Ilang beses nang pabalik balik si Dorothea sa labas ng opisina ni donya Leticia. Sinadya pa niya ang matanda sa pag aari nitong bookstore para lang magpaalam.
Nakapagdesisyon na siyang magresign sa trabaho dahil ayaw niyang mas lalo pang magalit sa kaniya ang ama. May naipon naman siyang pera sa bangko –pero hindi gaanong kalakihan dahil malaki ang nagagastos niya kapag nagkakasakit ang tatay niya—kaya pwede siyang magtayo ng maliit na negosyo.
Mahirap man para sa kaniya ang gagawin dahil napamahal na siya sa trabaho ay kailangan pa rin niyang unahin ang pamilya. Kahit kasi ang mga kapatid niya ay hindi na rin siya pinayagan pa na bumalik sa pagiging bodyguard ni Miguel.
Wala na rin siyang iintindihin pa kay Suzy dahil tinawagan siya nito para ipaalam na hindi na ito interesadong ituloy pa ang plano nitong akitin si Miguel. Hindi naman nito nabanggit sa kaniya ang buong detalye kaya napagpasiyahan niya na dalawin ito kapag may bakanteng oras siya.
Sa nalaman ay nakahinga siya ng maluwag. Kahit papaano kasi ay nabawasan na ang problema niya. Ang problema na lang niya ngayon ay kung paano niya sasanayin ang sarili na hindi makita si Miguel sa loob ng isang araw. Pakiramdam niya ay napakahirap gawin niyon.
Nang maalala ang gwapong boss niya ay malungkot na ngumiti siya at tumingin sa kawalan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ito nakakausap. Hindi kasi niya kayang tawagan ito para magpaalam. Mas mabuti na sigurong magpaalam na lang siya sa mommy nito at ipadala ang resignation letter sa opisina ni Miguel.
“Bahala na nga.” Sabi niya sa sarili at lumapit na sa pinto.
Tatlong mahihinang katok ang ginawa niya.
“Come in,”
Napalunok siya nang marinig ang tinig ng donya na nagmula sa loob ng opisina. Dahan dahan niyang pinihit ang seradura ng pinto at nang mabuksan iyon ay tumambad sa kaniya ang matandang babae na abala sa pagbuklat ng mga magazine.
Maliban sa maliit na mesang nasa isang sulok na katabi ng filling cabinet ay may malaking counter table pa sa gitna kung saan naroon si donya Leticia. May nakakalat na mga magazine sa mesa at parang may kung anong pinagkakaabalahan ito habang kausap ang isang mataba at matangkad na lalaki na halos kaedad lang siguro niya.
“Ninang, paano na ang negosyo ko? hindi daw makakarating ang model na kinuha ko. Paano naman ang career ko nito? nagsisimula pa lang ako pero puro kapalpakan na.”
Mangiyak ngiyak na sabi ng lalaki sa donya. Pumipilitantik ang mga daliri at balakang nito kaya alam na agad niya na makakasundo ito ni Selly.
“Ako na ang bahala, tutulungan kita.” turan ng donya bago tumingin sa kaniya. “Dorothea, bakit nandito ka? Pwede ka na bang bumalik sa trabaho?”
“'Eh,” nahihiyang umiling siya at hinubad na ang suot na baseball cap. “Iyon na nga po sana ang ipinunta ko dito. Balak ko na po kasing magresign at—” naudlot ang iba pang sasabihin niya ng bigla na lang tumili ang bakla na kamukha ni John Lapuz.
“Ikaw na lang ang model ko, bagay na bagay ka sa product ko, dear! Fresh na fresh!”
“H-ha?” nanlaki ang mga mata niya ng bigla itong humakbang palapit sa kaniya at hinila siya sa braso.
“Magreresign ka? Sa akin ka na lang magtrabaho, pasisikatin pa kita!”