Chapter THE DAY YOU WENT AWAY 10

“Ang labo mo naman, 'tay! Sinabi ko naman po sa inyo na okay na okay na ako.”

Nakasimangot na naupo si Dorothea sa isang bakanteng silya at balak na sanang kumain, kung hindi lang niya narinig ang sinabi ng ama. Biglang uminit ang ulo nito nang ipaalam niya na pwede na siyang bumalik sa trabaho dahil naiinip na siya at tama na ang mahigit isang buwan na pahinga niya.

Ang sabi nito ay maghanap na daw siya ng ibang trabaho dahil ayaw na nitong maulit pa ang nangyari sa kaniya. Baka pwede pa daw niyang mapakiusapan si Donya Leticia na bigyan siya ng ibang trabaho maliban sa pagiging bodyguard ni Miguel.

Kahit natatakam na siya sa umuusok na sinangag at pritong isda ay hindi naman niya magawang kumain. Biglang tumamlay ang pakiramdam niya dahil sa sinabi nito.

Sinulyapan siya ng tatay niya nakapwesto ng upo sa tapat niya. Nasa magkabilang dulo sila ng mesa habang kasabay nilang kumakain ang anim na pamangkin niya. Nasa trabaho ang mga kuya niya maging ang mga hipag niya kaya madalas na naiiwan sa kanila ang ibang mga pamangkin niya na naglalaro lang sa apat hanggang pitong taon ang edad.

“Hindi ka ba talaga makikinig sa akin, Dorothea? Noon ko pa sinasabi sa'yo na hindi madaling trabaho ang pinasok mo.” Giit ng kaniyang ama.

Naiintindihan naman niya ang sintemyento nito. Noong kabataan nito ay palagi itong lumalaban sa mga amateur boxing contest. Nang magpakasal na ang mga magulang niya ay kinailangan ng tatay niya na iwan ang boxing at maghanap ng regular na trabaho.

Naging bodyguard ito ng kilalang pulitiko sa loob ng halos tatlong dekada. Ilang beses ng nalagay sa panganib ang buhay ng tatay niya dahil sa pagliligtas nito sa amo nito. Ngayon na tumatanda na ito ay ang pagtuturo na lang ng boxing sa mga kabataan ang pinagkakaabalahan nito.

Matigas ang ulo nito kaya kahit pinagbabawalan nila itong mapagod ay hindi pa rin ito nagpapaawat sa pagtuturo ng boxing.

“Hindi na ulit mangyayari 'yun, nakakulong na nga po ang taong nag utos na ipadukot si Miguel.”

“Kahit na!”

Sabay pa silang napaigtad ng mga bata ng padabog na ibaba nito ang tasa ng kape na hawak nito.

“'Lo, relax ang puso mo.” Awat ni Cogy.

“Tama, relax lang 'tay, ang puso mo po.” Dagdag pa niya.

Umiling ang tatay niya at matalim na tiningnan siya.

“Kung binabago mo ba naman kasi ang ayos mo, pwede ka naman pumasok sa mga opisina dahil nakapagcollege ka. Basta hindi ka na pwedeng bumalik sa trabaho kung gagawin kang bodyguard. Kung ipipilit mo ang gusto mo, umalis ka na lang sa poder ko.”

Nalaglag ang mga balikat niya sa narinig. Siyempre ay hindi siya papayag na malayo rito. Kahit magalit pa ito ng todo sa kaniya ay hindi pwedeng iwan niya ito. Pero paano naman ang trabaho niya?

“Tita, paano ba 'yan? Hindi na pala matutupad ang promise mo sa akin na dagdagan ang baon ko sa sunod na taon kasi aalis ka na? pogi pa naman po ng boss mo.”

Pinilit niyang ngumiti at pinisil ang pisngi ng limang taong gulang na si Coryn. Iniyakap nito sa kaniya ang maliit na mga kamay na para bang inaalo siya. Sa totoo lang ay parang gusto na nga niyang umiyak ngayon.

Ilang linggo niyang hindi nakita si Miguel dahil nga nakaleave siya. Wala rin naman ito sa bayan nila dahil ang balita niya ay may inaasikaso itong mga negosyo sa Maynila. Isang beses lang itong tumawag sa kaniya at hindi pa niya nasagot dahil palaging hinihiram ni Coryn ang cellphone niya para maglaro.

Siguro ay nasanay na siya na palaging kasama ang amo niya kaya ngayon na nahiwalay siya rito ay parang hindi naman siya mapakali. Palagi niyang iniisip kung nakakain na ba ito o baka nagpapapakapagod na naman ito sa pag aasikaso sa mga negosyo nito.

“Pag isipan mo ang sinabi ko sa'yo, Dorothea, sino ang pipiliin mo? Ako o ang trabaho mo?”

Seryosong paalala ng kaniyang ama bago ito tumayo at iniwan sila. Wala siyang nagawa kundi ang mapabuntong hininga na lang ng malalim.

Anong gagawin ko?

Nalilitong tanong niya sa sarili.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.