Oh fuck! Anong ginawa ko?
Parang may bakal na kamao ang sumuntok ng malakas sa dibdib ni Miguel habang pinagmamasdan niya ang bawat pagpatak ng mga luha ni Dorothea. Ngayon lang niya ito nakitang umiyak at hindi niya inaasahan na ganoon ang mararamdaman niya na parang gusto na niyang suntukin ang sarili dahil alam naman niya na mali ang ginawa niya.
“I-im—” hindi niya magawang ituloy ang sasabihin niya dahil narinig niya ang impit na paghikbi ng dalaga.
Napalunok siya kasabay nang pagpipigil na abutin ito at ikulong ng mahigpit sa mga bisig niya. Buong buhay niya ay ngayon lang niya sinisi ng sobra ang sarili niya. Gaano nga ba kabigat ang pagkakamaling ginawa niya para lang sisihin at murahin pa niya ang sarili?
“Ang sama mo, ang sama-sama mo!” taas baba ang dibdib na asik nito sa kaniya.
Ngayon lang niya tuluyang napagmasdan ang maamong mukha nito ng walang baseball cap na tumatakip dito. Magulo man ang buhok at nagkalat ang ilang hibla niyon sa pisngi nito ay hindi naman iyon nakabawas sa natural na ganda nito.
Bakit ba ngayon lang niya nagawang tingnan ng matagal ang mukha ni Dorothea?
Mahigit isang taon na niya itong kasama pero ngayon lang niya binigyan ng pagkakataon ang sarili na pag aralan ang kabuuan ng mukha nito. Bilugan ang hugis ng maliit nitong mukha na bumagay sa maliit at matangos nitong ilong. Manipis ang mga labi nito na kahit hindi naman nito nilalagyan ng lipstick ay sadyang mapula na. Minsan na niyang narinig sa isang tauhan niya na malaki daw ang hawig ni Dorothea sa aktres na si Kathryn Bernardo.
Noong una ay hindi niya binigyang pansin iyon o baka nga mas tamang sabihin na hindi siya naniwala sa narinig.
Napansin niya na kapag tinitigan nang mabuti ay makikita agad na magkahawig nga ang dalawa at si Dorothea ang masasabing older version ng aktres.
“I hate you!”
What?
Nanlaki ang mga mata niya nang sigawan ulit siya ng babae at basta na lang ito umalis. Mabilis ang mga paghakbang nito at halatang ayaw siyang pasunurin. Kahit alam niyang may posibilidad na ihagis siya nito sa labas ng hotel ay nagmatigas pa rin siya at sinundan ito. Natauhan na siya ngayon. Alam na niya na mali ang ginawa niyang pagtripan ito. Gusto lang naman niyang makabawi at humingi ng tawad.
“Thea, wait!” tawag niya dito.
Hingal na hingal na siya kaya hindi na niya mabigkas ang buong pangalan nito.
“Ayokong makipag usap sa'yo, lumayo ka sa akin kung ayaw mong ihagis kita palabas ng hotel.” Singhal na naman nito sa kaniya nang pumasok na ito sa loob ng elevator.
Sinundan pa rin niya ito at bago pa ito makagawa ng paraan ay nagawa niyang maisiksik ang katawan sa papasarang pinto ng elevator.
“Let’s talk, okay?” mahinanong wika niya.
“Talk mo mukha mo, pagkatapos mo akong pagtripan, gusto mo pang makipag usap ako sa'yo?” humihikbi pa ito habang kinukuskos ng palad ang mga mata.
Daig pa nito ang bata kung umiyak at sa totoo lang ay nabawasan na ang pagiging tigasin nito. Hindi niya alam na kapag nagsimula na pala itong umiyak ay nagmumukha itong malambot. Nagmumukha itong manyika.
Nang dumiretso ito sa labas ng hotel ay mas lalong lumalim ang pag aalala sa dibdib niya. Saan ba nito balak pumunta sa ganoon kalamig na panahon? Katitigil lang ng malakas na ulan at masyadong malamig ang hangin. Kung hindi pa sila babalik sa hotel ay baka pareho pa silang magkasakit.
“Saan ka ba pupunta?” nag aalalang tanong niya.
“Sa lugar kung saan hindi kita makikita.”
Nahagod niya ang sariling batok . Nakukuha na rin nila ang atensiyon ng ibang naglalakad.
“Thea, please?”
“Thea?” pasarkastikong tumawa ito at nilingon siya habang nasa likuran lang siya nito at panay ang sunod dito. “Ako ba ang kinakausap mo? Wala akong matandaan na ‘Thea’ pala ang pangalan ko.”
“Shit!” mabilis ang mga kilos na hinila niya ang isang braso nito nang subukan nitong tumawid at kamuntik na itong mahagip ng kotse. “Jesus christ! Alam mo ba kung ano ang ginagawa mo, ha?!” nanggigigil na sigaw niya at mabilis na hinila ito patungo sa mga bisig niya.
Napakabilis ng tibok ng puso niya ng mga sandaling iyon na halos hindi na nga niya magawang huminga ng normal.
“S-sorry..”
Napigil niya ang paghinga nang marinig ang mahinang tinig ni Dorothea. Iglap lang ay naramdaman niya ang panginginig ng buong katawan nito dala ng matinding takot at pagkabigla.
“Hey.” Umangat ang mga palad niya at sinapo ang magkabilang pisngi nito.
Parang gustong matunaw ng puso niya nang makita ang pinaghalong pagod at takot sa mga mata nito. “It’s okay, nandito ako, walang mangyayaring masama sa'yo.” pag alo niya dito.
Mabagal ang ginawa nitong pagtango na para bang hindi pa rin ito makapaniwala sa nangyari.
“Kaya mo bang maglakad?”
Narinig niya ang magkakasunod na pagbuntong hininga nito bago nagmamadaling bumitiw sa kaniya.
“Kompleto pa naman ang mga paa ko.” seryosong tugon nito.
Siya naman ang napahinga ng malalim nang makawala na ito sa mga bisig niya. Bakit ba apektado siya sa paglalayo ng mga katawan nila?
Nataranta siya nang mapansin na plano na naman nitong tumawid. Agad na hinila niya ito sa isang braso. Inis na hinarap siya nito. Para hindi na ito makakilos pa ay hinawakan niya ng mahigpit ang magkabilang balikat nito sa paraan na hindi niya ito masasaktan.
“Ano ba?”
“I’m sorry, okay? Mali ako sa ginawa ko kanina at alam kong hindi sapat ang isang sorry lang. Kung gusto mo suntukin mo ako o sipain mo ako sa mukha. Hindi ako magrereklamo kahit saktan mo ako.”
Umawang ang mga labi ng dalaga at hindi makapaniwalang tiningnan siya. May bakas pa ng luha ang gilid ng mga mata nito na mas lalong nagpaamo sa mukha nito. Nagulat siya ng bigla na lang itong humalakhak hanggang sa magluha na naman ang mga mata nito.
“May nakakatawa ba sa sinabi ko?” nalilitong tanong niya na ikinatawa na naman nito.
“Alam mo ba na baka hindi na ako sikatan pa ng araw kapag sinaktan nga kita? Malamang na hindi ako patahimikin ng mga babaeng nababaliw sa'yo.”
Jeez!
Hindi niya makuhang mainis sa sinabi ni Dorothea. Parang gustong sumabog ng puso niya sa tuwa habang naririnig niya ang mga halakhak nito.
“G-gusto ko lang naman magsorry.”
At bakit kailangan ko pang magbuckle?
“Okay na ako, boss, ayoko nang magdrama kaya please pakibitiwan mo na po ako.”
“Oh,” saka lang niya naalala na nakahawak pa rin pala siya sa balikat nito at parang ayaw na nga niyang bumitiw pa.
Sa mabilis na paghihiwalay ng mga katawan nila kanina ay mabilis din na natandaan niya ang natural na amoy ng katawan nito. At ngayon ay iniisip niya kung kailangan niya ulit ito masasamyo.
“Promise, hindi ko na uulitin ang ginawa ko kanina at magiging mabait na boss na ako sa'yo.”
“Kahit huwag na, sanay naman ako sa ugali mo na mas matindi pa sa climate change.”
“Thea,”
“Doro o Dorothea po ang pangalan ko, bakit ba paulit ulit ka sa Thea?” nagtatakang tanong nito.
Hindi niya mapigilan ang pagsilay ng matamis na ngiti sa mga labi niya.
“Wala lang, bagay kasi sa'yo. Imagine, kung nakasuot ka ng magandang bestida ngayon at hinahayaan mong palaging nakalugay ang buhok mo, siguradong bagay sa'yo ang pangalan na Thea.”
“Mangyayari lang 'yun kapag puti na ang uwak.”
“Le’t see…” tanging nasabi ni Miguel.