“Hey,”
Napaatras si Claud dahil sa pagkagulat ng maramdaman na may mga palad ang biglang tumakip sa mga mata niya. Agad na napangiti siya at pumihit patagilid saka niya hinapit sa baywang si Blossom. Napahagikhik ito nang ikulong niya ito sa mga bisig niya. Bumaba ang mga palad nito sa magkabilang pisngi niya at tila naaawang tiningnan siya.
“Ang prinsipe ko, mukhang pagod na pagod na,” marahang pinunasan nito ng likod ng palad ang butil ng pawis sa bandang noo niya. Katatapos lang kasi niyang maglinis ng kotse sa garahe kaya medyo pawisan pa siya. Dumiretso lang siya sa dirty kitchen para sana kumuha ng malamig na tubig dahil nauuhaw siya. Nang maalala na pawisan siya ay tinangka niyang bumitiw kay Blossom pero nanguyapit ito sa batok niya.
“Baka may makakita sa atin.” Natatawang turan niya. Umismid lang ito.
“Umalis si Nana Reala para mamalengke. Ang ibang maid naman ay nasa second floor at naglilinis ng mga kwarto.”
“Ah, kaya pala..” kontentong iniyakap niya ang mga braso sa baywang nito. Kahit mahahalata na kagigising pa lang ng dalaga ay lutang na lutang pa rin ang kagandahan nito. “Napuyat ka ba kagabi, mahal na prinsesa?” tanong niya at hinaplos ng isang daliri ang nangingitim na bahagi sa ilalim ng mga mata nito.
“H-ha?” natigagal ito. “Shit! baka ang pangit ko sandali lang maglalagay ako ng cream—”
“Hindi ka pangit, okay?” naiiling na niyakap niya ito. “Sasapukin ko ang magsabi niyan sa`yo.”
“Napuyat ako kagabi ‘eh.”
Napangiti na naman siya. Magdamag silang magkatext kaya kahit siya ay kulang din sa tulog.
“`Tigas kasi ng ulo mo,” aniya at kinintalan ito ng magaang halik sa noo. “Nag almusal ka na? kung hindi pa ay ako na ang maghahanda para sa`yo,”
Pasado alas nuwebe na ng umaga at mamaya pang gabi ang balik ni Don Calixto. Si Cherry naman ay nakita niyang maagang umalis kanina dahil may photoshoot daw ito.
“Sasabayan mo ako? pero dito ko gustong kumain, ayoko sa dining area.” Naglalambing na wika ng nobya. Tumango naman siya.
“Sige.”
Ilan sandali pa at naging abala na siya sa pagluluto. Nakaupo lang ito sa kitchen counter at nakangiting pinagmamasdan siya. Inilapag na niya sa marmol na mesa ang iniluto niyang ham at sinangag. Lumapit siya sa dalaga. Yumakap ang mga braso nito sa batok niya. Pinangko niya ito at maingat na iniupo sa isang silya.
“Kain na.” Alok niya. Pagkatapos niyang lagyan ng malamig na juice ang baso nito ay naupo na siya sa silyang katapat nito at sinaluhan ito sa pagkain. Napakaraming kwento ni Blossom sa kaniya. Tuwang tuwa ito sa isang pocketbook daw na hiniram nito sa isang kasambahay. Ngayon lang daw nito nagawang magbasa ng tagalog pocketbook at alam niyang nagustuhan nito ang kwentong nabasa dahil nagniningning pa ang mga mata nito na tila kinikilig.
“Princess.”
“Hmmm?” excited na tumingin ito sa kaniya. Nang makita ang bilugang mga mata nito ay may hindi maipaliwanag na damdamin ang lumukob sa kaniya.
“Ano kaya kung sabihin na natin sa lolo mo ang tungkol atin? sa tingin mo magagalit siya sa atin? sa akin?” lakas loob na tanong niya.
Nakita niya ang pagdaan ng pagkagulat at takot sa mga mata nito. Parang may kutsilyo ang biglang tumarak sa mismong tapat ng puso niya. Alam na niya ang sagot. Kung siya lang ang masusunod ay nakahanda siyang humarap sa matanda. Ganoon kahalaga sa kaniya si Blossom. Pero napakaraming bagay din ang kinatatakutan niya. Papaano kung ilayo sa kaniya ni Don Calixto ang apo nito? may magagawa pa ba siya? wala siyang yaman na katulad ng mga ito. Sa oras na tumutol ang lolo ng nobya niya sa relasyon nila ay tiyak na mawawala ito sa kaniya. At hindi niya kakayanin iyon.
*********************************************************************************************************
Lumipas ang ilan linggo na naging maingat si Blossom sa pagtatago ng relasyon nila ni Claud sa lolo Calixto niya. Kahit gusto na niyang ipagsigawan sa buong mundo na mahal niya ang nobyo ay hindi niya iyon basta magawa. Natatakot siya na gumawa ang lolo niya ng paraan para mapaghiwalay silang dalawa ni Claud. Pero hindi na rin naman niya kayang makita ang paghihirap at pagkailang ng nobyo sa tuwing kinakausap nito ang lolo niya. Kahit siya ay nakokonsensiya na. Kaya kahit nag aalangan ay isang desisyon ang nabuo niya.
“Surprise!”
Agad na nanlaki ang mga mata ni Blossom nang tumambad sa kaniya ang nagkalat na mga petals sa sahig ng rooftop building ng campus. Nakatalay ng maayos ang ilan pang mga petals para makabuo ng ilang letra. Nang basahin niya ang mga letrang iyon ay malakas na napasinghap siya.
“Y-you love me?” maluha luhang pumihit siya paharap kay Claud. Dinala siya nito sa rooftop building dahil naroon daw ang sorpresa nito sa kaniya para sa unang buwan ng monthsary nila. Napagkasunduan nila na sa halip na gumastos sila sa regalo na katulad ng ginagawa ng ibang magkasintahan ay magbibigay na lang sila ng malaking sopresa para sa isa’t isa.
Tumango naman ang lalaki at buong pagmamahal na pinagmasdan siya.
“Yes, I love you, Princess.”
“T-talaga?”
Hindi makapaniwalang pinagmasdan niya ang gwapong mukha ni Claud.
“Bakit parang gulat na gulat ka?”
“Ngayon mo lang kasi sinabi sa akin na mahal mo ako.” hindi niya mapigilan ang pagpatak ng mga luha niya.
“Sabi ko naman sa`yo `di ba may sorpresa ako sa`yo ngayong first monthsary natin. Pero alam ko naman na kung ikukumpara sa mga mamahaling regalo na natanggap mo mula sa iba ay—”
“No!” mariing umiling siya at masuyong sinapo ang mga pisngi nito. Bumaha ang hindi maipaliwanag na emosyon sa dibdib niya nang magtama ang mga mata nila. “This is priceless! Walang katumbas na halaga ang sorpresa na ibinigay mo sa akin. At oo mahal din kita.”
Saglit na napaawang ang mga labi ni Claud. Hindi makapaniwalang pinagmasdan siya. Kontentong sinalubong naman niya ito ng tingin. Pakiramdam niya ay saglit na tumigil sa pag ikot ang mundo niya ng mga sandaling iyon. Para siyang hinihigop ng magandang pares ng mga mata nito. Dinig niya rin ang nakakabinging tibok ng puso niya.
Impit na napatili siya nang pumaikot ang mga braso ng binata sa baywang niya. Inangat siya nito at ilan beses na ipinaikot sa ere. Pinuno ng masayang tawanan nila ang buong rooftop. Alam niya na siya na ang pinakamasaya at kontentong nilalang ng mga oras na iyon. Isa siyang prinsesa at ang lalaking kasama niya ay ang pinakamamahal niyang prinsipe.
Malakas na napasinghap siya ng hindi sinasadya ay malaglag ang suot niyang baseball cap. Parehong nanlaki ang mga mata nila ni Claud nang sumabog sa mukha at balikat niya ang mahaba at itim na itim na buhok niya.
Maingat na ibinaba siya nito at nalilitong tumingin ito sa kaniya. Tumatahip ang dibdib na nagpaliwanag naman siya.
“Ito na iyon sorpresa ko sa`yo. Next week ay uuwi na si lolo from Baguio kaya pwede na natin siyang makausap tungkol sa ating dalawa. Nakahanda na akong ipagtapat sa kaniya ang tungkol sa relasyon natin. Ibinalik ko ang dating kulay ng buhok ko kasi gusto kong ipakita kay lolo na nagbago na ako, na binago mo ako.”
Ilan beses na kumurap ang mga mata nito. Naipikit niya ang mga mata nang maingat na hinaplos nito ang ilang hibla ng mahabang buhok. Ginawaran siya nito nang magaang halik sa mga labi.
“Happy first monthsary,” anas nito ng saglit nitong pakawalan ang mga labi niya. Dahan dahan niyang iminulat ang mga mata. “I love you, princess.” Nagniningning ang mga matang wika nito.
“I love you too, my prince.”
Hindi niya alam kung papaano niya pagkakasyahin ang lahat ng emosyon na nagsusulputan sa dibdib niya ngayon. Isa lang naman ang hiling niya: na sana sa mga susunod na monthsary at anniversary nila ay mas maging masaya pa sila.