“Shit!” mahinang napamura si Blossom nang maalala ang naging huling pag uusap nila ng lolo niya. Hindi niya alam kung talagang gusto lang siyang pahirapan nito. Pagkatapos kasi ng huling set ng banda niya –kung saan siya ang lead guitarist—ay nakita niya sa paglabas niya ng bar ang isang kulay itim na Honda civic.
Marahas na napabuntong hininga siya. Noon ay madali lang naman niyang natatakasan ang lolo niya dahil kasabwat niya ang isang maid na si Nana Reala. Pero nabisto ng abuelo ang ginagawa niyang pagtakas tuwing gabi ng minsan siya nitong hindi maabutan sa silid niya. Katakot takot na sermon ang natanggap niya mula dito.
Dati ay mga simpleng kalokohan lang naman ang kaya niyang gawin pero habang tumatagal ay mas lalo daw siyang nagiging malala, ayon na rin sa lolo Calixto niya. Simula pagkabata kasi ay talagang may pagkamaldita na siya. Dahil nga naspoiled siya ay naging matigas ang ulo niya at walang kahit sino sa mga naging yaya niya ang tumagal sa kaniya. Magkaiba sila ng grupo ng mga kaibigan ni Cherry simula pa noong mga bata pa sila. Mga sosyal at matapobreng estudyante naman sa school nila ang madalas na kasama ng kakambal niya. Samantalang siya ay puro mga kaklaseng lalaki na pareho rin niyang mga pasaway ang naging karamay niya noon. Dahil sa mga ito ay natuto siyang uminom at manigarilyo ng patago.
Pero kailanman ay hindi siya patagong lumandi na katulad ni Cherry. Alam niya ang limitasyon niya. At alam niyang may respeto sa kaniya ang mga kaibigan niya noon kaya kahit isang beses ay hindi siya nagawang bastusin ng mga ito.
Napapalatak siya nang maalala ang kakambal niya. Siguradong nasa bahay na ito ngayon dahil pasado alas dose na ng gabi. Alam na niya ang style nito sa pagtakas. Itinataon nito ang pag alis sa gabi tuwing may out of town ang lolo nila. Katulad niya ay sa likod din ito ng mansiyon dumadaan kung saan naroon ang dirty kitchen. Sa labas kasi ng dirty kitchen ay may maliit na lote. May mataas na pader doon kung saan siya madalas na mag over the bakud. Hindi siya natatakot na mahuli dahil binabantayan naman siya ni Nana Reala. At natitiyak niya na dahil sa pagpapanggap ni Cherry bilang siya ay madalas na nauuto nito ang kasambahay nila. Isa lang naman ang dahilan nito ng komprontahin niya ito tungkol sa nakita niya sa bar. Gusto daw nitong maranasan ang ibang buhay ng hindi ito hinuhusgahan ng iba. Mas mabuti na daw na sa kaniya mapunta ang maling akala ng lahat dahil hindi naman daw talaga maganda ang image niya. Hindi katulad nito na isang perpekto at masipag na estudyante ang tingin ng lahat. Hindi niya magawang isumbong sa lolo niya ang ginagawa ng kakambal dahil duda siya kung paniniwalaan siya nito. Wala siyang hawak na ebedensiya laban kay Cherry.
Ang security staff naman ng lolo niya ay hindi rin umubra sa kaniya. Marunong siya ng taekwondo at magaling siyang tumakas kaya madalas na naiisahan niya ang mga ito. Kaya marahil sumuko na sa kaniya ang lolo niya at nagpadala sa sulsol ng kapatid niya na ikuha siya ng sariling boyguard na maaaring magpatiklop sa kaniya.
Muli siyang napamura at mabilis na naiatras ang mga paa nang bumukas ang pinto sa driver’s seat ng sasakyan na nakaparada sa labas ng bar. Iniluwa ng kotse ang isang….damn! papaano ba niya ilalarawan ang lalaking naglalakad na ngayon palapit sa kaniya?
Muli niyang pinasadahan ng tingin ang kotse sa pag aakala na hindi iyon ang kotse na pag aari ng lolo niya. Pakiramdam niya habang naglalakad ang lalaki palapit sa kaniya ay parang kamay ng orasan na pabalik balik sa pag andar ang oras niya.
“Ma’am,”
Hell! Naikurap niya ang mga mata nang tuluyan nang makalapit sa kaniya ang lalaki at tumigil ito sa harap niya.
“A-ako?” nalilitong itinuro niya ang sarili.
“Yes, ako po ang bagong bodyguard ninyo.” Seryosong turan nito.
Oh lord! Bakit hindi sinabi sa kaniya ng lolo niya na kahawig pala ni Zayn Malik ang bagong bodyguard niya? Nawala pa yata sa tamang posisyon ang puso niya ng bahagyang yumukod ang lalaki para magbigay galang sa kaniya.
“Claudio Fuentebella Khoury, at your service, Ma’am.”
Napaawang ang mga labi niya. “Joke ba ito? p-papaanong—wait tatawagan ko si lolo.” dinukot niya ang cellphone niya mula sa loob ng bulsa ng rugged pants niya. Baka naman nagkakamali lang siya ng akala. Papaano naman magiging bodyguard ang ganoon kagwapong nilalang? Mas gwapo pa nga ito kumpara sa mga mayayabang niyang kaklase. Pangalan pa lang nito ay tunog mayaman na.
Kinagat niya ang mga kuko sa daliri niya habang hinihintay niyang sagutin ng lolo niya ang tawag niya. Hindi pa rin umaalis si Claudio sa harap niya. Dinaig pa nito ang robot na nakatingin lang sa kaniya at parang hinihintay ang magiging sunod na kilos niya.
Goodness! Nakakatunaw tumitig ang kulay berdeng mga mata nito. Hindi talaga ito mukhang alalay promise!
Makapal at army cut ang itim na itim nitong buhok. Luntian ang kulay ng mga mata nito at may makapal na mga kilay na mas lalo pang nakadagdag sa malakas na sex appeal nito. Manipis din ang mga labi ni Claudio at kapag nakatikom iyon ay nagmumukha itong seryoso. Matangos ang ilong nito at may maliit na guhit ang tungki niyon. Ang hugis ng mukha nito ay iyon tinatawag ng karamihan na Oval shape.
“Hindi sasagutin ng lolo Calixto mo ang tawag mo dahil siguradong natutulog na siya ngayon.”
Natigilan siya at mahinang natampal ang noo. Muli niyang ibinalik ang tingin sa cellphone sa loob ng bulsa ng pants niya at pinasadahan ng tingin ang porma ni Claudio. Uulitin lang niya, hindi talaga ito mukhang bodyguard. Para itong gwapong rockstar na tumalon lang pababa ng entablado at lumapit sa kaniya. Malalaos si Adam Levine kapag naisipan nitong pumasok sa music industry.
Okay. Naniniwala na siya ngayon na ito nga ang bodyguard niya dahil maliban sa ito ang may dala ng isa sa mga kotse nila ay kilala rin nito ang lolo niya. Pero saang lupalop naman kaya ito nakuha ng abuelo niya?
Gaah. Naipilig niya ang ulo at pinamaywangan si Claudio.
“Hindi ba sinabi sa`yo ng lolo ko o ng secretary niya kung ano ang dapat na isinusuot ng isang bodyguard?”
Hindi ito nakaamerikana na usually ay suot ng mga security staff ng lolo niya. Luma at kupasin pa ang suot nitong pants. Kahit hindi signature ay bumagay sa magandang built ng katawan nito ang suot nitong plain gray t-shirt na v-cut ang collar.
Umigkas ang isang kilay nito. Ibinuka ang mga labi at taas noong sinagot ang tanong niya.
“Wala pong sinabi ang lolo mo tungkol sa uniporme ko. Malaya daw akong isuot ang kahit na anong damit na gusto ko basta komportable ako.”
“You!” awtomatikong naningkit ang mga mata niya. Anong karapatan nitong pagtaasan siya ng kilay? Porke ba gwapo ito?! hah! kahit sino man sa mga tauhan nila ay wala pang nakipag usap sa kaniya ng ganoon at matapang na sumalubong sa kaniya ng tingin.
Mahigpit na hinawakan niya ang magkabilang sling ng backpack niya at nagsimulang maging malikot ang mga mata.
“May naiwan pala ako sa loob, babalikan na lang kita dito. Hintayin mo na lang ako,” manigas ka sa paghihintay dahil tatakasan kita.
“Ako na lang po ang kukuha sa loob.”
“Ha?” nang pumihit siya patalikod ay parang nagteleport lang si Claudio at nakatayo na naman ito sa harap niya. “Ako na nga lang eh, hindi mo naman kilala ang taong kausap ko.”
“Magtatanong tanong na lang ako.”
“Ako na okay, ako na.” Nagsimula nang uminit ang ulo niya at nagtatagis ang mga bagang tiningnan niya ang lalaki. “Dito ka na lang kung ayaw mong samain.”
“Mahigpit na ipinagbilin sa akin ng lolo mo na hindi ka pwedeng mawala sa paningin ko.”
“Aaaaah!” inis na naipadyak niya ang mga paa. “Wala akong pakialam basta diyan ka na lang.” nang ihakbang niya ang mga paa ay humarang ulit ito sa daraanan niya. Tuluyan nang nag init ang ulo niya. Mabilis na hinubad niya ang bag at sa isang kilos lang niya ay naihampas na niya iyon kay Claudio. Pero nagkamali siya ng ginawa dahil hinawakan siya nito sa baywang at parang trumpong ipinaikot saka nito isinukbit muli sa balikat niya ang backpack. “Shit!” ngayon ay hindi na siya makagalaw dahil hawak nito ang itaas ng backpack at dahil mas matangkad ito sa kaniya at malaki ang pangangatawan nito na halatang batak sa trabaho ay para lang siyang papel kung bitbitin nito.
Nanlaki ang mga mata niya nang maramdaman ang pag angat niya mula sa lupa. Daig pa niya ang paslit na binitbit nito.
“You jerk! Asshole! Put me down! Damn you! shit!” nagpumiglas siya. Mabilis na pinagana niya ang kaalaman sa Taekwando. Inabot niya ang isang kamay nito at biglang pinilipit iyon. Mukhang nasaktan naman ito sa ginawa niya dahil nabitiwan siya nito. Nang humarap siya dito ay pinaigkas niya ang isang paa habang pinupuntirya niya ang sikmura nito. Pero bago pa lumapat ang paa niya sa katawan nito ay muli na naman siya nitong nahawakan. Hindi siya makagalaw at kamuntik pang mawalan ng balanse ng hawakan nito ang binti niya.
“Bitiwan mo ako!” asik niya sa lalaki. Nag isang linya lang ang mga kilay nito bago binitiwan ang paa niya. Pero napasigaw siya ng malakas nang tawirin nito ang pagitan nilang dalawa at bigla nitong ipinaikot ang kamay sa baywang niya. “Nooo!” tili niya nang pangkuin siya nito na parang isang sako ng bigas. Pinagbabayo niya ito sa likod. “Put me down!” halos maputol na ang litid niya sa pagsigaw.
Sa buong buhay niya ay wala pa siyang nakaengkwentrong tao na katulad ni Claudio. Hindi niya ito magawang patiklupin sa pagtataray niya. Hindi ito nasisindak sa pagsigaw niya. Anong klaseng tao ba ito? hindi ba ito natatakot na mawalan ng trabaho sa oras na magsumbong siya sa lolo niya na ilan beses na siya nitong hinawakan sa baywang!
“Isusumbong kita sa lolo ko! ulol!” hinihingal na sigaw niya.
“Gawin mo ang gusto mo ma’am Blossom, sinusunod ko lang naman ang utos ng lolo mo.” malamig na tugon nito. Para siyang isang mumurahing bagay na basta na lang nito ipinasok sa loob ng sasakyan. Nakakainsulto. Gwapo lang ito pero parang sa isang pangit na monster ang ugali nito. Kulang na lang ay sumabog ang dibdib niya dala ng matinding inis.
“Sumusobra ka na!” angil niya at pinagtatadyakan ang likod ng upuan sa driver’s seat.
“Mag isa lang po ako.”
“Fuck you!”
Fuck! Nakakainsultoooo!