Chapter BLOSSOM IN MY HEART 9.2

“Hanggang kailan ba tayo dito mga mars?”

Malakas na napapalatak si Blossom nang marinig ang tanong ni Amethyst. Mangiyak ngiyak na ito habang si Carmen naman ay panay ang talak. Isang marahas na buntong hininga ang pinakawalan niya bago tiningnan ng masama si Elena na siyang may kasalanan kung bakit sila dinampot lahat ng mga baranggay tanod.

Dalawang linggo na ang nakalipas nang magbukas ito ng parlor sa katapat na building nila. Wala naman sanang problema iyon sa mga kaibigan niya. Hindi naman daw kasi nakikipagkompetensiya ang magpinsan dahil mas kilala na at maraming customer ang mga ito. Pero masyadong maldita si Elena at nalaman na lang nila na sinisiraan pala nito ang parlor sa ibang mga taga roon sa kanila. Mga peke daw ang gamot na ginagamit ng magpinsan sa pagkukulot at pagrerebond ng buhok kaya may iba na lumipat na lang sa parlor ni Elena.

Nang malaman iyon ni Carmen ay agad na lumusob ito sa kabilang parlor. Hindi naman itinanggi ni Elena ang paratang dito at doon na nga nagsimulang magkagulo. Nagwala na kasi si Carmen at hindi naman nagpatalo ang huli. Nagsabunutan ang mga ito at nagpagulong gulong sa kalsada. Wala naman sana siyang balak na makisali sa gulo at pipigilan pa nga sana niya sa pakikipagbasagan ng mukha ang mga kaibigan niya. Pero agad na nag init ang ulo niya nang makita niyang dumating ang boyfriend ni Elena kanina at inundayan nito ng suntok sa sikmura si Carmen. Nang umawat naman si Amethyst ay sinapak ito ng lalaki sa mukha. Sa galit niya ay pinatulan niya ang mayabang na lalaki. Bago pa dumating ang mga tanod kanina ay nabugbog na niya ito. Puro pasa na nga ito at namamaga ang mukha ng dalhin silang lahat sa opisina ng baranggay.

“Kapitana, baka naman po pwedeng pag usapan na lang? hindi po ba?” pakiusap niya sa matandang Kapitana ng baranggay nila.

“Naku, ikaw naman kasi Ma’am Blossom. Teacher ka pa naman at dapat lang na hindi ka nadadawit sa mga ganitong kaguluhan.”

“Kapitana naman, iisipin ko pa po ba iyon kung ganitong nasa kapahamakan na ang mga kaibigan ko?” katwiran niya.

“Kungsabagay..” pagsang ayon nito. “Pero anong gagawin natin? ayaw makipag areglo ng kabilang panig?”

“Talagang hindi!” nakairap na sabi ni Elena. Katapat lang niya ang silya nito at kung pwede lang niyang hilahin ang buhok ng bakla ay ginawa na niya. “Tingnan mo nga ang ginawa mo sa boyfriend ko!” singhal nito sa kaniya.

“Hindi ako hihingi ng sorry sa boyfriend mong mukhang pagong, ano ka! sinaktan niya ang mga kaibigan ko.” Mataray na sabi niya. “At saka nakikita mo ba ito?” itinuro niya ang maliit na pasa sa kaliwang pisngi. “Itinulak lang naman ako ng kulugo mong boyfriend kanina kaya—”

“Kaya pwede namin siyang kasuhan ng physical injury lalo pa at isang babae ang kinalaban ng boyfriend mo.”

Wait. What? napadiretso siya ng upo ng may marinig siyang pamilyar na tinig mula sa pinto ng opisina.

“Mare!” impit na napatili si Amethyst at niyugyog siya sa balikat. Hindi niya ito pinansin dahil ang buong atensiyon niya ay nakatuon kay Claud. Parang isang Roman God na bumaba ito mula sa langit habang naglalakad ito patungo sa direksiyon niya. Napakakisig nitong tingnan sa suot nitong white poloshirt at black pants.

Iglap lang ay parang nawala na siya sa sarili. Naglaho ang mga tao sa paligid niya at tanging si Claud lang ang nakikita ng mga mata niya. Sa loob ng ilang taon ay ngayon lang muling bumilis at naging abnormal ang tibok ng puso niya.

Kahit nang maaayos na ang problema at makalabas na sila ng opisina sa tulong ni Claud na nagpakilalang abogado niya ay parang wala pa rin siya sa sarili. Nagpaalam na sa kaniya ang dalawang kaibigan na babalik na ng parlor. At teka.. ano nga ba ang gagawin niya?

Maglalaba! Maliligo! Kahit ano! halos bulyawan na niya ang sarili.

“Ihahatid na kita,” suhestiyon ni Claud sa kaniya. Napansin niya ang isang kotse na nakaparada sa labas ng baranggay hall. Hindi masasabing bagong modelo iyon pero masaya siyang malaman na ngayon na isa ng abogado sa PAO si Claud ay naging maayos na ang buhay nito at ng pamilya nito.

“H-hindi na..” ilan beses niyang naikurap ang mga mata ng sa pag angat niya ng tingin ay matuklasan na nakatayo na pala sa harap niya ang lalaki. “D-diyan lang naman sa kabilang kanto ang bahay ko.” Pinigilan niyang ipikit ang mga mata nang masamyo ang amoy ng pabangong gamit nito.

Animo ay isang glue iyon na dumikit sa ilong niya at hindi biro ang ginawa niyang pagpipigil para lang pigilan niya ang sarili na singhot singhutin ang binata.

Naku pow! Hindi pa aminin. Noong kayo pa ay paborito mo naman talagang amoy amuyin siya..

Hindi niya magawang magtaray sa harap ni Claud. Papaano niya iyon gagawin dito kung halos mamatay matay na siya sa pag awat sa puso niya na kanina pa nagwawala. Bawat parte ng katawan niya ay nagsusumigaw ng matinding pangungulila dito.

“Ihahatid kita sa mansiyon, hindi sa bahay ninyo ng mga kaibigan mo.” Seryosong sabi nito. Blangko ang reaksiyon na para bang wala silang naging nakaraan.

“Bakit?” gulat na napakunot noo siya.

Napabuntong hininga ito. “May sakit ang lolo mo at kailangan niya kayo ni Cherry.”

Malakas na napasinghap siya. Naging maagap naman ang binata at mabilis na inalalayan siya ng mapansin nito ang pagkabuway niya.

“Are you all right?” nag aalalang tanong nito. Napailing siya at mahigpit napahawak sa isang braso nito na maingat na nakaalalay sa baywang niya.

“Gusto ko siyang makita, please. G-gusto kong makausap ang lolo ko,” umiiyak na pagsusumamo niya kay Claud.

*****************************************************************************************************************************

“Lolo! Lolo Calixto!”

Hinayaan ni Claud na pumasok mag isa sa loob ng malaking library ng mansiyon si Blossom kung saan naroon ang lolo nito. Maingat na isinara niya ang pinto para malayang makapag usap ang dalawa. Pitong taon din ang nawala at nasisiguro niya na kulang ang buong araw para makapag usap ang mga ito.

Malungkot na ngumiti siya at kontentong isinandal ang likod sa dahon ng pinto. Pinakinggan niya ang pag iyak ni Blossom. Parang isang matalim na kutsilyo iyon na humihiwa sa puso niya. Sa loob ng pitong taon ay hindi siya umalis sa tabi ni Don Calixto dahil umaasa siya na darating ang araw na babalik si Blossom at magiging masaya ulit sila.

Mahal na mahal niya ito at hindi isang sex video lang ang dapat na sumira sa masayang relasyon nila. Pero bumitiw siya noon dahil nasaktan siya sa mga sinabi nito sa kaniya. Nawalan na siya ng pag asa noon at mas piniling bumalik sa dating buhay niya. Pero kinumbinsi siya ni Don Calixto na bumalik sa mansiyon. Ipinaliwanag niya dito noon ang dahilan kung bakit hindi na siya maaaring bumalik pa. Ipinagtapat niya sa matanda ang tungkol sa relasyon nila ni Blossom.

Isa lang ang sinabi nito sa kaniya. Nakahanda daw itong tulungan siya at kailangan daw niyang hintayin ang pagbabalik ng apo nito. Ipinagpatuloy niya ang trabaho bilang bodyguard ng matanda hanggang sa makapagtapos siya ng kursong abogasya. Natanggap siya sa PAO bilang isang public attorney at nagawa na niyang maiahon sa hirap ang pamilya niya. Pero lumipas na ang ilang taon ay hindi pa rin bumalik si Blossom na para bang kinalimutan na nito ang lolo nito at ang lugar na pinagmulan nito.

Noong nakaraang linggo ay umuwi ng bansa si Cherry mula sa ilang taon na pananatili nito sa America. Nang makausap niya ito ay ipinagtapat nito sa kaniya ang buong katotohanan tungkol sa sex video na kumalat noon. Nang malaman niya ang totoo ay halos hindi siya noon nakapagtrabaho ng maayos. Umabot pa nga sa punto na muntik na niyang maipatalo ang isang kaso niya dahil sa matinding frustration niya.

Ilan beses na niyang sinubukan noon na ipahanap si Blossom pero masyadong matinik si Don Calixto dahil napipigilan nito palagi ang plano niya. Kailangan daw niyang matutong maghintay dahil hindi ganoon kadali ang pinagdaanan ng apo nito.

At ngayon na ang takdang panahon na tinutukoy ni Don Calixto. Hindi na siya nito napigilan nang sabihin niya na nakahanda siyang ubusin ang lahat ng pera niya para lang halughugin ang buong Maynila at iba pang lugar para hanapin ang dating nobya. Sumuko naman ito at isang plano ang nabuo nila.

“Nasisiguro ko na kung magpapanggap ako na may malalang sakit ay mapipilitan umuwi ng mansiyon ang bunsong prinsesa ko. Napakatigas man ng ulo niya ay alam kong hindi niya ako matitiis.”

Mariing naipikit niya ang mga mata. Ilan sandali pa at naramdaman niya ang biglang paninikip ng dibdib. Sa sobrang saya niya ay halos hindi na niya mapigilan ang puso niya sa pagwawala niyon. Nakakatawa man isipin pero pakiramdam niya ay para siyang biglang bumalik sa pagkateenager ng mga sandaling iyon dahil sa magkakahalong emosyon na nararamdaman niya.

Nang marinig niya ang masayang halakhak ni Blossom mula sa loob ng library ay napangiti na siya.

My princess…

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.