Chapter THE DAY YOU WENT AWAY 8

“So?”

“Anong ‘so’?” nakangiwing tanong ni Dorothea habang nakatitig pa rin sa kaniya si Miguel na para bang pilit nitong binabasa ang bagay na tumatakbo sa isip niya.

Kung pwede lang siyang kumaripas ng takbo para makalayo sa amo niya ay ginawa na niya.

“May kasama ka nga?”

Ilang beses pa siyang lumunok para pigilan ang matinding kaba na nararamdaman niya. Kung hindi agad umalis si Suzy ay may posibilidad na magkita ang dalawa at baka sa huli ay malaman pa ng binata ang mga plano ng pinsan niya. Kapag nagkataon ay baka talagang mawalan na siya ng trabaho.

“U-umalis na,”

“Date?”

“Hindi ah!” mabilis ang ginawa niyang pag iling.

Bahagyang namula ang mukha niya sa pagkapahiya nang mapansin na pinagtinginan siya ng mga tao dahil sa biglang pagtaas ng boses niya. Naninising tingin ang ibinigay niya kay Miguel. Ngumisi lang ito at kontentong itinukod ang siko sa mesa at nangalumbaba pa.

“So, ano ngang ginagawa mo dito?” pangungulit ni Miguel.

Malalim na bumuntong hininga siya.

“Boss, 'di ba humingi ako sa'yo ng isang oras na break? Kailangan pa bang malaman mo kung anong dahilan ng pag alis ko?”

“Bakit hindi?” tumaas ang isang kilay nito at muling tiningnan siya. “Kung ako nga alam mo lahat ng mga ginagawa ko sa bawat araw.”

“Natural lang naman iyon dahil nga bodyguard mo ako.”

Sa totoo lang ay hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pa ni Miguel ng bodyguard. Hindi niya alam kung bakit pagdating sa pangatlong anak ay may pagkaparanoid si donya Leticia. Madalas tuloy tuksuhin si Miguel ng mga kapatid nito dahil daig pa daw nito ang bata kung tratuhin ng ina.

Pero dahil kailangan niya ng trabaho ay hindi na siya umangal pa nang bigyan siya ng trabaho ng donya. Mabait ang mga Mondemar at aminado siya na mula nang maging tauhan siya ni Miguel ay naging maginhawa ang buhay niya.

Maliban sa malaking sweldo ay may mga benepisyo pa siyang natatanggap. Sa tuwing magpapalit ng mga gamit sa mansiyon ay isa siya sa mga maswerteng nabibigyan ng mga appliances na ipinamimigay na ng donya.

“Dati naman hindi ka humihingi ng break sa trabaho.”

“May kinausap lang po akong kamag anak,”

Gusto daw magpaanak sa'yo.

Napangiwi siya sa naisip. Sigurado siya na kapag natuklasan ni Miguel ang pagpayag niya na makipagsabwatan sa pinsan niyang si Suzy ay isusumpa siya nito. Kilala niya ang mga Mondemar. Mababait ang mga ito pero hindi gugustuhin ng kahit sino na magalit.

“Ano kasi,” napakamot siya sa batok habang nag iisip ng pwede niyang maidahilan sa binata.

Mayamaya ay bigla niyang naipitik ang dalawang daliri na ikinagulat nito.

“Mag aabroad kasi 'yun isang pinsan ko kaya nakipagkita sa akin para magpaalam. Ngayon na kasi siya luluwas papuntang Manila.”

Tumango tango naman ito na halatang nakumbinsi na sa sinabi niya.

“Bakit nga pala nandito ka?”

“May tiningnan lang ako sa kabila,” anito.

Ang tinutukoy nitong kabila ay tindahan ng mga muwebles na pag aari ng isang kaibigan nito. Nagpunta siguro ito doon para tumingin ng gamit na pwede nitong mairegalo sa tiyahin nito na sa isang linggo na ang kaarawan.

“Okay ka lang ba? Bakit parang maputla ka?”

“Ha?” nanlaki ang mga mata niya ng biglang dumukwang ang lalaki para sapuhin ang mga pisngi niya.

Bumuka ang mga labi niya pero kahit kapiranggot na salita ay hindi niya nagawang bigkasin. Parang may malakas na mahika ang bilugang mga mata ni Miguel na humihigop sa lahat ng enerhiya niya sa katawan. Biglang nanlambot ang mga tuhod niya dahil sa klase ng tingin na ibinibigay nito sa kaniya.

“May sakit ka ba?” mababakas ang pag alala sa buong mukha na tanong ng binata.

Naipikit niya ang mga mata nang lumapat sa noo niya ang mainit na palad nito. Parang magkakasakit nga yata siya dahil sa ginagawa nito sa kaniya.

Ano bang nangyayari sa akin?

Pakiramdam niya ay kakarampot na lang ang katinuan na natitira sa utak niya. Paano nagagawa ni Miguel na maiparamdam sa kaniya ang ganoong klase ng init na halos pumaso na sa bawat himaymay niya? paano nito nagagawang pabilisin ang tibok ng puso niya sa isang simpleng pagkilos lang nito?

“W-wala,” mahinang sagot niya. Kulang na lang ay sumabog na ang dibdib niya dahil sa malakas na pagkabog niyon.

“Are you sure?” nagdududang tiningnan siya ni Miguel.

Lumunok lang siya at parang wala sa sarili na tumitig sa gwapong mukha nito habang hindi pa rin nagbabago ang posisyon nila.

“O-oo naman wala akong sakit, mainit lang talaga,” pagdadahilan pa niya.

Gusto niyang kutusan ang sarili dahil halata naman na nagsisinungaling siya. Malamig sa loob ng coffee shop dahil nakatodo ang aircon doon.

“Liar.”

Bitiwan mo na lang kasi ako para kumalma na ako, please?

Mas lalong tumindi ang init na nararamdaman niya at nagsimula na iyong mamuo sa sikmura niya nang haplusin ni Miguel ang mga pisngi niya. Magkalapit ang mga mukha nila kaya malaya niyang nasasamyo ang mabangong hininga nito. Malaya siyang mapagmasdan ang perpektong hugis ng mukha nito.

Nabanggit ni Suzy sa kaniya na kahawig ni Miguel ang aktor na gumanap sa pelikulang ‘The Notebook’. Hindi niya kilala ang artistang tinutukoy nito dahil hindi naman siya mahilig sa foreign movie. Puro action movie lang kasi ang pinanonood niya na kadalasan ay pelikula pa nila Robin Padilla at Fernando Poe.

Hindi niya alam kung paano biglang may nag iba sa pakikitungo ni Miguel sa kaniya. Bigla kasi ay parang napapansin na siya nito. Hindi na ito madalas na nagsusungit sa kaniya.

Mula nang mapagtripan siya nito –may dalawang linggo na ang nakakalipas—ay nagbago na ito. Napapansin niya ang madalas na pagngiti nito sa kaniya. Hindi na ito parang palaging galit kapag kinakausap niya. Madalas pa nga ay tinatanong nito kung kumain na ba siya na hindi naman nito dating ginagawa.

“Mommy!”

Naikurap niya ang mga mata nang marinig ang pag iyak ng isang bata. Parang doon lang siya nagising mula sa isang magandang panaginip. Mabilis ang mga kilos na iniiwas niya ang mukha kay Miguel. Kumibot ang mga labi nito at napilitan nang bitiwan siya.

“Let’s go,”

Tumango siya at nagmamadali ang mga kilos na tumayo na at naglakad palabas ng coffee shop. Alam niyang pinagtitinginan na sila ng mga tao. Malamang na iniisip ng mga ito na weirdo ang kasama niya dahil kulang na lang ay makipag nose to nose na ito sa isang katulad niya.

Lumipas ang maraming minuto na wala silang imikan habang magkatabi sila sa sasakyan at abala siya sa pagmamaneho. Pasimple siyang sumusulyap sa binata na tahimik lang habang nakatutok ang mga mata sa daan.

Mayamaya ay napatingin siya sa side view mirror at agad na nagtaka nang mapansin na parang sinusundan sila ng itim na van. Kinabahan siya nang dumungaw mula sa bintana ang isang lalaki at itinutok sa gulong ng sasakyan nila ang hawak nitong baril.

“Shit!” gulat na nagmura si Miguel nang biglang sumabog ang mga gulong ng sasakyan.

Ihinimpil niya sa gilid ng kalsada ang sasakyan at umaasang may ibang taong mapadaan sa bahaging iyon para matulungan sila.

“Tumawag ka ng mga pulis,” utos niya kay Miguel.

Kung siya lang ang tatanungin ay hindi naman siya masyadong kinakabahan para sa kaligtasan niya. Kaya niyang ipagtanggol ang sarili niya.

Si Miguel ang iniisip niya dahil trabaho niya na protektahan ito. Duda din siya na magagawa ng binata na ipagtanggol ang sarili nito dahil hindi pa naman nito nararanasan na mapasabak sa gulo. Hindi katulad niya na simula pagkabata ay nasanay nang makipagsuntukan.

Palagi kasing napapaaway ang mga kapatid niya noon at sa tuwing sumusugod ang mga ito sa kalaban para gumanti ay hindi siya pumapayag na magpaiwan. Ang problema nga lang niya ngayon ay may baril ang taong gustong bumangga sa kanila.

“What? Ano bang nangyayari?” nalilitong tanong ng binata.

“Sundin mo na lang ang utos ko, please? Pareho tayong mapapahamak dito kapag hindi mo ako sinunod.”

Ngayon siya nagsisi na doon pa sila sa tagong lugar dumaan. Traffic kasi kaya naghanap siya ng shortcut para mabilis silang makarating sa opisina. May meeting pa kasi mamaya si Miguel at hindi ito pwedeng mahuli ng dating.

“Fuck!” bumuntong hininga ang binata at agad na sinunod naman ang utos niya.

Nakita niyang papalapit na sa kotse nila ang tatlong lalaki kaya agad na inihanda niya ang sarili. Kinuha niya sa compartment ng sasakyan ang dalang baril at ibinigay iyon kay Miguel.

“What the—may baril ka?” hindi makapaniwalang bulalas nito.

“Props lang 'yan, huwag na huwag kang lalabas dito. Ako na ang bahala boss—”

“Gusto mo bang mamatay?” hinila nito ang kamay niya kaya napilitan siyang lumingon dito.

“Trabaho ko ito, nasa panganib ang buhay mo kaya dapat lang na protektahan kita.”

“Paano kung mapahamak ka?”

Natigilan siya nang mabasa ang takot at pag aalala sa mga mata nito. Iglap lang ay naramdaman niya ang paninikip ng dibdib niya.

“Trabaho ko ito, boss,” ulit niya at inalis ang kamay nito na nakapigil sa braso niya.

“Thea, my God!” namutla ito nang ilabas niya mula sa bag niya ang maliit na baril.

Sanay siyang humawak ng baril dahil isang pulis ang kaibigan ng kaniyang ina na kumupkop sa kaniya noong nagtungo siya sa Maynila. May lisensya naman ang baril niya kaya pwede niyang dalhin lalo pa at kailangan sa trabaho niya.

“Ano ka ba!” tinabig niya sa Miguel nang yugyugin siya nito.

“Baka mabaril mo sila!”

“Tayo ang babarilin nila kapag hindi ako lumaban, basta dito ka lang okay? Hindi ka pwedeng lumabas dahil alam ko na ikaw ang target nila.”

Nakaramdam man siya ng takot ay mas nangibabaw pa rin sa kaniya ang kagustuhan na maprotektahan si Miguel. Wala nang nagawa pa ang binata nang bumaba siya ng kotse. Sumalubong sa kaniya ang tatlong lalaki. May hawak na baril ang isa habang ang dalawa naman na parehong malaki ang katawan ay naninindak ang tingin na ibinigay sa kaniya.

Sa mga ganoong pagkakataon ay hindi niya pwedeng ipaalam sa mga kalaban na kaya niyang patumbahin ang mga ito. Itinago na rin niya ang baril sa likod niya at hahanap na muna siya ng tiyempo na maagaw ang mga armas ng mga ito.

“Bossing, ibigay mo na lang sa amin ang amo mo, pasensiya na napag utusan lang ng amo namin.” Sabi sa kaniya ng lalaking may dalang baril.

Tumawa ang isang kasama nito na may nakasingit pang sigarilyo sa gilid ng kaliwang tenga. Sa hitsura ng mga ito ay parang hindi magpapahuli ng buhay.

“Mondemar ang amo mo 'di ba? May atraso sa amo namin ang pinsan niyan 'eh kaya pasensiyahan na lang.”

“Si Governor Seth?” tanong niya. Alam niyang marami talagang nakakabangga ang gobernador nila dahil hindi nito hinahayaan na makapasok ang mga ilegal na negosyo sa bayan nila.

“Putris! Babae ka?” gulat na tiningnan siya ng lalaking may makapal na bigote. Sa unang tingin ay pwedeng matakot ang kahit na sino dito dahil sa mahabang pilat nito sa kanang pisngi.

“May problema ba kung babae ako?” matapang na tanong niya. “Hindi ko ibibigay ang amo ko sa inyo kaya pasensiyahan na lang tayo. Umalis na lang kayo bago pa dumating ang mga pulis.”

“Thea!”

Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Miguel na palapit na sa kanila. Itinutok ng isang lalaki ang hawak nitong baril kay Miguel. Mabilis ang naging paggalaw niya. Sa isang sipa niya ay tinamaan ang braso ng lalaki dahilan para tumalsik sa malayo ang hawak nitong baril.

Naging alerto naman ang dalawang kasama nito at naglabas na rin ng baril. Nagawa niyang maagaw ang baril ng isa matapos niya itong matadyakan sa mukha. Tulog na bumagsak ito sa sahig.

“Huwag kayong kikilos!” hinihingal na pigil niya sa dalawang lalaki at tinutukan ang mga ito ng baril.

Halatang nataranta ang mga ito at biglang umatras habang nakataas ang mga kamay. Nilingon niya si Miguel. Nagimbal siya nang makita itong nakaluhod sa sahig at parang nahihirapan nang huminga. Sapo nito ang kaliwang dibdib na para bang namimilipit ito sa sakit.

“Miguel!” tawag niya dito.Binalot ng matinding takot ang puso niya. Iyon ang unang beses na tinawag niya ito sa pangalan nito.

Dahil nawala ang atensiyon niya sa dalawang kalaban ay nagawa ng mga ito na agawin ang mga baril na hawak niya. Napaigik siya sa sakit nang sikmuraan siya ng lalaking may bigote.

“Thea!”

Nakita niya kung paano pinilit ni Miguel na tumayo at dahan dahang lumapit sa kaniya. Halos madurog ang puso niya nang makita na maputlang maputla na ito at nanginginig pa ang buong katawan dahil sa matinding takot.

Kahit sumisigaw sa sakit ang bawat parte ng katawan niya ay hindi na niya magawang indahin pa iyon. Hinawakan niya sa braso ang binata. Lumuhod naman ito para magpantay sila at agad na niyakap siya nito ng mahigpit na para bang wala na itong balak na pakawalan pa siya.

Bumagsak sila sa sementadong sahig nang sipain ng isang lalaki si Miguel sa likod. Narinig niya ang pag ungol nito dahil sa matinding sakit.

“B-bitiwan mo ako, masasaktan ka lang!” mariing wika niya ng hindi pa rin siya pinapakawalan nito.

Umiling lang ang binata at mas lalo pa siyang ikinulong sa mga yakap nito habang nasa ilalim siya nito. Ilang beses itong tinadyakan ng mga lalaki sa likod pero wala itong ibang ginawa kundi ang yakapin lang siya.

“I-I can’t breathe,” mayamaya ay anas nito habang patuloy sa pagtaas baba ang dibdib.

Oh God!

Buong buhay niya ay ngayon lang siya natakot ng ganoon. Hindi para sa sarili niya kundi para sa mismong kaligtasan ni Miguel. Tinangka ng isang lalaki na itayo si Miguel pero muli siyang nanlaban. Kinagat niya ito sa hita kaya nabitiwan nito ang hawak na baril. Dinampot niya iyon at agad na itinutok sa mga kalaban.

“Matapang ka ha,”

Napangiwi siya sa sakit nang barilin siya ng isa sa mga ito sa kanang balikat. Sumisigid ang kirot sa kalamnan niya na halos mawalan na siya ng malay.

Naririnig niya ang pagsigaw ni Miguel at ang pagtawag nito sa pangalan niya pero hindi na niya ito magawang sagutin pa dahil unti unti na siyang nilamon ng dilim ng muli siyang barilin ng dalawa pang beses sa kaliwang braso.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.