Ilang mahahabang hikab ang pinakawalan ni Blossom at nagpasiyang itigil na muna ang ginagawa. Lunchtime na kaya mag isa lang siya sa classroom at mamaya lang ay darating na ang mga estudyante niya para sa afternoon class niya.
Muli siyang napahikab at inaantok na itinukod ang siko sa mesa at saka nangalumbaba. Pilit na iminulat niya ang mga mata pero muli lang pumikit nang bahagyang sumakit ang ulo niya. Napuyat siya kagabi dahil masyadong naging mahaba ang kwentuhan nila ng lolo Calixto niya. Napailing siya nang maalala ang sinabi nito sa kaniya na kulang pa daw ang ilang araw para lang maikwento niya dito ang mga nangyari sa kaniya sa loob ng pitong taon.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari kahapon kung saan bigla na lang sumulpot si Claud at tinulungan sila ng mga kaibigan niya na maayos ang problema sa baranggay. Nang sabihin nito sa kaniya na may sakit daw sa puso ang lolo niya ay hindi na siya nagdalawang isip pa at agad na nagpahatid dito sa mansiyon. Wala naman siyang pinagsisisihan sa naging desisyon dahil nang makita niya ang lolo niya ay parang nabawasan ng bahagya ang malaking tinik na matagal ng nakabaon sa puso niya.
Ayon sa lolo Calixto niya ay matagal na nitong alam na ang kakambal niyang si Cherry ang babae sa sex video. Inamin daw lahat ni Cherry ang lahat ng mga pagkakamali nito ng minsan na dinalaw ito ng abuelo sa America. Hindi daw alam ng lolo niya kung papaano ito hihingi ng tawad sa kaniya dahil kahit wala daw itong sinabing kahit ano noon ay naniwala ito na siya ang kasama ni Phil sex video. Hindi niya magawang sisihin ang lolo Calixto niya. Sino ba ang mag aakala na kayang gawin ni Cherry ang mga ganoong bagay? Idagdag pa na siya ang naging kasintahan noon ni Phil at ilan beses din nitong tinawag ang pangalan niya habang nakikipagtalik ito sa kakambal niya.
Nabanggit sa kaniya ng matanda na nakauwi na ng bansa ang kapatid niya. Pero dahil alam daw nito na darating siya ay nagpasiya itong bumukod na muna ng tirahan. Hindi pa daw kasi alam ni Cherry kung nakahanda na siyang patawarin ito sa nangyari kaya mas pinili na muna nito ang umiwas.
Agad na nagsikip ang dibdib niya nang maalala ang kapatid. Kahit wala silang ginawa noon kundi ang mag away ay aminado siya na hinahanap hanap niya ang presensiya nito. Karugtong pa rin ito ng buhay niya at kahit masakit ang ginawa nito ay nararamdaman niya na darating din ang panahon na maglalaho na ang lahat ng hinanakit niya dito.
“Hey,”
Kahit inaantok pa rin ang diwa niya ay pilit na iminulat niya ang mga mata para lang magulantang nang matuklasan na nakatayo si Claud sa harap niya. Napabalikwas siya ng tayo at nalilitong nagsalita.
“A-anong ginagawa mo dito?” nakakaloka! bigla ay parang nilipad ng hangin ang antok niya nang masilayan ito.
“Dinalhan kita ng pagkain, dumaan ako sa canteen pero ang sabi ng mga co teachers mo ay hindi ka pa daw kumakain.”
“Ahm…” nag angat siya ng tingin sa kisame para maiwasan niya ang naninitang tingin nito.
“Pasado alas dose y medya na, may balak ka pa bang kumain?” seryosong tanong ng binata.
“O-oo naman, papunta na nga akong canteen ‘eh. May tinapos lang akong—”
“Ubos na ang tindang pagkain sa canteen, narinig ko lang kanina kasi may isang teacher na nagrereklamo na naubusan siya ng ulam. At kung pupunta ka sa canteen ngayon ay siguradong masasayang lang ang effort mo.”
“May malapit naman na carenderia—”
“Hindi mo alam kung malinis ang luto nila,”
“May Jollibee din—”
“Eat,” parang wala talaga itong balak na patapusin siya sa pagsasalita. Inilapag nito sa working table niya ang dala nitong paper bag. Napamulagat siya nang mapansin ang isang pumpon ng mga rosas sa isang kamay nito. Nang iabot nito iyon sa kaniya ay tila wala sa sariling tinanggap naman niya iyon.
“Ay teka bakit ko tinanggap—teka nga—” nalilitong napakamot siya sa noo. “Ano ba ito?” triple na marahil ang tibok ng puso niya kaya kahit ang paghinga ng normal ay hindi niya na magawa.
“Flowers?” sumungaw ang pagkaaliw sa mga mata ni Claud. Pinagsalikop nito ang mga braso sa tapat ng malapad na dibdib at matamang tiningnan siya.
Goodness! Nanghihinayang man na baka madurog ang mga bulaklak sa mga bisig niya ay hindi niya mapigilan ang yakapin iyon ng mahigpit na animo ay doon lang siya kumukuha ng lakas. Ilang buntong hininga ang pinakawalan niya.
“B-baka magalit ang girlfriend mo?”
Ayan! pakipot! Hindi pa aminin na umeespiya lang at gustong malaman kung single at available pa rin ang ex jowa. Kantiyaw ng pasaway na puso niya.
“Sa tingin ko ay hindi naman siya magagalit dahil sa loob ng seven years na hindi kami nagkita ay ngayon ko na lang ulit siya nabigyan ng bulaklak.”
Pasimpleng hinagod niya ng isang palad ang kaliwang dibdib. Ayaw pa rin magpaawat ng puso niya sa pagwawala. Sa sinabi ng binata ay para siyang sanga na biglang sinilaban dahil mainit na mainit ang pakiramdam niya. Kahit sinong babae pa ang sabihan nito ng ganoon ay siguradong mapapatumbling sa kilig.
“B-bakit mo ba ito ginagawa?” pigil ang emosyon na tanong niya sa dating nobyo.
“Dahil gusto kitang ligawan, sa pagkakataong ito ay ako na ang manliligaw sa`yo.”
“Claud..” natitigilang anas niya.
“Hmmmm?” saglit lang siya nitong tiningnan at nagsimula na itong buksan ang laman ng paper bag. Kahit kumakalam na ang sikmura niya dahil naaamoy na niya ang dala nitong masarap na pagkain ay mas pinili niyang ituon na muna ang atensiyon sa binata.
“Sinaktan na kita noon—”
“I don’t care honey, hindi na importante iyon.”
Napahinga siya ng malalim. “Sabihin mo nga sa akin Claudio, kung sakaling totoo ba na ako ang babae sa sex video na iyon ay tatanggapin mo ako? o kung hindi ko sinabi sa`yo na hindi talaga ako iyon, tatanggapin mo pa rin ba ako?”
“Yes.”
Nahigit niya ang paghinga nang marinig ang sagot nito. Tiningnan siya nito ng diretso sa mga mata at seryosong nagsalita ito.
“Dahil sa loob ng pitong taon na nawala ka ay hindi nagbago ang nararamdaman ko sa`yo. At kung totoo man na talagang ikaw ang nasa sex video na iyon ay nakahanda pa rin akong tanggapin ka ng buong buo at mahalin ka dahil iyon ang totoong nararamdaman ko. Selfless ako pagdating sa`yo kasi ikaw lang naman ang mayroon ako.” nahagod nito ang sariling batok at nagsusumamong tumingin sa kaniya.
“Ang sama mo.” Iglap lang ay taas baba na ang dibdib niya dahil sa pagpipigil ng iyak sa harap nito. Pakiramdam tuloy niya ay siya na ang pinakasamang tao sa balat ng lupa dahil nagawa niya itong balewalain noon. Mas pinili pa niya ang mapag isa dahil ayaw niyang madamay ito noon sa kahihiyan at problema niya.
Kahit gusto na niyang pumalahaw ng iyak ay pilit na kinalma niya ang sarili. Naupo siya at nang tumambad sa kaniya ang napakaraming pagkain sa mesa ay kamuntik na siyang malula.
“May piyesta ba?” nanlalaki ang mga matang bulalas niya. Pati marahil ang puso niya ay nagpiyesta nang nginitan siya nito.