Chapter BLOSSOM IN MY HEART 8.2

Lumipas ang dalawang araw pero hindi umuwi si Cherry sa mansiyon at kahit saan ay hindi ito mahagilap ni Blossom. Ang sabi ni Nana Reala ay hindi naman daw dapat siya mag alala sa kakambal dahil tinawagan ni Cherry ang lolo nila para magpaalam. May photoshoot daw kasi ito sa Subic at ilang araw na mawawala.

“My god, Amethyst, apat na araw na ang nakalipas pero wala pa rin akong balita kong naayos na ni Cherry ang problema niya kay Phil.” nag aalalang sabi niya sa kaibigan. Dito lang niya ipinagtapat ang problema ng kakambal niya. Umaasa siya na bago pa nila maipagtapat ni Claud sa lolo niya ang tungkol sa relasyon nila ay maaayos na ni Cherry ang problema nito.

“Ano ba naman kasi iyan kakambal mo ‘eh, masyadong malandi.” Nakaingos na sabi naman ni Amethyst.

“Ayokong basta na lang sisihin ang kakambal ko. Siyempre kahit hindi kami magkasundo ay hindi na magbabago ang katotohanan na magkapatid pa rin kami.”

May naisip na siyang paraan para malutas ang problema ni Cherry. Maaari itong lumapit sa daddy nila. Pero iyon ay kung sasagutin ng ama ang tawag na nanggaling sa kanila. Agad na nanlumo siya nang maalala ang mahigpit na bilin ng ama na huwag na muna silang tumawag dito dahil para na rin daw iyon sa kaligtasan nila ni Cherry.

“Magkakambal nga kayo pero magkaibang magkaiba naman kayo ng ugali. Mas mabuti nga noong nagpakulay ka ng pulang buhok medyo tinantanan niya ang pakikipaglandian sa mga club habang ginagamit niya ang pangalan mo.”

“A-ano?”

“Oo,” padabog na ibinagsak ni Amethyst ang mga kamay sa armrest ng silya. “Kahapon ko lang din nalaman sa isang kakilala ko. Palagi ka daw nilang nakikita sa isang club at kasama mo pa si Phil. Siyempre alam ko naman na hindi ikaw iyon. Ang malanding kakambal mo ang may pakana ng lahat. Ibinalik mo lang sa dating kulay ang buhok mo ay nagkalat na naman siya ng lagim!”

Hindi makapaniwalang tiningnan niya ang kaibigan. Agad na naikuyom niya ang isang palad. Kung naroon lang ang kakambal niya sa harap niya ngayon ay baka nabigyan na niya ito ng mag asawang sampal.

“Naku tara na nga, nagugutom na ako ‘eh, kain na muna tayo para naman mawala na ang badtrip mo.” Anito. Dahil nakatulala ay tila wala sa sariling tumango na lang siya. Hinila siya nito palabas ng classroom. Ngunit bago pa man nito pihitin ang seradura ng pinto ay narinig niyang tumunog ang cellphone nito. Tumigil si Amethyst sa tapat ng pinto at tiningnan ang natanggap na mensahe.

Habang siya naman ay nakatulala. Napakaraming bagay ang tumatakbo sa isip niya. Ang sabi ni Amethyst ay madalas na nasa club si Cherry at nagpapanggap bilang siya. Papaano kung pati kay Phil ay nagpanggap din ito? hindi naman ito mahihirapang gawin iyon dahil maliban sa iisa lang ang mukha nila ay may ilang linggo na siyang walang balita sa lalaki. Ang alam lang niya ay tumigil na ito sa pag aaral at mas piniling magbulakbol. Papaano kung ang iniisip ni Phil ay siya ang kasama nito madalas at hindi si Cherry?

Biglang sumasal ang tibok ng puso niya nang marinig niya ang malakas na tili ni Amethyst.

“B-bakit?” nalilitong tanong niya. Nanginginig ang mga palad na inabot nito sa kaniya ang cellphone nito. Ilang beses siyang napamura dahil sa matinding galit sa kakambal niya. Tama ang kutob niya na hindi nito inayos ang problema nito kay Phil.

Kitang kita niya sa video si Cherry at si Phil. Magkatabi ang mga ito sa kama at parehong mga walang saplot habang may hawak na drug paraphernalia si Cherry. May kung anong itinurok si Phil kay Cherry at mayamaya lang ay parang nawala na ito sa sarili. Tumatawa na ang mga ito. Halos masuka siya sa pagkamuhi nang umibabaw si Phil kay Cherry. Nagsimulang magtalik ang mga ito. Halos mawalan siya ng lakas nang marinig niyang umungol si Phil sa video habang tinatawag nito ang pangalan niya.

“Mare…” maging si Amethyst ay umiiyak na.

“Mga hayup! Mga hayup sila! a-anong ginawa ko sa kanila, bakit nila ako sinasaktan. Mga baboy sila!” umiiyak na sigaw niya. Nanginginig man ang buong katawan dahil sa matinding galit ay pilit na pinihit niya ang seradura ng pinto. Sinubukan siyang pigilan ni Amethyst pero hindi niya ito pinansin at nagpasiyang lumabas na ng silid. Halos lumubog siya sa kahihiyan nang makita niya ang ibang mga estudyanteng naroon at tila hindi makatingin ng diretso sa kaniya sa tuwing masasalubong siya. Ang iba pa nga ay alam niya na pinagtatawanan na siya dahil ang akala ng mga ito ay siya ang babae sa sex video.

Anong ginawa ko sa`yo ate? bakit mo ginawa sa akin ito? wala na ba talaga akong halaga sa`yo?

Tila wala na siya sa sarili habang naglalakad siya. Walang direksiyon ang mga paa niya. Nang lumiko siya sa kabilang building ay natigagal siya nang mapansin na nakarating na pala siya sa Criminology department ng hindi niya namamalayan.

Kusang umatras ang mga paa niya nang makita niya si Claud na tumatakbo palapit sa kaniya. Sinubukan niyang iwasan ito pero unti unti nang nawawalan ng lakas ang mga paa niya. Pasimpleng pinahid niya ng likod ng palad ang mga luha sa magkabilang pisngi niya at blangko ang mukha na tumingin siya sa lalaki.

“Princess..” pawisan na ito nang makalapit sa kaniya. Sinapo nito ang mga pisngi niya at animo ay may bumaon na matalim na bagay sa dibdib niya nang makita ang kakaibang takot at pag aalala sa mga mata nito. Nasisiguro niya na alam na nito ang ginawa ni Cherry. Pero maniniwala ba ito sa kaniya kapag itinanggi niya na siya ang babae sa sex video?

“Ipaliwanag mo sa akin ang totoo, sabihin mo na hindi ikaw ang—”

“Ang ano?” nagsisikip ang dibdib na tanong niya. Halos hindi nito magawang ituloy ang huling sasabihin nito kaya mas mabuti ng siya na ang magpatuloy. “Na hindi ako ang babae sa sex video? Paano kapag sinabi ko na hindi nga ako, maniniwala ka ba sa akin?”

“Maniniwala ako sa`yo dahil mahal kita,”

Marahas na napabuntong hininga siya. Kahit para na siyang unti unting namamatay sa matinding sakit ay mas nanaisin pa niya na malayo dito kaysa kasama niya itong malubog sa kahihiyan. Ayaw niyang makita itong nahihirapan ng dahil lang sa kaniya.

“Pwes, hindi kita mahal. Nagising na ako sa katotohanan,” tiningnan niya ito ng diretso sa mga mata. “S-si Phil ang totoong mahal ko.”

Natigagal ito. “H-hindi..” bumaba ang mga palad nito sa magkabilang balikat niya. “Hindi totoo iyan, sabihin mo sa akin na hindi totoo iyan!” nangatal na ang mga labi ni Claud at nagsimula nang pumatak ang mga luha nito.

“Natauhan na ako, hindi tayo bagay. Kahit kailan ay hindi ako pwedeng bumaba sa level mo. Hindi ka rin naman pwedeng umakyat sa level ko. Magkaiba tayo ng mundong ginagalawan. Masyado kang mabait, masyado kang masunurin. Hindi ang mga katulad mong lalaki ang gusto ko. Iyon sex video, wala na lang iyon sa akin. Maaayos naman agad iyon ni lolo, for sure.”

Tila napapasong bumitiw ito sa kaniya.

“M-masaya ka ba sa mga sinasabi mong iyan?” may kislap ng pagkamuhi ang mga matang tanong nito sa kaniya.

“Oo.” Malamig na tugon niya at nag iwas ng tingin dito. Tumalikod ito at umiiyak na sinuklay nito ng marahas ng mga daliri nito ang buhok nito. Napaatras siya nang marinig ang galit na pagsigaw nito. Pilit na hinakbang niya ang mga paa. Pinilit niya ang sarili na lumayo sa lugar na iyon dahil ayaw niyang marinig pa ang pag iyak ni Claud. Ayaw niyang makita itong nasasaktan. Nang makarating siya sa main gate ng campus ay nakita naman niya si Amethyst.

“Mare kanina pa kita hinahanap,” nag aalalang dinaluhan siya nito nang mapansin nito na parang nakatulala na siya. Nang lumingon siya sa kaibigan ay muli niyang pinakawalan ang masaganang mga luha niya. Parang tinutusok ng napakaraming bakal ang puso niya ng mga sandaling iyon. Hindi siya makahinga ng maayos. Pakiramdam niya ay para siyang nalulunod at may kung anong malaking bato ang bumara sa lalamunan niya.

“Mare! namumutla ka na!” tili ni Amethyst. Muli pa itong napatili ng malakas ng tuluyan nang umikot ang paningin niya at nawalan siya ng malay sa mga bisig nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.