“I hate him! I really hate him! Alam mo ba kung ano iyon pakiramdam na para kang mamahaling bagay na ibinaba ang presyo dahil walang gustong bumili sa’yo?”
“Blossom Enriquez Jung, hindi ko akalain na makikita kitang ganiyan na halos umusok na ang ilong mo sa galit.” Malakas na napahagalpak ng tawa ang baklang best friend niyang si Amethyst. Kagaya niya ay Fine Arts din ang kurso nito at pareho silang nasa ikalawang taon ng kolehiyo.
“Dahil nakakainis siya!” naihampas pa niya ang mga palad sa mesa. Daig pa niya ang teacher na naglelecture sa unahan. Palakad lakad siya at nagpapaliwanag kay Amethyst. Habang ang kaibigan niya ay nakapwesto ng upo sa unahang silya at patango tango pa na pinapakinggan siya.
“Relax, bakit ba galit na galit ka kung ginagawa lang naman niya ang trabaho niya, `di ba?”
Tumigil siya sa tapat nito at namaywang.
“Hindi niya ako kilala? anak ako ng boss niya, sino siya para hawakan ako sa—”
“Paa, tuhod, balikat , ulo?”
“Sa baywang!”
“Para ka namang hindi nagkaboyfriend, sus!”
“Kahit na! nagkaboyfriend ako oo, pero for fun lang naman iyon at saka isa pa hindi naman kami umabot ni Phil sa kung anumang kalaswaan na tumatakbo diyan sa utak mo.”
“Seryoso?”
Sinubukan lang naman niyang makipagboyfriend at tatlong buwan lang ang naging relasyon niya kay Phil. Hindi kasi niya gusto ang ugali nito lalo na ang pagiging mayabang nito na parang akala nito ay pag aari na siya nito.
Hanggang ngayon ay inis na inis pa rin siya sa lalaking bodyguard niya. Ang sabi ng lolo niya ay Claud na lang daw ang itawag niya sa bagong tauhan nila. Pero sa palagay niya ay mas bagay pa itong tawaging ‘monster robot’. Palagi kasi itong walang reaksiyon sa tuwing kakausapin niya ito.
“O baka naman naiinis ka lang ng bongga dahil wa epek sa kaniya ang beauty mo? boom sapul—Aray!” naitakip ni Amethyst ang mga kamay sa ulo nito nang tangkain niya itong batukan.
“Mare naman, huwag mong gamitin sa akin ang pagiging bayolente at tomboy mo.” Angal nito. Hindi niya alam kung bakit parang kinikiliti ang bumbunan niya nang marinig ang sinabi nito. Guilty ba siya?
No way! Masama bang mainsulto siya sa ginawa ng lolo niya? at saka wala naman siyang pakialam kahit walang dating kay Claud ang kagandahan niya. Hindi lang naman ito ang lalaki sa buong earth.
“Kung bakit naman kasi palaging ganiyan ang porma mo, para kang babaeng rockstar.”
“Sa ganito talaga ako eh.”
May pagkasiga talaga siyang kumilos at aminado siya sa bagay na iyon. Mas lalo siyang naging takaw atensiyon sa lahat nang pakulayan niya ng pula ang mahaba at tuwid na tuwid na buhok niya. Nagmukha tuloy siyang Kpop star dahil sa mas lalong tumingkad ang maputi at perpektong kulay niya na namana niya sa mga magulang na parehong may dugong mga banyaga.
Saktong five-three lang ang taas niya. Pero nagmumukha siyang matangkad dahil sa mahahabang biyas niya. Sa unang tingin ay mahihirapan ang kahit sino na mahulaan kung ano ang lahi niya. Walang bakas ng pagkakaroon niya ng dugong pinoy sa hitsura niya.
Kumpara sa iba na may dugong Koreana ay hindi singkit ang mga mata niya. Bilugan iyon at medyo malalim sa bandang ibaba na katulad ng sa kaniyang ina. Kulay abo ang mga mata niya na binagayan ng makakapal at malalantik na mga pilikmata. Maliit ang matangos niyang ilong na namana naman niya sa ama. Marami ang nagsasabi na mayroon siyang hugis pusong mukha. Medyo makapal ang mga labi niya at sa bagay na iyon ay hindi siya masyadong proud. Katamtaman lang din ang sukat ng mga dibdib niya.
“Nasaan na ba ang hombre at ng makaliskisan?”
“Hombre?” nagkunwaring kinikilabutan si Blossom at niyakap ang sarili.
“Ang sabi kasi ni Cherry ay napakagwapo daw ng bodyguard mo, inggit na inggit ang loka-loka mong sisteret.”
Napanguso siya at naglakad patungo sa window glass. “Gaga! siya ang lumason sa utak ni lolo Calixto—ay impakto!” napatalon siya sa pagkagulat nang buksan niya ang glass panel at biglang sumulpot ang robot slash monster sa harap niya.
“OMG! hindi impakto iyan, hombre iyan! anghel na ipinagkaloob ni lord!” tili ni Amethyst nang makita si Claud.
“A-anong ginagawa mo dito?” natutop niya ang dibdib dahil bigla ay naging mabilis ang tibok ng puso niya.
“Nandito ako para sunduin ka, senyorita, alas singko na po ng hapon.”
“Ako, mister pogi, pwede mo ba akong sunduin? ay type!” lumapit sa kaniya ang best friend niya at para siyang alkansiya na inalog nito.
“Bakit nga nandito ka?” mataray na tanong niya kay Claud. Dapat ay nasa parking lot ito ng school at hinihintay siya.
“Nakalimutan mo na? bagong estudyante ako dito.” Malamig na tugon ng binata.
“Ikaw pala iyon sinasabi nilang transferee na kamukha ni Zayn Malik!”
Nilamukos niya sa mukha ang bakla para matahimik. “Anong pang uuto ang ginawa mo sa lolo ko para makumbinsi mo siya na pag aralin ka dito sa school namin?”
Matalim na tiningnan lang siya ni Claud. Sa tuwing magsasalita ito ay hindi lalampas ng isa o dalawang pangungusap ang sinasabi nito. Para lang siyang nakikipag usap sa hangin.
Bumaling siya ng tingin kay Amethyst at mahinang bumulong dito.
“Huwag kang maingay, tatakas ako,”
“Gaga ka, sa laki ng mga braso niyan ni pogi siguradong kayang kaya ka niyang buhatin.”
“Pwede ba!”
Grrrr! Bakit pa daig pa niya ang kinuryente sa buong katawan nang maalala ang gabing pinasan siya ni Claud sa balikat nito?