HINDI makapaniwala si Ella na kaharap niya ngayon si Thunder. Kasalukuyan silang nasa isang luxury restaurant dahil niyaya—o mas tamang sabihing “pinilit”—siya ni Hunter para makipag-date dito. Ngayon siya naniniwala na hindi basta-bastang tao lang si Hunter dahil nadala siya nito sa restaurant na katulad niyon.
Magkatabi sila ni Hunter habang magkatabi naman sina Thunder at Selena. Hindi niya alam na doon din pala magde-date ang dalawa kaya nagulat siya ng makita ang mga ito roon. Inanyayahan sila ni Thunder na maki-table na lang sa mga ito kaya parang ang nangyari ngayon ay double date na sila. Hindi niya iyon nagustuhan at alam niyang ganoon din maging si Selena pero ang dalawang kasamang lalaki nila ang nagdesisyon. Aangal pa sana siya kanina kay Hunter pero hinila na lang siya nitong bigla patungo sa table nina Thunder katulad ng pamimilit nito sa kanyang sumakay sa motor nito.
“Sana hindi ka na lang pumayag na maki-table pa tayo sa kanila,” bulong niya kay Hunter. Hindi niya kayang makitang sweet sa isa’t isa sina Thunder at Selena.
“Samantalahin mo ‘to. ‘Ayan si Thunder sa harap mo o,” anito sa kanya.
“Boss’ orders, remember?” paalala niya rito na hindi siya pwedeng makipagkita kay Thunder lalo na’t kasama nito si Selena. Siguradong magsusumbong na naman ito sa kanyang madrasta.
“Ako ang bahala kay Selena,” ani Hunter sa kanya.
“It’s a wonder for me kung paano kayo nakapasok dito,” sabi ni Selena sa kanila ni Hunter pero ang tanong nito’y para kay Hunter talaga.
“Maghuhugas na lang kami ng pinggan mamaya,” pabirong sagot dito ni Hunter. Naiinis na binanatan ito ni Selena at habang nagbabangayan ang mga ito’y nakayuko naman siya dahil nakita niyang nakatitig sa kanya kanina si Thunder at naiilang siya.
Oh, Lord. This is pure torture. Ang hirap nang ganoong nasa harapan mo lang ang taong mahal mo pero hindi mo naman ito pwedeng makausap dahil bawal.
Bakit ba ang tagal no’ng mga order namin? naiinip na tanong niya sa sarili. Gusto na niyang makaalis sa lugar na iyon.
Nagulat siya ng may inisod na tissue paper si Thunder sa may harapan niya. Bigla siyang napatingin dito. Pero sumenyas ito na kunin na lang ang tissue paper saka ito umakto na nakikinig sa usapan nina Selena at Hunter na hanggang ngayon ay nagbabangayan pa rin. Nang tingnan niya kung ano ang mayroon sa tissue paper ay nakita niyang may nakasulat pala roon.
I love your outft.
Napangiti siya pagkakita niyon pati sa magandang handwriting ni Thunder. Naalala kaya nito sa kanya ang “mysterious girl” nito? Hindi naman ang dress niya noon ang suot niya ngayon. Kinuha niya ang ball pen niya sa bag na dala niya at nagsulat ng reply doon mismo sa tissue paper na binigay sa kanya ni Thunder. Noon lang niya na-realize na na-miss pala niyang makipag-usap kay Thunder.
Nice handwriting. Nakakagulat, sulat niya roon. Sa gilid ng lamesa niya pinadaan ang pagbibigay kay Thunder ng tissue paper dahil baka makita iyon ni Selena.
Pagkatanggap nito sa tissue paper ay nakita niyang napangiti ito kaya maging siya ay napangiti rin. Nang sumulyap siya kina Selena at Hunter ay napatawa siya. Namumula na sa inis si Selena samantalang aliw na aliw naman si Hunter sa pang-iinis dito.
“Hunter, tama na ‘yan,” saway na niya kay Hunter. He leaned in on her and whispered.
“Dini-distract ko si Selena para magkaroon kayo ng moment ni Thunder. Sulitin mo na. Baka mainis na rin ako sa spoiled brat nito at mag-walk out ako,” sabi nito sa kanya.
Napamata siya rito. Hindi niya iyon inaasahan mula kay Hunter. Mahal siya nito pero gumagawa ito ng paraan para magkaroon sila ng “moment” ng taong mahal niya.
“Hayaan mo, tutulungan ko rin kayo next time ni Selena,” nanunuksong bulong niya kay Hunter.
“What? No way. ‘Yan ang ‘wag na ‘wag mong gagawin, Ella,” banta nito sa kanya na labis ang disgusto sa tinig. Natawa na lang siya rito.
Do you like Hunter? anang bagong sulat sa bagong tissue paper ni Thunder. Napakunot-noo siya dahil doon pero naisip niyang biruin ito. Kung magseselos si Thunder—wish ko lang—ay may pag-asa pa siya rito.
I like him, reply niya rito.
You look good together, reply naman nito.
Sa tingin niya? Oh god, no! hiyaw ng isipan niya. Hindi ito nagseselos? Ibig sabihin ay si Selena na talaga ang gusto nito?
Bagay din kayo ni Selena, reply niya rito.
Tupperware ka, Ella! Tupperware! anang isang bahagi ng isipan niya sa kanya.
Well, this is a good foursome date then, reply nito sa kanya. Hindi na siya nag-reply pagkatapos noon dahil nadismaya siya sa mga naging reply at reaksyon nito. Kaya naman nang dumating ang mga order nila ay sa pagkain na lang siya nagpokus ng atensyon. Wala na siyang pakialam kung sweet man sa harapan niya sina Thunder at Selena.
Ay, gagi! Ikaw ang may kasalanan kung bakit nasira ang moment n’yo ni Thunder. Ikaw at tanging ikaw lang ang may kasalanan, paninisi ng isang bahagi ng isipan niya sa kanyang sarili.
“Hunter, uwi na tayo. Baka hinahanap na ako ni Tita Bettina,” yaya niya kay Hunter pagkatapos niyang kumain.
“Siguradong hinahanap ka na ni mommy,” sabi naman sa kanya ni Ella. Ngunit hindi niya ito pinansin.
“Sa labas na lang kita hihintayin,” aniya kay Hunter at saka siya nag-walkout sa mga ito. Ilang minuto pa’y nakasunod na sa kanya si Hunter. May iniabot itong tissue paper sa kanya.
Take care, Ella.
“Nakakainis siya!” frustrated na sabi niya kay Hunter.
“Bakit nakakainis?”
“Hindi man lang siya nagselos sa’ting dalawa,” aniyang nakasimangot.
“Wrong approach, princess. Hindi mo na dapat pa ginawa ‘yon. Nagawa ko na ang parteng ‘yon eh,” anito na ikinagulo ng isipan niya.
“Huh? Ano’ng ibig mong sabihin?”
“You’ll know, soon enough,” sabi lang nito at saka siya pinaangkas sa motor nito.
GINUSTO mo ‘to, Ella! Kasalanan mo ‘to kaya ‘wag sa lasagna mo ibuhos ang galit mo, sabi ni Ella sa sarili habang nilalantakan ang lasagna na niluto niya para sa merienda nila isang Sabado ng hapon. Bisita kasi nila si Thunder sa bahay ng hapong iyon kaya naman nagpaluto ng lasagna ang mag-inang “monsters”. At katulad ng dati, pinagbawalan na naman siya ng Tita Bettina niyang lumabas dahil baka makita daw siya ni Thunder.
Sinisisi niya ang kanyang sarili ngayon pero masaya na rin siya dahil ang Bettina’s Café ay opisyal nang “Isabella’s Café” ngayon. Natupad na niya ang pangako niya sa kanyang ina at sa kanyang sarili. Ngunit hindi lubos ang kasiyahan niya dahil nalulungkot siya para sa kanila ni Thunder.
Out of boredom, binuksan niya ang kanyang Twitter account. Hindi niya muna iyon ginamit dati dahil alam na nina Selena at Tita Bettina niya ang kanyang Twitter account. Gumawa rin kasi ng Twitter account si Selena para mapalapit ito kay Thunder.
Pagkabukas niya’y nakita niyang may Direct Message sa kanya si Thunder.
@Thunder_Castro : @Princess_allE Bakit hindi ka pumunta? anang mensahe nito sa kanya. Naka-date iyon noong gabi na dapat ay magkikita sila ni Thunder sa parking lot. Natutukso siyang sagutin iyon ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili dahil alam niyang nagkakamabutihan na ito at si Selena. Kaya pinili na lang niya na mag-tweet ng kanyang status.
@Princess_allE : It hurts when you can’t have someone you like. But it’s even more painful if you have a choice yet you didn’t choose to be with him. #regretting #gaga
Pagkatapos niyang i-tweet ang status na iyon ay napabuntong-hininga siya. Biglang sumagi sa isip niya si Hunter dahil malamang ay ang drama nito’y katulad din sa drama niya. Klinaro na niya dito na pagkakaibigan lang ang maibibigay niya rito at sa tingin naman niya’y nakuha nito ang ibig niyang sabihin. Inudyukan pa nga siya ng kanyang madrasta na sagutin na si Hunter dahil gwapo at mabait naman daw ito, ngunit ayaw pumayag ng puso niya.
Paano papayag ang puso niya kung si Thunder ang laman nito?
“Hay, life. Love life. Napaka-complicated mo,” sabi niya sa kawalan. Bigla namang tumunog ang cell phone niya tanda ng may nag-tweet o nag-message sa kanya sa Twitter. Mayroon nga. Si Thunder!
@Thunder_Castro : @Princess_allE You should’ve cleared your mind first before you decided. You complicated things a bit, anang Direct Message nito sa kanya.
Without thinking, she hit a reply. @Princess_allE : @Thunder_Castro Yeah. Sorry me.
@Thunder_Castro : @Princess_allE May oras pa naman para baguhin mo ang desisyon mo.
@Princess_allE : @Thunder_Castro Huli na ang lahat.
@Thunder_Castro : @Princess_allE It’s never too late.
“Naku, Thunder! Kung alam mo lang! Argh!” napu-frustrate na sabi niya sa sarili.
“Kung alam ko lang ang ano?”
Muntikan na siyang malaglag mula sa kinauupuan niya pagkarinig niya sa boses ni Thunder. Nakapasok na ito sa kanilang kusina at kasunod nito ang mag-inang Bettina at Selena. Pinanlalakihan siya ng mata ng Tita Bettina niya at masama naman ang tingin sa kanya ni Selena. Dala ni Selena ang mga pinagkainan ng mga ito at nang maibaba nito ang mga iyon sa lababo ay bumulong ito sa kanya.
“Gandahan mo ng sagot,” mariing bulong nito sa kanya.
“Ahm, ‘Hunter’ ang sinabi ko hindi ‘Thunder’,” katwiran niya kay Thunder. Huwag naman sanang matapilok si Hunter kung nasaan man ito.
“Right,” tanging sabi ni Thunder habang kunot-noong nakatingin ito sa kanya. Lumapit ito sa kanya at ibinigay ang pinag-inuman nitong baso. Pagkatapos ay agad nitong niyaya palabas ng kusina ang mag-ina.
Nang tingnan niya ang basong ibinigay sa kanya ni Thunder ay nakita niyang may post-it note na nakalagay doon na nagsasabing “It’s never too late”. Napanganga siya pagkakita doon.
Hindi kaya…
NAPUTOL ang pagmumuni-muni ni Ella nang bigla siyang tawagin ni Selena sa labas ng kanilang bahay. Agad siyang lumabas sa kusina at nagulat siya ng matanaw niya mula sa kanilang sala ang isang lalaking naka-motorsiklo. Nang magtanggal ito ng helmet ay nakita niya ang mukha ni Hunter. Nagtaka siya kung bakit ito naroon.
“Ano’ng ginagawa mo dito?” nagtatakang tanong niya kay Hunter ng makalapit siya rito.
“Ella, hindi mo sinabing may date pala kayo ni Hunter,” anang Tita Bettina niya na tila tuwang-tuwa pa sa isiping magde-date sila ni Hunter.
“Yeah. Baka sa Baywalk lang sila mag-date. Yuck!” ani Selena. Inirapan lang niya ito.
Then, she shot Hunter a knowing look. Wala naman talaga silang usapan nito. Iniiwasan din niya ito dahil ayaw niya itong paasahin at gusto niyang iparating dito na magkaibigan lang talaga sila.
“Let’s go. ‘Wag ka ng magpalit ng damit. Okay na ‘yan. You look beautiful to me. Kahit na ano pa ang suot mo,” ani Hunter saka nito inabot sa kanya ang isa pang helmet.
“Ang corny,” komento ni Selena.
“Mag-enjoy kayo ni Hunter, Ella,” nakangiting sabi sa kanila ng Tita Bettina niya na tila isa itong mabuting ina.
Sumakay naman siya sa motor—no, it’s a big bike—ni Hunter. “Ano’ng binabalak mo?” bulong niya rito.
“You’ll be thrilled, princess. Yumakap ka sa’kin ng mahigpit,” tila nanunukso pang saad nito. Humawak siya sa baywang nito at bahagya pa niya itong kinurot bago nito pinasibad palayo roon ang motor nito.
“Hunter, saan ba tayo pupunta?” tanong niya rito.
“I’m kidnapping you,” sabi nito sa kanya. Pinalo niya ang balikat nito.
“Tatalon ako dito ‘pag hindi mo sinabi sa’kin kung saan tayo pupunta,” banta niya rito.
“Pwede bang maghintay ka na lang? You’ll thank me, soon enough,” makahulugang sabi nito sa kanya.
“Alam mo, Hunter. Nawi-wirduhan na ako sa’yo ha. Parang ang dami mo yatang alam,” aniya rito.
“Weird na ba ngayon ang madaming alam?”
“Hindi naman masyado. Naiinis lang ako kasi clueless ako. Basta feeling ko may mga alam ka na dapat kong malaman pero hindi mo sinasabi sa’kin,” sabi niya rito ngunit hindi siya nito sinagot.
Nang makalabas sila ng gate ng subdivision nila ay nagulat siya dahil nakita niyang naghihintay sa labas niyon si Thunder. Nakasandal ito sa gilid ng sasakyan nito. Pagkakita pa lang niya rito’y nakaramdam na siya ng kakaibang kaba at excitement. At nang tumigil sa tapat ni Thunder ang motor ni Hunter ay lalo na siyang nagtaka. May usapan ba ang mga ito?
“Baba ka na, princess,” sabi sa kanya ni Hunter.
“Huh? Bakit?” maang na tanong niya rito.
“Do you know how painful this is for me? Hinatid pa kita sa karibal ko? But I know he’ll make you happy. Siya na ang bahala sa’yo,” ani Hunter sa kanya. Napamata lang siya rito. “Kapag hindi pa siya bumaba sa motor ko, akin na siya, Thunder,” baling nito kay Thunder.
Agad namang ipinulupot ni Thunder ang mga braso nito sa baywang niya at ito na mismo ang nagbaba sa kanya sa motor ni Hunter. Tinanggal nito ang helmet na suot niya at ibinalik iyon kay Hunter.
“Salamat, Jace,” sabi ni Thunder kay Hunter.
“Jace?” nagtatakang tanong niya rito.
“Wala sa usapan natin na ibuko mo ako,” sabi ni Hunter kay Thunder.
“Bakit? Ano ‘yong ibubuko niya sa’yo?” tanong niya rito.
“Saka na lang ako magpapaliwanag, Ella. See you around,” sabi lang nito sa kanya. “Ikaw na ang bahala sa kanya, Thunder. Oh, and another thing. I saved her from the monsters,” anito kay Thunder.
“So, you’re her knight and shining armour. But I’m her prince and I’m her happily ever after,” sagot naman dito ni Thunder.
“Good thinking. Pero tandaan mo, kapag hindi naging masaya sa’yo si Ella, babawiin ko siya sa’yo,” pahabol pa ni Hunter kay Thunder.
“Ano ba? Nandito ako sa harapan n’yo! Tama na ‘yan,” awat niya sa dalawa. Thunder held her hand. Naging pusong mamon siya agad at nanlambot ang mga tuhod niya. Pakiramdam na naman niya’y napakaganda ng paligid at bumilis na naman ang tibok ng puso niya.
Nang makita ni Hunter na may sarili na naman silang mundo ni Thunder ay pinasibad na nito ang motor nito palayo. Naiwan sila roon ni Thunder na magkahugpong ang mga kamay at nangangarap na sana’y ganoon na lang sila palagi.
“Kung natalo ako kay Hunter, okay lang na sa kanya ka mapunta. He’s a worthy opponent,” ani Thunder sa kanya.
“Huh? Ano’ng sinasabi mo? Ano’ng natalo ka kay Hunter?”
He chuckled then he pinched her nose first before he kissed her forehead. “I like you clueless, princess. You look naïve, sweet and adorable. Tara na,” pagkuwa’y yaya nito sa kanya.
“Saan tayo pupunta?” tanong niya rito.
“Sa korte. Marami ka pang bagay na ipapaliwanag sa’kin,” sabi nito sa kanya saka siya nito isinakay sa kotse.