“Good morning, lolo.”
“Good morning, too, apo, kumusta ang tulog mo?”
Mula sa paghihimay ng maliit na piraso ng tinapay ay napilitang mag angat ng tingin si Blossom sa kakambal niyang si Cherry.
“Good morning, ate,” malamig na bati niya dito. Ngumiti lang sa kaniya ang kakambal at naupo sa katapat niyang silya. Ang masayang almusal nila ng lolo Calixto niya ay parang nauwi na sa semana santa. Bigla ay parang nawalan na siya ng ganang kumain.
“Blossom, bakit ganiyan ang kulay ng buhok mo?” iyon agad ang unang napansin ng kakambal niya habang nakatitig ito sa makintab at kulay pulang buhok niya. Napangisi siya nang mapansin ang panlalaki ng mga mata nito.
“You like it?”
“Err—lolo?” nalilitong tumingin ito sa abuelo nila.
“Yes?”
“Hinayaan ninyo siyang magpakulay ng buhok? Jesus Christ!”
“Hayaan mo na lang si Blossom, wala na rin naman tayong magagawa pa. Unless magpapatawag ako ng barbero para lang kalbuhin siya.” Anang lolo niya at sumusukong tumingin sa kaniya.
Muli siyang napangisi habang nakikita niya ang pagkabigla at takot sa mga mata ni Cherry.
Great! kung alam lang sana niya na ganoon ang magiging hitsura ng kapatid niya ay matagal na sana siyang nagpakulay ng buhok.
Hah! pasimpleng inirapan niya si Cherry. Nag isang linya ang mga kilay nito at nagsawalang kibo na lang.
Simula pagkabata ay talagang hindi na maganda ang relasyon nilang dalawa. Kahit sabihin pa na identical twins sila ay hindi niya maalala na naging malapit siya dito kahit isang beses lang. Mas lalo pang lumayo ang loob niya kay Cherry nang kumbinsihin nito ang lolo nila na huwag na silang bumalik pa sa Korea sa tuwing bakasyon para bisitahin ang daddy nila.
Marahas na napabuntong hininga siya at walang imik na pinagmasdan niya ito. Iisa lang ang mukha nila pero pagdating sa kilos at ugali ay magkaibang magkaiba sila. Madalas niyang marinig mula sa abuelo nila na si Cherry ang nagmana sa mommy nila na masayahin at mabait, kaibigan ang tingin dito ng lahat. Samantalang siya ay nagmana sa daddy niya na palaban at matigas ang ulo.
Ang kaniyang ina na si Criselda Asuncion Rodriguez ay nag iisang anak ng lolo Calixto niya. Nagmula sila sa isang napakayamang angkan. Ang yaman ng pamilya nila ay minana pa ng abuelo niya mula sa mga ninuno nito. Ang ilan sa mga naglalakihang banko sa Spain at dito sa bansa ay pag aari ng mga Enriquez. Pag aari din nila ang isang higanteng TV Network at bigating Telecommunications company sa bansa.
Ang kwento sa kaniya ng lolo niya ay pinakasalan lamang daw ng daddy niya na isang half Filipino-half Korean ang mommy niya dahil sa pera. Sa maikling panahon na pagsasama ng mga magulang niya ay hindi daw naging masaya ang kaniyang ina. Panay pambababae at bisyo lang naman daw kasi ang inatupag ng daddy niya noon. Ang isang maliit na kompanyang pinamunuan nito ay bumagsak sa loob lang ng kalahating taon. Samantalang naging mahigpit naman ang pagtutol ng doktor ng kaniyang ina na huwag na nitong ituloy pa ang pagbubuntis. Mahina daw kasi ang puso nito at maaari itong mapahamak pati na rin ang dalawang sanggol sa sinapupunan nito.
Pero nagmatigas ang mommy niya at mas piniling ipagpatuloy ang pagbubuntis. Naniniwala daw kasi ito na maaaring magbago ang asawa kapag naisilang na ang mga anak. Ngunit isang oras pagkatapos silang maipanganak ni Cherry ay binawian naman ng buhay ang kanilang ina.
Dahil hindi magkasundo ang daddy at lolo niya ay napilitan umalis ng mansiyon nila ang daddy niya at iniwan sila sa pangangalaga ng matanda kahit mga sanggol pa lamang sila noon. Kapalit nang pag alis nito ay isang magandang buhay ang naghihintay dito sa pagbabalik nito sa Korea. Ibinigay ng lolo niya dito ang isang kompanya nila na nakabase sa Korea. Panay na lang ang dalaw ng ama sa kanila kapag may sadya ito sa Pilipinas. Noong una ay pumapayag pa ang lolo nila na magbakasyon silang magkapatid sa Korea tuwing sembreak. Pero iginiit ni Cherry na nagsasawa na itong magpunta sa Korea at gusto nito na makarating sa ibang lugar.
Pagdating kay Cherry ay sadyang mabilis tumiklop ang lolo niya. Kay Cherry daw kasi nito nakikita ang kilos at pag uugali ng nag iisa nitong anak. Siya kasi ay sabik sa atensiyon ng ama. Kahit ilang linggo lang niya nakakasama ang daddy niya sa Korea ay masaya at kontento na siya.
“Blossom, apo, ano itong nababalitaan ko na hindi maganda ang pagtrato mo kay Donald?” basag ng lolo niya sa pananahimik niya. Matigas ang reaksiyon na bumaling siya ng tingin sa lolo niya.
“Kailangan ko po ba siyang pakisamahan ng mabuti dahil lang anak siya ng kaibigan mo, lolo?”
“Well, anak siya ng senador kaya dapat lang na irespeto mo siya.”
“Paano naman po iyon isang kaklase niya na nakikita kong binubully nila ng mga kaibigan niya? hindi po ba mas dapat natin irespeto ang mga ordinaryong tao dahil nagsisikap sila para lang makapag aral sa eskwelahan mo lolo? Hahayaan na lang po ba natin ang mga katulad ni Donald na gawin ang gusto niya?”
Napailing ang lolo niya. “Kahit na, hindi ka na dapat makialam pa, papaano kung ikaw naman ang masaktan?”
“Alam ko po kung papaano ko ipagtatanggol ang sarili ko.” Matipid na tugon niya. Kahit ayaw ng lolo niya noon ay pilit na nag aral siya ng taekwondo.
“Eeew, hindi mo ba naisip na kaya ayaw kang ligawan ng mga boys ay dahil diyan sa pagiging boyish at bayolente mo. Ilang manliligaw mo na ba ang sinuntok mo?” singit ni Cherry.
Plastic. Napaismid siya. Kahit magpakabait pa ito sa harap ng iba ay kilala niya ito. May itinatago itong kulo at siguradong hindi iyon alam ng lolo nila.
Ilan beses na ba itong nagpalit ng boyfriend? Sa edad nilang disiotso ay hindi naman sila pinagbabawalan ng lolo nila pagdating sa pagbo-boyfriend. Pero sa oras na malaman ng matanda ang pinaggagagawa ng kapatid niya ay tiyak na maghuhurumentado ito.
Madalas na magtungo sa mga bar si Cherry at minsan na niya itong nabuking habang nagpapanggap itong siya. Hindi sinasadyang nagkita sila noong nakaraang linggo sa isang bar sa Makati. Ang nakakagulat ay kinopya nito ang paraan niya ng pananamit. Nang tawagin ito ng kasama nitong lalaki ay nabigla siya dahil Blossom pala ang pakilala nito.
Mariing naikuyom niya ang mga palad. Nagpapanggap ang kapatid niya bilang siya habang nakikipaglandian ito sa mga lalaki. Sino ang matutuwa sa ginagawa nito? kaya nga napilitan siyang pakulayan ang itim na itim at lampas balikat na buhok niya. Siguro naman ay hindi nito susubukan na magpakulay rin ng pula sa buhok nito na kagaya ng sa kaniya para lang gamitin ulit siya.
“Nasaan ang yaya mo Cherry?” tanong ng lolo nila sa kakambal niya.
“Inutusan ko po na maglinis ng room ko.”
“At ikaw?” baling ng abuelo sa kaniya.
“Hindi ko alam.” Napailing siya.
“Palagi mong tinatakasan ang yaya mo.”
“Lolo, hindi ko na kailangan ng yaya, ang laki ko na!” napalabi siya.
“Okay,” awat nito nang mapansin ang pagsimangot niya. “Kung ganoon ay bibigyan ko na lang ng ibang trabaho ang yaya mo. Sasabak na sa modeling ang kakambal mo kaya sabihan mo ang yaya mo na si Cherry na ang pagsilbihan niya simula ngayon.”
“Oh my god, thank you lolo!” napapalakpak si Cherry dahil sa sobrang tuwa. Naging maaliwalas naman ang ngiti niya.
“Talaga lolo? great! I love you lolo.” Namimilog ang mga mata na bulalas niya.
“Mas kailangan mo kasi ng bodyguard, kinakaya kaya mo lang naman kasi ang mga nagiging yaya mo.”
“Wait—what?” halos malaglag ang mga matang sumulyap siya sa abuelo. “Lolo! Para saan?”
“Siyempre para sa`yo. Napakatigas ng ulo mo, ayaw mong itigil ang pagbabanda mo. Puro ka barkada. Isa na lang naman ang paraan na naisip ko para mas mabantayan ka pa.”
“No!” matigas na pagtanggi niya. Tiningnan siya ng makahulugan ng lolo Calixto niya. At base sa paraan ng pagtingin nito sa kaniya ay alam niya na hindi na niya ito mapipigilan pa. Oh shoot!