Chapter BLOSSOM IN MY HEART 3.1

Pinigilan ni Claud ang pag usbong ng kakaibang emosyon sa dibdib niya nang bumukas ang window glass at iniluwa niyon ang gulat na gulat na amo niya. Ilan beses niyang pinigilan ang sarili na mapangiti nang mapansin ang panlalaki ng mga mata ni Blossom.

Kahit labag sa kalooban niya na malayo sa pamilya ay mas pinili niyang maging praktikal at tanggapin ang alok ng matandang si Don Calixto. Idagdag pa na hindi niya matanggihan ang pakiusap ng ina lalo pa at sinabi nito sa kaniya na para daw iyon sa kapakanan ng pamilya niya.

Nangako ang matanda na maliban sa libreng pag aaral niya sa pag aari nitong university at tirahan ay may buwanang sweldo din siyang matatanggap. Para na rin siyang nakakuha ng jackpot dahil sa malaking offer nito. Hindi na niya kailangan rumaket kahit saan para lang kumita ng pera.

Pero tama nga ba ang desisyon niya na tanggapin ang offer nito? Kapalit ng malaking pera ay kailangan daw kasi niyang bantayan ang apo nito. Naipaliwanag na sa kaniya kung anong pag uugali mayroon ang bunso nitong apo. Pero hindi niya lubos akalain na makakaencounter siya ng katulad ni Blossom na ubod na nga ng taray at tigas ang ulo ay spoiled brat pa. Mas mabait pa ang kakambal nitong si Cherry na panay ang ngiti sa tuwing nagkakasalubong sila sa mansiyon.

Napakunot noo siya nang mapansin ang pagbulong ni Blossom sa kasama nitong bakla. Awtomatikong ipinako na niya ang mga mata sa mga ito dahil sa takot na may gawin na namang kalokohan ang babae.

“Sige na, uuwi na ako.” Umirap si Blossom at pumihit na paharap sa pinto. Nakahinga naman siya ng maluwag sa sinabi nito. Naglakad na siya patungo sa katabing pinto ng window glass. Nang bumukas ang pinto ay iniluwa niyon ang nakasimangot na si Blossom. Dahil sa liwanag ng araw na tumatagos sa area na iyon ng campus building ay parang mansanas tuloy na kumikinang ang buhok nito. Nakakaaliw iyon at parang masarap haplusin ang buhok nito dahil natitiyak niya na malambot ang bawat mga hibla niyon.

“`O, ikaw na ang magdala.” Padabog na ibinigay nito sa kaniya ang dala nitong backpack. Walang imik na kinuha niya ang bag. Si Blossom lang marahil sa campus na iyon ang nakikita niya na may ganoong porma. Ang mga babaeng estudyante kasi ay kadalasan na nakasuot ng dress at sosyal na bag ang gamit. Nagpapataasan pa nga ng takong ng sapatos ang mga ito.

Pero kahit may pagkaweird kung manamit si Blossom ay hindi niya maitatanggi na napakaganda talaga nito. Ilan beses pa nga siyang natulala noon pagkatapos ipakita ng lolo Calixto nito ang ilan sa mga larawan nito. Kung ilalarawan niya ang dalaga sa sarili niyang paraan ay masasabi niya na mukha itong Barbie na kinulayan ng matingkad na pula ang mahabang buhok.

“Ouch!”

Nawala ang atensiyon niya sa dalaga nang marinig ang paghiyaw ng kasama nitong bakla na tinawag nitong Amethyst kanina. Nasapo ni Amethyst ang tiyan at nakangiwing tumingin ito kay Blossom.

“Mare, ano iyan? baka inaatake ka na naman ng ulcer mo?” may bahid nang pag aalalang tanong ng dalaga.

“Baka nga, mare,”

“Ikaw naman kasi sinabi ko naman sa`yo na huwag kang magpapagutom, tama na muna kasi ang diet mukha ka ng bangkay.” Nag aalalang sumulyap sa kaniya si Blossom. “Alalayan mo siya,”

“P-pero..” napabuntong hininga siya ng muling mapahiyaw si Amethyst. Napilitan siyang lumapit dito. Iniyakap naman nito sa batok niya ang mga braso nito at saka niya ito binuhat.

“Gora ka na sister! Hindi ko na pakakawalan itong si Zayn Malik ka look a like. Humayo ka na at huwag na kaming gambalain pa!” tili ni Amethyst.

“Ha?”

“Adios!” nakangising kumaway sa kaniya si Blossom bago ito nagmamadaling tumakbo palayo.

“Shit! ano ba bitiwan mo nga ako!” pinilit niyang tanggalin ang mga braso ni Amethyst na parang sawang nakapulupot sa leeg niya.

“Ayoko nga! eeeeh! Ang bango-bango mo nemen kese,” kinikilig na sabi pa nito. Daig pa nito ang kuting na naglalambing habang nakasandal ang ulo nito sa balikat niya.

Mahinang napamura siya. Wala na siyang ibang nagawa pa kundi ang basta na lang ito ipasa sa isang matangkad at matabang lalaki na nasalubong nila. Nagtaka man ang lalaki ay napilitan itong kunin ang malanding si Amethyst mula sa kaniya.

Nagmamadaling tumakbo na siya para hanapin kung saan nagtungo si Blossom. Pero nalibot na niya ang buong campus building ay hindi pa rin niya ito makita.

“Patay na,” hinihingal na naitukod niya ang mga kamay sa magkabilang tuhod at hinayaan ang pagtulo ng mga pawis mula sa noo niya. Iyon ang unang beses na naisahan siya ni Blossom at isinusumpa niya na hindi na iyon mauulit pa.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.