Chapter BLOSSOM IN MY HEART 10.2

“Fafaaa!” ang malakas na tili ni Carmen ang gumising sa naglalakbay na diwa ni Blossom. Mula sa pagsusuklay ng buhok sa harap ng malaking salamin ng parlor ay natigilan siya at dahan dahang tumingin sa pinto. Saglit lang ay parang tumigil na sa normal na pagtibok ang puso niya nang makitang naroon na si Claud.

“Ay bongga may sundo ang mahal na prinsesa, tama na ang pagsusuklay ng buhok mare, bilisan mo na!” parang ineject sa upuan si Amethyst. Lumapit ito sa kaniya at inagaw mula sa kaniya ang hawak niyang hair brush.

Eng? napakagat labi siya at namumutlang tumingin sa kaibigan.

“Mare naman.” Kulang na lang ay madurog ang mga daliri nito sa kamay ng kumapit siya dito. Pangalawang araw pa lang simula nang bumalik siya sa mansiyon. Ang mahigpit na pakiusap sa kaniya ng lolo Calixto niya ay ang hayaan niya si Claud na ihatid-sundo siya sa pagpasok niya sa trabaho niya. At dahil hindi naman siya mapalagay ay nagpasiya siya na umalis ng mas maaga sa eskwelahan at dumiresto sa parlor ng mga kaibigan niya.

“Pakipot ka pa, dalian mo na nga diyan, tama na ang pagpapaganda.” Sabi pa ni Amethyst at iningusan siya. Ang buong akala niya ay magtatampo ang mga kaibigan niya kapag sinabi niya na pansamantala na muna siyang mananatili sa mansiyon. Kailangan kasi niyang masiguro na maayos na ang kalagayan ng lolo niya na kasalukuyang may sakit.

Ayon kay Lolo Calixto ay matagal na nitong napapansin ang panghihina ng katawan at paninikip ng dibdib. Minsan nga daw ay nawalan pa ito ng malay sa opisina at maswerte nang nadala ito agad sa ospital. Ang sabi daw ng doktor ay mahina na ang puso ng lolo niya at may nakitang butas doon at habang tumatagal ay lalong lumalaki iyon. Labis na nag alala siya nang malaman ang tungkol sa sakit ng lolo niya. Kaya nagpasiya siya na manatili na muna sa mansiyon para mas maalagaan pa niya ito.

“Go lang ng go!” udyok pa sa kaniya ni Carmen. Napasimangot siya. Hindi naman pala kailangan magtampo ng mga ito kung hindi siya umuwi ng matagal tagal sa townhouse. Mas excited pa kasi ang dalawa nang matuklasan na magkatabi lang ang silid nila ni Claud.

Nakakaloka!

“Good afternoon, nanggaling ako sa school ninyo kaya lang ang sabi sa akin ng security guard ay maaga ka daw umuwi kanina.” Saad ng binata. Ngumiti ito sa kaniya. Napangiti na rin siya pero agad na napalis iyon nang mapansin ang pagod sa buong mukha nito.

Bigla tuloy siyang nakonsensiya. Alam naman niyang pagod ito dahil hindi madali ang trabaho ng isang abogado ay nagawa pa niya itong istortubin sa paghahanap sa kaniya.

“A-ah, sorry, nakalimutan ko kasi, sorry talaga. Nahirapan ka bang maghanap sa akin?” nakangiwing tanong niya. Dinampot niya ang sling bag na nakapatong sa isang silya at lumapit sa binata. “Sorry talaga.” Sinserong sabi pa niya.

“Nope, alam ko naman na dito ka pupunta.”

“Parang google map si Attorney Khoury, ano? gwapo na nga ay maaasahan pa.”

Napailing siya nang marinig ang sinabi ni Carmen. Lumingon siya sa dalawa at nagpasiyang magpaalam na.

“Mga mare, uuwi na ako ha? video chat na lang tayo mamaya.”

“Siya sige, humayo kayo at magpakarami.”

Pinandilatan niya ng mga mata si Amethyst. Nang marinig niya ang mahinang pagtawa ni Claud sa bandang likuran niya ay parang may munting mga palad ang masuyong humaplos sa puso niya. Pigil niya ang pagngiti nang pumihit siya paharap sa lalaki.

“Halika na nga, huwag mong intindihin ang mga baliw na iyan.”

“Sure, princess.” Naaaliw na turan nito bago kinuha mula sa kaniya ang dala niyang bag at mga libro.

“A-ako na.”

“No,”

“Pero—”

“I insist.”

“S-sige.”

Pakiramdam niya ay para siyang isang totoong prinsesa kung pagsilbihan nito. At hindi basta-basta lang ang nagsisilbi sa kaniya dahil sa loob ng ilang taon ay malaki na ang ipinagbago nito. Kung noon ay tipong boy next door si Claud ngayon naman ay papasa na itong model ng sikat na brand ng underwear dahil sa magandang built ng katawan nito na halatang alaga sa workout.

Habang katabi niya ito sa loob ng kotse ay pasimpleng sumulyap siya sa isang braso ng binata. Sa tuwing gumagalaw ang braso nito ay kusang bumabakat ang muscles nito sa tela ng damit nito. Kahit ang malapad na mga dibdib nito ay hindi rin maitatago ng suot nitong polo.

Ipinilig niya ang ulo nang muling magkaroon ng komosyon sa loob ng dibdib niya. Napahinga siya ng malalim para pigilan ang mga bagay na gumugulo sa utak niya.

“Natutuwa akong malaman na sa loob ng pitong taon na pinili mong lumayo sa amin ay hindi ka iniwan ni Amethyst. Sa tingin mo ba matutuwa siya kapag binigyan ko siya ng regalo?” basag ni Claud sa katahimikan na bumabalot sa kanila.

“Teka,” nalilitong nag angat siya ng tingin sa gwapong mukha nito. “Bakit mo naman siya bibigyan ng gift, hindi naman niya birthday?”

Natawa ito. “Silly. Gusto ko lang siyang pasalamatan at si Carmen na din dahil ilang taon nilang inalagaan ang babaeng mahal ko.”

“C-claud..”

Jusko naman! saan ba siya pwedeng maghagilap ng oxygen mask para naman makasagap siya ng hangin. Para kasing kasama nang naubos ng enerhiya sa katawan niya ang lahat ng hangin sa loob ng dibdib niya.

“What? hindi ka pa rin sanay sa ganito? sabi ko naman sa`yo `di ba na liligawan ulit kita. Oh wait!” natampal nito ang noo ng bigla itong may maalala. “Hindi pala ako nakapagdala ng flowers para sa`yo. Marami kasing trabaho kanina sa office at nawala na sa isip ko iyon, sorry.” Sumulyap ito sa kaniya at tila nagpapaawang ikinurap pa ang mga mata.

Bumaha ang napakaraming emosyon sa dibdib niya. Kusang umangat ang isang palad niya at hinaplos ang mainit na pisngi nito.

“Okay na sa akin iyon sinundo mo ako ngayon at dahil diyan ay ipagluluto ko kayo ni lolo ng masarap na ulam.” Nakangiting wika niya.

Namilog ang mga mata nito at naaaliw na pinagsalikop ang mga palad nila. Kinintalan nito ng masuyong halik ang likod ng palad niya. Sapat na ang ginawa ni Claud para maramdaman ang pagdaloy ng kakaibang sensasyon sa bawat himaymay niya.

“Marunong na palang magluto ang mahal na prinsesa?” natutuwang tanong nito.

“Oo naman, seven years din kaya akong namuhay na mag isa.” Pagyayabang niya. Kontentong tumango naman ito at hindi na muling nagsalita pa. Hindi na nito binitiwan pa ang kamay niya sa buong durasyon ng biyahe nila.

Ah! heaven! o baka nga lampas pa sa ikapitong langit ang ligayang nararamdaman niya ngayon habang kasama niya ang lalaking mahal na mahal niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.