Isang tawag ang natanggap ni Blossom mula kay Cherry kaya kahit alas dos na ng madaling araw ay napilitan siyang tumakas ng mansiyon para lang mapuntahan ito sa club. Mabuti na lang at gising pa si Nana Reala at madali niya itong napakiusapan na tulungan siyang makaalis ng mansiyon.
Marahas na napabuntong hininga siya. Ilan araw na niyang napapansin ang pagbabago sa mga kilos ng kakambal niya. Madalas na ginagabi ito ng uwi at ang palagi nitong dahilan ay ang trabaho nito bilang modelo. Dahil wala ang lolo nila ay malaya nitong nagagawa ang kahit anong gusto nito. Pero sa halip na matuwa ito ay napapansin niya palagi itong nakatulala at tila malalim ang iniisip.
Nang makarating siya sa club ay nagmamadaling bumaba na siya ng taxi. Lakad takbo ang ginawa niya nang makapasok siya sa loob ng club para hanapin si Cherry. Nang makita niya sa isang madilim at tagong sulok ng club ang kakambal ay patakbong nilapitan niya ito.
“Ate?” agad na nagsikip ang dibdib niya nang mapansin na parang kagagaling lang nito sa pag iyak. Mugtong mugto pa ang mga mata nito.
“Blossom!” napahagulhol ito nang makita siya. Inalalayan niya itong tumayo dahil lasing na ito. Patunay na ang ilang bote ng alak na nakita niya sa mesa nito. Pawisan na siya at hinihingal nang makalabas silang dalawa ng club.
“Ano ba ate Cherry, bakit mo ginagawa ito? nasaan ang driver mo?” naiinis na tanong niya dito.
“Pinaalis ko muna, ang sabi ko balikan na lang niya ako dito sa club kapag tinawagan ko na siya.”
“Bakit mo ginawa iyon? alam mo ba na pwedeng mapahamak at matanggal sa trabaho ang driver mo sa oras na malaman ni lolo ito?” pagalit na tanong niya.
“A-alam ko,” mangiyak ngiyak na nagbaba ito ng tingin. “Sinuhulan ko siya para huwag magsumbong.”
“Ate naman eh!” inis na naikuyom niya ang mga palad. “Tawagan mo na ang driver mo, umuwi ka na.”
“Blossom, please? kailangan ko ng tulong mo, please.” Nagsimulang umiyak si Cherry. Pinigilan siya nito sa isang braso at saka ito muling nagsalita.
“Ayokong magalit sa akin si lolo, baka itakwil niya ako kapag nalaman niya ang ginawa ko. N-natatakot ako Blossom.”
“A-anong ibig mong sabihin?” nalilitong hinawakan niya sa magkabilang balikat ang kakamba.
“K-kami na na ni Phil,”
“Si Phil?”
Shit. Iglap lang ay ilang mura na ang pinakawalan niya. Ano ang ginawa ng ex boyfriend niya sa kakambal niya? bakit ganoon na lang kung umiyak ngayon ang ate Cherry niya?
“Maniwala ka sa akin Blossom, sinagot ko lang naman siya dahil alam ko na naging kayo noon. Ang gusto ko lang naman ay ang galitin ka noong una.”
“Pero bakit mo ginawa iyon?” hindi niya mapigilan ang muling pagtataas ng tinig.
“Dahil naiinggit ako sa`yo!” umiiyak na sigaw nito. “Naiinggit ako sa`yo dahil malaya kang gawin ang lahat ng gusto mo habang hindi mo iniisip ang sasabihin ng ibang tao. Samantalang ako kailangan kong maging perpekto sa paningin ng lahat dahil palagi nilang sinasabi na ako ang nagmana kay mommy. Naiinggit ako sa`yo dahil mas paborito ka ni Daddy.”
“Kailangan ba talaga na umabot tayo sa ganito?” punong puno ng hinanakit na tanong niya.
“Hindi na iyon ang importante sa ngayon. Makinig ka sa akin.. please.. nakikiusap ako…” nagsimulang maging malikot ang mga mata ni Cherry. Hinawakan nito ng mahigpit ang mga palad niya at umiiyak na nagsalita ito.
“P-pinilit ako ni Phil na gumamit ng drugs—”
“Shit!” malakas na napamura siya dahil sa labis na pagkagimbal.
“Maniwala ka hindi ko ginusto iyon. Pero sa ilang beses na nakasama ko si Phil ay parang hinahanap hanap na ng katawan ko ang droga. Ngayon ay tinatakot niya ako dahil marami daw siyang ebidensiya laban sa akin at kapag hindi ako nagbigay ng isang milyon ay sasabihin niya kay lolo ang lahat ng nalalaman niya.”
“Saan tayo kukuha ng isang milyon?” nanlulumong bulalas niya. Kahit napakayaman ng pamilya na pinagmulan nila ay hindi naman sila maaaring humawak ng ganoon kalaking pera.
“Hindi ko alam, binigyan lang niya ako ng dalawang araw para maibigay sa kaniya ang hinihingi niya.”
Marahas na napabuntong hininga siya at niyakap ang kapatid nang mapansin niya ang panginginig ng buong katawan nito. Alam niyang mukhang pera si Phil at isa iyon sa napakaraming dahilan kung bakit hindi niya ito sineryoso noon. Nalaman kasi niya mula sa isang kakilala na ilang babae na ang nagawa nitong iblackmail para lang magkaroon ito ng pera. Tagilid na daw kasi ang kompanyang pag aari ng pamilya ni Phil kaya dumidiskarte ito para matustusan ang mga luho nito. Dahil hindi naman malalim ang naging relasyon nila ay agad na nakipaghiwalay na siya dito dahil alam niya na siya na ang sunod na prospect nito noon.
“Sabihin mo sa akin kung anong gagawin ko? ayokong magalit sa akin si lolo. Ayokong mapahiya sa mga tao.”
Maging siya ay napaiyak na rin. “H-hindi ko alam…” mahinang anas niya. Kung may magagawa lang sana siya para malutas na ang problema nila kay Phil.
Nang umuwi sila ay sa likod pa rin siya ng mansiyon dumaan dahil ayaw niyang malaman ng mga tauhan ang pag alis niya ng walang paalam. Tiyak na malalagot siya sa lolo niya.
Pero hindi niya inaasahan na madaratnan niya si Claud sa dirty kitchen. Nakayukyok ang ulo nito sa mesa at marahil ay nakatulog na ito habang hinihintay siya. Naaawang nilapitan niya ang nobyo.
“C-claud?” mahinang anas niya at maingat na hinaplos ang pisngi nito. Naalimpungatan naman ito at nang makita siya ay pupungas pungas itong tumayo.
“Princess, ano ba ang nangyari? saan ka nanggaling? Ang sabi sa akin ni nana Reala ay umalis ka daw kanina.”
May munting mga palad ang tila humaplos sa puso niya nang makita ang pag aalala sa maamong mukha nito. Kung mayroon man nakakaalam ng tungkol sa relasyon nila ay tanging sila Amethyst at Nana Reala lang. Sa susunod na mga araw ay hindi na lang ang dalawang tao na malapit sa kaniya ang makakaalam ng lahat. Buo na ang pasiya niya ngayon na ipagtapat ang lahat sa lolo niya.
Pero nang maalala ang problema niya sa kakambal ay bigla siyang natigilan. Papaano niya kakausapin ang lolo Calixto niya ngayon kung may problema naman na haharapin ang pamilya nila?
Malungkot na napabuntong hininga siya at nag angat ng tingin kay Claud.
“Pahinga ka na ha? saka na lang tayo mag usap,” sabi na lang niya at pilit na ngumiti sa nobyo. Umiling lang ito at kinabig siya patungo sa mainit na mga bisig nito. Tila doon lang niya naramdaman ang pagod at nang maramdaman niya ang init na nagmumula sa katawan nito ay nahahapong ipinikit niya ang mga mata.
“Hindi na muna ako magtatanong, ang gusto ko lang sa ngayon ay ang magpahinga ka na dahil maaga pa ang pasok natin mamaya,”
Malakas na napasinghap siya nang buhatin siya nito. “Teka, baka may makakita sa atin!” pigil ang paghingang turan niya. Muli ay umiling lang ang lalaki.
“Wala naman nagbabantay sa may hagdan kasi lahat sila ay nakabantay sa main gate,”
“Talaga, mahal?”
“Mahal?” halatang nabigla ito pero mayamaya ay napangiti din. “Ang sarap pakinggan, mahal,”
Dahil sa matamis na ngiti ng kasintahan ay nabawasan ang pag aalala sa dibdib niya. Kinabig niya ito sa batok at dahan dahan niyang naipikit ang mga mata nang sakupin nito ang mga labi niya.
“I love you, mahal.” Anas niya ng saglit na kumawala siya sa mga halik nito para makasagap ng hangin.
“I love you too, princess.”