Chapter BLOSSOM IN MY HEART 1.1

“Mukhang kumita ka ng malaki ngayon ah, Tisoy?”

Matipid na napangiti lang si Claud nang masalubong niya ang matandang kapitbahay na si Manang Azon. Kagagaling lang niya sa talyer ni Mang Marl kung saan siya umeextra tuwing weekend bilang mekaniko. Kapag umuuwi siya ay hindi na bago sa kaniya ang batiin siya ng mga kapitbahay nila. Dahil sa hitsura at tangkad niya na namana niya sa half American-half Arabian niyang ama ay parang instant celebrity ang turing sa kaniya ng mga taga roon sa kanila.

May ibang babae pa nga ang nagpupunta sa bahay nila para lang manuyo sa kaniya. Sa bagay na iyon ay hindi natutuwa ang kaniyang ina. Dahil kilala nito ang mga magulang ng mga babaeng nagpupunta sa kanila ay ang nanay na lang niya ang nahihiya na pagsabihan ang mga ito.

“Kuya!” mula sa paglalaro sa labas ng eskinita ay excited na sumalubong sa kaniya ang sampung gulang na kapatid niyang si Jok.

“Naglaro ka naman dito sa labas, `di ba nga ang sabi ko sa`yo kapag walang pasok ay sa bahay lang dapat at mag aral?” paalala niya at ginulo ang buhok nito.

“Pero kuya Tisoy hindi naman ako katulad mo na matalino at magaling mag aral.”

“Noong ganiyang edad mo ay hindi na paglalaro ang inaatupag ko. Tumutulong na ako kay nanay na maglako ng kakanin sa munisipyo.” Natatawang sabi pa niya at saka ito inakbayan habang naglalakad sila sa loob ng maliit na eskinita. Sa bandang looban pa kasi ang bahay nila.

“Kuya, ano nga pala `yan dala mo?”

“Ah, ito?” aniya at bahagyang itinaas ang bitbit na supot ng pagkain. “Palabok, binili ko lang sa tindahan malapit sa talyer nila Mang Marl.”

Tuwing linggo ng hapon ang araw ng sweldo niya. Half day lang naman ang pasok niya kapag linggo kaya bumili na siya ng merienda nila. Mamaya pagkauwi niya ay magpapahinga lang siya saglit at maglalaba ng mga damit niya. Pagkatapos niyon ay kailangan pa niyang magreview dahil may exam pa siya kinabukasan.

“Naku, hindi ka na sana bumili pa kuya,”

“At bakit?” nagtatakang tanong ni Claud.

“Si ate Marla dumating kanina—”

“Si Marla?”

“Oo kuya, naglinis lang naman siya ng bahay natin at ipinagluto pa tayo ng masarap na pancake para sa merienda.” Pagyayabang ni Joke.

Eng? napakamot siya sa batok.

“At hindi siya pinigilan ni nanay?” nakangiwing tanong niya.

“Pinigilan naman, pero ayaw magpaawat ng suitor mo kuya, at saka may utang si nanay kay Aling Cho, kaya nahiya naman siyang itaboy si ate Marla.”

Si Aling Cho ay nanay ni Marla. Kilala ito sa lugar nila dahil sa negosyo nitong 5’6. Sa tuwing kinakapos sila sa pera ay dito madalas na nangungutang ang nanay niya.

“Kaya pala,” napapalatak siya. Dapat ba niyang ikatuwa na kahit naghihirap ang pamilya niya ay bumabaha naman ng mga pagkain sa bahay nila na mula pa sa mga babaeng gustong manuyo sa kaniya.

“Iba rin kasi ang dating mo kuya eh, gwapo na ay matalino pa. At saka dito sa lugar natin ay ikaw lang ang matinong binata kaya halos lahat ng mga nanay ay gusto ka ng ireto sa mga anak nila.”

“Tumigil ka nga.” Natatawang saway niya kay Jok.

“Pero totoo naman `eh,”

“Oo na lang,” muli ay ginulo niya ang buhok nito.

Sa isang banda ay tama naman ang sinabi ng kapatid niya. Sa isang maliit na baranggay sa bayan ng Laguna naninirahan ang pamilya nila. Napakasimple lang ng buhay na mayroon sila. Ang kaniyang inang si Luz ay isang beautician sa lugar nila. Mayroon siyang tatlong kapatid na kagaya niya ay puro mga barako rin. Anak siya sa pagkadalaga ng kaniyang ina. Ayon sa kwento nito ay nakilala nito ang tatay niya at naging kasintahan nang magtrabaho ito noon sa Maynila. Isang taon din nagsama ang mga magulang niya hanggang sa maipanganak siya ng nanay niya. Pero anim na buwan pa lang daw siya ay bigla na lang naging missing in action ang kaniyang ama. Mabuti na lang at nakilala ng nanay niya si tatay Diego na isang pulis. Ipinadama ni tatay Diego sa kaniya ang pagmamahal ng isang ama. Pero tatlong taon na ang nakakalipas ng mabaril ito sa isang engkwentro.

Nang pumanaw si Tatay Diego ay sa kaniya na naiwan ang lahat ng responsibilidad sa pamilya nila. Second year college na siya ngayong taon sa kursong Criminology. Nakapag aral siya sa isang state university dahil na rin sa scholarship na nakuha niya mula sa pagiging valedictorian at consistent honor student simula pagkabata niya. Working student siya at halos lahat na marahil ng marangal na trabaho ay nasubukan niya. Naging kondoktor na siya ng jeep. Waiter sa isang restaurant o kaya naman ay kitchen staff sa fastfood restaurant. Kapag nakagraduate na siya ng Criminology ay balak sana niyang kumuha ng kursong abogasya. Kaya naman niyang pagsabayin ang trabaho at pag aaral ng mabigat na kurso. Mula kasi noong maliit pa siya ay pangarap na niya na maging isang magaling na abogado.

Sa ngayon ay kailangan niyang kumayod ng doble habang nag aaral pa siya. Maliit lang kasi ang kinikita ng kaniyang ina sa raket nito. Graduating na ng high school ang sumunod sa kaniya na si Ike. At parehong grade seven naman sila Wil at Jok. Mas matanda ng dalawang taon si Wil kay Jok pero dahil sa kakapusan sa pera ay natigil ito ng isang taon sa pag aaral.

“Pero kuya matanong ko lang, ayaw mo ba talagang hanapin ang totoo mong tatay? ang sabi ni nanay sa amin nila kuya Ike ay mayaman daw ang tatay mo.”

“Sus!” natatawang ihinilamos niya ang isang palad sa mukha nito. “Bakit ko naman siya hahanapin kung bigla naman siyang nawala noon `di ba? para sa akin ay si tatay Diego lang ang tatay ko. At saka nabuhay naman ako sa loob ng nineteen years na wala siya kaya siguradong makakaya kong mabuhay sa mga susunod na taon na wala rin siya sa buhay ko.”

“Drama!”

Ngumiti siya ng pilit. Sigurado siya na kahit anong hirap pa ang maranasan niya ay hindi niya susubukan na hanapin ang totoong ama para lang humingi ng tulong dito. Kung ayaw nito sa kaniya ay wala na siyang magagawa pa sa bagay na iyon.

“Malay mo naman kuya Tisoy `di ba? baka matulungan ka pa niya sa pag aaral mo. Kapag naging maganda na ang buhay mo ay matutulungan na natin sa nanay na mabawi ulit ang Fuentebella Farm.”

Nahahawa na rin si Jok sa mga kapitbahay nila dahil ‘Tisoy’ na rin ang madalas na itawag nito sa kaniya sa halip na ‘Claud’ mula sa tunay niyang pangalan na Claudio Fuentebella Khoury. Ang dinadala niyang apelyido ay mula sa foreigner niyang ama.

May dugo siyang Fuentebella. Ang kaniyang ina ay nag iisang anak ng mga Fuentebella na isa sa pinakamapangyarihang pamilya noon sa bayan nila. May pag aaring farm ang mga ito kung saan tumira ng mahabang panahon ang nanay niya. Pero simula nang mamatay ang lolo niya ay unti unting bumagsak ang kabuhayan ng angkan nila. Wala pang isang taon ay sumunod naman na pumanaw ang lola niya. Sa murang edad ng kaniyang ina ay naranasan nito na mag isa at maghirap matapos kamkamin ng mga kamag anak nito ang yaman ng pamilya nito.

Ang Fuentebella farm na siyang pinakamahalaga sa kaniyang ina ay nawala rin dito. Matagal na palang naibenta ng tiyuhin ang farm sa isang malapit na kaibigan ng mga Fuentebella na si Calixto Enriquez. Ang pangako niya sa nanay niya ay babawiin niya ang farm sa oras na magkaroon na siya ng trabaho at makapag ipon ng malaking halaga.

“Sino sila?” nagtatakang tanong niya kay Jok nang mapansin ang ilang mga lalaking nakasuot ng amerikana at tila nagbabantay sa labas ng maliit na bahay nila.

“Hindi ko po alam, kababalik lang din namin ng mga kasama ko bago ka dumating kanina. Sa kanila kaya iyon tatlong kotse na nakaparada diyan sa labasan? Pero bakit nasa labas sila ng bahay natin?”

Hindi na niya pinansin pa ang sinabi ng kapatid at mabilis ang mga hakbang na naglakad siya patungo sa bahay nila. Bahagya pa siyang napaatras nang harangin siya ng dalawang naka-amerikanang lalaki. Kunot noong tiningnan siya ng mga ito. Nakipagsukatan naman siya ng tingin sa dalawa.

“Anong ginagawa ninyo sa labas ng bahay namin?” may halo ng pagbabanta ang tinig niya.

“Ay teka mga pogi, papasukin na ninyo si Claud kasi bahay nila iyan at siya ang panganay na anak ni Tita Luz.” Singit ng kapitbahay nilang si Dora. Natigilan ang isang lalaki at inutusan ang mga kasama na hayaan siyang makapasok sa loob.

Sa pagmamadali niya ay pabalibag ang pagbubukas niya ng pinto. Tumambad sa maliit na sala ng bahay nila ang kaniyang ina habang kausap nito ang isang matangkad at mestisong lalaki na naglalaro sa lampas sitenta ang edad. Nagtatakang nagpalipat lipat ang tingin niya sa ina at sa matandang lalaki na kausap nito. Dahil marahil sa marahas na pagbubukas niya ng pinto ay naputol ang pag uusap ng mga ito at gulat na tumingin sa kaniya.

“`Nay?”

“Claudio, anak, mabuti at nakauwi ka na. Halika dali, ipapakilala kita kay Tito Calixto, siya ang sinasabi ko sa`yong kaibigan ng lolo Octavio mo na nakabili noon ng farm namin.”

“Magandang hapon, Claudio.” Bumakas ang katuwaan sa kulay berdeng mga mata ng matanda ng makita siya.

Mula sa pagkakaupo ng kaniyang ina sa pang isahang sofa ay mabilis na tumayo ito at lumapit sa kaniya. Mahigpit na humawak ito sa braso niya. “Claudio anak, nag offer si tito Calixto na pag aralin ka sa isang magandang university sa Manila. Pakiusap pumayag ka na dahil para din naman iyon sa inyo ng mga kapatid mo.”

“Po?!” agad na nagulantang siya sa sinabi ng ina.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.