Ilan araw ng hindi maganda ang mood ni Blossom. Nahahalata kasi niya na ilan araw na siyang iniiwasan ni Claud. Ang nakakainis pa ay sumabay pa ang pagkakataon dahil madalas na nakikisabay sa kanila si Cherry sa pagpasok at pag uwi mula sa eskwelahan. Nagbakasyon kasi ang driver nito at ayaw daw nito na magtiwala sa ibang tauhan ng daddy niya. At dahil ayaw niyang masabihan na madamot ay napilitan siyang isakay ito sa kotse niya. Hindi nga niya alam kung kung papaano niya ito natagalan makasama sa loob ng sasakyan sa araw-araw na ginawa ng diyos. Puro kasi kaartehan at pagpaparinig ang ginagawa nito. Hindi na lang niya ito pinapatulan dahil ang buong atensiyon niya ay nakatuon sa binata.
Laking pasasalamat niya dahil pagkatapos ilang araw ay natapos na ang kalbaryo niya. Nakabalik na sa trabaho ang driver ni Cherry kaya maaari na niyang masolo si Claud. Pero hindi rin pala madali ang lahat dahil para lang siyang nakikipag usap sa rebulto. Puro tango at iling lang kasi ang nakukuha niyang sagot mula sa binata.
Sa sobrang sama ng loob ay nagsumbong siya kay Amethyst. Hindi kasi niya matanggap na may lalaking hindi naaakit sa alindog niya. Imposible daw, ayon na rin sa kaibigan niya. Noon pa daw kasi nito nahahalata na attracted sa kaniya si Claud. Madalas daw kasi nitong nahuhuli na nakatitig sa kaniya ang lalaki.
At ang paraan na naisip nila para lang magtapat sa kaniya ng totoong nararamdaman ang binata ay ang paselosin ito. Sana lang ay magtagumpay siya sa plano dahil kung hindi ay mamumundok na lang siya para makaiwas sa labis na kahihiyan.
“Seryoso ka ba sa gagawin mo? tingnan mo nga parang gusto na akong ipatapon sa ilog pasig niyang kasama mo.” Nakangiwing sabi ni Chico sa kaniya. Kabanda niya ito at siyang lead vocalist nila. Kaklase din niya ito at siyang nagpasok sa kaniya sa banda.
“Relax ka lang, harmless iyan.” Sabi naman ni Blossom. Pagkalabas kasi nila ng bar ay nakita agad nila sa parking lot si Claud. Simula nang iwasan siya nito ay palagi lang itong nasa labas ng bar at naghihintay sa kaniya. Sa halip na makihalubilo sa mga tao sa loob ay mas gusto pa nito na mapag isa sa parking lot at magreview ng notes nito.
“Basta ha, ibibigay mo sa akin iyon isang gitara mo.”
“Kapag nagawa mo ng maayos ang trabaho mo, meaning kailangan niyang magselos sa’yo.”
“Naman!” napaungol ito at mas lalong humigpit ang pag akbay sa kaniya. “Sa totoo lang ay may kakaibang epekto na sa akin itong ginagawa natin eh. Katropa kita pero pasensiyahan na lang tayo kapag nagkagusto na ako sa`yo.”
“Shut up!” natawa siya at siniko ito sa bandang sikmura.
“Bakit ngayon ka lang?” ang nakakunot noong bungad sa kaniya ni Claud nang lumapit sila dito ni Chico. Nakaakbay pa rin sa kaniya ang lalaki. Panay ang singhot nito sa buhok niya. Kahit naaalibadbaran na siya sa ginagawa ng kaibigan ay mas pinili niyang balewalain iyon at ituloy ang pagpapanggap.
“Ah, medyo nalasing kasi itong si Chico.”
Tumalim ang tingin nito sa kasama niya. Kung makatingin si Claud ay parang gusto na nitong itapon pabalik ng bar si Chico. Pinigilan niya ang mapangiti. Seryosong tumingin siya sa binata bago muling tumingin sa kabanda niya. “Chics, nasaan na ba ang sundo mo? teka nga—” kung pwede lang sana siyang magreklamo kay Chico dahil nangangalay na ang balikat niya. Alam niyang nahihilo na nga ito dahil lasing na. Pero kailangan ba na ibigay nito sa kaniya ang buong bigat nito?
“Kung ihatid na lang kaya natin siya sa bahay nila?” suhestiyon niya.
“Hindi pwede, ma’am. Ang mahigpit na bilin ng lolo Calixto mo ay si Amethyst lang ang pwede natin isabay sa pag uwi.” Mas malamig pa sa yelo ang tinig na tugon naman nito.
“Ah,” aray ko naman, ma’am talaga? Animo ay dinikdik ng pino ang puso niya. Masyado ba siyang naging honest sa nararamdaman niya kaya muling bumalik ang pagkailang sa pagitan nilang dalawa?
“Pwede naman na doon na lang tayo sa loob ulit ng bar, may kwarto naman doon sa loob si manager at pwede niya iyon ipahiram sa ating dalawa. Alam mo na honey.” Ngumisi si Chico at bumaling ng tingin sa kaniya. Punong puno ng kapilyuhan ang mga mata nito ng tingnan siya. Kahit pagpapanggap lang ang lahat ay parang kinilabutan siya. Kung sa ibang pagkakataon ay baka nagpagulong gulong na ang kaibigan niya sa kalsada. Pero para lang sa misyon niya ay kailangan niyang sakyan ang pag arte nito.
“Sige—ayyy!” napalundag siya sa pagkagulat ng bigla ay napahandusay sa sementadong sahig ang binata. “Anong ginawa mo?” agad na nataranta siya. Balak sana niyang daluhan si Chico pero naging maagap naman si Claud sa pagpigil sa kaniya. Ipinulupot nito ang braso sa tiyan niya at tila walang anuman na binuhat siya at dinala sa loob ng kotse. Nang sumilip siya sa labas ng bintana ay nakita niya na pinagtutulungan nang buhatin si Chico ng mga kabanda nila. Napansin pa niya na panay ang tawanan ng mga ito habang si Chico naman ay parang nakatulala pa rin at hindi makapaniwala sa nangyari.
Sorry na Chico, promise iyong mamahaling electric guitar na ang ibibigay ko sa`yo. Nabangasan tuloy ang mala James Reid mong face. Nakokonsensiyang sabi niya sa sarili.
Malakas na napasinghap siya nang umugong ang makina ng sasakyan at basta na lang iyon pinaharurot ni Claud. Masama ang tingin na nilingon niya ito.
“Ang sama mo, bakit mo sinuntok iyon tao?” bulyaw niya dito.
“Bakit? nagtatanong ka pa? hindi mo ba naiintindihan ang sinabi ng siraulong iyon, ha? dadalhin ka niya sa kwarto. Lasing siya, naiintindihan mo ba ang gusto niyang mangyari?” halos lumabas ang mga litid nito sa galit.
Naku. naku Chico baka pati acoustic guitar na koleksiyon ko ay maipamana ko na sa`yo.
“Wala naman masama—”
“Walang masama? bakit naimprint mo na rin ba siya? ha? ha?” nanggigigil na naihampas nito ang mga palad sa manibela. Nakaawang ang mga labi na pinagmasdan niya ang binata. Nagsisimula na namang maging abnormal ang tibok ng puso niya. Hindi niya maipaliwanag ang emosyon na lumulukob sa kaniya. “Sabi mo gusto mo ako tapos ganito? makikita kita nakikipaglambingan ka sa iba?”
“Eh ikaw ang may kasalanan! sinabi ko na nga sa`yo na gusto kita pero bigla mo akong iniwasan na para akong may nakakahawa at may malalang sakit. Ano sa palagay mo ang iisipin ko?” singhal niya dito.
Itinigil nito sa isang gilid ng kalsada ang kotse at tumingin sa kaniya. Nakita niya ang pagbuhos ng napakaraming emosyon sa kulay berdeng mga mata ni Claud.
“Oo, gusto kita. Gustong gusto. Gusto ka ng nanay ko at ng mga kapatid ko. Bawat parte ng katawan ko tumututol kapag pinipigilan kong linungin ka. Sa palagay ko nga hindi na lang kita basta gusto, lampas na doon ang nararamdaman ko sa`yo. Pero ako ba magugustuhan ng lolo mo? ng mundong kinabibilangan mo—”
Hindi na niya ito pinatapos pa ito sa pagsasalita. Sapat na sa kaniya na marinig dito ang buong katotohanan. Mabilis na dumukwang siya at hinablot ang kuwelyo ng damit nito. Dahil hindi nito inaasahan ang ginawa niya ay agad na sumabay ang katawan nito sa kaniya. Muli siyang napaupo at naisandal ang katawan sa salamin ng kotse nang umibabaw ito sa kaniya. Tila may sariling isip ang mga braso niya dahil kusang yumakap ang mga iyon sa batok ni Claud. Sabik na sinakop niya ang mga labi nito. Tumugon naman ito at niyakap siya ng mahigpit. Ilang ungol ang pinakawalan niya nang maramdaman ang paglalim ng halik nito. Napakainosente ng paggalaw ng mga labi nito na animo ay naghahanap nang pag alalay mula sa kaniya. Bumaha ang matinding emosyon sa dibdib niya.
“A-ang lolo mo,” nag aalangang tanong ni Claud ng saglit na pakawalan nito ang mga labi niya. Umiling lang siya at hinaplos ang mga pisngi nito.
“Saka na natin sila isipin, ang importante sa ngayon ay alam na natin na pareho na tayo nang nararamdaman.” tugon niya. Kumislap na parang diyamante ang mga mata nito. Kinintalan siya nito ng magaang halik sa mga labi at nakontento na lang na yakapin siya ng mahigpit.
Maingat na hinagod naman niya ang likod nito. Nararamdaman niya ang pagtaas baba ng dibdib nito dahil sa matinding intensidad ng mainit na halik na pinagsaluhan nila kanina. Kahit siya ay kinapos din ng paghinga.
Ah damn! bakit pa ba niya iisipin ang magkaibang mundo na ginagalawan nilang dalawa? Wala ng mas importante pa sa ngayon maliban kay Claud at sa natuklasan niya na may katugon ang damdamin niya para dito.