“Ang ganda!” namamanghang bulalas ni Dorothea habang inililibot niya ang mga mata sa loob ng townhouse na nabili daw ni Miguel noong nakaraang buwan.
Tumanggi siya nang sabihin nito na sa isang mamahaling restaurant sila pupunta kaya nagpasiya ito na dalhin na lang siya doon. Hindi naman ganoon kalaki ang bahay pero komportableng sa mga mata ang light green na pintura ng pader sa sala at kusina.
Mahilig siyang magluto dahil iyon naman ang gawain niya simula noong bata pa siya kaya nagustuhan niya ang mga gamit sa kusina. Kung titira siguro siya sa ganoong bahay ay baka palagi lang siyang tumambay sa kusina para magluto.
Mabilis ang mga hakbang na tinungo niya ang kinaroroonan ng malaking ref para tingnan ang laman niyon. Nanlaki ang mga mata niya nang tumambad sa kaniya ang napakaraming mga pagkain. Mukhang may balak ang binata na magtagal sa Maynila dahil sa dami ng mga pagkain doon.
“Masyado lang naging OA si manang kaya ganiyan karami ang mga pinamili niya nang utusan ko siyang maggrocery kahapon.” Sabi ni Miguel na nakatayo sa likuran niya. Ang tinutukoy nitong manang ay ang siyang katiwala nito sa nabiling townhouse.
Nakagat niya ang mga labi nang maramdaman ang presensiya ng binata sa likod niya. Sa bawat pagdampi ng mainit na hininga nito sa batok niya ay hindi niya mapigilan ang pagpikit ng mga mata. Nang maramdaman ang marahang pagyapos ng mga braso nito sa baywang niya ay nangingiting pumihit siya paharap sa direksiyon nito.
Para siyang isang baso ng ice cream na habang tumatagal ay natutunaw habang nakatitig siya sa nangungusap na mga mata nito. Natigilan siya nang makita niya ang matinding pagod at antok sa mga mata nito kaya napapalatak siya at pinalo ito ng mahina sa braso.
“Aw!” gulat na hinaplos nito ang nasaktang braso. Pinigilan niya ang matawa nang makita ang reaksiyon ng binata. Kahit naman pala nagagawa na niyang baguhin ang sarili ay may mga pagkakataon pa rin na lumalabas ang pagiging boyish niya.
“Hindi ka na lang sana lumuwas, nakikita mo ba ang sarili mo Mr. Mondemar?” sermon niya.
Kahit naman masaya siya na makasama ito at sinundo pa nga siya nito sa shooting ng commercial niya kanina ay hindi pa rin niya maiwasan na makonsensiya. Alam kasi niya na palaging busy ang lalaki at siguradong wala pa itong maayos na pahinga mula ng umalis sa bayan nila.
“Gwapo pa rin naman ako 'di ba?” anito.
Nanlaki ang mga mata niya nang pangkuhin siya nito at maingat na iniupo sa kitchen counter.
“Miguel!” napahawak siya sa magkabilang balikat nito dahil sa labis na pagkabigla.
“What?” ngumiti lang ito bago nasasabik na pinaulanan ng munting halik ang bawat bahagi ng mukha niya.
Naipikit niya ang mga mata nang maramdaman ang pagdampi ng mainit na mga labi nito sa gitna ng noo niya pababa sa tungki ng ilong niya. Punong puno nang pag iingat ang mga kilos nito na para bang isa siyang mababasaging bagay na kailangan nitong ingatan.
Naramdaman niya ang pamumuo ng init sa dibdib niya nang umangat ang mga palad nito at masuyong hinaplos ang magkabilang pisngi niya. Sa isang iglap ay biglang bumagal ang paghinga niya. Nakakawala ng katinuan ang bawat pagdampi ng mga palad ni Miguel sa balat niya.
Kusang kumilos ang kamay niya at hinila ang kwelyo ng damit nito. Nanlaki ang mga mata nito nang maglapit ang mga mukha nila. Sa isang maling kilos lang ay siguradong maglalapat na ang mga labi nilang dalawa na siyang gusto niyang mangyari.
Nakakalasing ang kakaibang emosyon na ipinaparamdam ng binata sa kaniya. Sa simpleng pagdantay lang ng palad nito sa balat niya ay parang gusto nang mag apoy ng buong katawan niya.
“Kiss me,” mahinang anas ni Miguel habang nakatitig ito sa mga labi niya. Napalunok siya at mabagal na tumango. Iniyapos nito ang mga kamay niya sa batok nito at mas lalo pa siyang hinapit palapit sa katawan nito. “Now.”
Nangangatal ang katawan niya dahil sa matinding emosyon na bumabalot sa kaniya. Hindi iyon ang unang beses na mahahalikan siya nito pero hindi pa rin niya magawang masanay. Dahan dahan niyang inilapit ang mga labi dito pero hindi niya naituloy pa ang gagawin dahil nakarinig siya ng malakas na tili at pagkahulog ng kung anong bagay sa sahig.
“Ay diyos ko po!"
“Manang!”
Sa pagkabigla ay malakas na naitulak niya ang lalaki. Nagmamadaling tumayo siya at nag iwas ng tingin sa matandang babae na kararating lang. Ang dala nitong malaking plastic bag na may lamang mga gulay ay nagkalat na sa sahig dahil nabitawan nito iyon.
“Pasensiya na sir, hindi ko alam na maaga kang uuwi ngayon at kasama mo pa ang—”
Hindi na niya narinig pa ang ibang sinasabi ng matanda dahil nakayukong tumakbo na siya at basta na lang iniwan ang mga ito sa kusina. May nakita siyang pinto sa bandang dulo ng sala kaya nagpasiya siyang pumasok sa loob niyon.
Namilog ang mga mata niya nang tumambad sa kaniya ang napakaraming mga painting na nakasabit sa bawat sulok ng kwarto. Mini office pala iyon ng binata. Namangha siya nang makita ang magandang painting ng isang babae na halos kaedad lang niya na kahawig ni donya Leticia.
Pamilyar sa kaniya ang kwintas ng babae sa painting dahil madalas niyang nakikita iyon na suot ng donya. Pinagmasdan niya ang painting at nang masiguro na ang donya nga iyon ay tiningnan naman niya ang initial ng pintor na nakalagay sa ibaba ng painting.
“MM?” awtomatikong kumunot ang mga noo niya.
Hindi naman siya mahilig sa arts kaya hindi rin niya kilala kung sino ang pintor na iyon. Pero nang tingnan niya isa-isa ang mga painting na naroon at mapansin na karamihan sa mga subject ay mga magagandang lugar sa bayan ng Mondemar ay napaisip siya. Sakto naman na bumukas ang pinto at iniluwa niyon si Miguel.
MM? as in Miguelito Jose Mondemar?
“Ikaw si MM?” gulat na nasambit niya at nagpalipat lipat ang tingin sa binata at sa mga painting.
Bumakas ang pagkabigla sa mga mata nito bago naaaliw na pinagmasdan siya. Natatawang lumapit ito sa kaniya at hinapit siya sa baywang. Hindi pa rin makapaniwala na tumitig siya dito.
Sa halos isang taon na pagiging bodyguard ni Miguel ay hindi niya naisip na marunong pala itong magpinta. Hindi lang ito basta marunong dahil talagang mahusay ito. Buhay na buhay ang mga guhit nito.
“Miguel,” mahinang saway niya nang yakapin lang siya nito ng mahigpit at kontentong ibinaon nito ang mukha sa leeg niya.
“Hmmm?”
Napabuntong hininga siya at masuyong hinaplos ang likod nito. Narinig niya ang marahas na pagpakawala nito ng malalim na hininga.
“Bakit hindi mo ituloy ang pagpipinta?” curious na tanong niya.
Nag angat ito ng tingin at mataman siyang pinagmasdan.
“Hobby ko lang naman ang painting at isa pa wala na akong time dahil sa sobrang busy ko.”
“Sayang naman,” malungkot na ngumiti siya.
Minsan na nabanggit sa kaniya ng ama na magaling gumuhit ang kaniyang ina at pangarap daw nitong maging magaling na pintor. Sayang nga lang at wala kahit isa sa kanilang magkakapatid ang nakakuha ng talent ng nanay niya.
“Hindi naman sayang dahil ang mga importanteng tao o lugar lang naman ang ipinipinta ko.” nakangiting pinisil nito ang tungki ng ilong niya. “Gusto mo ba ipinta kita?”
Umawang ang mga labi niya at hindi makapaniwalang tumitig sa maamong mukha ng binata. Nang masiguro na seryoso nga ito ay mabilis ang ginawa niyang pagtango.
“Game!” excited na sabi pa niya.