Chapter THE DAY YOU WENT AWAY 12

Malalaki ang mga hakbang na binagtas ni Miguel ang mahabang buhangin ng isla Camito. Kahit pagod at may jetlag pa siya dahil kauuwi lang niya mula sa ibang bansa –para sa dalawang araw na business meeting na dinaluhan niya—ay dumiretso agad siya sa bayan ng Mondemar para lang makahabol siya sa panghuling biyahe ng bangka ngayong araw papuntang isla.

Nakatanggap siya ng tawag mula sa ina at ipinaalam nito sa kaniya ang plano ni Dorothea na magresign na sa pagiging bodyguard niya. Aminado siya na nabahala siya sa natuklasan. Nagtatampo ba sa kaniya ang dalaga dahil hindi na niya muling sinubukan pa na tawagan ito? Aaminin niya na naduwag na siya dahil sa huling sinabi niya dito noong huling beses silang magkita sa ospital.

Sinabi niya kay Dorothea na bilang kapalit nang pagliligtas nito sa buhay niya ay nakahanda siyang gawin itong tunay na babae. Huli na para mapag isipan pa niya ang sinabi niya dahil kusa na lang iyon lumabas sa mga labi niya na para bang iyon na talaga ang idinidikta ng puso niya.

Hindi niya alam ang iniisip nito kaya mas minabuti niya na huwag na munang magpakita. Naging abala na din kasi siya dahil sa dami ng trabaho niya sa opisina. Ngayon niya pinagsisisihan ang pag iwas dito. Hindi naman siguro nito gugustuhing magresign kung hindi siya nagpakamissing in action ng matagal.

Pero paano kung kaya niya gustong magresign ay dahil natakot siya sa mga sinabi ko?

Magkasalubong ang mga kilay na sinuyod niya ng mga daliri ang buhok at matiyagang inilibot ang pansin sa kabuuan ng dalampasigan.

Ang sabi ng mommy niya ay nasa isla Camito daw ito ngayon kasama si Dorothea. Hindi madaling makarating sa isla na iyon lalo pa at karamihan sa mga bangkero ay ang mga kakilala o residente ng isla lang ang pinapasakay. Mabuti na lang at nabanggit sa kaniya ng kuya Jaime niya na may kakilala itong bangkero at iyon ang mismong naghatid sa kaniya sa isla.

Nagulat siya nang malaman na kinuha ni Sammy si Dorothea para maging modelo ng bagong shampoo product na ila-launch ng kompanyang pag aari nito. Kinakapatid niya si Sammy at sa pagkakaalam niya ay maliit lang naman ang kompanya nito kaya mga baguhang modelo ang kinukuha para hindi matadtad sa bayad.

Ang isla Camito rin ang ginamit na venue para sa commercial dahil maliban sa maliit na bayad sa pag arkila ng lugar ay maganda at kulay asul ang tubig ng islang iyon. Madali na lang para kay Sammy na magtungo sa isla at isama ang mga staff nito dahil kamag anak pa pala nito ang isa sa mga kagawad doon. Kaya niya nalaman ang tungkol sa bagay na iyon ay nakakwentuhan niya ang matandang bangkero habang nasa biyahe sila. Nabanggit nito sa kaniya ang tungkol sa shooting na gaganapin daw ngayong araw.

Lakad takbo ang ginawa niya nang makita ang isang grupo na nasisiguro niyang mga tauhan ni Sammy. Nang makita niya ang ina na kasama si Sammy ay nakasimangot na lumapit na siya sa mga ito.

“Miguelito!”

Tiningnan lang niya ng masama ang lalaki bago tumingin sa mommy niya.

“Mommy, ano bang nangyayari dito? Talagang sinamahan mo pa itong inaanak mo?” naninising tanong niya sa ina.

“Anak, kailangan ni Sammy ng tulong ko. Hindi kasi dumating ang modelong kinuha niya. Isa pa ay pumayag naman si Dorothea.”

“Pinilit ninyo siya.” Giit niya.

Alam naman niya na hindi papayag ang dalaga kung hindi namagitan ang mommy niya.

“Oh, well, hindi lang kasi niya talaga magawang tumanggi kay ninang. Isa pa magreresign na siya sa trabaho niya sa'yo at nangako ako na bibigyan siya ng magandang career.”

“What?” nagsimula ng uminit ang ulo niya. Pinaningkitan niya ng mata si Sammy. “Hindi pwede! Hindi ako papayag na kunin ninyo siya sa akin.”

“Ngayon na gusto nang umalis ng tao, saka ka naman hindi pumayag,” makahulugang tiningnan siya ng ina.

“Whatever! Basta kukunin ko siya.”

“Hey! Hindi mo pwedeng guluhin ang shooting namin.” Humarang si Sammy sa daraanan niya.

Nakakunot noong tinabig niya lang ito. Nilampasan niya na ang dalawa at nakipagsiksikan sa mga taong nanonood ng shooting.

Nakita niya ang dalaga na inilalaro ang mga paa sa tubig habang inililipad ng hangin ang bawat hibla ng makintab at mahabang buhok nito. Parang natural lang ditong kumilos kahit alam nito na may umiikot na camera at kinukunan ito. Bumagay dito ang suot na puting bestida na bahagya lang umabot hanggang sa ibaba ng mga tuhod nito. Sa bawat paggalaw nito ay hindi niya maiwasan na mapatingin sa bawat parte ng katawan nito.

Lumabas ang natural na ganda ng dalaga. Mula sa makinis na mga binti na hindi gaanong naitago ng bestidang suot nito at sa aral na kilos nito sa harap ng camera ay walang makapagsasabi na ito ang Dorothea na kilala niya.

Nang hindi sinasadyang mapalingon ito sa kaniya at magtama ang mga mata nila ay hindi niya mapigilan ang mabilis na pagkabog ng dibdib niya. Biglang naglaho ang mga tao sa paligid niya at tuluyan nang napako dito ang mga mata niya nang sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi nito.

Sa sandaling iyon ay alam niya na nakuha na siya nito ng tuluyan sa isang tingin lang nito.

Nagbago na ang isip niya. Binago ni Dorothea ang mga bagay na tumatakbo ngayon sa isip niya. Nakahanda na siyang gawin ang sinabi niya dito. Gagawin niya itong tunay na babae at alam niyang hindi niya pagsisisihan ang mga hakbang na gagawin niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.