Chapter BLOSSOM IN MY HEART 9.1

Seven years later…

“Mare, tingnan mo itong kachat ko `oh, si Zac Apron.”

“Naku Mars, ansabeh ni Zac Apron mo dito sa kachat kong si Lee Min How? Chinese daw mare, baka alukin na ako ng kasal.”

Mula sa pagsusulat ng kanta ay hindi makapaniwalang tiningnan ni Blossom ang dalawang kaibigan niya.

“Mga luka-luka,” naiiling na wika niya. Nakairap na tumingin sa kaniya si Amethyst. “Sa tingin ninyo pupunta sila dito sa bansa natin para lang makipaglandian sa inyo?” nakakunot noong tanong niya.

“Sauce! Ganiyan talaga kapag bitter, hayaan mo iyan, ituloy na natin ang ganap ‘te.” Natatawang lumingon ang kaibigan niya sa pinsan nito na si Carmen.

“Hoy, Carmencito—”

“Carmen po,” tugon ng bakla. Hindi nito magawang alisin ang mga mata sa hawak nitong iPad.

“Magkadugo nga kayo.” Niyakap niya ang katawan ng gitarang hawak niya at walang imik na pinagmasdan ang mga ito. Pitong taon na niyang kasama sa townhouse ang dalawa kaya halos kabisado na niya ang pag uugali ng mga ito.

Nakaupo sa mahabang sofa ang magpinsan habang siya ay naroon naman sa single couch. “Kapag sinagot ko ba si Zac Apron sa tingin mo isasama niya ako sa US of A?” tanong ni Carmen sa kaniya.

“Pwede rin o baka sa ibang US of A ka niya isama?” sagot niya.

“Ay bonggabels! saan?” kinikilig na napapalakpak pa ito.

“Parang ewan kung pumalakpak ang beauty ni bakla, halatang umaasa.” Pang aasar ni Amethyst sa pinsan.

“Sa United State of Africa,” seryosong wika niya.

“Gaga, walang ganoon, o baka nga hanggang Aklan lang ang beauty niyan at hindi na lumabas pa ng mapa ng Pilipinas.”

“Ikaw ang totoong US of A!” asik ni Carmen kay Amethyst. “Pwede ka nang magtayo ng kontinente sa sobrang dami ng mga lalaking nilandi mo.”

“Gaga ka talaga, nilandi ko lang sila pero kailanman ay hindi nila ako natikman.”

“Virgin ka pa?” gulat na tanong niya kay Amethyst.

“Naku, ilong na lang ang virgin diyan kay Ameng. Pero kung naglalabas nga lang ng semilya ang daliri niyan sa kamay malamang nabuntis na ang ilong niyan.”

Napahagalpak sila ng tawa ni Carmen. Nabitiwan niya ang gitara at tumatawang nahulog siya sa sahig nang alugin ni Amethyst ang bandang ilalim ng couch na inuupuan niya. Si Carmen naman ay umilag sa bawat hampas ng pinsan nito.

“Mapanakit ang virgin ‘te!”

Mayamaya pa ay muling natahimik na naman ang dalawa at naging abala sa kaniya kaniyang iPad. Samantalang siya ay nanatiling nakahiga sa sahig at tahimik na nakatitig sa kisame. Kanina lang ay napakasaya ng pakiramdam niya na parang sasabog na sa sobrang tuwa ang dibdib niya. Pero bigla na lang siyang nalungkot nang maalala kung anong araw ngayon. Hindi sinasadyang napatingin kasi siya sa kalendaryo at nang maalala na iyon ang parehong araw na naglayas siya sa poder ng lolo niya may ilang taon na ang nakakaraan ay bigla siyang natigilan.

Sa tuwing naaalala niya ang nakaraan ay hindi maiwasan na bumalik sa kaniya ang sakit na naramdaman niya noon. Sa mismong araw na kumalat ang sex video ni Cherry ay umuwi naman sa mansiyon ang lolo Calixto niya. Gusto sana niyang magpaliwanag sa abuelo pero nawalan na siya ng pag asa dahil sa masamang balita na natanggap nila. Isinugod si Cherry sa ospital at ayon sa eksamin na lumabas ay nag agaw buhay ito matapos mag overdose sa ipinagbabawal na gamot.

Hindi humingi ng kahit anong paliwanag ang lolo niya mula sa kaniya. Alam niyang nasaktan ito sa nangyari at sa problemang idinulot nila ng kapatid niya. Ginamit nito ang kapangyarihan at ang pera para matapos na ang kahihiyang ibinigay ni Cherry sa pamilya nila. Ang balita niya ay ipinakulong nito si Phil at si Cherry naman ay balak nitong dalhin sa isang pribadong rehabilition center sa America. Ang plano sana ng lolo niya ay isama siya para sa ibang bansa na mag aral pero naging mariin ang pagtanggi niya. Nagtalo sila at sa bandang huli ay hindi sinasadyang napagbuhatan siya nito ng kamay. Nakonsensiya marahil ang lolo Calixto niya sa ginawa nito kaya nang hilingin niya na gusto niyang mamuhay ng mag isa at kalimutan na muna ang pamilyang pinagmulan niya ay napilitan itong sumang ayon.

Pitong taon na pala ang nakalipas at hanggang ngayon ay hindi pa rin niya natutupad ang pangako niya sa lolo niya na babalik siya. Kahit buwanan siyang tumatanggap ng allowance na ipinapadala nito sa ATM niya ay hindi niya kailanman sinubukang bisitahin o tawagan ito. Hindi siya galit sa lolo Calixto niya kahit hindi naging maganda ang huling pag uusap nila noon. Mas pinili lang niya na lumayo sa pamilya niya dahil alam niya na sa ganoong paraan niya muling mahahanap ang sarili niya.

Kinalimutan niya kung sino siya at kung anong klase ng pamilya ang pinagmulan niya. Nag aral siya sa isang State university at nakapagtapos sa kursong Education. Sa ngayon ay isa na siyang teacher sa nursery school na malapit lang sa townhouse nila sa bayan ng Mondemar. Tahimik ang bayad na iyon at kahit malayo sa Maynila ay komportable ang buhay na mayroon sya ngayon.

Isang buwan na siya noon na nangungupahan sa town house nang malaman niya na hindi na itinuloy ni Amethyst ang pag aaral ng kolehiyo. Kinumbinsi niya ito na tumira na lang sa town house niya para may kahati siya sa bayad sa upa. Si Carmen naman ay nagmigrate na sa States ang buong pamilya kaya mas piniling manatili sa sariling bansa at tumira kasama nila ni Amethyst. Kahit parehong nagmula rin sa mayamang pamilya ang magpinsan ay pinandigan ng mga ito ang pagiging independent at nagtayo ng maliit na parlor sa katabing commercial building ng townhouse nila.

Sa totoo lang ay hindi naging madali ang buhay niya. Naranasan niya na pagtawanan at insultuhin ng mga tao dahil sa sex video ng kakambal niya. Kung wala siguro sa tabi niya ang magpinsan ay baka tuluyan na siyang nawala sa sarili at mas piniling magpadala sa depresiyon niya noon.

“Buksan mo nga ang Tv bilis! Sabi dito sa post ng isang kakilala ko sa Facebook ay may gwapong abogado daw ngayon na guest sa ‘Laban lang, bayan!’. Jusko! magaling daw magbigay ng legal advice si handsome attorney at baka kamukha pa ni Zac Efron, bilis!” parang reynang utos ni Amethyst kay Carmen. Tumayo naman ang huli at nagdadabog na binuksan ang malaking flatscreen TV.

Ilan sandali pa at narinig niya ang pagtitilian ng dalawang bakla. Gulat na napabalikwas naman siya ng bangon.

“Ameng, bugbugin mo ako! kahit iyon tipong hindi na ako makabangon at papunta na ako sa pagkacomatose. Tapos idedemanda kita, siya ang kukunin kong abogado. Jusko! namimilipit ang invicible matris ko. Kailangan ko yata ng sanitary napkin dahil baka duguin ako mga mars. Ang gwapong abogado nga!”

Gwapo nga. Halos magdugo na ang mga labi niya nang kagatin niya ng mariin iyon.

Napakagwapo nga ng lalaking nagsasalita sa Tv habang ipinapaliwanag nito sa kausap nitong TV host ang tungkol sa maaaring ikaso ng isang babae sa taong nagkalat ng sex video nito at ng boyfriend nito.

Damn! ilan beses siyang napalunok habang nakatutok pa rin ang mga mata niya sa monitor ng Tv. Pinigilan niya ang pagpatak ng mga luha niya at mariing naikuyom niya ang kaliwang palad. Parang pinupunit ng mariin ang puso niya ng mga sandaling iyon. Hindi maipaliwanag na sakit ang lumukob sa kaniya nang mapagmasdan ang pamilyar na mukha ng dating nobyo.

Claud… mariing naipikit niya ang mga mata. Ilan taon na niya itong pilit na ibinaon sa alaala niya at ngayon na nakita niya ito sa TV ay parang muli na naman bumalik sa kaniya ang lahat ng sakit at pangungulila dito.

Ah! hanggang kailan ba siya patuloy na uusigin ng konsensiya at pahihirapan ng mga alaala nito?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.