“Seryoso ka ba talaga?” naninigurong tanong ni Dorothea kay Suzy.
Nakipagkita ito sa kaniya sa coffee shop para pag usapan ulit nila ang mga plano nitong pang aakit kay Miguel. Hindi niya matanggihan ang pinsan sa pabor na hinihingi nito dahil malaki ang utang na loob niya rito at sa lolo Impeng nito. Ang mga ito lang kasi ang kumupkop sa kaniya noon nang maglayas siya.
Isa pa ay malapit siya kay Suzy kaya sa tuwing may problema ito ay hindi pwedeng hindi niya ito damayan. Parang kapatid na ang turing niya dito.
Pero sa ilang beses na sinubukan ni Suzy na makipaglapit kay Miguel ay palagi na lang itong pumapalpak. Kahit nakagawa na siya ng paraan para lang makakuha ng invitation card sa debut party ng pamangkin ni Don Federico ay nabigo pa rin ang pinsan niya na akitin si Miguel.
Hindi pa naman madali para sa kaniya na makakuha ng invitation card. Kinailangan pa niyang suhulan ng pera ang isang kakilala na nagtatrabaho sa pamilya ng debutante para lang magkaroon siya niyon. Kung hindi lang niya mahal ang pinsan at sa malaking utang na loob niya rito ay hindi siya papayag na madamay sa mga plano nito.
Napilitan pa tuloy siyang maglabas ng pera para lang sa katuparan ng mga plano ni Suzy. Hindi na siya masyadong nabigla pa nang sabihin sa kaniya ng dalaga na sa halip na si Miguel ay ang pangalawang kapatid na si Juancho pala ang nakasama nito sa mismong gabi ng party.
Alam na rin ni Juancho ang tungkol sa mga plano ni Suzy dahil narinig pala nito ang mga pinag usapan nilang dalawa sa coffee shop ng unang beses na sabihin sa kaniya ng dalaga ang tungkol sa plano nitong pang aakit sa boss niya.
Kinausap siya ng masinsinan ni Juancho at kahit tapat siya sa pinsan niya ay wala siyang nagawa kundi ang sundin ang utos ng lalaki na burahin ang contact number ni Suzy sa cellphone ni Miguel. Hindi naman siya nahirapang gawin iyon dahil kapag nasa meeting ang amo ay nakasanayan na nitong iwan sa kaniya ang cellphone nito.
Kinumbinsi niya si Suzy na huwag na lang ituloy ang plano dahil kahit ang langit ay hindi nakikisama dito. Natatakot din siya na magsumbong si Juancho kay Miguel at mawalan siya ng trabaho. Pero nagmamatigas pa rin ito at parang gusto nitong patunayan talaga kay Juancho na walang kahit sino man ang makakapigil sa mga plano nito. Naiipit siya sa dalawang nag uumpugang bato kaya hindi na tuloy niya alam ang gagawin.
“Ano ka ba, Doro, 'di ba nga napag usapan na natin ito dati pa? Aakitin ko ang boss mo para magkaroon na ako ng anak at hindi na mawala pa sa amin ni lolo Impeng ang carnabal.”
“'Labo mo naman!” napakamot siya sa batok at inayos ang suot na baseball cap. “Ang hirap naman kasi ng mga pinapagawa mo sa akin.”
“Anong mahirap doon? Sasabihin mo lang naman sa akin ang schedule ni Miguel at mas okay kung ikaw ang gagawa ng paraan para makalapit ako sa kaniya.” Giit ni Suzy.
Kahit parang nakukumbinsi na naman siya ng pinsan ay may bahagi ng pagkatao niya na parang tutol na akitin nito ang boss niya. Pero bakit? Nangako naman si Suzy sa kaniya na kung magtagumpay ito sa plano ay hinding hindi nito ipapaalam kahit kanino ang tungkol sa sabwatan nila.
Hindi daw siya mapapahamak dahil magiging maingat naman ito at ito na rin daw ang bahala kay Juancho. Hindi naman daw malalaman ni Juancho ang mangyayari dahil sa oras na makuha nito ang gusto kay Miguel ay pansamantalang magtatago na muna ito hanggang sa makapanganak ito.
Napabuntong hininga siya ng malalim. Malabo ang sinasabi ni Suzy dahil kilala niya ang mga Mondemar at alam niyang hindi na ito titigilan pa ni Juancho.
“Gago naman kasi 'yan mga kuya mo ‘eh.”
“Talagang mga gago.”
Malaki ang problema ni Suzy dahil sa dalawang panganay na kapatid nito na parehong mga walang pakinabang. Balak daw angkinin ng dalawa ang carnabal. Mismong ang babae ang nakarinig sa plano ng mga kuya nito. Ang tanging paraan na lang daw na mapunta dito ang carnabal ay sundin ang kondisyon ni lolo Impeng na magkaroon ito ng anak. Sa madaling salita ay makikipag unahan si Suzy sa mga kapatid nito na mabigyan ng apo ang matanda.
Good luck na lang pinsan.
Napapalatak siya. Mabuti na lang at kahit parang sasabak sa boxing ang hitsura ng mga kuya niya ay matitino naman ang mga ito. May mga pamilya na ang mga ito at sa dami ng bilang ng mga pamangkin niya ay kailangan talaga niyang kumayod ng todo dahil gustong niyang makatulong sa pamilya niya.
“Basta ako ng bahala sa pang aakit sa kaniya, update mo na lang ako ng schedule niya. Okay? Hihintayin ko rin ang tawag ng boss mo.” sabi pa ni Suzy bago ito nagpaalam sa kaniya na aalis na.
Napangiwi siya bigla. Siguradong masasabunutan siya ng pinsan kapag nalaman nito na binura niya ang cellphone number nito sa cellphone ni Miguel. Para hindi magtaka ang lalaki ay ang isang number niya na hindi nito alam ang ipinalit niya doon.
Sinundan na lang niya ito ng tingin. Minsan ay parang gusto niyang mainggit dito. Sa tuwing kinukumbinsi siya nito na magsuot ng mga damit na pambabae ay panay ang tanggi niya dahil nahihiya siya. Ano ba naman kasi ang malay niya sa mga ganoong bagay? Paglalagay nga lang siguro ng polbo sa mukha ang kaya niyang gawin.
Sa isang may kalakihang compound siya naninirahan kung saan may nakatayong apat na bahay. Ang unang bahay ay sa pamilya niya kung saan kasama niyang nakatira ang ama at mga kuya niya. Sa ngayon ay may kaniya kaniyang bahay na ang mga kapatid niya na malapit lang sa kanila. Ang katabing bahay nila ay sa pamilya naman ni Selly. Ang ama nito ay bunsong kapatid ng tatay Lino niya. May nakagisnang ina si Selly pero noong sampung taon ito ay sumama sa ibang lalaki ang ina nito. Nag iisang anak ito kaya madalas na naiiwan ito sa lola nito sa side ng ina. Kaya siguro ito lumaki na malambot kumilos ay dahil ang mga tiyahin at lola ang madalas na nakakasama nito.
Ang pangatlong bahay naman ay sa isa pang kapatid ng kaniyang ama na si tito Bignoy. May limang anak ito na puro mga lalaki at ang asawa naman ay matagal nang nagtatrabaho sa Saudi. Ang pinakadulo at huling bahay ay sa ninong niya na matandang binata.
Lumaki siya na ang mga ito lang ang nakakasama. Noong nag aaral siya sa elementarya ay hindi niya magawang makipagkaibigan sa mga kapwa niya babae dahil hindi siya makarelate sa mga ito. Mas gusto pa niya na maglaro noon ng pogs o teks na ayaw naman laruin ng mga babaeng kaedad niya.
Nang mapatingin sa kabilang mesa at masulyapan ang isang babae na halos kaedad lang niya ay nanlambot siya ng makita ang malusog na dibdib nito na halos lumuwa na dahil sa mababang neckline ng damit nito.
“Sorry wala akong masyadong ganoon,” sabi na lang niya sa sarili.
“Alin ang wala ka?”
“Ay kabayo!” napaigtad siya ng biglang sumulpot si Miguel sa harap niya.
Masyado sigurong malalim ang iniisip niya kaya hindi niya namalayan ang pagdating nito at ang pag upo nito sa bakanteng silya na katapat niya.
“May kasama ka?” nakataas ang isang sulok ng mga labi na tanong nito at sinulyapan ang baso ng juice na nasa harap nito.
Patay! Kasalanan mo ito Suzy!