tita Bettina sa pagkikita nilang iyon ni Thunder.
Tapos na ang napag-usapan n’yo ng madrasta mo, Ella. Hindi ka sumipot sa usapan n’yo ni Thunder noon, sabi sa kanya ng isang bahagi ng isipan niya pero namimilosopo lang siya. Sigurado siyang kapag nalaman iyon ng Tita Bettina niya ay baka bawiin nito ang sinabi nito sa kanya noon.
“Sige na, Thunder. Babalik na ako sa counter dahil baka may dumating na customer,” paalam niya rito ngunit pinigilan siya nito.
“Wala pa naman kaya samahan mo muna ako dito. May ikukwento ako sa’yo,” anito sa kanya kaya napabalik siya sa kanyang upuan.
“Ano naman ‘yon?”
“A girl stood me up. Dapat ay magkikita kami noon sa may Araneta pero hindi siya sumipot,” anito.
“T-talaga? Baka may importante lang siyang ginawa,” aniya rito.
Nagkibit-balikat naman ito. “Baka hindi niya ako gusto. Afterall, she ranaway on the night I met her,” tila nagdaramdam na sabi nito.
No, Thunder! Kung alam mo lang. “Imposible ‘yon. Ikaw? Hindi niya magugustuhan? Everybody likes you, Thunder,” sabi niya rito. Including me.
“Talaga? Ikaw? Do you like me?” tanong nitong titig na titig sa kanya. Somehow, his eyes sparkle with an emotion she couldn’t quite put a name into.
“Oo naman. Crush kaya kita,” pag-amin niya rito. At least, safe ang pag-amin niyang iyon dahil fan naman talaga siya nito.
“Good. I like you too. That compensates my brokenheart,” anito sa kanya saka naman siya nito kinindatan. And she felt her heart roll down his feet again.
Nginitian niya ito. And then something sparked inside her brain. Kinuha niya ang isang kamay nito. “I’ll read your palm,” sabi niya rito.
Asus! Gusto mo lang ulit na hawakan ang kamay niya. Palusot ka pa, nanunudyong sabi ng makulit na bahagi ng isipan niya.
“Marunong ka ng palmistry?”
“Hindi masyado. Pagpapraktisan nga kita,” nakangising sabi niya rito. Kahit papaano, dahil sa sinabi nito sa kanya ay nawala ang tensyon sa puso niya. “Your hand type is a sensitive hand. Sensitive hands represent fertile imagination and emotionality. Emo ka?”
“Paano mo naman nasabing sensitive ang kamay ko?”
“Kasi mahaba ang palad mo at mahahaba ang mga daliri mo. Gano’n ‘yon. Kaya siguro nakakapag-compose ka ng mga kanta ‘no? Emo, sensitive at imaginative ka,” aniya rito.
“Maybe. Ikaw? Ano naman ang hand type mo?”
“Intuitive hand. Energetic, active and quick-witted. Ang gaganda ng description ‘no?” aniya rito. Tinawanan lang siya nito. “Ano’ng gusto mong basahin ko sa mga linya sa kamay mo? Love lines o life line?”
“Love lines,” agad na sagot nito. Itinagilid niya ang kamay nito at tiningnan kung ilang linya ang nasa ibaba ng pinky finger nito. Napangiti siya ng makitang iisa lang ang linya doon. Ibig sabihin ay isa lang ang babaeng mamahalin nito sa buhay.
“Wow! Isa lang ha.”
“Ano’ng ibig sabihin no’n?”
“Ang ibig sabihin no’n, isa lang ang babaeng mamahalin mo sa buhay mong ito,” paliwanag niya rito.
“At nakita ko na ang babaeng ‘yon,” makahulugang sabi nito sa kanya.
“Talaga? Sino?” tanong niya rito.
“Ella!” tawag ng kung sino sa kanya. Nang tumingin siya sa kanyang kabila ay nakita niyang palapit sa kanila si Selena. Agad niyang binitiwan ang kamay ni Thunder at tumayo siya mula sa kanyang kinauupuan. “Ano’ng ginagawa mo d’yan?” tanong ni Selena sa kanya habang nakangiting nakatingin kay Thunder.
“May tinanong lang sa’kin si Thunder,” sabi niya rito.
“Sir Thunder. Ilang beses ko bang dapat sabihin sa’yo na maging magalang ka sa mga customer?” sermon nito sa kanya saka muling bumaling kay Thunder. “Hi, Thunder. Pasensiya ka na ha.” She looked like a lovesick fool again.
“Okay lang. Actually, I enjoyed talking to Ella. She’s pleasing,” sabi ni Thunder dito. Habang tinitingnan niya ang mga ito ay nakaramdam siya ng inis kay Thunder dahil naalala niyang “naghalikan” nga pala ang mga ito noon.
“Talaga? Okay, Ella. Back to work,” utos sa kanya ni Selena. Ito naman ang umupo sa inupuan niya at nakatanghod na tumingin kay Thunder.
“Sige, Sir Thunder. Enjoy your order,” sabi na lang niya rito at saka bumalik siya sa counter.
“Hayaan mo, naka-quota ka naman sa pakikipag-holding hands kay Thunder. Sayang at dumating agad si Monster B,” sabi sa kanya ni Syrene. Nginitian na lang niya ito. Dahil nasa labas naman sina Jed, Syrene at Ate Jeya ay pumasok muna siya sa employee’s room para hindi niya makitang magkasama sina Selena at Thunder.
Kinuha niya ang sketch pad niya sa kanyang locker at iginuhit doon ang mukha ni Thunder. Pagkatapos niya ay bigla namang pumasok doon si Jed at may iniabot ito sa kanyang baso ng frappe. May nakalagay pala doon na post-it na nagsasabing “Smile from Krusher”. Natawa siya dahil sa ginamit na signature ni Thunder. Alam niyang dahil iyon sa sinabi nitong “like” rin siya nito.
“Uy, okay na siya. Nakakatawa na ulit siya,” tukso sa kanya ni Jed.
“Ang corny kasi niya,” sabi niya rito.
“Alam mo ba. Nag-spy ako kanina sa kanilang dalawa ni Monster B. Tanong ng tanong si Monster B kay Thunder tungkol sa tipo ng babaeng gusto nito. Puro waley naman ang mga katangian ni Monster B kay Thunder. Kasi ang gusto ni Thunder, ‘yong mga babaeng hindi masyadong naglalagay ng make-up, ‘yong may natural beauty talaga,” kwento ni Jed. Natawa siya doon dahil hindi nakakalabas ng bahay si Selena nang hindi ito naka-make up.
“No’ng sinabi naman ni Thunder na ang ideal girl niya ay isa sa mga fans, todo kilig naman si Monster B. Nag-build up pa siya ng sarili niya kay Thunder mismo. Nakakatawa kasi sa pagkukwento ni Monster B, parang sinasabi niyang ang perfect niya. Kaya anong tawa ko no’ng sabihin ni Thunder na ayaw niya sa mga babaeng perfect dahil boring sila. Sapol ang monster kaya tumigil sa pagsasalita,” kwento pa ni Jed.
It would seem that she and Thunder was really meant to be together. Kahit na siya si Ella ‘the barista girl’ o ang ‘mysterious girl’ nito, ang mga kilos at sinasabi ni Thunder na gusto siya nito. But right now, she can’t indulge him. She needs the café’s name be back to her mother’s. Magpapakilala siya kay Thunder sa tamang panahon. Hindi muna ngayon.
Paano pala kung may makitang ibang babae si Thunder? panunubok sa kanya ng isang bahagi ng isipan niya.
Then, we’re not meant to be.