"Cut!"
Inunat ni Dorothea ang mga braso pagkatapos niyang marinig ang sinabi ng direktor. Kanina pa siya nangangalay dahil ilang beses siyang nagkamali sa unang eksena sa commercial kung saan kailangan niyang bumaba ng hagdan habang ipinapakita sa camera ang mahaba at makintab na buhok niya.
Kahit bago pa lang siya sa ginagawa ay hindi naman niya binigo ang mga kasama. Sa katunayan ay madalas pa siyang purihin ni direk Joy dahil kahit baguhan pa lang siya ay kayang kaya na raw niyang iproject ang sarili.
Hindi niya rin akalain na may ibubuga naman pala siya pagdating sa pagiging commercial model.
Dalawang commercial pa lang naman ang nagagawa niya at kontento naman siya sa kinalabasan ng mga iyon. Maayos rin naman ang kita. Kapag nagtuloy tuloy siya sa trabaho ay mas mapapabilis ang plano niyang pagnenegosyo ng computer shop.
"Thank you po." Nakangiting nagpasalamat siya sa direktor.
Ngumiti lang ito at tinapik siya sa balikat. Abala na ang lahat sa pagliligpit ng mga gamit kaya kumilos na rin siya at naglakad patungo sa kinaroroonan ni Selly.
"Uwi na tayo," sabi niya sa pinsan niya.
Nagpumilit itong sumama sa kaniya sa Maynila kahit sinabi niya na ilang araw lang naman siya mananatili doon. Mas mabuti na raw na may kasama siya at iginiit nito na handa itong maging assistant niya kahit walang bayad. Siyempre pa ay hindi naman siya papayag na walang makuha si Selly. Kahit na hindi ito tumatanggap ng pera ay palagi naman niya itong inililibre ng mga beauty products na ibinibigay ni Sammy.
"Selly?" tawag niya ng hindi siya nito pansinin. Nakadungaw ito sa labas ng bahay na pinagshootingan ng commercial. "Ano bang tinitingnan mo diyan?" marahang tinabig niya ito at siya naman ang dumungaw sa bintanang salamin.
Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Miguel sa labas. Nakasandal ito sa bumper ng kotse nito habang matiyagang naghihintay.
Nakita niya ang ibang mga kasamahan niyang modelo na kinikilig habang panay ang sulyap sa binata. Parang hindi naman apektado si Miguel sa atensiyon na nakukuha nito. Kahit siya ay parang gusto nang panlambutan ng mga tuhod habang pinagmamasdan ang kabuuan nito.
Fitted maong jeans ang suot nito na tinernuhan ng blue t-shirt na katulad ng jeans nito ay fitted din.
Mas lalo tuloy lumitaw ang magandang hubog ng mga braso at balikat nito. Brush up ang style ng buhok nito at mas lalong bumagay iyon sa pangahan na hugis ng mukha nito. Kapag ganoon na maliwanag at tirik pa ang araw ay mas lalong lumilitaw ang magandang kulay ng mga mata ni Miguel at iyon ang unang napapansin dito.
"Bakla, single pa naman ang mga kapatid ni papa Miguel 'di ba? Baka pwedeng sa akin na lang ang isa." Kagat labing sabi ni Selly sa kaniya.
Kahit halos mabingi na siya sa malakas na pagkabog ng dibdib niya ay hindi niya maiwasan na matawa sa narinig.
"Sige na, una ka na. May lakad pa yata kayo 'eh. Kaya ko naman umuwing mag isa." Turan pa nito.
Sa tiyahin ni Selly -sa side ng ina-sila pansamantalang nakikituloy habang nasa Maynila sila. Nag offer si Miguel na patuluyin sila sa mansiyon ng pamilya nito o kaya ay sa hotel pero naging mariin ang pagtanggi niya.
Kahit na nagkaroon na sila ng mutual understanding -na kung tawagin ni Selly ay wala pang label na relasyon-ay hindi pa rin niya magagawang tumanggap ng kahit anong tulong mula sa binata.
Kinuha ni Selly mula sa kaniya ang dala niyang malaking bag. Tanging ang black sling bag ang dinala niya at nagmamadaling lumabas na siya ng bahay na siyang ginamit na location para sa commercial. Nang makita siya ni Miguel ay kumaway ito at nakangiting lumapit sa kaniya.
Kusang pumikit ang mga mata niya at hinayaan ang sariling magpatangay sa malakas na epekto nang pagdidikit ng mga balat nila. Pumaikot ang kamay nito sa baywang niya at masuyong dinampian nito ng magaang halik ang noo niya.
Alam niyang maraming nakakita sa ginawa nito pero hindi na iyon importante pa sa kaniya. Daig pa niya ang lumipad patungo sa ibang dimensiyon nang ipaloob ni Miguel ang mainit na mga palad nito sa magkabilang pisngi niya.
"B-bakit nandito ka? Akala ko ba busy ka kaya hindi ka makakaluwas?" pigil ang paghingang tanong niya sa binata.
Hindi niya alam kung matatagalan ba siyang salubungin ng tingin ang magandang pares ng mga mata nito. Pakiramdam kasi niya ay nasisilaw siya.
"Hindi ka ba masaya na nandito na ako?" kumibot ang mga labi nito at mas lalo pa siyang tinitigan na para bang pinag aaralan nito ang bawat parte ng mukha niya.
Oh please!
Kung patuloy siya nitong pagmamasdan ay baka tuluyan nang sumabog ang puso niya dahil sa matinding tuwa.
"Hindi ko naman po sinabi na hindi ako masaya, baka lang kasi maistorbo kita, boss," pinalobo niya ang mga pisngi matapos niyang banggitin ang huling salita na alam niya na ayaw na nitong marinig mula sa kaniya.
"Do that again and I'll kiss you." May halo nang pagbabanta ang tinig na saad nito.
"D-dito?" dahan dahan siyang napalunok nang maalala ang unang beses na hinalikan siya nito.
"Yes, right here, right now. At sigurado akong hinding hindi mo ulit makakalimutan iyon."
"Fine, sorry." Namumula ang mga pisnging pagsuko niya.
Muli na naman itong ngumiti na nagpalitaw sa pantay at maputing mga ngipin nito. Kung pumasa siyang commercial model ng shampoo dahil sa magandang buhok niya ay siguradong papasa naman si Miguel na modelo ng toothpaste dahil sa magandang ngiti nito.
"Good girl," anito at masuyong tinapik ang ibabaw ng ulo niya.
"Ginawa mo naman akong bata,"
"But you're still a baby, my baby."
Parang yelong natunaw ang puso niya nang dampian nito ng halik ang likod ng palad niya.
"So, let's go?"
"Ha? Saan?" nalilitong tanong niya.
Hindi na ito umimik pa at marahang hinila lang siya patungo sa kotse nito.
Syeeet! Ngayon na ba ang first date nila?