“Sir,” naiilang na sambit ni Dorothea.
Katatapos lang ng shooting nila at nagulat siya ng bigla na lang siyang hilahin ni Miguel at dalhin sa medyo tagong bahagi ng isla.
“Sabi ko naman sa'yo 'di ba mas gusto kong tinatawag mo ako sa pangalan ko.”
Gulat na nag angat ng tingin si Dorothea nang marinig ang sinabi ng binata. Hindi makapaniwalang pinagmasdan niya ang seryosong mukha nito. Parang gusto nang sumabog ng puso niya habang nakatitig siya dito.
Sa loob ng ilang linggo na hindi niya ito nakita ay hindi niya akalain na makakaramdam siya ng ganoon na para bang gusto na niyang ihagis ang sarili kay Miguel at magkulong sa mainit na mga bisig nito.
Huminga siya ng malalim para kalmahin ang buong sistema niya na kanina pa nagwawala. Hindi na niya alam ang eksaktong nararamdaman niya dahil sa napakaraming emosyon na bumabalot ngayon sa kaniya. Kung mananatili pa siya sa lugar na iyon kasama ito ay baka magbago pa ang isip niya at huwag nang pakinggan ang utos ng ama na magresign bilang bodyguard ng binata.
“May gagawin pa kami, ipapadala ko na lang ang resignation letter ko—”
“Sa tingin mo ba papayagan na lang kitang magresign ng ganoon na lang?” parang mauubusan na ng pasensiya na turan nito.
Mariin ang pagsambit nito ng mga salita at mahahalata ang pagpipigil nito ng inis sa kaniya.
Nakagat niya ang mga labi at nag iwas ng tingin dito. Hindi niya kayang titigan ng matagal si Miguel dahil natatakot siya na mas lalo pang maging magulo ang isip niya. Habang tumatagal kasi ay mas lalong lumalakas ang epekto nito sa kaniya.
“Karapatan ko naman na magresign 'di ba? At sa tingin ko wala naman problema kung gawin ko iyon. Makakahanap din naman agad kayo ng kapalit ko.”
“Pero ikaw lang ang gusto ko!”
Namilog ang mga mata niya sa narinig. Hindi na lang yata ang pagwawala ang ginagawa ng puso niya dahil parang gusto na niyon tumambling palabas ng dibdib niya.
Tama ba ang narinig niya o baka naman naging assuming lang siya at iba pala ang ibig sabihin ni Miguel?
“My god! Hindi ko na alam kung anong ginagawa mo sa akin. Dati naman hindi tayo ganito, 'di ba? Hindi ko alam kung bakit simula nang makita kitang umiyak ay hindi na kita nagawang alisin pa sa isip ko. Sa bawat ginagawa ko hindi pwedeng hindi kita isipin. Sa bawat oras na lumilipas pakiramdam ko ay hindi ako buo kapag hindi kita kasama. Binabaliw mo ako, Thea, alam mo ba iyon? Pagkatapos ngayon sasabihin mo sa akin na aalis ka?”
“M-miguel…”
Marahas na napailing ito.
“Fine! Pwede kang magresign pero hindi ibig sabihin niyon ay pwede mo na rin akong alisin sa buhay mo.”
Halos magdugo na ang mga labi niya dahil sa mariing pagkagat niya doon. Nahihirapan na siyang huminga dahil sa biglang pagsikip ng dibdib niya. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pang sabihin ni Miguel ang mga iyon sa kaniya. Nababaliw na ba ito?
May posibilidad nga ba na magkagusto ito sa kaniya kahit alam naman nito na hindi siya katulad ng ibang tipikal na babae?
“Baliw ka!” asik niya.
Kanina pa sumasakit ang lalamunan niya dahil sa pagpipigil na pumalahaw ng iyak sa harapan nito. Nang mapansin ang paghakbang ng lalaki palapit sa kaniya ay gulat na napaatras siya.
Masyadong naging mabilis ang mga pangyayari at sa isang mabilis na pagkilos lang nito ay nagawa siya nitong hapitin sa baywang. Malakas na singhap ang pinakawalan niya nang sapuhin ng palad nito ang baba niya bago nito maingat na inangkin ang mga labi niya.
Nanlambot ang mga tuhod niya nang maramdaman ang pag angkin ni Miguel sa mga labi niya. Siguro ay napansin nito ang naging reaksiyon ng katawan niya dahil mas lalo pang humigpit ang pagyapos nito sa baywang niya na para bang gusto na siya nitong buhatin. Naramdaman niya ang pagpwersa ng mga labi nito na para bang pinipilit siyang tugunin ang halik nito.
Naikuyom niya ang isang palad na mariing nakakapit sa balikat ng binata. Tuluyan na nitong sinakop ang buong sistema niya. Sa bawat paggapang ng malakas na boltahe ng kuryente sa buong himaymay niya ay unti unti niyang natutunan kung paano tugunin ang matamis na mga halik ni Miguel.
May kung anong bahagi ng puso niya ang binuksan nito. Lumabas ang hindi mabilang na emosyon sa dibdib niya na alam niya na ngayon pa lang niya naramdaman at tanging ito lang ang maaaring makapagbigay sa kaniya.
Parehong habol nila ang paghinga nang masuyong pakawalan na nito ang mga labi niya. Nakatulalang tumitig lang siya sa napakagwapong mukha ni Miguel.
Parang may sumabog na confetti sa paligid nila nang ngitian siya nito. Sapat na sa kaniyang tingnan ang nangungusap na mga mata nito para maintindihan ito ng puso niya. Hindi na niya kailangan pa ng maraming salita.
Sa matamis na ngiti lang nito ay alam niyang pareho rin sila nang nararamdaman.