Chapter BLOSSOM IN MY HEART 4.1

“Nasaan ang gwapong hombre na alalay ng bunsong prinsesa ng mga Enriquez?”

Agad na sumimangot si Blossom nang salubungin siya ni Amethyst.

“Naku, utang na loob tantanan mo ako.” Saway niya sa kaibigan. Pasado alas singko y medya na ng hapon. Tapos na ang klase niya pero hindi pa rin siya makauwi dahil may klase pa si Claud. Sa inis niya ay nagtext siya dito na aalis na agad kapag hindi pa rin natapos ang klase nito sa loob ng labinglimang minuto. Nagreply naman ang lalaki at sinabi na patapos na rin ang klase nito.

Siyempre pa ay inis na inis siya. Naturingan siyang amo pero hayun at pinaghihintay lang siya ng bodyguard niya. Dalawang linggo pa lang ang binata sa serbisyo pero agad na nitong nakuha ang loob ng lolo niya. Bilib daw kasi ang matanda dahil sa ipinapakitang sipag at dedikasyon ni Claud sa pag aaral at trabaho nito.

Hindi niya mapigilan ang mapaismid. Sa palagay niya ay gusto lang naman sumipsip ni Claud. Gustong maambunan ng grasya kaya panay ang pakitang gilas sa lolo niya. Sa halip tuloy na siya ang tanungin ng abuelo tungkol sa mga aktibidades niya nitong mga nakaraang araw ay ang lalaki na ang nagrereport niyon dito.

“Hay, life,” para siyang sinisilihan at paikot ikot sa malaking quadrangle sa likod ng university nila.

“Aba, teka nga? bakit parang mainit na naman ang ulo mo? anyare ba, mare?”

Inis na naihilamos niya ang palad sa mukha. “Si lolo kasi ayaw niya muna kaming makipagkita kay Daddy. Tumawag si daddy sa akin kagabi at ang sabi niya ay may plano siyang umuwi ng Pilipinas at bumisita sa amin ni Cherry.”

“Nag away ba ang lolo at daddy mo?”

“Hindi, may isang tauhan kasi ang nagreport kay lolo na nainvolved si daddy sa isang grupo ng mga sindikato.”

“Kaloka! Totoo ba iyan?”

Nanlulumong tumango niya.

“Kaya pala ayaw ng lolo mo na makipagkita kayo ng kakambal mo sa daddy mo, maliban kasi sa request ng ate Cherry mo na sa ibang bansa naman magbakasyon ay natatakot ang lolo mo na baka madamay pa kayo. Papaano nga naman `di ba kung kayo ang mapag initan ng mga kalaban ng daddy mo?”

“Hindi naman siguro, sino ba ang maglalakas loob na kalabanin ang isang Calixto Villagracias Enriquez?”

“Kaya nga eh, walang kahit sino ang kakalaban sa pamilya mo, lalo na sa`yo.”

“Meron!” anang isang galit na tinig ng papalapit sa kanila.

“Ang babaeng ‘kwak kwak’!” napaismid si Amethyst nang makita si Zenia na naglalakad palapit sa kanila.

“Bakit?” mataray na tanong ni Amethyst dito. Dati nilang kaklase sa isang subject si Zenia. Mas makati pa ito sa buni kaya noon pa man ay hindi na niya ito gusto. Napakaarte din nito at minsan na siya nitong pinagbintangan na sinulot daw ang nobyo nitong mukhang itlog ng itik.

Ano na naman kaya ang problema? madilim ang reaksiyon na sinulyapan niya ang babae.

“May kailangan ka?”

“Oo, marami! Ang kapal rin naman ng mukha mo, ano? hindi ka pa nakontento na agawin sa akin noon si Junathan—”

Napahagalpak ng tawa si Amethyst. Maliban sa parang sa pato ang tinig ni Zenia ay medyo matigas at may punto din ito kapag nagsasalita. Hindi na siya nag abalang alamin pa kung saan probinsiya ito nanggaling. “Inaano ni Blussum si Junathan?” tutop ang tiyan at tumatawa na tanong ni Amethyst dito.

“Inagaw!” halos lumabas ang litid ni Zenia sa pagsigaw at dinuro siya.

“Aba, walang alam diyan si Blossom. Si Junathan ang lumandi sa kaniya ano ka, at saka may iba na si Junathan.” Pagtatanggol sa kaniya ng kaibigan niya.

“S-sino?” namumutlang tanong ng babae.

“Si Jiniper!” tumawa na naman si Amethyst. Tila mauubusan ng pasensiya na hinilot niya ang kumikirot na sintido. Marami na nga siyang problema ay dumagdag pa si Zenia.

“Ilan beses ko ba dapat ipaliwanag sa`yo na nanligaw lang sa akin noon si Jonathan at hindi ko sinagot. Ni hindi ko nga tinanggap kahit isa sa mga pagkain at bulaklak na ibinigay niya.”

“Malandi!”

Napailing lang siya at naaawang tiningnan ito. “Pathetic,” malamig na turan niya at tinalikuran na ang babae. Naramdaman naman niya ang pagsunod sa kaniya ni Amethyst.

“Mayaman ka lang at maganda pero ang ugali mo katulad ng sa nanay mo.”

Para siyang sinampal sa narinig. Tumigil siya sa paglalakad at pumihit paharap sa babae.

“Wala akong pakialam kahit murahin mo pa ako pero huwag na huwag mong idadamay ang mommy ko sa galit mo sa akin.” Mariing banta niya dito.

Napaismid ito. “At ano? ipapakita mo sa akin ang pagiging bayolente at maldita

mo? wala naman akong pakialam kahit mapatalsik ako sa eskwelahan ng lolo mo. Mayaman din ang pamilya ko at kaya kong lumipat sa kahit saang eskwelahan ko gustuhin.”

“Right, `eh di lumipat ka na. Mayaman ka lang pero wala kang breeding. Stupid girl.”

“At ikaw? katulad ka ng mommy mong malandi. Ang kwento ng iba ay nilandi lang naman at pinikot ng mommy mo ang daddy mo kaya siya nabuntis. Sino nga naman ang tatanggi sa ganda ng nanay mo, heredera pa—”

“You stupid bitch!” nagdilim na ang paningin niya. Narinig niya ang malakas na pagtili ni Amethyst nang tawirin niya ang pagitan nila ni Zenia. Wala siyang makapang pagtitimpi sa dibdib niya. Ang tanging gusto lang niya ay mailabas ang masakit na emosyon na nararamdaman niya.

“Help!” namutla si Zenia nang umigkas ang isang kamay niya at hinablot ang mahabang buhok nito. Dahil nakapusod pataas ang buhok niya ay hindi ito makaganti sa kaniya. Mas matangkad siya dito kaya hindi siya nito maabot sa tuwing tatangkain siya nitong hilahin.

“Oo, maldita ako, bayolente. Pero hindi ko gagamitin sa`yo ang nalalaman ko sa taekwondo. Huwag kang mag alala. Pagugulungin lang kita sa damuhan para mabawasan naman iyan kakatihan mo.”

“Bitch!” mangiyak ngiyak na mura nito. Sumigaw muli si Amethyst at parang pinipigilan siya. Hindi niya nito pinansin at parang walang naririnig na hinila muli ang buhok ni Zenia. Napaupo ito sa sahig at parang isang mabigat na sako ng bigas na hinila niya ito.

“Itigil mo na iyan!” awat ng kaibigan niya.

No. Masama man ang ginagawa niya ay walang pwedeng makialam na kahit sino. At higit sa lahat ay walang pwedeng yumurak sa pagkatao ng mga magulang niya. Sino si Zenia para laitin nito ang isang taong pumanaw na? Sino ito para pagsalitaan siya ng masakit? Naranasan ba nito na mawalan ng isang ina sa murang edad? Naranasan ba nito ang umiyak sa gabi sa tuwing kumikidlat ng malakas habang naghahanap ng pagkalinga ng isang magulang? Walang kahit sino ang maaaring makaintindi sa kahungkagan at sakit na nararamdaman niya. Kahit pa ang lolo niya. Kahit siya ay hindi niya maipaliwanag ang sakit na iyon na lumalamon sa buong sistema niya.

Wala na siyang ibang nakikita kundi ang mapulang paligid. Kinakain na siya ng matinding galit niya. Kung hindi pa niya naramdaman ang mainit at matigas na mga bisig na pumigil sa baywang niya ay hindi siya matitigilan. Hinihingal sa galit na nagpumiglas siya nang maramdaman na tila umangat siya ng bahagya sa ere.

“Let me go! let me go! you stupid Jerk!” nanginginig sa matinding galit ang buong kalamnan niya.

“Tama na, ano ka ba! hindi ka na naawa sa tao.” Galit na ibinaba siya ni Claud sa lupa. Nagpumiglas siya pero nanatili itong nasa likuran niya at nakayakap ng mahigpit sa tiyan niya. Tumatahip ang dibdib niya dala ng matinding emosyon dahil sa paglalapit ng mga katawan nila. Ipinikit niya ang mga mata at mariinig kinagat ito sa isang braso. Napaigik naman ito at gulat na nabitiwan siya.

Tiningnan niya ng masama si Zenia habang panay ang hikbi nito. Alam niyang umaarte lang ito dahil nang lapitan ito ni Claud para alalayang tumayo ay lumakas pa lalo ang paghikbi nito.

“Huwag mo siyang alalayan, gago ka ba? ako ang amo mo, ako ang dapat na intindihin mo!” bulyaw niya dito. Hindi niya maipaliwanag ang naramdaman niyang emosyon nang makita ang pag akbay nito kay Zenia. Parang gusto na naman tuloy niyang kalbuhin ang babae.

“Okay ka lang naman `di ba? nasaan ang galos mo? parang wala naman.” Pasarkastikong sabi ni Claud. Lumapit si Amethyst sa kaniya at pinigilan siya sa isang braso nang tangkain niyang sugurin ang binata.

Itinago niya ang isang kamay sa bandang likod niya habang nararamdaman niya ang pagtulo ng dugo niya. Kahit mas malakas siya kay Zenia ay mahahaba ang mga kuko nito sa kamay na siyang ginamit nito kanina para labanan siya.

Mariing naitikom niya ang mga labi at matalim na tiningnan ang lalaki. Nakipagtitigan naman ito sa kaniya. Wala siyang takot na maaninag sa mukha nito. At para siyang sinipa sa sikmura nang makita ang pagkamuhi sa mga mata nito.

Narinig niya ang malakas na pagsinghap na Amethyst at nagbaba ito ng tingin sa damuhan. May mga pumatak na palang dugo doon mula sa kamay niya.

“Mare, may sugat ka!”

Hindi siya natinag. Bumakas ang pag aalala sa mga mata ni Claud at tinangkang bitiwan si Zenia para marahil ay lapitan siya. Mariing umiling siya.

“Huwag kang lalapit sa akin, hindi ako mabuting tao kaya hindi ka dapat na lumapit sa akin dahil baka mahawa ka pa. Dalhin mo ang babaeng iyan sa clinic at huwag na ninyong iparating pa ito kay lolo kung ayaw ninyong pare-pareho tayong mapahamak.”

Tinalikuran na niya ang mga ito. Panay ang tawag sa kaniya nila Claud at Amethyst pero parang wala siyang naririnig na patuloy lang sa paglalakad. Nang tuluyan na siyang makalayo ay pinakawalan niya ang malakas na paghagulhol.

Ang sama-sama ng loob niya kay Claud. Hindi man lang siya nito tinanong kanina kung ano ang lagay niya. Mas inuna pa nito ang malanding si Zenia.

Gaga! ikaw na nga ang nambugbog tapos ikaw pa ang may ganang magtampo?

Napaiyak na naman siya. Mas gugustuhin pa niyang mabugbog ng kaaway niya kaysa ganoon na parang pinupunit ang puso niya dahil sa matinding sakit.

Shit! bakit ba malaking issue sa kaniya na hindi sa kaniya kumampi si Claud kundi sa babaeng hipon na iyon?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.