“Fishball!” halos halikan na ni Dorothea ang bintana ng kotse nang matanawan niya mula sa labas ang mga nakahilerang sidewalk vendor. Natuon ang atensiyon niya sa kariton ng matandang lalaking tindero ng fishball.
“Baby?”
Hindi niya pinansin si Miguel kahit narinig niyang tinawag siya nito. Takam na takam siya sa mga pagkaing nakikita niya sa labas. Mabuti na lang at traffic at saktong tumigil ang sasakyan sa katapat ng mga nagtitinda ng mga pagkain.
“Baby? may problema ba?” tanong ni Miguel. Hinawakan siya nito sa balikat para kunin ang atensiyon niya.
“Gusto ko ng fishball!” kagat labing sabi niya sa binata.Narinig niya ang mahinang pagtawa nito. “Pero malapit na tayo sa restaurant,” anito.
Kadarating lang nila ng Maynila. May inalok ulit na trabaho sa kaniya si Sammy at hindi naman pumayag si Miguel na hindi siya nito samahan. Ang gusto nito ay kumain sila sa paborito nitong Italian restaurant at hindi naman siya makatanggi noong una sa request nito.
“Hindi naman ako kakain ng marami, please? please?” niyakap niya ang mga kamay sa braso nito at nagsusumamong tiningnan ito. “Please?” muli ay ungot niya. Napailing na lang ito nagpasiyang maghanap ng pwedeng pagparadahan ng sasakyan.
Pagkababa ng kotse ay patakbong lumapit pa siya sa fishball stand at agad na kumuha ng isang stick. Narinig niya ang pagsinghap ng ilang estudyanteng naroon habang nakatingin ang mga ito sa likuran niya. Nakatitig ang mga ito kay Miguel habang kinikilig na nagbubulungan. Napailing na lang siya at binigyan ng isang stick ang binata.
“Masarap ito,” aniya at tumusok ng fishball na bagong luto at nakasalin sa malaking tray. Isinawsaw niya iyon sa suka at akmang isusubo dito nang marinig niyang magsalita ang mamang tindero ng fishball.
“`Neng, parang hindi sanay kumain ng fishball ang boyfriend mo.”
Natawa siya sa narinig. “Oo nga po, kaya sinasanay ko,”
Kitang kita niya ang panlalaki ng mga mata ng mga naroon habang nakatitig kay Miguel. Kung nagkataon na hindi niya kilala ang lalaki ay magugulat din siya dahil nga hindi bagay dito ang tumambay sa ganoong lugar. Maliban sa hindi talaga ito mukhang pinoy ay naka business attire pa ito. Sa kilos ay mahahalata na agad na hindi ito isang ordinaryong tao na kagaya nila.
“Kain na,” aniya at iniumang sa bibig ni Miguel ang fishball na isinubo naman nito. Natunaw na parang yelo ang puso niya nang makita ang pagrehistro ng katuwaan sa gwapong mukha nito. “Masarap?”
Magkakasunod na tango ang naging tugon nito sa kaniya. Ilang sandali pa ay magkasabay na silang kumakain. Hindi lang fishball ang tinikman nito dahil kahit ang kikiam ay hindi nito pinalampas. Pati sa mga katabing stand ay kumain din sila. Iyon ang unang beses na tumikim ng street foods ang binata at alam niyang nasiyahan ito.
Dahil naparami ang kain ay hindi na sila nakakain pa sa restaurant. Nabusog na sila sa mga pagkaing binili sa sidewalk. Bandang alas tres ng hapon ay umorder na lang sila ng heavy meal sa isang fast food dahil alam daw nitong hindi siya sanay na hindi kumain ng kanin.
Pero pagsapit ng gabi ay naging problema nila ang pananakit ng tiyan Miguel. Epekto marahil iyon ng mga kinain ng binata kaninang tanghali. Nanibago daw ang sikmura nito sa mga kinain nito kaya ito nagkaLBM. Hindi na tuloy siya nakauwi sa tinutuluyan nila ni Selly dahil hindi naman niya ito maiwan.
Alam niyang kasalanan niya kung bakit ito nagkaganoon kaya hindi siya umalis sa tabi nito. Habang nakahiga siya sa kama ay nararamdaman niya na maya’t maya itong tumatayo para magpunta sa banyo. Mas matagal pa nga ang inilagi nito sa banyo kaysa sa kama.
Gusto niyang sipain ang sarili dahil alam naman niya na kasalanan niya ang nangyari dito. Kung hindi niya ito pinilit kanina na kumain ng mga pagkain na hindi naman ito sanay ay hindi magkakasakit ang lalaki. Parusa kaya ang LBM.
Muling bumangon si Miguel sa kama at nagtungo sa banyo. Mahigit limang minuto na ito doon nang bumangon siya at binitbit ang malaking unan at makapal na comforter. Nang buksan niya ang pinto ng banyo ay nakita niya ang binata na tutop ang sikmura at parang naduduwal habang nakatungo sa sink.
Nagulat ito nang makita siya.
“Hey!” nagtatakang nagpalipat lipat ang tingin nito sa kaniya at sa dala niyang unan at comforter. Naaawang ngumiti siya sa binata.
“Dito na lang ako, sasamahan na lang kita dito.”
Tuyo naman ang malaking bathtub kaya pwede siyang matulog doon habang binabantayan niya ang pasyente niya. Lumapit siya sa bathtub at inilatag doon ang mga dala niyang unan at comforter.
“Diyan ka talaga matutulog?” hindi makapaniwalang tiningnan siya nito nang mahiga siya sa bathtub.
“Opo, at dito ka rin matutulog,” aniya at ibinuka ang mga bisig. Bumaha ang matinding relief at kasiyahan sa maputlang mukha nito at lumapit na sa kaniya. Niyakap niya ito at kontentong ibinaon naman nito ang mukha sa dibdib niya.
Panay ang ungol nito sa tuwing sumasakit ang tiyan nito. Pagsapit ng alas kuwatro ng madaling araw ay tuluyan nang naging komportable ang pagtulog nito habang nasa mga bisig niya ito. Naroon pa rin sila sa bathtub at wala na yata itong balak na bumalik sa kama nila dahil naging maayos at mahimbing na ang tulog nito.