Chapter BLOSSOM IN MY HEART 3.2

“Saan ka na naman nanggaling?!”

“L-lolo,” agad na napangiwi si Blossom nang madatnan niya ang abuelo sa malaking sala ng mansiyon. Nakaupo ito sa pang isahang sofa at padabog na inilapag sa coffee table ang hawak nitong tasa.

“Ano’ng problema mo?” seryosong tanong ng matanda. Magkasalubong ang mga kilay at nararamdaman niya na nagtitimpi lang ito ng galit sa kaniya.

“There is nothing wrong with me, lolo.” Mahinang sagot naman niya at nag iwas ng tingin dito.

“Kung ganoon ay bakit kailangan mo pang takasan si Claudio?”

Agad na nag angat siya ng tingin. Sa tabi ng kaniyang ama ay nakatayo naman si Claud at madilim ang mukha habang pinagmamasdan siya. Ilan beses siyang napalunok nang magtama ang mga mata nila.

Napamura siya sa isip. Bakit ba kailangan niyang makaramdam ng ganoon na parang hinahalukay ang loob ng sikmura niya sa tuwing magsasalubong ang mga mata nila? pilit na inignora niya ang kakaibang emosyon na namumuo sa dibdib niya at inirapan ang binata.

“Lolo kasi ang gusto ko lang naman po ay mapag isa,” pagdadahilan niya.

“Pero ang sabi ko naman sa`yo ay hindi ka pwedeng gumala sa labas ng mag isa, isa kang Enriquez! Naiintindihan mo ba? papaano kung may nangyaring masama sa`yo sa labas?” dumagundong ang galit na tinig ng lolo niya. Sa buong buhay niya ay ngayon lang siya nito nagawang sigawan. Hindi makapaniwalang sumulyap siya dito.

Nangyari na ba ang kinatatakutan niya na tuluyang masagad ang pasensiya nito pagdating sa kaniya? malalim na napabuga siya ng hangin at masama ang loob na nagsalita.

“Lolo sa mall lang naman po ako nagpunta, alas siyete pa lang naman po ng gabi,”

“Iyon na nga Blossom, dalawang oras kang nawala. Nagawa mo pang magcommute, papaano kung madukutan ka o kaya ay kung may mambastos sa`yo diyan sa kalsada?”

“Kaya ko naman po na ipagtanggol ang sarili ko.”

“At ipagmamalaki mo na naman sa akin ang nalalaman mo sa Taekwondo na iyan? kahit anong galing mo sa self defense ay hindi magbabago ang katotohanan na babae ka pa rin na dapat maprotektahan.”

“My god, lolo! Hindi ako kasing lampa ng ibang babae,”

“Shut up!”

Namutla siya nang tumayo ang lolo niya at namumula sa galit ang buong mukha na itinuro siya at bumaling ito ng tingin kay Claud.

“Pakiusap Claudio, bantayan mo siya at kailangan mo pang mas talasan ang mga mata mo. Pag igihan mo ang trabaho mo dahil sa kaniya nakasalalay ang magandang kinabukasan mo at ng buong pamilya mo. Kung kinakailangan na bantayan mo siya bente kuwatro oras ay gawin mo. Naiutos ko na rin sa isang maid na ilipat ang mga gamit mo sa guest room na katabi ng silid ni Blossom. Huwag na huwag mo siyang lulubayan ng tingin. Gawin mo ang lahat ng alam mong paraan para mapatino at mabantayan siya. Ibinibigay ko sa`yo ang lahat ng karapatan para madisiplina siya sa kung anong paraan man na alam mo.”

“Lolo!” matigas ang pagtanggi na naipadyak niya ang mga paa. “Bakit mo ba ginagawa sa akin ito?” mangiyak ngiyak na bulalas niya.

“Dahil ayokong dumating ang panahon na matulad ka sa iba mong mga pinsan na naging pariwara ang buhay. Tapos ang usapan.” Ikinumpas ng matanda ang isang kamay na animo ay itinataboy na siya. Padabog na naglakad naman siya at tinungo na ang direksiyon ng hagdan. Nagpupuyos sa galit ang dibdib na pumanhik na siya. Sa bawat baytang ng hagdan ay parang gusto na niyang ibaon doon ang mga paa dahil sa mabigat na paghakbang niya.

Pinigilan niya ang pagpatak ng mga luha niya. Hindi siya iyakin at mas lalong hindi siya dapat na umiyak dahil ayaw niyang magpatalo kay Claud. Gagawa siya ng paraan para lang makaganti dito.

Hah! napaismid siya. Tumigil siya sa tapat ng pinto ng silid niya at akmang pipihitin na ang seradura ng pinto pero naunahan na siya sa pagbubukas niyon ng kung sinong nilalang na nasa likuran niya ngayon.

“What the—” nanlaki ang mga mata niya nang hawakan siya ni Claud sa magkabilang balikat at niyakag papasok ng silid niya.

Brute! Papaano nito nagagawang hawakan na lang siya ng basta-basta? at bakit ba sa halip na magreklamo ay parang nagpiyesta pa ang buong sistema niya nang maramdaman ang magaang pagdampi ng mga palad nito sa mga balikat niya?

Awang ang mga labi na natigilan siya nang mapansin na nakatayo lang siya sa tapat ng computer table niya at tila ilang segundo pang nawala sa sarili. Nang makabalik sa tamang huwisyo ay natuklasan niya na naroon na sa silid niya si Claud at parang private detective na pinag aaralan ang buong paligid ng silid niya. Kinatok pa nito ang bawat dingding na para bang inaasahan na nito na may makikita itong secret door doon.

“What are you doing!” nanggigigil na bulyaw niya sa binata.

“Kailangan ko lang icheck ang kwarto mo, Blossom.” Malamig na tugon nito.

“What? Blossom? Are we friends?” namamanghang pinamaywangan niya ito.

“Narinig mo ba ang sabi ng lolo Calixto mo? ako na ang bahala sa`yo, hindi ko naman magagawang disiplinahin ka kung tatawagin pa kitang senyorita, `di ba? maiilang lang ako.”

“Hindi tayo close para tawagin mo lang ako sa pangalan ko!” asik niya.

“Hindi nga, pero isang taon lang naman ang tanda ko sa`yo, kung gusto mo pwede mo akong tawagin na kuya.” Pasarkastikong sabi nito at ngumisi pa.

Nakagat niya ang mga labi kasabay nang pagbilis ng tibok ng puso niya. Hindi kasi nakaligtas sa kaniya ang pagsungaw nang pagkaaliw sa mga mata nito.

“Lumabas ka na nga ng kwarto ko, wala kang makikita dito.”

“Talaga?” napangisi na naman ang loko. Nanlaki ang mga mata niya nang lumapit ito sa kama niya at basta na lang nito itinaas ang kutson. Impit na napatili siya nang sumabog sa sahig ang ilang pakete ng sigarilyo at lighter na pag aari niya.

May kung anong sinipa ito sa ilalim ng kama niya. Parang mga bola na nagkaniya kaniyang gulong palabas mula sa ilalim ng kama niya ang ilang mga lata ng beer.

“Lagot ka sa lolo—”

Mabilis pa sa alas kuwatrong tinawid niya ang pagitan nilang dalawa. Dahil nga halos umaabot lang ang taas niya hanggang sa dibdib nito ay kinailangan pa niyang tumingkayad at saka niya tinakpan ng kaliwang palad niya ang bibig ni Claud.

“Shut up, shut up, okay? gusto mo ba na tuluyan akong isumpa ng lolo ko, ha?” mahinang asik niya sa binata. Lumobo ang mga pisngi nito na animo ay nagpipigil matawa. Parang kinakalampag na ang puso niya nang magtama ang mga mata nila. Ang kulay berdeng mga mata nito ay nagmistulang mga dahon ng rosas para sa kaniya. Napakaganda talaga ng mga mata nito at hindi iyon nakakasawang pagmasdan.

Nararamdaman niya ang pagbuga nito ng mainit na hininga sa palad niya. At parang sapat na iyon para tuluyan siyang mawala sa tamang huwisyo. Nakatulala lang siya at tahimik na pinagmamasdan ang lalaki. Animo ay may mumunting boltahe ng kuryente ang dumadaloy sa kamay niya. Kung hindi pa niya narinig ang malakas na pagkatok ni Nana Reala sa labas ng pinto ay hindi pa siya matatauhan.

“Senyorita, ano ba ang nangyayari diyan?” nag aalalang tanong ng kasambahay.

“W-wala po, Nana, Okay lang ako.” Napalunok siya nang hawakan siya ni Claud sa pulso at dahan dahan nitong ibinaba ang kamay niya na nakatakip pa rin sa bibig nito.

Napaatras siya at nanghihinang tiningnan lang ang lalaki. Sa totoo lang ay nakakapanghina ng buong katawan ang pabigla biglang pagbabago ng pintig ng puso niya.

“Itatago ko na ito.” Ani Claud at inipon ang ilang pakete ng sigarilyo at isa isang itinago sa bawat bulsa ng cargo pants na suot nito.

Kinalma niya ang sarili at tinaasan ito ng kilay.

“Baka naman gusto mo lang talagang humingi ng sigarilyo sa akin? tamang tama, imported pa naman ang mga iyan.” mataray na sabi niya.

“Hindi ako naninigarilyo.”

Seryoso?! may lalaki pa ba sa panahon ngayon ang hindi tumitikhim ng kahit anong bisyo? Maliban na lang kung….

“B-bakla ka ba?”

Sayang nemen!

Mula sa pagsuksok ng pakete ng sigarilyo sa bulsa ng pants ay naiinsultong tumingin ito sa kaniya.

“Uhm….” napaatras siya. Aandap andap ang dibdib na tiningnan ito habang naglalakad ito palapit sa kaniya. May pagbabanta sa mga mata nito na para bang gusto nitong pilipitin ang leeg niya at idikdik siya sa ashtray hanggang sa maging abo na rin siya.

Anong plano nitong gawin? Dahil ba tinawag niya itong bakla ay….no! no! no! over my sexy body! Kumakabog ang dibdib na tinakpan niya ang mga labi. Nang tuluyan na itong makalapit sa kaniya ay napasinghap siya nang hawakan nito ang kanang pulsuhan niya. Ibinuka nito ang palad niya at inilagay doon ang isang stick ng sigarilyo.

“Once a day ka na lang ngayon pwedeng manigarilyo. Alam ko naman na mahihirapan kang alisin agad iyan sa katawan mo. Hayaan mo tutulungan kita pero hindi mo naman pwedeng biglain ang pagtigil sa paninigarilyo. Hinay hinay lang muna.”

Damn. Kahit nagulat siya sa ginawa ni Claud ay nahimigan niya sa tinig nito na may concern ito sa kaniya. At parang sa isang iglap ay may mga alitaptap ang nagliliparan sa loob ng sikmura niya.

“Kailangan na natin maitapon agad ang mga lata ng beer dahil narinig ko kanina na inutusan ni Nana Reala ang isang maid na maglinis sa lahat ng mga kwarto dito sa third floor ng mansiyon.” sabi pa nito.

Jesus Christ! Kung wala si Claud ngayon ay tiyak na nabuking na siya ng lolo Calixto niya. Dapat ba siyang magpasalamat sa binata? napabuntong hininga siya at ilan beses na napailing. Hindi niya gagawin iyon. Dapat ay kaaway ang tingin niya dito dahil kakampi ito ng lolo niya.

Kaya… hoy puso, kumalma ka!

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.